Umayos ako ng tayo. Nakabawi na sa pagkabigla. Matalim ko siyang tinitigan. Iyong tipong alam niyang hindi niya ako pwedeng pakialaman dahil siguradong magkakaroon ng giyera kada araw. Mabuti na iyong alam niya saan siya lulugar.
Sa tingin niya ba maaapektuhan at mapipigilan niya akong lumabas kapag sinabi niya ito? Hindi!
“Ano bang pakialam mo?” mataray na tanong ko sa kanya, dapat ngayon pa lang ay alam niyang hindi niya ako pwedeng kontrolin. “Si Daddy nga na ama ko ay hindi ako kayang pigilan, ikaw pa kaya? Sino ka ba sa akala mo? Huwag kang makialam ng buhay ng ibang tao! Sarili mo ang intindihin mo. Ang dami mong dada diyan!”
“Sige, lumabas ka. Dagdagan mo ang galit ni Tito para habang nasa eroplano sila isipin ka niya.”
Kino-konsensya niya ako? As if effective iyon.
Muli ko siyang inirapan. Iyon ang naging sagot ko. Ayoko na talagang makipag-usap sa kanya. Akmang lalagpasan ko na siya nang matigilan ako sa mga sumunod niyang sinabi. Hindi ko dapat siya pansinin. Wala naman dapat akong pakialam. Ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay medyo tinamaan ako at napaisip sa mga salita niya.
“Hindi kita pinipigilan pero ilagay mo sa tamang oras at lugar. Gawin mo ang gusto mo. Sige lang. Magpaka-rebelde ka hanggang sa malugmok ka. Nandiyan naman palagi si Tito para ibangon ka. Pero pwede bang huwag ngayon? Bigyan mo ng peace of mind ang Daddy mo kahit ngayon lang.”
Ano bang problema ng ungas na ito? Nariyan pa nga si Daddy nakikialam na siya sa buhay ko! Paano pa kaya kapag wala na at mga maid na lang ang kasama namin? Baka ultimong paghinga ko ay kailangang alam niya? Nakakaloka siya!
“Ayos lang namang maging frustrated sa mga bagay na hindi natin makuha, Hilary. Pero ang mga ginagawa mo sa sarili mo ay hindi na iyon katanggap-tanggap. Napapansin ka ba ni Tito? Hindi ba hindi? Ginagalit mo lang siya na soon ay magpapa-trigger ng mga health issues niya. Hindi na siya pabata, may edad na ang ama mo. Gusto mo ba siyang magkaroon ng malalang sakit nang dahil sa kunsumisyon sa'yo? Isipin mo, paano kapag nagkasakit siya nang malala?”
And so kapag nagkasakit siya ay kasalanan ko? Siya ang may kasalanan noon dahil pinabayaan niya ang sarili. Bakit kailangang ako ang masisi? Hindi ko maintindihan anong logic ang nais ng Chaeus na ito na ipaunawa sa akin. Bahala nga siya diyan. Bakit ba ako nakikinig pa sa kanya?
“Pag-isipan mong mabuti ang mga gagawin mo sa buhay. Hindi mo pa iyan magagawang intindihin sa ngayon, pero bahala ka. Ikaw din. Wala sa una ang pagsisisi. Palaging matatagpuan iyon sa huli, Hilary. Umalis ka na. Late ka na sa pupuntahan mo. Mahalaga sa'yo ang mga barkada mo ‘di ba?”
Dere-deretso na siyang umalis at pumunta ng silid na kanyang ginagamit. Naiwan ako doong parang estatwa kahit na alam kong hindi naman ako natamaan sa mga sinabi niyang walang kwenta. Pero hindi ko magawang igalaw ang paa para umalis. Parang nakadikit iyon sa sahig habang prino-proseso ng utak ko ang sinabi niya.
Ilang minuto pa ang lumipas. Nakatayo pa rin ako doon na parang na-hypnotize. Hindi ko na tuloy alam kung aalis pa ba ako o babalik ng silid. Natanggal na sa katawan ko ang excitement na bumabalot kanina. Kagagawan ito ni Chaeus. Panira talaga siya ng momentum kahit kailan!
“Panira ang tukmol na Chaeus na iyon ng mood! Akala mo babae. Ang dami-dami niyang sinasabi.”
Tuluyan na akong nawalan ng ganang lumabas. Pagkaraan ng ilang sandali ay nagdadabog akong bumalik ng silid ko. Kulang na lang ay punitin ang suot na damit habang nagpapalit. Feeling ko ay naapakan ng Chaeus na iyon ang pride ko. Wala naman siyang ibang masamang sinabi. Ni-realtalk lang niya ako. Hindi niya rin naman nilait-lait kung anong hitsura ko. Basta nanggigigil ako sa kanya. Ganunpaman ay sobrang kumukulo ang dugo ko. Para akong magliliyab sa sobrang galit.
“Girl? Nasaan ka na? Kanina ka pa namin—”
Marahas akong bumunot ng malalim na hinga. Feeling ko tuloy, nabudol ako ni Chaeus dahil nagawa niya akong pigilan sa nais kong gawin.
“Hindi na ako pupunta. Matutulog na ako. Sa sunod na lang siguro. Kayo na lang muna.”
Alam kong aani ito ng kakaibang reaction sa mga kaibigan kong kilala akong walang inuurungan.
“What? Bakit? Anong nangyari sa'yo Hilary?” hindi makapaniwalang tanong ni Josefa na para bang ang sinabi ko ay first time niya marinig.
Ang reaction nilang ganito ay expected ko na.
