KABANATA 14
Akala ko kung saang lugar nila gusto mag-celebrate, ‘yun pala sa bahay lang nina Bernard. Wala raw kasi ang parents niya at ‘yung mga katulong nila, pinaalis niya muna, kasi may plano pala silang mag-inuman. Naisip ko, buti na lang pala sumama ako, para mabantayan ko si Jade.
Kabababa pa lang namin ng kotse si Kristine nakakapit na naman sa ‘kin. Tingin ko gumagawa ng palabas para mapansin ni Steve at mukhang successful siya kasi napapatingin nga sa ‘min si Steve. Hindi nga lang si Steve, pati si Jeff, kaya tinanggal ko agad ‘yung kamay niya sa braso ko at nagtanong kung nasaan ba ang CR.
“Pagpasok, diretso lang sa may kaliwa malapit sa kitchen,” sagot ni Kristine sa ‘kin.
“Okay, thanks,” binilin ko si Kristine kay Jeff, para magka-chance naman si Jeff na makausap si Kristine. Para naman makaporma ‘yung kaibigan ko. Sinenyasan ko na lang si Jeff, na siya na ang bahala. Kaso sa itsura niya, mukha siyang kabado. Namumutla at halatang pinagpapawisan kahit ‘di naman mainit.
Pagkatapos kong mag-CR, lumabas na 'ko at lahat sila nasa sala na. Sa center table may mga nakalagay na agad na mga chips at beer. Tapos kanya-kanyang upo na. Kanya-kanyang partners. ‘Yung mga bagong members ng team tulad ko, sila-sila naman ang magkakasama. Si Jeff kasama pa rin si Kristine at himala, nagkukwentuhan sila. Si Jade naman syempre nandoon sa tabi ni Steve.
Para ‘di ako makaistorbo sa kwentuhan nina Kristine at Jeff, doon ako sa mga bagong members ng team sumama.
“Guys!” lumabas si Bernard na may dalang bote ng tequilla. Kasunod naman niya ‘yung girlfriend niyang si Sheena na may dalang iodized salt at bowl na may lamang sliced lemons.
“Wow! Bernard saan mo nakuha ‘yan?” tanong ni Patrick, isa sa mga kabarkada nila.
“Asensado tayo ah!” dagdag pa ni Steve.
“Kay Dad ‘to. Pero hindi naman niya mapapansin na nabawasan ‘yung mga alak niya.”
“Ayos ‘yan! Simulan na!”
Parang ‘di ko gusto na mag-iinuman sila na nandito ‘yung mga babae. Maraming pwedeng mangyari ‘pag mga naka-inom na, kaya tumayo ako at saka tumabi kay Jade. Nasa couch kasi sila at sila lang ni Steve ang nakaupo. Kasya pa nga ang tatlo. Malaki kasi ‘yung upuan. Nakita ni Steve ‘yung pagtabi ko kay Jade, kaya inakbayan niya agad at tiningnan ako nang masama.
“Hi, Jared,” bati sa ‘kin ni Jade na nakangiti pa. “Gusto mo ng chips?” inabot niya sa ‘kin ‘yung potato chips na kinakain niya.
“Sige, thanks,” kumuha ako nang konting chips at saka ko kinain. Mayamaya si Kristine nakatabi na sa ‘kin. Si Jeff naman sumunod at tumabi naman kay Kristine.
‘Yung iba nag-uumpisa nang uminom. May ilang may hawak na ng bote ng beer. Sina Bernard naman binuksan na ‘yung bote ng tequilla at siya ‘yung unang iinom.
“Body shot! Body shot!” sigaw nila.
“Honey, body shot daw,” sabi ni Bernard kay Sheena.
“Ayoko nga,” tanggi ni Sheena sa gusto ng boyfriend.
“Ayaw? Sige, sinong gusto mag-volunteer? Sa girls ah,” kaya hinampas ni Sheena si Bernard sa braso. Kinuha ‘yung lalagyan ng asin at nagtaktak nang konti sa kamay niya.
“Ayoko d’yan. Gusto ko dito,” saka hinawi ni Bernard ‘yung buhok ni Sheena. Ibig sabihin, gusto niya sa leeg ni Sheena ilagay ‘yung asin. Sigawan lahat nang dilaan ni Bernard ‘yung asin na nasa leeg ni Sheena, sabay inom ng tequilla at sipsip ng lemon.
