Pagdating namin sa napili nilang restaurant ay pinauna ko na silang pumasok sa loob. Nagpahuli ako habang mabagal na sumusunod. Concious sa sarili dahil sa naka-school uniform pa ako. Hindi man lang talaga nila ako pinagpalit ng damit. Di ko tuloy alam kung ano ang magiging reaction. Sanay naman akong lumabas, pero sa mga ganito na mataong lugar mas okay pa rin ang normal na damit. Dati naman kapag lalabas kami ni Daddy ay hinihintay niya akong makauwi muna sa bahay. Magpapalit ako ng damit at saka kami lalabas para sa pangakong dinner sa labas.
Hindi man lang iyon nagawang sumagi sa isip ni Azalea? Natuwa na sana ako ngayon sa kanya kung nagawa niyang ipaalala iyon kay Daddy.
Nariyan ang anak niya. Maiisip pa ba niya iyon?
“Oh! Saan ka pupunta?” hablot ni Chaeus sa isang braso ko dahilan para nahimasmasan ako.
Para akong lastiko sa ginawa niyang paghatak. Nang lingunin ko siya ay makahulugan lamang siyang ngumisi na ikinakulo na naman ng dugo ko. Tiningnan ko siya ng masama. Ipinakita ko sa aking mga mata kung gaano ako nadidismaya. Kapagdaka ay sinulyapan ko ng tingin si Azalea na nakaupo na at si Daddy na paupo pa lang sana. Kunot ang noong sinipat na ako ni Daddy. Puno ng katanungan ang mata kung anong mali.
“Dito lang ang table natin. Dederetso ka pa. Naku, ang layo ng isip. Lumilipad kung saan.”
Pikon ng hinila ko ang braso mula kay Chaeus na agad napawi ang malapad na ngiti sa labi niya.
“Huwag mo nga akong basta hawakan. Gagamit ako ng bathroom!” dahilan ko na may diin upang huwag mapahiya sa mahinang boses, hindi naman ako eskandalosang tao pero mukhang doon na ang punta ko ‘pag hindi pa tumino itong tukmol.
“Ah. Pasensiya na, akala ko ay nakalutang ka.” aniyang hinawakan pa ang batok, napapahiya.
Tinaasan ko lang siya ng isang kilay. Talaga ba? Hindi ko man lang makita sa mga mata niya ang pagiging sincere sa anumang mga sinasabi.
“Huwag ka ng masungit diyan. Maupo ka na.”
Muli ko siyang sinamaan ng tingin. Umuusok na ang bunbunan ko sa kanya. Kanina pa siya ah! Lahat na lang ay pinapansin niya sa akin. Tapos babanatan niya akong sabihan na wag masungit. Parang sinasadya niyang buwisitin ako ngayong araw. Hindi pa yata siya kota doon kanina. Nagdikit na ang aking mga ngipin. Kapag hindi ako nakapagtimpi, sasabog na ako dahil kay Chaeus.
“Hilary?” tawag sa akin ni Daddy upang kunin ang atensyon ko, siguro ay napansin niyang masama na ang hilatsa ng hitsura ko. “Maupo ka na.”
Ikinuyom ko ang dalawang kamao. Dito ibinuhos ang sama ng loob at sobrang pagkainis. Hindi ata matatapos ang gabi at mababangasan ko siya. Kinakanti niya ako nang kinakanti. Isa pa talaga!
“Gagamit ako ng bathroom, Daddy. Ikaw na ang bahala sa pagkain ko. Baka kasi matagalan ako.” malamig pa sa yelong sambit kong tumalikod na.
Naramdaman ko ang mainit na mga mata nilang nakasunod sa aking likod. Hindi ko sila nilingon. May magbabago ba kapag ginawa ko iyon? Wala. Pagpasok ko sa loob ng bathroom ay sakto lang na walang customer sa loob. Humarap ako sa salamin. Kitang-kita ko ang namumuong bugso ng galit sa aking mata. Pigil ang hiningang ipinatong ko ang dalawang palad sa magkabilang gilid ng sink. Matapos na sipatin ng ilang minuto pa ang galit na sarili ay malakas na akong sumigaw sa labis na frustration. Walang pakialam sa mga makakarinig na kapwa customer sa labas.
“Aaah! You are so f*****g asshole Chaeus! You really gets on my nerves! Bakit ka pa umuwi? Buwisit kayong mag-ina! Kailan kayo mawawala sa landas ko? Hindi namin kayo kailangan ni Dad!”
Hindi na lang siya manahimik. Ang dami niya pang comment. Sobrang papansin. Kulang sa aruga!
Marahas na binuksan ko ang gripo at gigil na hinugasan doon ang kamay. Medyo ayos na ang pakiramdam ko ngayong nailabas ko na ang ilan sa sama ng loob ko. Isang puna mo pa Chaeus. Isang-isa na lang. Makikita mo kung gaano ako kataray. Masyado ka pang feeling close sa akin!
Pagkatapos ayusin ang sarili ay lumabas na ako na parang walang nangyari. Nagawa ko pang ngumiti sa kasalubong na gagamit ng bathroom. Eksakto namang pagdating ko ng table ay sini-serve na ang pagkaing in-order ni Daddy. Tahimik akong naupo. Dinampot ang utensils at nagsimula ng kumain. Naramdaman ko pa ang ilang beses na pagbaling ni Chaeus sa akin na parang mayroong chini-check sa hitsura ko. Hindi ko siya pinansin. Nagpanggap akong wala siya sa tabi ko. Walang nakaupong tao doon.
