Pag-uwi sa bahay ay patuloy kong inisip iyon. Pinagkumpara ko ang feelings ko sa tuwing kasama ko si Chaeus at si Jared. Sobrang laki ng pagkakaiba noon at alam ko naman kung bakit. Ginagawa ko lang tanga ang sarili. Pinipilit. Tapos magtataka. Nasa harapan ko na ang dahilan nito, malakas ng isinasampal sa akin iyon. Isang malaking katangahan lang ang pumayag ako at patuloy na gawin ito.
“Tell me now, Hilary how's your first date with Jared?”
Si Josefa iyon na tumawag na, dahil hindi na makapaghintay na tsumika ako sa group chat ng aming tropa. Siya na ang nagkusang maunang makaalam kung ano sa tingin ko.
“Ayos lang naman, Josefa.”
“May sparks ka bang naramdaman?”
Marahang umiling lang ako. Hindi na nag-abalang mag-explain pa dito.
“Mukhang hindi ka naman masaya. Sabagay, kung hindi mo naman kasi gusto. Don't worry Girl, baka naman ma-develop ka rin sa kanya, later on.”
Pinanghawakan ko ang mga sinabing iyon ni Josefa. Nakailang beses na date pa kami ng pinsan niyang si Jared. Umabot halos ng isang buwan ang pakikipag-date ko sa kanya. Kaso wala talaga kahit na anong pilit ko. Si Chaeus pa rin ang laman ng puso ko.
“Titigil na yata akong makipag-date.” isang araw ay pahaging ko sa mga kaibigan, gusto ko lang ipaalam sa kanila para kung sakali lang ay hindi na sila magtaka at magtanong pa. “Wala talaga eh, hindi ko mapilit ang sarili na gustuhin ko siya. Ang hirap.”
Tiningnan lang ako ng tatlo. Walang reaction. Halatang inaasahan na nila na sasabihin ko ito. Ganun nila ako kakilala. Vocal din ako sa kanila eh.
“Pareho lang kaming nagsasayang ng oras at panahon. Maling babae ako para sa kanya. Pangit naman kung itutuloy ko pa tapos aasa lang siya. Masasayang lang nag effort niya.”
“Ikaw ang bahala, sabihin mo na lang kay Jared iyan. Alam naman niya ang dahilan no dahil nabanggit ko na.”
“Sige, sorry talaga Josefa. Sinubukan ko naman kaso nga lang—”
“Girl, you don't have to explain. Alam naman namin iyan. Sinubukan lang din natin kasi baka ma-develop ka. Anong gagawin natin kung hindi? Ang hirap pilitin. So, Girl don't explain.”
Kinagat ko ang labi. Nakokonsensiya. Alam ko naman na gusto niya lang akong tulungan. Kaso wala talaga eh.
“Salamat sa pang-unawa, Girl.”
Bigla na lang din naging busy ang Tukmol. Kung alam ko lang, hindi na sana ako pumayag sa suggestion ni Josefa. Kaso huli na ng mapansin ko. Hindi na rin ako nito sinusundo at inaabangan pa sa school. Ang driver na namin ang gumagawa noon. Hindi ko na rin siya maabutan pa sa bahay. Kahit na anong aga kong gumising ay wala. Kahit sadyain kong tumambay lang sa sala kada weekend, ni anino niya ay hindi nagpapakita. Hindi ko nga alam kung lumipat na ba ang kumag ng bahay. Ayoko rin namang magtanong sa mga maid. Ganundin kay Azalea. Basta ayoko lang.
Hindi ko pa malalaman na umalis ito ng bansa kung hindi dahil kay Daddy. Isang umaga, habang kumakain kami at buksan niya ang topic about him.
“Kumusta na nga pala si Chaeus, Azalea? Tumawag na ba sa'yo?”
Halos lumapad na ang tainga ko nang marinig ang pangalan nito.
“Oo, ayos lang naman daw siya.”
