Akmang papatulan ko na siya dahil puno na ako sa mga akusasyon niya nang bigla na lang akong hilahin ni Chaeus palayo kay Lailani. Hindi ko iyon nagustuhan. Bakit parang mali ko pa? Siya naman ang nagpakita ng magaspang niyang ugali. Nauna siya!
Humantong kaming dalawa sa labas ng restaurant. Galit kong binawi ang kamay sa kanya. Sobrang naiinis na. Muli niya iyong kinuha dahil akala niya siguro ay magwa-walk out ako.
“Please, huwag mo na lang patulan. Lasing na siya. Nakikiusap ako sa'yo, Hilary. Ibalato mo na sa akin ang pagkakataong ito. Hmmn? Please.”
Agad kong winaksi ang hawak niya. Tuluyang nakawala na ako sa kanya.
“Pinatulan ko ba? Panay timpi na lang nga ako kahit inis na inis na sa kanya! Hindi mo ba iyon nakikita, Chaeus?” mataas ang boses na halos sigaw ko.
“Hilary?”
“Ano? Kinakampihan mo siya? E ‘di magsama kayong dalawa! Huwag mo akong pakialaman sa ginagawa ko.”
“Hilary naman, please huwag ngayon. Huwag mo akong awayin. Pwede?”
Napasabunot na siya sa kanyang ulo. Ano bang ginagawa nito? Wala naman akong gagawing masama ah?
“Hindi naman kita inaaway. Ako nga ang inaaway mo dahil lang sa kanya. Hindi ko naman siya pinatulan. Hindi ko rin pinahiya. Hindi na nga lang ako kumikibo, ikaw ang maraming—”
Ginulo ko na ang buhok. Heto na naman ako sa pagiging mainitin ng ulo. Hindi ko na itinuloy ang mga sasabihin. Naaasar na talaga ako. Baka kapag hindi pa ako tumigil, tuluyan na akong mabugnot dito.
“Paano kita inaway, Hilary?” patol na ng Tukmol, sinasagad pa ang inis ko.
Tinalikuran ko na siya. Padabog na akong pumasok sa loob. Buo na ang desisyon ko. Uuna na akong umuwi. Iiwan ko na siya dito. Magsama pa sila ni Lailani hangga't gusto niya!
“Hilary naman? Kinakausap pa kita!”
Wala akong pakialam sa'yong Tukmol ka. Ang pangit mong mag-judge. Ako pa talaga ang mali? Hindi ko naman inaano ang Lailani na iyon. Sinagot ko lang naman ang sinabi niya ah?
“Oh? Saan ka na pupunta Hilary?” si Vaughn na napansin ang galaw ko.
“Mauuna na akong umuwi sa inyo.”
“Ha? Eh, uuwi na rin si Chaeus?”
“Hindi. Ako lang. Pangit naman kung iiwanan niya ang mga bisita. Baka mamaya pa kayo matapos dito, eh. Bored na rin kasi ako.” palusot ko pa.
Bago pa makasagot si Vaughn ay pumasok na rin si Chaeus sa loob.
“Hilary—oh, Dude narito ka pala.”
Tumango lang si Vaughn at ngumiti. Naging mapanuri na ang mga mata.
“Alis na ako.” anunsyo ko matapos na sakbatin ang bag at bitbitin ang paperbag na ibinigay ni Lailani.
Akmang hahabulin pa sana ako ni Chaeus nang pigilan siya ni Vaughn.
“Ako na ang maghatid kay Hilary, Dude. Hindi ka pwedeng umalis.”
“Huwag na. Magta-taxi na lang ako.” lingon ko nang marinig si Vaughn.
Sinubukan kong ipilit ang gusto pero hindi pumayag si Chaeus at Vaughn. Medyo nagdududa ako sa kilos ng kaibigan ni Chaeus ah. Parang may kailangan ito sa akin kaya ganito ito. Ganunpaman ay hinayaan ko na lang.
“Don't worry. Hindi pa naman ako lasing. Hindi kita ipapahamak, Hilary.” agad na paliwanag nito ng titigan ko, “May kailangang lang akong itanong.”
