Chapter 30: Sleep talk

1636 Words
Biglang namutla ang hitsura ni Chaeus habang natitigilan sa aking mga sinabi. Parang estatwa lang na nakatayo doon at animo napako ang mga paa niya sa lupa. Maya-maya pa ay napakurap na. Walang kahit na anong reaction ang mga matang ilang beses ibinaling sa akin at sa paligid, tinitingnan kung mayroon bang ibang nakarinig. Nakita kong ilang beses niyang sinubukang ibuka ang bibig niyang kanina pa nakaawang. Hinintay ko kung ano ang sagot at sasabihin niya pero wala. Nanatili siyang tahimik at walang imik. Tila naumid na ang dila niya sa loob ng kanyang bibig. “What did you just say, Hilary?” gulantang ang boses na usisa na sa akin ni Josefa, base sa timbre noon ay hindi rin siya makapaniwala. Paglingon ko sa kanya ay nabitawan niya pa ang dala niyang shoulder bag ko. Laglag ang panga habang ang mga mata nito ay nasa akin pa rin. Sa hilatsa ng mukha niya ay parang may bomba siyang narinig. Pasabog nga naman ang sinabi ko! Get's ko siya. Sino ba ang mag-aakala nito di ba? “You like him? Gusto mo si Chaeus, Hilary? Tama ba ang narinig ko? You like him, hindi bilang—” Mariing natutop niya pa ang bibig. Gulat na gulat pa rin ang hitsura. Malamang, hindi niya iniisip at inaasahan ang gagawin kong pag-amin. Kahit naman ako, hindi ko rin alam na kaya ko pa lang sabihin ang lahat ng iyon sa Tukmol. Ni walang kaba. Tuluyan na akong nahulasan. Tinakasan na ng espirito ng alak ang katawan. Salit-salitan ang naging tingin ko sa kanya at kay Chaeus na nakatulala pa rin. Para na itong namatanda. What the heck! Ano ba iyong mga nasabi ko? Mabilis akong tumayo. Parang lalabas na sa dibdib ko ang puso sa ginagawa nitong malakas na kalabog. Halos magbuhol na ang mga binti ko nang subukan kong maglakad papalayo sa kanila. Gumegewang-gewang na doon ang katawan ko. “Hilary, saan ka pupunta? Kinakausap pa kita!” Natigilan ako sa paglalakad Hindi ko alam kung mabilis na ba akong tatakbo para makaalis na sa lugar o gagawa na lang ako ng eksena na lasing at walang maalala para lang makaiwas sa kahihiyang bumabalot na sa aking katauhan. Ang tanga mo talaga kahit kailan, Hilary! Wala kang utak. Ano bang naisipan mong babae ka? Bakit ka umamin? Tingnan mo ang resulta, gaga! “Tama ba iyong narinig ko? Sumagot ka!” ulit ni Josefa na puno na ng frustration ang boses. Malamang, magagalit talaga siya sa akin. Isa kaya siya sa mga patay na patay kay Tukmol. Hindi ako sumagot. Oras na humarap ako at magsimulang mag-explain. Wala na akong takas. Pinili ko ang manatiling nakatayo. Nakatalikod sa kaibigan. Nagpanggap na wala akong narinig. At nang walang maisip na maisagot kay Josefa ay bigla na lang akong naupo at naglupasay sa lupa. Sorry, Girl. Ito lang ang naisip kong paraan. Hindi pa ito ang time para umamin ako ulit. “Waaaah! Gusto ko ng umuwi!” palahaw ko ng iyak na parang isang bata, “N-Nagugutom ako!” Nagkukumahog na lumapit sa akin si Chaeus. Tila nahimasmasan siya sa tunog ng aking pag-iyak. Bago niya pa ako mahawakan ay isinubsob ko na ang mukha sa dalawa kong braso na nakapatong sa aking tuhod. Pinilit ko pa