Ang wild din ng mga ‘to. Paano kung turn na si Steve? Hindi ata ako makapapayag na magpapa-body shot din si Jade. Sunod-sunod na ‘yung pag-shot ng tequilla. At ito na ‘yung ayaw ko. ‘Yung turn ni Steve. Tuwing tatapat kasi sa mag-boyfriend, sumisigaw sila ng body shot.
“Baby,” tawag ni Steve kay Jade. Umiling si Jade. Ibig sabihin ayaw niya.
“Sige na baby. One time lang,” umiling ulit si Jade.
“Girl ang KJ mo naman,” sabi ng mga kaibigan ni Jade sa kanya. Kasi lahat sila nag-body shot tapos si Jade hindi.
“Sorry. Ayoko talaga,” sagot na lang ni Jade.
Halatang nainis si Steve, pero ‘di na niya pinilit si Jade. Ininom na lang niya ‘yung tequila. ‘Yung sunod na shot para kay Jade na, at tulad nang pagtanggi niya sa body shot, tinanggihan din niya ‘yung pag-inom ng tequilla.
“Ayoko Steve,” sabi niya nang inabot ni Steve sa kanya ‘yung baso. Marahan pa niyang tinulak ‘yung kamay ni Steve na nakahawak sa baso.
“Baby. Hindi ka na nga pumayag sa body shot. Pati ‘to tatanggihan mo rin?”
“Ayoko talaga.”
“Pare, ‘wag mo na pilitin,” kinuha ko ‘yung baso at ako ‘yung uminom ng para kay Jade.
“Pakialamero ka pala eh!” sigaw ni Steve sabay tayo. Hinarangan naman siya ni Jade. “Steve, hayaan mo na. Hindi ko rin naman talaga iinumin ‘yun eh.”
“Alam mo dapat hindi na kayo sumama niyang kaibigan mo eh!” at tinuro niya si Jeff. Si Jeff naman tahimik lang.
“Steve, kung ayaw kasi ni Jade, huwag mong pilitin. Ano'ng magagawa mo eh manang ‘yang girlfriend mo,” sagot naman ni Kristine. ‘Di na sumagot si Steve at naupo na lang uli.
Si Jade naman bumulong sa ‘kin. “Jared, pasensya ka na and thanks.”
“Wala ‘yun. Basta lahat ng tagay na para sa ‘yo, ako na lang ang iinom.”
Naglagay ulit sila ng tequilla sa baso at binigay sa ‘kin. Mukhang mapapasubo ako nito. Palaging dalawa ‘yung iinumin ko. ‘Yung para kay Jade at ‘yung sa ‘kin.
“Body shot!” sigaw ulit ng mga girls. Nawala na agad ‘yung tensyon na meron kanina. Siguro dahil katabi ko si Kristine at tinutukso kaming dalawa, kaya gusto nilang mag-body shot kami.
“Huwag na,” tumanggi ako.
“Huwag KJ Jared!” sabi nila sa ‘kin.
“Okay lang sa ‘kin,” sabi ni Kristine na nakangiti pa. Tumingin ako kay Jeff. Tumango naman siya. Nag-aalangan kasi ako na gawin.
“Dito lang,” kinuha ko ‘yung lalagyan ng asin at nilagyan ko si Kristine sa ibabaw ng kamay niya.
“Ang manong naman,” sabi ni Kristine sabay tawa. ‘Di ko na lang pinansin ‘yung sinabi niya. ‘Di naman pagka-manong ‘yung ginawa ko. Ang tawag doon respeto.
Pagkatapos kong uminom, si Kristine naman ang sumunod. Si Jeff hindi uminom dahil may allergy siya sa kahit na anong inumin na may alcohol. Dati raw kasi napag-tripang lagyan ng alak ni Steve ‘yung juice na iniinom ni Jeff, pinantal ‘yung buong katawan niya.
Mabuti na rin na ‘di uminom si Jeff, para ‘pag nalasing ako, siya ang magmamaneho. Tuloy lang sa ikot ‘yung tagay. Medyo nararamdaman ko na nga ‘yung tama ng alak. Ang init na rin ng pakiramdam ko.