Napaayos na ako ng upo. Tuloy pa rin sa pagkain. Hindi nag-angat ng tingin. Ngunit sinigurado kong malinaw ang masasagap kong balita about him.
“Kumusta naman ang fiancee niyang si Lailani? Napag-usapan niyo ba?”
Anong meron sa fiancee ni Tukmol? Bakit kinukumusta siya ni Daddy?
“Medyo maayos na rin daw, miss lang yata si Chaeus kaya nagkaganun. Alam mo na, baka gusto lang nito na pumunta siya doon.”
Mahina pa itong humagikhik na halata namang tuyo at pilit lang iyon. Hindi niya ako maloloko dahil kilalang-kilala ko ang reaction niya.
“Mabuti naman kung ganun. May mga bagay na kailangang ayusin si Chaeus dito, sinasabayan niya pa. Sana maintindihan niya iyon. Hindi palaging siya ang kailangang unahin.”
Salit-salitan ang naging tingin ko sa kanila. Hindi na ako nakatiis dahil sa huling tinuran ni Daddy na para bang galit. Ilang beses kong inisip kung dapat ba akong magtanong about them o pabayaan ko na lang ang isyu. Bagay na alam kong hindi pwede dahil hindi naman ako mapapakali.
Shit!
Ano kayang nangyari kay Lailani? Bakit kilangang puntahan ni Chaeus?
Late na naman ako sa balita. Kasi naman Hilary, umiwas-iwas ka pa. Tingnan mo na? Hindi ka updated.
Kailangan pa kaya ng karamay ni Chaeus? Huwag ka ngang plastic Hilary, gusto mo lang makibalita.
Hinintay kong umalis muna si Dad. Sinadya ko pang bagalang kumain para lang maiwan pa ako sa dining.
“Ano bang nangyari kay Lailani?” tanong ko matapos na bumwelo.
Tiningnan ako ni Azalea na parang nagtatanong kung siya ba ang kinakausap ko. Parang shunga na naman. Sino pa ba? Kami na lang ang narito. Alangan si Daddy iyon di ba?
“Ah. Naaksidente raw. Kaya naman itong si Chaeus ayon, nagkukumahog na puntahan agad kung asan siya.”
Ah, kaya pala biglang naging busy si Chaeus. Ito pala ang dahilan niya.
“Paano bang aksidente?” curious na tanong ko, tumigil pa ako sa pagsubo para lang hintayin ang sagot niya.
“Ewan ko nga, eh. Hindi siya malinaw. Hindi pa rin makausap ng matino si Chaeus ngayon kahit halos isang Linggo na siyang naroroon. Hindi ko alam kung ayaw lang na ipaalam.”
Sa tinuran niya ay lalong na-curious.
“Ang lapit na ng opening ng resto.”
Nagkibit-balikat ako sa huling sinabi niya. Baka hindi naman iyon serious. OA lang talaga itong si Lailani kaya kinailangan ni Chaeus na pumunta.
“Syempre, kailangan siya sa opening.”
Aba ay malamang, siya ang owner. Alangan namang wala siya doon?
Nang mismong araw na iyon ay hindi ako nakatiis at ini-stalk ko ang social media account si Lailani. Wala naman akong nakitang kakaiba sa timeline niya, I mean about accident maliban sa mga depressing shared post na nagpakunot na ng noo ko.
“May away ba silang dalawa?”
Nag-scroll pa ako pababa. Matagal na rin na ganun ang mga shared post niya. Mga patama na ang iba ay di ko ma-gets kung para ba kay Chaeus o sa ibang tao. Napahawak na ako sa bibig ko ng pagbalik ko sa itaas ay nakita ang relationship status ng gaga.
“Single? Kailan pa siya naging single? Last time naka in a relationship siya. Break na ba sila ni Chaeus? Bakit?”
Buong araw ay ginulo ako noon. Hindi ko sure kung dapat ko pa bang isipin iyon o ano. Marami naman sa mga magkarelasyon na di sweet online. Iba nga ay walang gaanong status pero as far as I remember. Hindi ito ang status nila noong unang i-stalk ko. Naka-in a relationship sila.
“Sabihin ko ba kay Azalea para siya na ang magtanong? Wag na. Baka isipin niya pang nakikialam ako.”
Nakailang beses akong nagtipa ng message kay Chaeus pero gaya ng dati ay hindi ko iyon sinend. Gusto ko lang naman siyang kumustahin. Hindi sa worried ako, pero parang ang weird lang na mag-break ang dalawa.
“Chaeus, nasaan ka? Totoo bang nasa labas ka ngayon ng bansa?” basa ko sa aking itinipa matapos na burahin ang mga naunang sinabi ko.
Napakamot na ako ng ulo kahit hindi makati. Bakit ba prino-problema ko? Ano naman kung may problema sila? Normal na iyon sa magkarelasyon.
Bandang pahapon ng lumabas ako upang sana ay magbabad sa pool. Naisipan kong dumaan muna sa kusina para kumuha ng merienda. Naabutan ko si Azalea doon. Busy ito sa pagkuha ng baked macarons at inaayos sa plate habang may kausap sa phone. Naka-loudspeaker iyon.
“Are you out of your mind, Chaeus? Why did you do that? Fixed it! Huwag kang uuwi dito ng hindi mo naaayos! Hindi ka na bata. Suyuin mo siya!”
“Mom? Don't get mad. Let me explain my side. Sasabihin ko ang totoong dahilan pag-uwi ko diyan.”
Hearing his husky voice makes me miss him so much. Napanguso ako. Ang tagal na naming ‘di nagkikita.
“No Chaeus, fixed it. Ayusin mo ang relasyon mo kay Lailani. Magagalit ako sa'yo. No explanation needed. Tumatanda ka na, Zacchaeus. Huwag kang gago! Maging matino ka na.”
Fix it?
Kung ganun, may problem nga sila.
Nang umikot ito at makita akong nakatayo sa may pintuan ay bigla na lang niyang pinatay ang tawag. Puno ng pagkataranta ang mga mata. Ngumiti lang ako, inayos ang tuwalya na nakasampay sa isang balikat ko.
“I'll call you later, Chaeus.” puno iyon ng pagmamadali bago ako harapin. “Oh, Hilaray, nariyan ka pala.”
“Hmmn, kukuha ako ng merienda.”
“Kanina ka pa ba diyan?” tanong niyang umiwas ng tingin sa akin.
“Kararating ko lang.”
Ang awkward naman kung sasabihin kong oo at nakikinig ako sa usapan nila ng anak niya.
“Maglalangoy ka? Tama, medyo maalinsangan nga ang panahon.”
Marahan akong tumango. Hindi ba obvious na naka-bikini ako with towel? Alangan namang sa shower lang ang punta ko kung ganito ang get up ko? Hindi rin ako lalabas para pumarty. Hay, Azalea lutang ka ba?
“Sakto, may baked macarons akong ginawa.” presenta nitong naglagay na noon sa plato, siguro para ibahin na rin ang simoy ng hangin sa kusina. “Ilan ba ang gusto mo nito, Hilary?”
Gusto kong tanggihan kasi sweets iyon and I don't feel like eating sweets at the moment. Kaya lang sige na nga. Mukhang nahihiya rin siyang narinig ko ang usapan nila ni Chaeus.
“Salamat. Huwag mo ng damihan ng lagay.” lapit ko sa kanya na halatang nagpa-tense pa sa kalamnan niya. “Medyo busog pa rin naman ako.”
Dumeretso ako sa fridge na nasa likod niya para kumuha ng ilang lata ng soda. Lihim na siyang sinisipat.
“May problema si Chaeus sa fiancee niya? Sorry, narinig ko lang.” hindi ko na napigilan ang matabil kong dila.
“Yata. Hindi naman malala. Parang misunderstanding lang ang nangyari.” tugon nitong abala na sa ginagawa.
“I think hindi accident ang nangyari kay Lailani. I stalked her timeline at marami siyang depressing shared post. Baka work related ang stress.”