Kinabukasan ng gabing umamin ay muling sumabay si Chaeus sa amin ng breakfast. Alam kong tuloy-tuloy na iyon na parang walang nangyari. Pinili niya ang bumalik sa dati. Hindi ko sinabi sa kanya na narinig ko ang confession niya. Minabuti ko na lang ang magpanggap na walang alam sa nararamdaman niya. Mas okay na iyon, para hindi rin kami maging awkward. Naging talkative siyang muli. Makulit na ulit.
Ganunpaman ang galaw niya ay halatang may nagbago sa kanya. Malaki iyon. Hindi masaya ang mga mata niya na sa tuwing tititigan ko iyon, nakikita ko ang kakaibang lungkot na bumabalot.
“Ano na Chaeus? Wala pa rin bang balita? Kailan pa ang plano niyong magpakasal ni Lailani?” ungkat ni Azalea tungkol sa pag-aasawa nito.
Nag-angat ng tingin si Chaeus. Lumapat iyon sa akin saglit. Nginitian ko siya bilang pagsuporta. Tama naman siya, kahit gaano namin kagusto ang bawat isa hindi pa rin kami pwede. Hindi pa rin kami pwedeng magmahalan ng lantad gaya ng ibang taong nagmamahalan ng wagas at tapat. Malungkot na katotohanan iyon para sa amin at wala kaming ibang magawa kundi yakapin ito.
“Wala pa. Pag-uusapan pa namin, Mom. Alam mo namang busy pa siya sa career niya ngayon.”
“Nasa ibang bansa pa rin ba siya? Sabihin mo sa akin kung kailan ang balik niya so we can meet.”
Tumango lang si Chaeus. Itinuloy ko na ang pagkain. Parang biglang nawala ang gana ko pero hindi ko iyon pwedeng ipakita. Kailangan ‘ding makita ni Chaeus na hindi na ako interested sa kanya nang sa ganun ay madisappointed sa akin.
“Pinapaalalahanan lang kita at hindi na kayo pabata. Tumatanda na kayong pareho ni Lai. Mabuti na iyong maaga kayong magpakasal dahil doon din naman kayo papunta. Hindi ba tama?”
“Naiintindihan naman namin pero busy pa talaga siya, Mom. Sige ka, baka makulitan na iyon sa akin at bigla akong ipagpalit sa iba. Ayaw pa naman noon ng prini-pressure.” pagbibiro nito na tumawa pero tunog bahaw. “Baka mamaya pa niyan ay i-break ako dahil nagmamadali ako.”
Tinapos ko na ng mabilis ang pagkain. Magiging ipokrita ako kung sasabihin kong balewala lang sa akin ang usaping iyon. Nasasaktan ako at nagseselos. Aminado ako doon kahit pa tanggap ko ng hindi kami pwedeng dalawa. Lalo pa ngayon na alam kong pareho kami ng nararamdaman ni Chaeus. Wala lang magawa, dahil alam na bawal. Syempre, kilala ko ang sarili ko na kapag gusto ko ay kailangang makuha ko. Baka mamaya igiit ko pa na magkaroon kami ng tagong relasyon. At dahil gusto niya rin ako, baka pareho pa kaming matukso na sobrang pagsisisihan namin sa dulo.
“Papasok na ako.”
Sabay-sabay silang napatingin sa akin. Mukhang hindi yata nila ako napansing kasabay kumain.
“Mag-iingat ka, Hilary.” si Azalea na kumaway pa.
Tumango lang naman si Daddy at walang imik na binigyan ng ngiti ni Chaeus. Tumalikod na ako.
Habang nasa school ay lutang ako. Paulit-ulit na iniisip ang pag-aming ginawa ni Chaeus. Hindi ko mapigilang ngumiti. Lihim na kinikilig sa kanya.
“Tsk, gusto rin naman pala ako may nalalaman pa siyang pagkukunwaring hindi ako umamin.” bulong-bulong ko, sinipa-sipa ang maliliit na bato.
“Anong nangyayari sa'yo, Hilary? Parang kanina ka pa yata wala sa iyong sarili?” si Glyzel na abot-tainga ang ngiti, pasulyap-sulyap ito sa table kung saan nakaupo ang mga class adviser.
May mga event sa school. Iba pa ang party na mangyayari mamaya. Nakapag-ready na kami ng damit na susuotin. Naka-set na rin kung saan kami magpapalagay ng kaunting make up. Ang venue kung saan kami magmumula ay as usual, sa apartment ni Josefa. Alam na iyon ni Daddy at hindi naman ako pinagbawalan nitong pumunta.
“Anong oras ba ang tapos ng event? Hindi ka naman siguro uumagahin sa school niyo di ba?” ito lang ang naging concern niya.
“Yes Dad, hatinggabi ang pinakamatagal.”
“O sige, basta umuwi na at huwag kung saan pa pupunta like clubbing. I'm counting on you Hilary na totoong nagbago ka na talaga.” dagdag nito.
Pabiro kong hinila ang braso ni Glyzel at niyakap iyon. Kating-kati na ang dila kong sabihan sa kanya na umamin sa akin si Chaeus, kaso nga lang ay nagdalawang isip ako dahil sa huli kong experience sa kanya. Sigurado akong kahit sa kanya ko lang sinabi, makakarating iyon doon sa dalawa na ang balita ko ay nasa wedding booth. Nakaladkad raw ito ng mga grade 11 student. Eh, magaling akong magtago at mabilis tumakbo kaya walang sinuman ang makakaladkad sa akin.
“Wala. Huwag mo akong pansinin. May naisip lang ako. Mukha ba akong sobrang masaya, Glyzel?”
“Oo, nagblu-blush pa ang mukha mo. Kinikilig ka?” tutok niya ng mga mata sa aking mukha.
Kinalas ko ang hawak sa kanya. Itinikom ang bibig at naging malikot ang mga mata. Maarte kong inilagay sa likod ng tainga ang ilang takas na hibla ng buhok. Para akong kinikiliti ngayon.
“Luh? Don't tell me na may crush ka sa isa sa mga nagkakagusto sa'yo at kinikilig? Aba, mukhang may nagpapasaya ng bago sa'yo.”
Humalakhak lang ako. Pinalo ang kamay niya.
“Tama ang hula ko? Sino? Sabihin mo sa akin!”
“Ayoko nga, ima-marites mo na naman ako. Wala na akong tiwala sa'yo.” irap ko pero nakangiti.
“So, mayroon nga? Kala mo malilihim mo sa amin iyan ng matagal? Malalaman din namin iyan sa bibig mo mismo. May nalalaman ka pang tago.”
Hindi ko na siya pinansin. Inisip na lang ano kaya ang feeling na maging isang girlfriend ni Chaeus?
“Naku, mukha ka ng delikado. Iyang ngiting—”
“Sssh...huwag ka ng magtaka, ganyan ka rin tuwing mapapasulyap kay Sir. Mas malala pa.”
Napanganga na siya sa sinabi ko, speechless.
“Hilary naman!”
“Ano? Tama ako ‘no?” hagalpak ko pa.
Kinagabihan noon ay isa ang grupo namin sa maagang dumating ng school. Suot ang dress na ni-require ng school. Hindi na bago sa amin ang ganito kaya naman nang magsimula ang sayawan ay nangunguna pa kami sa gitna. Wala ng hiya. Malakas nagsigawan at palakpakan ang mga kaklase namin. Dagdagan pa ng mga schoolmate naming mga lalake na may pagsipol pa doon.
“Na-miss ko ng pumarty!” bulalas ni Shanael na sobrang stand out ng ganda at suot na damit.
Sa aming apat siya iyong may pinakama-curve na katawan. Kumbaga ay nasa hubog na iyon.
“Ayan, magpasawa ka ngayong gabi kakasayaw.” pabarang sagot ni Josefa, tumawa lamang ako.