“Jared, okay ka lang ba?” tanong sa ‘kin ni Kristine. Hinawakan pa niya ‘yung mukha ko. Nilayo ko naman ‘yung mukha ko sa kamay niya.
“Ayos lang ako,” sagot ko sa kanya.
Mayamaya umalis sina Jade at Steve, pumunta ata sa kusina.
Parang ang bagal ng oras kasi kanina pa ‘di bumabalik sina Jade. Hindi ako mapakali kaya tumayo ako para sundan sila. Tinanong pa 'ko ni Kristine kung saan daw ako pupunta. Ang sabi ko naman sa CR lang ako pupunta, pero ang totoo pupuntahan ko sina Jade sa kusina. Binilinan pa 'ko ni Kristine na bilisan ko raw. Umoo naman ako at sinabi ko pang magkwentuhan na lang muna sila ni Jeff.
Naglakad ako papunta sa kusina. Medyo nahihilo pero kaya ko pa naman maglakad.
Malapit na 'ko nang marinig ko ‘yung boses ni Jade.
“Steve! Ano ba? Lasing ka na!” masama ‘yung naging kutob ko nang marinig ko siya. Mukhang may ginagawang ‘di maganda si Steve sa kanya. Kahit hilo ako, tumakbo na 'ko papunta sa kusina. Nakita ko si Steve na pilit hinahalikan si Jade. Hinawakan ko agad sa damit si Steve para ilayo kay Jade, at saka ko siya sinuntok. Napahawak na lang si Steve sa may counter top, para ‘di siya bumagsak.
“Bakit ba ang hilig mong mamilit ng babae?” sigaw ko sa kanya. Kahit girlfriend niya si Jade, wala siyang karapatang pilitin si Jade na gawin ang isang bagay kung ayaw naman nito.
“At bakit ba ang pakialamero mo?” sinubukan niya 'kong suntukin pero naka-ilag ako. Napaluhod tuloy siya.
“Tama na, huwag na kayo mag-away!” awat ni Jade sa ’min at nilapitan niya si Steve. “Steve, lasing ka na. Halika na, tumayo ka na d’yan.”
“Bitawan mo 'ko! Magsama kayo niyang kaibigan mong pakialamero!” hinawi niya ‘yung kamay ni Jade, at pilit na tumayo at umalis.
“Steve,” tinawag pa ni Jade si Steve at balak niya sanang sundan, pero pinigilan ko siya.
“Hayaan mo na siya,” awat ko kay Jade. “Umakyat sa utak niya ‘yung alak. Ayos ka lang ba?”
Tumango siya, “Oo, okay lang ako.”
“Sigurado ka?”
“Oo, halika na.”
Naglakad na kami paalis ng kusina pabalik sa may sala. Nakita namin si Steve na kay Kristine na nakatabi ngayon. Si Jeff wala na. Nasaan kaya ‘yun?
“Jade, dito ka lang. Hahanapin ko lang si Jeff.”
“Sige, subukan ko namang kausapin si Steve,” napabuntong hininga na lang ako. Pagkatapos nang ginawa ni Steve sa kanya, si Steve pa rin ang iniisip niya.
“Sige,” ‘yun na lang ang naisagot ko.
Hinanap ko si Jeff. Wala siya sa loob ng bahay kaya lumabas ako at nandoon nga siya.
“Bro, anong ginagawa mo rito?”
“Papahangin lang,” matamlay na sagot niya.
“‘Yung totoo?” mukhang malungkot siya eh.
“‘Yung totoo? Si Kristine kasi. Alam mo ‘yung, ang saya ko kanina kasi kahit sandali nagkakwentuhan kami. Kaso ‘pag nakita ka na niya, wala na. Tapos kanina noong umalis ka medyo nagkwentuhan kami uli kaso pagbalik ng kapatid kong si Steve, nakalimutan uli ako. Kaya kesa panuorin ko silang dalawa, lumabas na lang ako.”
“Alam mo Jeff, imbis magmukmok ka d’yan, isipin mo na lang ‘yung magandang nangyari. Kahit sandali lang, nakakwentuhan mo naman si Kristine na dati ‘di mo nagagawa. Naka-isang hakbang ka na, unti-unti lang ang lakad bro. ‘Wag kang magmadali,” sabi ko sa kanya, sabay tapik sa balikat niya.
