Lumipad ang mga mata ko sa kamay ni Azalea na agad na humawak sa braso ni Daddy upang ito ay pakalmahin. Dito pa lang ay sumama na agad ang timpla ko. Ako na naman ang lalabas na bastos at masama sa paningin ng karamihan. Alalahanin niyang nasa labas kami, pati ba naman dito ay kailangan niya akong pagtaasan ng boses? Kaya naman sumasama lagi ang loob ko sa kanya eh.
“Relax, Mateo. Nasa labas tayo. Maraming mata. Pwede niyong pag-usapan ng maayos sa bahay ang anumang problemang mag-ama mamaya.”
Padabog na binitawan ni Daddy ang table napkin. Halatang may pagpipigil. Gusot na gusot iyon. Doon niya ibinuhos ang tindi ng pagkadismaya niya sa akin. Ilang beses pa siyang huminga nang malalim upang tuluyang kalmahin ang sarili. Sa gilid ng aking mata ay nakita ko ang hilatsa ng mukha ni Chaeus. Mababanaag dito na alam niya na may tensyon sa pagitan naming mag-ama. Hindi ko alam kung matutuwa ba ko o mas lalo lang maiinis sa sunod na ginawa niya. Umeksena lang naman siya at sumabat sa usapan namin.
“Hilary, mukhang naiwan mo yata ang isipan sa school niyo kanina. Tinatanong ka ni Tito kanina pa kung magiging okay ka ba habang wala siya.”
Siya na ang sumagot sa tanong ko pero ang siste, hindi naman niya iyon kinumpleto. Sa halip na malinawan ako ay mas lalo lang akong nagulo. Marahil ay dahil sa natataranta na rin siya.
“Wala? Paanong wala?” parang tangang tanong ko na nilingon na ang ama. Kinukuha ko ang panig niya. Mapurol yata ang utak ko. Hindi ko pa rin talaga iyon ma-gets. “Saan ka pupunta, Dad?”
Normal lang siguro na ganito ang reaction ko. Hindi ko nga kasi narinig. Narinig ko man ay lagpas iyon sa kabilang tainga ko. Ano bang sinasabi nila? Aalis si Daddy? Business trip? Ano naman ang connect sa akin? Isasama niya ba ako? May klase kami. At saka imposible iyon.
“Everyone see my point now? She is not even listening to us.” kumpas ng kamay ni Daddy na ilang ulit sinipat ng tingin ang mag-ina na tahimik lang at hindi na piniling mangialam. Kapagdaka ay bumaling na siya sa akin suot pa rin ang dismayadong mata. “You are spacing out so much, Hilary. O baka naman bingi-binghan?”
I dont understand why kung bakit sa halip na sagutin ni Daddy ang tanong ko at ipaliwanag iyon sa akin ay ito pa ang naging sagot niya. Alam niyang masasaktan ako pero sinabi niya pa rin. Hello? Anak niya kaya ako hindi ibang tao. Hindi ko na mapigilang magngitngit ang loob kahit pa gusto ko na ngayon halos na sumabog.
Nanatili akong tahimik kahit na gusto kong mangatwiran. Mayroong bikig na ang lalamunan. Namumuo na naman at bumabangon ang poot sa dibdib ko. Ganunpaman ay aaminin kong mali ako. Ilang sandali ang lumipas nang lumambot ang tingin ni Daddy sa akin. Halatang nahimasmasan na o piniling patawarin na lang ako. Hayaan na lang. Palagpasin ang panibagong gusot namin.
Sabagay, wala rin namang magbabago kung ang gagawin niya ay patuloy na sermunan ako. Siya lang ang maaapektuhan at hindi naman ako.
“Makinig kang mabuti, Hilary dahil hindi ko na ito uulitin. What I am saying earlier is aalis kami ng bansa.” pabitin niyang saad na isinandal pa ang likod sa upuan, nanatili siyang nakatingin sa akin.
Ano naman kung aalis sila? Sila? Wait, kasama niya ba doon si Azalea? Then what's his point?
“Kayong dalawa lamang ng Kuya Chaeus mo ang maiiwan sa bahay kasama ng ating mga maid. Ilang buwan kaming mawawala. You must behave yourself. Huwag mong bigyan ng problema at sakit ng ulo ang kapatid mo gaya ng ginagawa mo sa akin. Please lang. You must be glad na pinauwi namin siya ng bansa dahil ikaw ang iniisip namin. Worried kaming maiiwan kang mag-isa. Dapat nga sa edad mong iyan ay maging independent ka na.”
Ano raw? Ipinagkakatiwala niya ako kay Chaeus? Tama ba ang narinig kong aalis siya ng bansa at ito ang tunay na dahilan bakit narito si Chaeus? Sandali lang. So ang dinner na ito ay about doon? At saka sandali nga. Bakit parang utang na loob ko pa na hinanapan nila ako ng kasama? Sana man lang ay tinanong muna nila ako. Kaya ko namang mag-isa. Anong ipinag-aalala niya? Iyon bang pagbibisyo ko? Bakit? Hindi ba ako pwede na magbago? Ginagawa ko lang naman iyon para kunin ang atensyon niya. Maaari ko iyong itigil kung kailan ko gustuhin. Huwag niya naman sanang iparamdam sa akin na pasanin niya ako. Anak niya ako, natural responsibilidad niya ako!,
“Dad, kaya ko namang—”
Agad niyang pinutol ang akma kong pagtutol.