Busy ako sa pag-inom ng ladies cocktail na alam kong hindi naman iyon makakalasing. Bawal eh. Nang mag-announce ang emcee ng party na pwedeng sumayaw ang mga Teacher at kumuha ng partner sa student. Halos mapatid ang ugat namin kakairit. Why? Bukod sa sweet dance iyon ay patungo na sa aming pwesto ang class adviser. Nasa kay Glyzel na ang mga mata nito. Hindi ko alam kung dahil sa alam namin ang stand ng relasyon nila kaya naman kami kilig na kilig.
“Napaka-swerte naman this girl.” bulong-bulong ko kay Glyzel bago ito tuluyang sumama kay Sir.
At para asarin pa ang kaibigan. Sumama na rin kami sa mga nag-aya sa aming sumayaw at sa malapit sa kanila kami pumwesto. Panay irit pa ang ilan sa mga student doon. Marahil ay dahil kahit na gabi ay pulang-pula ang mukha ng mga student na isinasayaw ng mga class adviser's.
“Gagi, huwag niyo ng tuksuhin at baka himatayin na sa kilig iyan si Glyzel.” si Shanael ng mapansin na halos magtakip na ng mukha niya ang gaga.
Marami pang nangyaring kaganapan. Ngunit ang lahat ng iyon ay nakalimutan ko ng makatanggap ng chat mula kay Chaeus. Hindi naman important pero tinatanong niya if tapos na ang party. Sinadya kong huwag mag-reply kaya naman di na ako nagtaka na maya-maya pa, nakaregister na ang pangalang Tukmol sa screen ng phone ko.
“H-Hello?”
Narinig ko ang malalim niyang buntong-hininga. Ngumuso ako. Tumawag lamang ba siya para marinig ang boses ko? Ayaw naman magsalita.
“Hindi pa tapos ang party namin.” wika ko ng di pa rin siya magsalita, “Sorry, hindi ako sasayaw as you can see may kausap pa ako sa phone.” tanggi ko sa nag-aaya sa aking sumayaw kami.
“Ah, sorry. Balikan kita mamaya.” anang lalake.
Tumango lang ako. Muling pinakinggan kung may kausap pa ba ako ngayon sa kabilang linya.
“Hello? Chaeus? Nandiyan ka pa ba?”
“Masyado ng gabi, Hilary. Tama na ang party. Papunta na ako diyan. Susunduin na kita. I mean pinapasundo ka na ni Tito sa akin. Lumabas ka ng venue pag-chat ko sa'yong nasa labas na ako.”
Hindi niya na hinintay ang sagot ko. Bigla na lang niya akong pinatayan ng tawag. Is he jealous?
Wala sa sariling niyakap ko ang cellphone. Para akong nakalutang sa ulap ng mga sandaling iyon.
“Sinong kausap mo? Aba, mukhang kilig na kilig!”
Halos mabali ang takong ng suot kong heels nang bigla na lang magsalita si Josefa sa aking gilid. Bakit? Napaigtad lang naman ako sa puwesto.
“Anak ng tinapa ka naman, Josefa!”
“Sino iyon? Patingin ng phone.” lahad nito ng palad sa akin, nanunukso na ang mga mata.
Mabilis ko na iyong isinilid sa bag. Parang tanga!
“S-Si Daddy, pinapauwi na ako.”
“Hindi ako naniniwala.”
“Eh ‘di wag kang maniwala. Uuna na ako sa inyong umuwi. Kahit tingnan niyo mamaya. May sun—”
Hindi ko na natapos iyon dahil bigla na lang may humila kay Josefa patungo ng dancefloor. Kumaway ako sa kanya at lumapad ang ngisi.
“Bye! See you on, Monday.”
Nang mag-ring ang phone at makitang si Chaeus iyon ay nagkukumahog ko na iyong agad sinagot.
“Narito na ako sa labas. Lumabas ka na diyan.”
Malapad na akong ngumisi. Parang kinikiliti na ang kalamnan sa isiping nasa labas na si Chaeus.
“Okay, saglit lang palabas na ako ng venue.”