Mayamaya, may biglang lumabas sa may pintuan. Pagtingin namin si Jade, umiiyak. Nag-alala naman ako agad, kaya nilapitan ko siya. Tinanong ko kung ano'ng nangyari. Ang sagot naman niya, habang nagpupunas pa ng luha, gusto na raw niyang umuwi at nagpapahatid na sa ‘kin. Umoo naman ako, pero sabi ko, si Jeff ang magmamaneho dahil medyo may tama pa ‘yung ininom kong alak kanina.
Kinuha ko ‘yung susi sa bulsa ko at saka ko inabot kay Jeff. Naglakad na kami palabas ng bahay nina Bernard. Hindi na kami nagpaalam pa, mukhang ‘di rin naman nila pansin na nawala kaming tatlo sa loob. Mukhang wala rin namang pakialam si Steve kay Jade, dahil kung meron dapat sinundan niya ‘yung girlfriend niya na umiiyak.
Buong byahe, tahimik lang si Jade. Sa likuran siya nakaupo at paminsan-minsan nililingon ko siya para tingnan. Tahimik lang siyang nakatingin sa labas ng bintana at mukhang ang lalim ng iniisip. ‘Di ko tuloy alam kung ano'ng nangyari. Break na kaya sila ni Steve?
“Jade, ayos ka lang ba?” tanong ko sa kanya. ‘Di siya sumagot, mukhang ’di niya 'ko narinig kaya tinawag ko ulit ‘yung pangalan niya.
“H-ha?” medyo gulat pa na sagot niya.
“Sabi ko, ayos ka lang ba?”
“Basta gusto ko lang umuwi,” ‘di niya sinagot ‘yung tanong ko kung okay lang ba siya. Sa bagay parang ewan naman kasi ‘yung tanong ko. Nakita ko siyang umiiyak kanina, at ngayon tahimik siya na ang lalim ng iniisip, malamang ‘di siya okay.
Nang makarating na kami sa bahay nila, bumaba agad si Jade. Bumaba rin ako.
“Jared, salamat sa paghatid n'yo sa ‘kin ni Jeff ah,” sabi niya habang magkaharap kami sa labas ng gate nila.
“Wala ‘yun. Pero Jade, kung kailangan mo ng kausap, nandito lang ako. I-text or tawagan mo lang ako. Nandito ako para makinig,” kahit si Steve ang magiging topic ng usapan namin, okay lang sa ‘kin. Ang importante nadamayan ko siya sa problema niya.
Pinilit niyang ngumiti sa harapan ko. “Thanks, Jared,” pero halata naman sa mga mata niya na malungkot siya.
Nagpaalam na 'ko sa kanya. Hinintay ko lang siya makapasok sa bahay nila, at saka ako sumakay ng kotse.
“Ano kayang nangyari kay Jade? Bakit siya lumabas kanina na umiiyak? Nag-away kaya sila ng kapatid ko?” tanong ni Jeff. ‘Di nga pala niya alam ‘yung nangyari kanina na pamimilit ni Steve kay Jade, at panununtok ko sa kapatid niya.
“Nang umalis ako kanina para mag-CR, ‘di talaga ako sa CR pupunta, sinundan ko sina Jade sa kusina. Inabutan ko na pilit hinahalikan ni Steve si Jade. Mukhang lasing na kasi si Steve kanina. Sinuntok ko ‘yung kapatid mo. Pasensya na ah, bastos eh.”
“Okay lang ‘yun. O, tapos?” gusto kong matawa sa sinabi ni Jeff, parang ‘di niya kapatid ‘yung sinuntok ko. Pero syempre seryoso ang usapan namin, kaya balik na lang sa pagkukwento.
“Nagalit si Steve sa pangingialam ko at pati kay Jade, nagalit siya. Nang lumabas naman ako para hanapin ka, iniwan ko muna si Jade at ang sabi niya susubukan niyang kausapin si Steve. ‘Yung mga sumunod na nangyari sa kanila, ‘di ko na alam,” at gustong-gusto ko malaman.
“Sira ulo talaga ‘yung kapatid kong ‘yun. Sana ang ibig sabihin ng pag-iyak ni Jade kanina break na sila.”
“Sana nga.”