“Sabi mo kanina sa message nakapagbihis ka na. OMG! Don't tell us nahuli ka ng Daddy mo habang palabas? Ganun ba ang nangyari sa'yo ha?”
Umikot sa ere ang aking mga mata. Naisip talaga nila na oras mahuli ako ni Daddy ay hindi na ako tutuloy? Hindi ba pwede na iba ang dahilan ko?
“Ayokong magkwento—”
“Sinasabi ko na nga ba eh, may nangyari. Kailan mo sasabihin sa amin? Willing kaming makinig."
“Saka na lang. Enjoy na lang kayo diyan ng kayo lang. Magkita tayo sa school ng Monday.”
Hindi ko na hinintay ba muling makapagsalita pa sila at ini-end ko na agad ang tawag. Ilang beses kong binalikan ang mga sinabi ni Chaeus kanina. Hindi ko naman sinasabing tama siya kaya hindi na ako tumuloy. Sadyang na-badtrip lang ako. Tama. Na-badtrip ako kaya hindi na tumuloy.
“Makakaganti rin ako sa'yong tukmol ka sa paninirang ginawa mo sa mood ko ngayong gabi!” banta ko na iniisip na kung anong klaseng ganti.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Sinadya ko iyon. Alam ko na maagang aalis si Daddy at bago siya umalis ay gusto kong makita kahit hindi niya hiniling na agahan kong gumising. Sa kabila ng away namin ay gusto ko pa rin naman siyang makita bago umalis. Kahit hindi mayakap. Ewan, mukhang nagayuma talaga ako ni Chaeus.
“Si Daddy?” tanong ko sa maid nang pumuwesto na ako sa dining table, sign iyon na kakain ako. “Gising na ba? Lumabas na siya ng kwarto nila?”
“Naku, kanina pa umalis. Hindi mo inabot. Siguro ay mga isang oras na ang nakakalipas, Hilary.”
Medyo nagulat ako kung bakit ganun sila kaaga. Hindi ko iyon ipinakita sa maid. Nagkibit lang ako ng balikat. Ano pa bang magagawa ko? Alangan namang habulin ko siya? Nasa airpot na iyon. Baka nga lulan na ng eroplanong sasakyan nila.
“Mas maaga siyang umalis kanina kumpara noong huling business trip niya. Namali raw ng book ng time ng flight.” dagdag pang kwento ng maid, siguro naisip niyang karapatan kong malaman.
Tumango lang ako. Ayoko ng pag-usapan pa si Daddy. I'm starving. Gusto ko na kayang kumain.
“Toasted bread, fried egg at saka fresh milk.” kapagdaka ay sabi ko para sa aking breakfast.
Sunod-sunod siyang tumango.
“Sige, Hilary. Pakihintay lang ah? Saglit lang.” tugon niyang isa-isa ng kinuha ang kailangan.
“Pauna na lamang pong pahain ng fresh milk.”
Agad siyang sumunod sa gusto ko. Iginala ko ang paningin sa buong kusina. Ngayong wala dito sina Daddy at Azalea parang ang empty ng buong bahay namin. Ganitong oras kasi kung normal na weekend ay hindi na magkandaugaga si Azalea maghanda ng aming breakfast to impress us. May mga maid naman kami na gagawa noon pero epal talaga siya na laging gustong may pakana ng ibang pagkain na ihahain sa amin. To be honest, masarap naman ang mga lito niya kaya lang never ko siyang pupurihin. Baka lumaki lang ang ulo noon at akalaing okay na siya sa akin.
Well, naroon na tayo sa gustong-gusto talagang maging ulirang asawa niya kay Daddy. Pero ewan, hindi ko pa rin talaga siya magustuhan. Wala naman akong mare-reklamo sa pagiging ganun ng babaeng iyon. At saka si Daddy rin naman ang nagbe-benefit ng lahat at hindi ibang tao. Bitter lang talaga akong anak saka attention seeker. Ayoko lang talaga sa kanya. Period. Basta ayoko. Walang sinumang makakapagpabago ng isip ko.
“Salamat.” sambit ko nang ilapag na ng maid ang umuusok pang mga pagkaing hiniling ko sa harap.
Mabagal akong nagsimulang kumain. Ninanamnam ang sarap ng bawat subo, nguya ng paboritong breakfast sa tahimik na paligid. Hindi ko naman sinasabing maingay kapag sina Daddy at Azalea ay narito, pero parang ganun nga ang ibig ko.
Maingay na nabitawan ko ang hawak na tinidor nang makita kong pumasok si Azalea ng kusina.
“What are you doing here?”
Basa pa ang buhok nito na halatang bagong ligo. Akala ko ay kasama siya ni Daddy? Bakit narito siya? Ibig sabihin mag-isa lang na umalis si Dad?
“Hindi na ako sumama dahil baka isipin mo na sinasamantala ko ang pagkakataong iyon.”
Napatayo na ako sa kinauupuan. Muntik ko pang matabig ang baso ng gatas na nasa kalahati na. Hindi ko alam kung dahil sa sinabi ni Chaeus sa akin kagabi about his health ang pinag-aalala ko.
“B-Bakit hindi mo siya sinamahan? Hindi naman kita pinipigilan. Are you out of your mind? Ilang buwan din iyon. He needs a companion. You are his wife. Sana sinabi mo kagabi na hindi ka sasama para ako na lang ang sumama sa kanya.”
Ilang beses ko siyang pinandilatan. Tumindi pa ang galit ko. Napakarami kong nais na isumbat.
“You are unbelievable, Azalea...”
Gaga siya! Gaya ng anak niyang hindi nag-iisip. Hindi ko naman sinabing huwag siyang sumama!