Sabi ko na nga ba eh, may kailangan.
Sa bandang huli ay pumayag na lang ako para makaalis na doon. Si Vaughn ang naghatid sa akin gamit ang sasakyan mismo ni Chaeus.
“Salamat sa paghatid, Vaughn.” ibis ko ng sasakyan, binalewala ang sinabi niya kaninang may itatanong.
“Hindi iyon basta free, Hilary.”
“What do you mean?”
“Kailangang ibigay mo sa akin ang mobile number ng kaibigan mo. Ito ang bayad sa paghatid ko sa'yo.”
Kaibigan ko? Si Shanael? Naku! Tiyak na baka maihi na sa panty ang gaga oras na malaman niyang hiningi nito ang phone number niya. Iyon pa ba?
“Tsk, bakit mo naman hinihingi aber?” halukipkip sabay tingin ko sa knaya. “Taken na si Glyzel, si Shanael ba?”
Umiling ito na ikinakunot ng noo ko. Kakasabi ko lang na taken na si Glyzel. Aba, hindi naman pwede iyon.
“Hindi siya. Wala sa kanila. I am talking about your best friend. Ang phone number noon ang kukunin ko.”
“Si Josefa?”
Napuno na ako ng pagtataka. Wala naman akong ibang best friend maliban kay Josefa. Binanggit ko na rin si Shanael at Glyzel sa kanya eh.
“Yup. Please dial her number.” lahad niya sa akin ng kanyang cellphone.
Natawa na ako. Hindi makapaniwala na isa sa mga kaibigan ni Chaeus ay kukunin ang number ni Josefa. Kung normal na araw lang iyon ay sure ako na tatawagan ko muna si Josefa para magpaalam, ngayon ay hindi pwede.
“Sabihin mo muna, bakit mo kukunin? Anong kailangan mo sa kanya?”
“Secret. Hindi mo na kailangang malaman. Sa amin na lang iyon.”
“Hindi pwede—”
Naging maamong tupa ang mukha niya dahilan para matigilan ako.
“Please Hilary? Please...”
Para rin siyang si Chaeus makiusap. Labag man sa loob ko ay ibinigay ko ang number ni Josefa. Bahala na kung magalit siya sa akin. Tutal galit naman na siya sa akin, sasagarin ko na iyon. Wala namang magbabago.
“Happy? Bahala ka na kung sasabihin mo sa kanya na sa akin ito galing.”
“Ako na ang bahala. Salamat!”
Tinanaw ko muna ang sasakyan hanggang sa tuluyang makaalis ito. Pagkatapos noon ay pumasok na ako sa loob. Deretso akong pumunta ng room. Padapang nahiga doon. Kinuha ang cellphone at nag-scroll. Umaasa ako na may message si Chaeus pero nabigo lang ako. Wala. Ni isa. Wala.
“Talagang wala man lang message? Kaya niya na akong tiisin ngayon?” nakabusangot na dito ang mukha ko. “Sige. Bahala siya. Magmatigas siya!”
Nang dahil sa pagod ay hindi ko na namalayan kung anong oras ako nakatulog. Nagising ako ay umaga na. Ni hindi nga ako nakapagpalit ng damit. Tinungo ko agad ang kusina.
“Hindi ba umuwi si Chaeus?”
“Hindi, Hilary. Baka nalasing iyon at napasarap din ang kanilang party.”
Ayon sa maid ay wala na sa bahay si Daddy. Si Azalea naman ay maagang umalis para raw pumunta sa resto ni Chaeus upang tingnan ang anak niya.
Pagbalik ng silid ay muli kong sinilip ang cellphone. Wala pa ‘ring text kahit na isa doon ang Tukmol.
“Malamang, baka nalasing iyon kaya tulog pa hanggang ngayon.”
Dahil bakasyon ay wala akong ibang lakad. Napadpad ako sa social media kung saan bumabaha ng mga post ng tagged pictures sa mga profile nila. Wala namang kahina-hinala. Literal na nagkakasiyahan lang sila.
