Saglit akong nanigas at napayakap sa sarili paglabas ko ng gate ng campus. Nanindig na ang mga balahibo ko. Sleeveless pa naman ang suot ko. Sinalubong lang naman ako ng malamig na ihip ng hangin na samahan pang galing iyon ng dagat. Doon ko pa lang naalalang nakalimutan ang cardigan na kunin sa bag ni Shanael. Ayoko naman ng bumalik sa loob. Baka matagalan pa ako, tiyak maiinip na si Chaeus sa paghihintay.
Sa sarili mismong covered court ng aming school ginanap ang party, sa may bandang likod iyon malapit sa principal office kaya medyo tago ito sa hangin. Sa banda doon ay hindi dama. Idagdag pa na pinagpawisan kami kakasayaw at marami ang student sa loob kaya mainit. At ngayong nakalabas na ako, nanunuot ito sa aking buto.
Nagpalinga-linga na ako sa mga naka-park na kotse. Hinahanap ang pamilyar na sasakyan. Hindi naman ako nahirapan sa paghahanap. Kinuha ni Chaeus ang atensyon ko sa pagtaas ng kanyang isang kamay hindi kalayuan sa aking banda. Nasa labas siya ng kotse. Gaya ng nakasanayan ay nakasandal siya sa pintuan. Madilim doon banda kaya hindi ko maaninag ang mukha niya pero memoryado ko ang bulto niya.
Lumapad pa ang ngiti ko kahit na hindi ko sure kung malinaw ito sa paningin niya. Matapos ayusin ang ilang takas na buhok sa mukha at ilagay iyon sa gilid ng tainga ay pino ang galaw na humakbang na ako. Puno ito ng pag-iingat.
“Akala ko ba hanggang hatinggabi lang? Malapit ng mag-ala una.” pambungad niya pagkalapit ko.
“Palagi namang ganun ang nangyayari kapag may mga event sa school. Nag-e-extended ang oras sa totoong oras na unang sinabi nila. Ang tawag doon ay Filipino time.” humagikhik ako ng mahina.
Ginawa ko iyon para pagtakpan pa ang kabang hindi ko na maipaliwanag kung saan nagmumula. Umikot na ako patungo sa shotgun seat para pumasok sa loob ng kotse. Baka manigas na ako sa lamig dahil lalong lumamig ang ihip ng hangin.
Nanatili siyang tahimik. Wala na akong narinig na reklamo. Kahit naman magbunganga siya, wala na rin naman siyang magagawa. Ganun talaga eh.
“Wala rin naman kaming pasok bukas kaya baka sinusulit na rin nila. Once a year lang din iyon.” patuloy na paliwanag ko habang nagkakabit ng seatbelt, pumasok na rin siya sa driver seat.
Nanatili siyang walang imik.
Galit ba siya? Bakit naman siya magagalit?
“Mga ganyang edad niyo, dapat hindi kayo nagpupuyat para mas mabilis kayong lumaki. Dapat alam iyon ng mga teachers niyo eh.”
Hay naku, napaka-old fashioned talaga. Paano ba ako mag-e-explain sa kanya na mage-gets niya? Ganito talaga siguro kapag ang layo ng age gap. Saka parang hindi naman niya napagdaanan ang ganitong mga events. Dito naman din siya sa Pinas nag-aral at hindi naman sa New Jersey. Mukhang nakalimutan na niya yata ang feels sa sobrang tagal na. O baka naman di siya sumasali.
“Heto na nga oh, uuwi na nga ako ngayon. Pwede namang bumawi ng tulog bukas na maghapon eh.” hindi ko napigilang mangatwiran na sa kanya.
Ilang segundo niya akong tinitigan. Halata sa mga mata niya na mayroon na naman siyang papansinin. Jusmiyo, mas mahigpit pa siya kay Dad. Oo na, medyo revealing ang suot kong damit. I mean naming magkakaibigan pero sino ang pupunta ng party na naka-long sleeve di ba? Kung hindi ko lang naman nalimutan kunin ang cardigan na dala kanina hindi naman masagwa.