“Nasa bahay natin ang mga pasalubong ko sa'yo, Hilary. Alam kong iyon ang gusto mong itanong kanina. Ibibigay ko sa'yo mamaya pag-uwi.”
Naudlot ako sa tangkang pagnguya ng sinubo kong karne. Nakahanda na sana akong tarayan siya pero nang lingunin ko siya ay nakita kong nakatingin sina Daddy at Azalea sa akin. Hindi ko tuloy magawa iyon. Kailangan kong magtimpi. Pikon akong ngumiti. Kala niya natutuwa ako?
“Talaga? Hindi ka na sana nag-abala. Sorry, hindi ako kumakain ng sweets especially kapag galing iyon sa hindi ko naman ka-close. Hmmn, gets?” sagot kong pinandilatan lang siya ng mga mata.
Naburo ang mga mata niya sa akin. Itinuloy ko ang pagkain. Narinig ko ang mahinang tawa ni Daddy. Nasundan pa iyon ng hagikhik ni Azalea.
“Pagpasensiyahan mo na lang iyang kapatid mo Chaeus. Sa edad niyang iyan parang bata pa rin kung umasta. Ikaw na lang ang mag-adjust.” si Daddy na parang natutuwa pa sa katarayan ko.
Kapatid? I mentally rolled my eyes. Humigpit na ang hawak sa mga utensils. Ilang beses ko bang ipapaintindi na hindi ko siya magiging kapatid? Sinusubok talaga nila ang haba ng pasensiya ko.
“Oo nga anak, ikaw na lang ang magpahaba ng pisi. Ang laki ng agwat ng edad niyong dalawa kaya siguro hindi kayo agad magkakasundo.” sintemyento ni Azalea, halatang pumapapel lang.
Nakalimot ba siya? Hindi naman talaga kami kahit kailan magkakasundo ng anak niya. Umaasa ba talaga silang dalawa ni Daddy na magiging okay ang trato ko dito? In their dreams! Never na mangyayari iyon ‘no! Kapag puti ng uwak.
“Ayos lang iyon Tito, Mom,” tawa ni Chaeus na halatang balewala ang ginagawa ko sa kanya. Muli itong lumingon sa akin at saka tumawa ulit. “Pasasaan at magkakasundo rin kami ni Hilary. Minsan lamang din kasi kami kung magkita eh.”
Pinili ko na lang na huwag na silang pansinin. Mauubusanbako ng pasensiya kapag ginawa ko iyon. Ako rin naman ang magdadala ng lahat ng ito kapag patuloy akong nakinig. Baka hindi pa matunaw ang mga kinakain ko sa sama ng loob.
“We are looking forward on that day, Hijo.” si Daddy na parang hindi yata alam ang ugali ko.
Umaasa pa talaga silang magkakasundo kami? Nagpapatawa ba sila ni Azalea? Parang timang. Kulang na lang nga ay pulbusin ko si Chaeus. Kung nakakamatay lamang ang tingin ko. Kanina pa ito siguro humandusay sa kinatatayuan niya.
“Soon po, Tito.”
Nagsimula na rin silang kumain. Kasabay noon ay ang pag-uusap na nila about sa business at work ni Chaeus na hindi ko na inintindi dahil hindi rin naman ako interesado. Pakakabusog na lang ako. Sa bagal at tagal ng pagkain nila ay pihadong mamaya pa kami makakauwi. Kailangan ko pa namang pumuslit mamaya. Hindi pwede na hindi ako makakasama sa party ng mga kaibigan ko. Hindi na lang siguro ako iinom ng alak para hindi nila maamoy pag-uwi ko. Sapat na iyong sumama ako sa kanila. At least hindi pa rin ako nawawala.
“Hilary, what do you think? Mayroon ka bang sasabihin? Nakahanda akong makinig sa'yo.”
Napaayos ako ng upo nang makitang nakatingin na silang tatlo sa akin na parang may hinihintay na sagutin ko. Salit-salitan ko na sila doong tiningnan. Malay kong kasali pala ako sa usapan?
“Ano po ulit iyon, Dad?” maliit ang boses na tanong ko, sa hindi ko naman talaga narinig.
Puno ng pagkadismaya ang mga mata niya akong tinitigan. Nanuyo na agad dito ang lalamunan ko. Mukhang badtrip na naman siya sa akin. Sanay kasi ako na kapag lumalabas, sila lang naman ni Azalea ang madalas na mag-usap. Hindi ko akalain na may itatanong pala siya. Kung saan-saan kasi naroon ang utak ko. Invisible naman ako sa paningin nila palagi. Ngayon lang siya nagkaroon ng interes na kausapin ako over dinner. Kung kailan pa kasama namin si Chaeus. Agad na sinundan ng aking mga mata ang ginawang pagdampot niya ng table napkin at ipunas iyon sa gilid ng kanyang bibig. Muli akong hinarap.
“Ano ba ang problema mo? Kanina ka pa balisa. Wala ka sa sarili. Ano bang iniisip mo, Hilary?”
Napakurap-kurap na ako upang pigilin na maging emosyonal. Iniiling nang mariin ang aking ulo. Uulitin lang naman niya ang tanong niya. Hindi niya ako kailangang ipahiya. Anong mahirap dito?
“W-Wala po Dad—”
“Anong wala? Hindi ka makausap ng matino. Kanina pa kami naghihintay ng sagot mo ah? Akala ko pa naman nakikinig ka sa sinasabi ko.”