“Tapusin na natin ang pagkain.”
Hindi ako nagpatinag. Kailangan kong sabihin ang saloobin. Kailangan nilang marinig ang opinion ko. Ayoko ng ganito. Oo bata pa ako pero hindi niya kailangang ipamukhang napipilitan lang siya na arugain ako. Kung hindi lang maagang nawala si Mommy, hindi sana ako makakaranas ng ganito.
“Malaki na ako at kaya na ang sarili ko, Dad. Hindi ko kailangan ng kasama o titingin sa akin habang wala ka. Saka may mga maid naman tayo hindi ba? Bakit kailangan niyo pa siyang pauwiin? Di ba may trabaho siya? Inabala niyo pa talaga iyong tao tapos ako ang dinadahilan niyo sa kanya!” sambit kong nagawa pang ituro sa ang tahimik na si Chaeus na nananatiling nakaupo sa tabi ko.
“Hilary, huwag mo akong pagtaasan ng boses. Ikaw na nga ang aking inaalala hindi ka pa marunong magpasalamat. I am warning you—”
“Hindi mo man lang ako tinanong kung okay ba sa akin na may kasamang ibang tao, Daddy!” hindi ko na napigilang sabihin iyon na may diin, naikuyom ko na ang dalawang palad na nasa ilalim ng mesa. “Basta ka na lang nagdesisyon—”
“Hindi ibang tao si Chaeus, Hilary. Kapatid mo na siya! Tigilan mo ako diyan sa kaartehan mo. Alam mo kung bakit ko gagawin ito. Wala akong tiwala sa'yo. Malamang ay panay lakwtasa na naman at katarantaduhan ang gagawin mo habang wala kami sa school. Ngayon ngang narito ako ay ganyan na ang ginagawa mo. Paano kapag alam mong nasa malayo at walang magagawa? Baka lalo kang mapariwara. Kapakanan mo ang iniisip ko. Aba, dapat mo pa ngang ipagpasalamat iyon!”
“Grabe kang magsalita sa akin, Dad. You know the reason why I am being like this! Hindi mo lang iyong pinag-uukulan ng pansin dahil alam mong mali ka. Hindi ka pa nga nakakabawi sa akin tapos dadagdagan mo na naman ang sama ng loob ko? Anak mo ako! Ang desisyong mo ang dahilan kung bakit ako naging ganito hindi dahil sa ginusto kong humantong ako sa ganito!”
Namuo na ang luha sa aking mga mata. Ipinahiya niya talaga ako sa harapan ng maraming tao. Sa mga sandaling iyon ay gusto ko na lang manliit. Magtago dahil feeling ko ay hinuhusgahan ako ng mga taong naagaw ang pansin na masama ako at suwail na anak. Dito pa talaga niya piniling sabihin iyon kung saan maraming makakarinig. Sana hindi na lang nila ako isinama kung ganito lang din naman pala ang gagawin niya sa akin.
“In the end you don't understand me, Hilary.” iling-iling nito na sobrang dismayado ang mata.
“Mateo...” saway muli ni Azalea gamit ang nag-aalalang tono, sa pagsulyap nito sa akin ay parang tinitimbang ang mga salitang sasabihin.
Gusto kong mag-walk out ng mga sandaling iyon. Bakit ang hina niyang umintindi? Hindi niya ba makita sa akin na nasasaktan ako? Oo, nabibigay niya ang lahat ng gusto ko pero hindi iyon ang kailangan ko. At saka, sobrang napahiya rin ako. Kung sa bahay lang sana niya ito ginawa at kahit na marinig iyon ni Chaeus ay ayos lang naman sa akin pero iyong sa labas? Ibang usapan na iyon. Ilagay niya rin sana sa lugar ang pangangaral. Sa ragasa ng sama ng loob ay napatayo na ako.
“Maupo ka!” agad na utos niya dahil nahulaan na niya ang gagawin ko. Hindi ko siya pinakinggan. Maingay na ini-atras ko ang upuan. Pinahiya niya na ako lulubusin ko na iyon. “Saan ka pupunta, Hilary? Hindi pa tayo tapos kumain. Ipapakita mo talaga ang ugali mong iyan—”
“Nawalan na ako ng ganang kumain, Daddy. Sa tingin mo kaya ko pang lunukin ang pagkain?” puno ng sakit na tanong ko habang marahas na pinalis ang mga luhamg namuo. “Mabuti pang doon na lang sa parking lot ko kayo hintayin.”
Hinablot ko na ang bag sa pinaglagyang upuan at mabigat ang mga paang humakbang palabas ng nasabing restaurant. Baka kung saan pa umabot ang pagtatalo namin ni Daddy kapag di ko iyon ginawa. Ayaw ko namang umabot pa kami sa puntong iyon kaya ako na lamang ang iiwas dito.
“Bastos ka talagang bata ka! Kinakausap pa kita. Huwag mo akong tatalikuran kapag nagsasalita!”
Hindi ko siya nilingon kahit na alam kong totoong galit na siya. Hindi niya maintindihan ang sama ng loob ko na ibibilin niya ako kay Chaeus. Alam naman niya na hindi kami noon magkasundo. Talagang sa kanya niya pa ako iiwan? Anong tingin niya sa akin? Alagain? Hayop na pwedeng ibilin? Pumayag naman dito ang gunggong. Wala talaga akong kakampi sa kanila. Malinaw na pinagkakaisahan nila. Nagkampi-kampi na sila.
“Hilary?!”