May kuha si Chaeus at Lailani na magkasama pero para sa akin ay hindi naman dapat pagselosan iyon. Iyon ang buong akala ko hanggang sa napanood ko ang isang short video. Sumasayaw ang dalawa. Halos maghalikan na sa lapit ng mukha.
“Ah? Ganito pala ang ginagawa nila. Kaya pala wala man lang siyang text!” himutok kong gusto ng manakit.
Mula ng oras na iyon ay nasira na ang mood ko. Binitawan ko na ang phone at nagpalit ng damit panglangoy. Tuloy-tuloy akong nagtungo ng pool. Doon na rin ako kumain ng lunch. After lunch nang makita ko na ang bulto ni Chaeus na pumunta ng pool. Naka-sando ito at short panglangoy.
“Hi, Hilary...”
Hindi ko siya pinansin. Itinuring na parang hangin. Lumubog lang ako sa tubig nang paulit-ulit. Ni hindi ko rin siya nilingon. Wala akong panahon.
“Baby, are you mad?”
Hindi ko pa rin siya pinansin. Gusto niya ng deadma'han? Magaling ako diyan. Nakakalimutan niya na yata.
“Hey?”
Lumapit pa siya sa akin nang medyo nagawi ako sa may gilid ng pool.
“Sorry na. Minsan lang naman kami magkita-kita. Sinamantala ko na iyon dahil iyong ibang friends namin ay busy sa trabaho. Kahapon lang din sila nagkaroon ng pagkakataong uminom. Maintindihan mo sana.”
Deneadma ko pa rin siya. Wala siyang choice kung hindi ang tumalon na. Tumilamsik nang malakas ang tubig sa mukha ko. Hindi ko pa rin siya pinansin. Lumangoy lang ako palayo. Hinabol niya ako hanggang mahuli.
“Bitawan mo nga ako! Mamaya niyan ay may makakita sa'yo!” angil kong pilit na kinakalas ang mga yakap niya.
Hindi niya ako pinakawalan. Hinila niya ako patungo sa kabilang gilid kung saan di kami mahahagip ng CCTV. Bigla siyang lumubog at dahil yakap niya ako ay nakasama rin ako. Mabilis niya akong hinalikan sa ilalim ng tubig. Bagay na mas ikinagalit ko.
“Ano ba Chaeus? Nakikita mo ba ang ginagawa mo? Hindi ka nag-iisip e!”
“Sorry na nga. Galit ka na naman eh. Wala naman akong masamang ginawa. Patawarin mo na ako, Baby.”
“Magkaiba ang galit sa nagtatampo.” bigay ko na, gusto ko ring malaman niya ang totoong point of view ko.
Nanatili siyang nakatitig.
“Bakit? Hindi ka man lang kasi nag-message sa akin para tanungin ako kung nasa bahay na. Ni ang mag-goodnight ay wala. Hinintay ko kaya. Di ka man lang nag-worry kung maayos ba akong nahatid ni Vaughn.”
“Sorry na. Tinanong ko naman si Vaughn, nahatid ka raw ng ayos.”
Pinalagpas ko na lang ang araw na iyon. Magalit man ako ay wala na rin namang kwenta iyon. Tapos na eh.
“Anong oras umuwi si Lailani?”
“Hindi siya umuwi. Doon natulog.”
Akala ko ay okay na sa akin ang lahat pero hindi pala. Bumangon na muli ang inis ko. Selos na selos na dito.
“Tabi kayong natulog?”
“Hindi ah. Katabi niya iyong mga babae naming dating kaklase.”
“Sa tingin mo maniniwala ako? Malay ko ba? Wala naman ako roon!”
“Panoorin mo ang CCTV ng resto at makikita mo. Huwag ka ng magselos. Wala na kami. Matagal na. Wala ka namang dapat na ipagselos, Hilary.”
Inirapan ko lang siya pero naniniwala naman ako. Walang dahilan para pagdudahan ang mga sinabi ni Chaeus. Mahal ko siya kaya dapat na magkaroon ako ng buo at matatag na tiwala.