ang matang umiyak. Kailangang may luha ditong lumabas. Hindi ako nabigo. Dala siguro ng kahihiyan at kalasingan. Jusme naman, Hilary! Nakakahiya ka! Buti sana kung kayong dalawa lang ni Chaeus ang may alam ng ginawa mong pag-amin. Hindi eh. Narinig pa talaga iyon ng kaibigan mong si Josefa. Malamang ay aasarin niya ako kapag hulas na. Hindi lang iyon. Baka mamaya pa ay ikalat niya pa ito sa iba naming mga kaibigan. Badtrip naman! Isang maling desisyon ang umamin ka, Hilary. Dapat sinarili mo na lang ang nararamdaman. “Naku, huwag mo na lang pansinin si Hilary, Josefa. Nakita mo naman kung gaano kalasing. Tingnan mo na nga ang ginagawa. Mukhang wala sa kanyang sarili.” hilaw ang tono ng boses ni Tukmol na alam kong nais lang na pagtakpan ako Sa lakas ng boses niya na malinaw kong narinig ay halatang malapit pa rin siya sa aking pwesto. “Akin na, ibigay mo sa akin ang bag niya. Iuuwi ko na para makapagpahinga. Tingnan mo bukas kapag tinanong mo ng mga nangyari ngayon ay paniguradong limot iyan. Hindi niya maalala ang mga ginagawa niya.” dagdag usal pa ni Tukmol. Humakbang na si Chaeus palapit pa sa pwesto ko. Nakita ko iyon sa kanyang aninong hagip ng gilid ng mga mata ko. Walang imik na nag-squat na sa harapan ko. Masuyo niyang inangat ang mukha ko at nang may makitang ilang butil ng luha ay pinunasan niya ito gamit ang likod ng palad niya. Luha ko iyon ng kahihiyan at hindi kalungkutan. Hiyang-hiya ako sa nagawa kong katangahan! “Tahan na, Hilary. Ano bang iniiyakan mo? Sabi ko naman sayo na huwag kang iinom ng sobra di ba? Natatandaan mo ba lahat? Hindi mo na alam ang mga pinagsasabi mo.” utas na sambit niyang malalim na bumuntong-huminga. Alam ko na sa mga oras na ito ay napipikon na siya sa akin. “Tumayo ka na diyan. Pinagtitinginan na tayo ng mga tao. Baka iniisip nilang may masama akong plano sa'yo. Bilis na. Tumayo ka na.” hawak niya sa isa kong braso upang alalayan akong tumayo. “Halika na. Tumayo ka na. Uwi na tayo, Hilary.” Walang nagawa si Josefa kahit na parang ayaw niyang pumayag na maiwan kundi ang panoorin kami ni Chaeus na umalis ng lugar. Ngayon pa lang ay kailangan ko ng ihanda ang sarili ko sa muli naming pagkikita. Dalawa lang ang pwedeng mangyari. Una ay i-bully niya ako at ulit-ulitin ang mga pagkakamaling nagawa ko, pangalawa ay magpanggap na wala siyang alam. Kalimutan ang mga sinabi at ginawa ko. At ngayon pa lang ay hinihiling ko na sana ay piliin na lang ni Josefa ang magpanggap alang-alang sa akin. Sure akong uulanin ako ng mga tanong ni Shanael. Si Glyzel ay paniguradong tatahimik lang naman iyon. “Ingat kayo pauwi.” narinig kong wika ni Josefa bago tuluyang mag-drive papalayo si Chaeus. Kabadong isiniksik ko ang mukha sa may gilid ng bintana ng sasakyan. Halos ayokong humarap sa Tukmol na kasama at ipakita ang mukha ko. Wala na akong mukhang maihaharap. Sirang-sira na. Walanghiya ba naman akong umamin. Ano ba kasing masamang elemento ang nagtulak sa akin? Sino ang hindi mahihiya sa katangahan ko? Bahala na. Pwede naman akong magdahilan eh! “Hilary...” mahinang tawag niya sa akin habang ang