Mabilis akong sumubo ng pagkain at umiwas ng tingin nang lumingon na si Chaeus. Napansin siguro nito ang paninitig ko sa kanya. Kung gusto niya ako, paano na si Lailani? Mahal pa rin niya ba ang babae? Normal rin ba na dalawa ang magustuhan? Wala lang, biglang naisipan ko lamang.
“I'm done. Since wala namang pasok at puyat pa ako, matutulog ako ulit.” anunsyo kong tumayo na, ini-atras ang upuan upang umalis na sana.
Pagak na tumawa si Daddy. Ang bilis magbago ng mood niya. Lumabas siya kanina. Sinagot niya lang naman ang tawag sa phone kanina matapos ng tensyon ng mag-ina. Malamang ay nagbilad siya sa araw. Tumatagaktak na ang pawis niya sa noo at mukha. Ilang minuto lang siyang nawala ah. Narinig yata ang sinabi ko sa kanila.
“Tama iyan anak, matulog ka pa tutal wala ka namang pasok para lumaki ka agad.” akbay na ni Daddy sa akin.
“Dad, ang lagkit mo naman!” alis ko ng braso niya sa aking balikat, kainis.
“Ang arte mong bata ka. Hindi ka pa rin naman naliligo.” iling lang nito.
“Maupo ka na ulit, Mateo at ituloy ang pagkain.” si Azalea na bigla na doong sumigla, kanina para siyang nalanta.
Kinuhang pagkakataon ito ni Chaeus. Tumayo na rin siya at nagpaalam. Ako naman ay umalis na pero agad na natigilan ng marinig ko na siya.
“Good morning, Tito. Tapos na rin po akong kumain. Magre-ready na ako at pupunta ako ngayon sa site ng resto.”
“O sige, hijo. Mag-iingat ka.”
Awtomatiko akong tumigil. Humarap muli sa dereksyon ng kusina. Hinintay na lumabas si Chaeus ng pintuan. Ayoko kayang maburo dito buong araw. Nagbago na ang isip ko. Sa halip na matulog ay sasama ako.
“Pupunta ka ngayon ng site, Chaeus?” masigla ang boses na tanong ko.
Napa-preno siya nang makita niya akong naroon pa at hinihintay siya.
“Oo, bakit mo naman natanong?”
“Sasama ako sa'yo. Hintayin mo ako sa labas. Mabilis akong gagayak. Hindi ka pwedeng tumanggi sa akin. Malalagot ka oras na iwan mo ako.” puno ng pagbabantang litanya ko.
Bago siya makapagsalita ay mabilis na akong tumakbo patungong silid ko upang gumayak. Alam kong mabilis lang siyang maligo kaya bibilisan ko rin para hindi niya ako maiwan. Hindi naman mamasamain nina Daddy at Azalea kung sasama ako. Sasaya pa sila sa isiping nagkakasundo na kami.
“Hilary, sa sunod ka na lang sa akin sumama.” narinig kong wika niya sa labas ng kwarto, aba sinundan niya pa talaga ako para sabihin lang ito. “Matulog ka na lang muna ngayong araw. May iba pa akong lakad at hindi ka pwedeng sumama. Mabo-bored ka lang din doon dahil may mga taong important na pupunta. Maliwanag ba? Next time ka na lang sumama.”
Hindi ko siya pinansin. Naligo pa rin ako at nagbihis sa kabila ng hindi niya pagpayag sa gusto kong gawin. Sa aming dalawa ako dapat ang masunod. Sa gusto kong sumama, bakit pinagbabawalan niya ako, aber? Magmamatigas ako. Ako ang batas!
“Anong ginagawa mo dito, Hilary?” halos magbuhol ang mga kilay niya paglabas ng bahay at naabutan ako sa labas ng kotse at hinihintay siya.
“Ano pa ba? Sasama ako sa'yo. Hindi ba sinabi ko kaninang sasama ako sa site? Kapag sinabi ko, ginagawa ko.”
Agad napasapok si Chaeus sa noo. Akala niya siguro ay makikinig ako porket nakiusap siya sa akin kanina.
“Hindi mo ba ako narinig? Sinundan kita kanina para sabihing sa sunod—”
“You did? Naku, sorry. Wala akong narinig. Paano iyan? Sayang naman ang bihis ko kung hindi mo sasama. Isama mo ako. Wala ka ng choice.”
Napakamot na lang sa ulo si Chaeus. Ang cute niya lang sa part na iyon. Alam niyang kahit makipagtalo sa akin ay hindi pa rin ako matitinag.
“Sige na. Sama na. Ano pa nga bang magagawa ko? Get inside the car.”
Walang pagsidlan sa saya ang puso ko nang pumasok ako ng sasakyan. Ang gaan lang sa pakiramdam nito. Ibinibigay niya sa akin ang gusto ko. Malamang, wala naman siyang ibang choice. Isang sumbong ko lang eh.
“But please, mag-behave ka ha? May site visit ang mga investors ko today. Hindi ka pwedeng magpapasaway. Hindi ka rin pwedeng gumala-gala.”
Ang dami naman niyang condition. Mukha pa ba akong batang paslit? Malaki na ako. Napagsasabihan na.
“Doon ako tatambay sa coffee shop.” mungkahi ko para hindi niya isipin na plano ko lang sirain ang araw na ito.
“Sige. Mabuti pa nga iyong doon ka tumambay keysa ma-left behind kita.”
Napuno ng paghanga ang mga mata ko pagdating namin ng site at nakita ko na buo na iyon. Kaunting-kaunti na lang na trabaho at matatapos na. Dati ay halos kalansay at lupa pa, ngayon ay kitang-kita na ang design ng resto. Hubad pa iyon dahil pinipinturahan pa lang. Interior design na lang rin ng resto ang kulang, pwede ng buksan.
“Congrats, Chaeus. Malapit na palang matapos? Wow! Ang bilis naman.”
Parang kailan lang ay panay pa ang complain nito about a contractor. Ngayon, kaunti na lang matatapos na. Matutupad na ang pangarap niya. Invited kaya ako sa mismong opening? Syempre, kapag hindi ay pupunta pa rin ako. Wala siyang magagawa. Stepsister niya ako.
“Thanks a lot, Hilary.” pormal niyang sagot na proud na proud ang mata.
Kagaya ng aming napag-usapan ay sa cafe ako tumambay. Sa table na pinuwestuhan ko mismo noong unang sumama ako rito sa kanya. Kaharap ang smoothie at slice ng cake. Abot-tanaw ko pa rin naman siya kahit medyo malabo. Maya-maya pa ay marami na ang mga taong nagsidating. Akala ko iilan lang, pero marami ang bilang nila. Iyon na ata ang mga investors na magto-tour sa resto niya ngayon. Lihim na ngumiti ako. Biglang naging proud sa kanya.
“Hay, ano ba iyan? Mas lalo ko pa siya ngayong nagustuhan.” nguso kong binuhat na ang smoothie.
Medyo matagal ang paghihintay na ginawa ko ngayon kumpara noon. Dito ko na-gets kung bakit ayaw sana niya akong isama. Matatagalan siya. Pero mapilit ako kaya magdusa ako. Worth it naman ang paghihintay ko. Paniguradong babawi siya mamaya.
“Tara na, Hilary.”
Napaangat ang paningin ko nang di ko namalayang nasa harapan ko na nakatayo si Chaeus. Masyado akong nalibang kaka-scroll sa social media. Doon ko naisipang ibaling ang atensyon ko kanina nang ma-bored ako sa pagtanaw lang sa resto niya.
“Saan na tayo? Uuwi na ba?” tayong kong inayos na ang sarili.
“Hindi pa. Kakain lang tayo ng lunch. May pagme-meetingan pa kami. This is the reason kaya ayaw kitang isa—”
“Lunch?”
Kailangan ko na siyang patahimikin. Pinagtitinginan na kami ng mga tao. Pasimple akong yumuko. Nahihiya na. Mukha kasi kaming may love quarrels ni Chaeus. Alas tres na rin iyon pagtingin ko sa pangbisig na relo. Ganunpaman ay hindi ko na nakuhang magreklamo. Ayos lang ako. Hindi rin naman ako gutom dahil marami rin akong kinain kanina.
“Ah, sige na. Tara na. Huwag mo na akong pagalitan. Nangyari na eh! Wala ng magbabago kahit bulyawan mo ako. Isinama mo pa rin ako dito.”
Magkasabay na kaming lumabas ng coffee shop. Kita kong na-speechless siya sa mga sinabi ko. Magsisisi pa ay isinama niya pa rin naman ako. Mauubos lang ang energy niya dito.
“Ito ang reason kaya ayaw sana kitang isama kanina.” tuloy niya sa linya niyang pinutol ko kanina. “Mapilit ka naman kaya magtiis ka.”
“Ayos lang naman sa akin, Chaeus. Hindi naman ako nagrereklamo ah? May narinig ka bang nag-iinarte ako?”
“Really? Are you sure na ayos ka lang?” nang-aasar na ang tono noon.
“Hmmn, as you can see. Hindi rin ako bored. Ayos lang sa akin ang lahat.”
As if namang may ibang choice ako. Wala rin naman akong karapatang magwala. Ginusto ko, panindigan ko.
Akala ko ay kaming dalawa lang ang kakain. Pero pagdating namin doon sa mismong resto ay may kasama pa pala kaming iba. Akala ko pa naman ay masosolo ko siya. Hindi rin pala.
“Hilary, meet my best friend Vaughn.” pakilala niya sa akin sa lalakeng sa tingin ko ay halos ka-edad ni Chaeus. “Vaughn, si Hilary pala, kapatid ko.”
Best friend?
Bakit niya ipapakilala ang best friend niya sa akin? Teka, pamilyar siya. Ah, siya yata iyong kasama ni Chaeus sa araw ng kasal ni Daddy at Azalea. Oo nga, tama. Kaya ata parang pamilyar.
“Hi...” kaway ko ng kamay, ngumiti pa ako ng pagkatamis-tamis sa kanya.
Gulantang ang emosyon sa mukha niya. Hindi niya rin ako binati pabalik. Nagpabalik-balik ang mga mata ng lalakeng iyon sa aming dalawa ni Tukmol. Alam kong may iba siyang nais ipahiwatig. Bukod sa nagulat ay halata rin na kilalang-kilala ako nito. Nababanggit siguro ako ni Chaeus.
“Dude—”
“Maupo ka na kung gusto mong sumabay sa aming kumain.” agad na putol ni Chaeus sa sasabihin nito.
Wala itong nagawa kung hindi maupo na lang matapos titigan ito ni Chaeus. Hindi na ito pumalag pero iyong mata niya sobrang dami ng katanungan.
Guni-guni ko lang ba ang nakitang pagbabanta ng Tukmol sa kaibigan?
Anong meron? Bakit takot siya kay Chaeus at gulat na makita ako? Alam niya kaya ang nadarama ni Tukmol? Nakaka-intriga ang pagkatao niya.
“Mag-order ka na, Hilary.”
“Okay, ako na ang pipili ng pagkain.”
Ipinagkibit-balikat ko na ang hindi ko ma-explain na panaka-nakang titig ng kaibigan ni Chaeus. Hindi na rin ako nagtanong kahit nangangati na ang dila kong gawin iyon. Nakakahiya. Baka mamaya ay mali ang iniisip ko. Tamang hinala lamang ako sa wala.