“Wala ka man lang dalang cardigan? Hindi ka man lang ba nilalamig sa ganyang suot mo, Hilary?” sa tono niya ay parang sobrang disappointed siya.
Sabi ko na eh, may puna na naman ang Tukmol. Ngumuso na ako at nag-make face sa kanya.
“Mayroon. Naiwan ko lang sa bag ni Shanael. Hindi ko na kinuha. Nasa dance floor eh, sumasayaw. Saka nasa labas na ako ng maalala. Kung pupuntahan ko naman siya para kunin ay baka hindi pa ako nakakalabas ngayon dahil sa kilala mo ang mga iyon. Hindi ako papaalisin hangga't naroon sila. Dapat sabay-sabay kaming uuwi dahil magkakasabay rin kaming pumunta.”
Sapat naman na sigurong explanation ko iyon.
Walang imik itong may kinuha sa likod ng kotse. Magaang ipinatong niya sa hita ko ang extra jacket. Sure akong sinadya niyang dalhin iyon.
Napaka-gentle naman. Pinapahulog niya ako lalo.
“Mabuti na lang nagdala ako ng extra. Sabi ko na eh, may tendency na wala kang dala man lang.”
Gusto kong umapela at igiit na may dala ako, kaso wala rin naman akong mapapala sa kanya. Mabuti na iyong manahimik na lang ako sa gilid.
“Magkakasakit ka sa ginagawa mo eh. Iba pa naman ang lamig ngayong panahon. Sobra.”
Sa mga sinabi niya ay kinilig na ang musmos kong puso. Syempre, ang sarap mahalin ng lalakeng malalahanin dahil alam mong kaya kang alagaan.
“Ayos lang naman. Saka hindi na rin malamig kapag narito na sa loob ng sasakyan.” kyeme kong sagot, syempre dapat medyo hard-to-get.
“Suotin mo na.” utos niya ng nagsuot na ng seatbelt, iniiwas ang seryosong mata sa akin.
Lihim na naglulundag ang puso ko. Galak na galak.
“S-Salamat, Chaeus.” halos mapunit na ang labi ko sa pagngiti, dinampot na ang jacket sa lap.
Nilingon niya ako. Panandalian siyang natigilan habang ang mata ay nakatuon pa rin sa akin. Titig na titig iyon sa aking mukha lalo na sa labi kong hindi naman sobra ang pula. Natanggal na nga ang lipstick kong iba kanina kakalamon. Sa ginagawa niya ay hindi mapigilang tumibok nang malakas at mabilis ng puso ko. Nagwawala na. Naghuhuramentado ito at parang lalabas na.
“T-Tara na?” pukaw ko sa pagkatulala niya na mabilis ko ng sinuot ang jacket na ibinigay.
Actually, hindi naman na talaga ako nalalamigan. Sobrang init ngayon ang nararamdaman ko at parang kakapusin pa ng hininga. Grabe kasi kung makatitig ang Tukmol. Hindi naman ako hubad.
“Aww, aray!” daing ko nang hindi sinasadyang sumabit ang kwintas sa manggas ng jacket.
Ayan, tatanga-tanga ka talaga Hilary! Madali pa.
Nilingon na ako ni Chaeus gamit ang mga matang nagtataka. Kakabuhay pa lang niya ng makina ng sasakyan. Parang kawawa ng hinarap ko siya. Pinalamlam ko ang mga mata. Body language ko iyon na taimtim na humihingi ako ng tulong dito.
“Chaeus, sumabit iyong—”
“Talikod ka, aayusin ko. Huwag mong hilahin at baka maputol. Galing pa iyan sa Mommy mo di ba? Iiyakan mo iyan kung masisira mo ngayon.”
I'm not sure kung ako ba ang nagsabi sa kanya na galing iyon sa Mommy ko para malaman niya. Wala naman akong natatandaan. Ganunpaman ay hindi ko na iyon unang inisip. Ang importante ngayon ay ang matanggal ito para makahinga na ako nang maluwag. Mabilis akong tumalikod sa kanya. Nananalangin na sana ay huwag masira. Tama siya, ito na lang ang alaalang mayroon ako kay Mommy. Kung masisira ay tiyak na iiyakan.
“Saglit lang ito. Huwag kang magalaw.”
Hinawakan niya ang nanlalagkit sa pawis kong buhok at bahagyang itinaas iyon. Maingat niyang inalis ang sabit ng suot kong necklace. Habang ginagawa niya iyon ay narinig ko ang panay hinga niya ng malalim. Dama ko tuloy ang init na galing doon sa aking batok. Hindi ko ma-gets. Baka nahihirapan lang talaga siya. Pati tuloy ako ay nadadamay. Nanlalamig ang kamay.
“Ayan, okay na.”
“T-Thanks...”
Mabilis niyang pinaandar ang sasakyan paalis ng lugar matapos na umayos ako ng upo. Hindi na rin siya muli pang nagsalita pagkatapos noon.
“Saan pa tayo pupunta, Chaeus? Hindi naman ito ang daan papunta ng bahay.” komento ko nang lumiko ang sasakyan na sa halip ay dumeretso.
Hindi naman ako kinakabahan na baka may gawin siyang kalokohan sa akin. Wala iyon sa ugali niya. Saka, sa pag-amin niyang ginawa ay alam kong di niya ako magagawan ng masama. Takot na lang din niya kay Daddy at sa Mommy niya.
“Daan tayo saglit sa seashore. Napanood ko sa balita kanina na may meteor shower tonight. Maganda ang view sa may dagat kaya doon tayo pupunta. Pagbigyan mo na ako, Hilary. Saglit lang. Ilang minutes lang ay aalis din tayo agad.”
Wait, is he proposing to have a date? Di ko na naman maiwan ang pagiging delulu ng utak ko!
“Talaga, Chaeus? Luh, dapat sinabi mo ng maaga para naman naaya ko ang mga kaibigan. Kung marami tayo ay mas masaya.” labas sa ilong na wika ko pero alibi ko lang naman lahat ng iyon.
Ang totoo niyan ay ngayon pa lang ay parang mangingisay na ako sa kilig. Baliw na kung baliw, pero para sa akin ay date na namin ang gabing ito. Kahit na bawal. At least may babalikan akong alaala naming dalawa. Sapat na kahit ito lamang.
“Hindi mo ba nakitang busy sila? Ni ayaw pa nga nilang umuwi ng bahay, ‘yung paglabas pa kaya?”
“Oo nga pala, saka mas pipiliin nilang pumarty. Si Glyzel pa may pag-asang maisama ko kasi hilig niya rin ang mga ganito. Kaso sa dalawa? Wala tayong aasahan doon. Sa una lang sila excited.”
Napatalon na ako palabas pagtigil pa lang ng sasakyan. Excited na mauna dahil ang buong akala ko pagdating namin doon ay simula na.
“Hilary, sandali lang. Hintayin mo ako!”
Hindi ko siya pinakinggan. Isinilid ko ang mga kamay sa bulsa ng jacket. Mabagal na lumakad. Malakas ang ihip ng hangin. Ginulo noon ang buhok ko. Kung malamig kanina ay mas malamig ngayon pero hindi ko iyon alintana. Bakit ba? Ang saya ko eh. Sapat na iyong nagpapainit sa akin. Walang tao doon. Literal na kami lang ni Chaeus. Sa malawak na parang ay bagay na mag-camping. Nauna na akong tumakbo patungo sa malawak na dalampasigan habang nililingon sa likod si Chaeus.
“Bilisan mo diyan, Chaeus!” payapay ko ng isang palad sa kanya, nilunod ng hangin ang boses ko.
“Careful, madapa ka Hilary!”