mga mata ay nakatuon pa rin sa kalsada. Hindi ako sumagot. Sa halip ay mariing ipinikit ko ang mata upang magkunwari akong natutulog. Nungkang kakausapin ko siya. Ang alam niya ay lasing ako kaya papanindigan ko na lamang iyon. “You know what? Hindi mo pwedeng magustuhan ako dahil magkapatid tayo. Pwede mo siguro akong gustuhin, iyon ay bilang kapatid nga lang.” Sumikip ang dibdib ko sa narinig. Alam ko naman na hindi pwede, pero bakit ang sakit ng dating? Para akong binasted. Actually, binasted talaga. Mabuti na lang talaga na magpanggap ako na di ko iyon sinabi. Na wala akong alam sa nangyari. “At saka alam mo namang may ibang babae akong gusto at pakakasalan. Fiancee ko na si Lailani.” Okay na eh. Ayos na sana ang dahilan niya pero bakit kailangan niya pang banggitin si Lailani? Bakit kailangan niya pang isampal sa akin na ang babaeng iyon lang ang mamahalin niya ng sobra? Wala sa sariling ipinadyak ko ang paa. Hindi niya iyon pinansin. Akala niya yata ay nag-inat lang ako. Parang pinipiga na ang puso ko sa sakit dito. “Don't worry. Kapag nasa hustong edad ka na ay matatagpuan mo rin ang lalakeng para sa'yo. I mean ang tamang lalakeng nakatadhana sa'yo.” Nagsimula na namang manubig ang mga mata ko. Wala namang mali sa sinabi niya pero grabe ang sakit na dulot nito. Sobrang cruel naman niya. “I know that, Chaeus. Alam ko naman kung saan ilulugar ang sarili. Hindi naman kita pinipilit na gustuhin ako pabalik. Sinabi ko lang naman ang nararamdaman. Hindi ako humihingi ng kapalit.” Mabilis na napa-preno si Chaeus nang marinig ang sagot. Sa lakas noon ay halos sumubsob ang mukha ko. Mabuti na lang ay may seatbelt ako. “Hilary? Hindi ka lasing? Seryoso ka sa mga—” harap niya sa akin na hindi matuloy ang litanya. “Anong gagawin ko kung iyon ang nararamdaman ko? Hindi ko pinilit ang sariling gustuhin ka.” Napaawang na naman ang bibig niya. Halatang walang masabi sa muling pag-amin ko. Humikbi na ako. Alam ko namang walang pag-asa. Inilabas ko lang naman. Hindi ko sinabing suklian niya iyon. “Hey, don't cry—” Awtomatikong dumukwang siya palapit sa akin upang muli sanang punasan ang mga luha ko. Marahas na tinabig ko ang kamay niya palayo. “Don't touch me now, Chaeus! You are so cruel. Pa-fall ka! Wala naman akong sinabing suklian mo kung ano ang nararamdaman ko. I'm just letting you know about my feelings para naman maging sensitive ka kapag kasama niyo ako ni Lailani.” Blangko ang mga matang pinsadahan niya ako ng tingin. Halata sa mukha niya ang pagkataranta. Paano ba naman, mas bumaha ang mga luha ko. “Kalimutan mo na ang sinabi ko. Isipin mo na lang wala kang narinig.” dagdag kong ipinunas na ang pagmumukha sa laylayan ng suot kong damit. “Alright, iisipin ko na lang na nag-sleep talk ka.” sagot niyang muli ng pinaandar ang sasakyan. Hindi na ako muling nilingon hanggang marating namin ang bahay. Hindi na rin ako nagsalita. Para saan pa iyon? Di-distansya na lang ulit ako dito. “Siya nga pala, uuwi na sina Mommy next week.” pagbibigay-alam niya matapos kong makababa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD