“GOOD MORNING.”
Kunot noo naman akong napalingon sa kaniya habang nagluluto ng almusal. Nakangiti siya sa akin.
Bakit kaya? Nagkakapagtaka!
“Tatanga ka na lang ba diyan?” tanong niya na nagpabalik sa sarili ko. Nakatitig na pala ako sa kaniya. “Where’s my coffee panget?” tanong niyang muli.
Agad naman akong tumalima at ipinagtimpla ko siya. Aba! Ang saya ng loko! Siguro dahil sa nahalikan niya ako kagabi? Tss! Kung alam ko lang nako! Wala sa sariling napangiti ako bigla. Pagkatapos ko siyang ipagtimpla ay ipinagpatuloy ko na rin ang ginagawa kong paghahanda para sa lulutuin ko.
“Yes baby? Sure later here in my place. Yeah!”
Natigilan naman ako at awtomatikong nawala ang ngiti sa mga labi ko nang marinig ko ang sinabi niya. May kausap pala siya sa telepono. Tss! Akala ko ang dahilan ng pagngiti at pagbati niya sa ’kin ay dahil sa halik namin kagabi, pero hindi pala! May bago na naman siyang clown panigurado ako! Napabuntong-hininga na lamang ako nang malalim. Nakakawalang gana! Nakakabadtrip!
“Magluto ka mamaya panget bago kami umuwi rito.” Saad niya saka lumabas ng kusina habang bitbit ang tasa ng kape niya.
“Huwag kang mag-alala Kamahalan at lalagyan ko na lang din ng lason para mategi agad ’yang hitad mo.” Iritang bulong ko sa sarili habang gigil na naghihiwa ng sibuyas. “Aray!” daing ko nang maramdaman ko ang kirot sa daliri ko. Bigla kong nahiwa ang sarili ko dahil sa inis ko sa kaniya. “Ahh! s**t naman, oh!” halos mapasigaw pa ako nang makita ko ang maraming dugo na lumabas sa daliri ko.
“What the heck? What happened?” gulat na tanong niya nang muli siyang pumasok sa kusina. Agad siyang lumapit sa ’kin at hinawakan ang kamay ko. “Hindi ka ba marunong mag-ingat?” galit na tanong niya pa sa ’kin saka walang sabi-sabi na hinawakan ang kamay ko at hinila ako palapit sa lababo. Doon sa gripo ay hinugasan niya ang dumudugo kong daliri.
Ayan na naman ang kuryenteng nararamdaman ko nang magdaiti ang mga balat namin sa braso. Ewan ba’t ganito ang pakiramdam ko kapag sobra naming lapit sa isa’t isa. Para akong baliw! Ang lakas ng kabog ng puso ko!
“Next time, you should careful, okay?” pagalit na saad niya sa ’kin saka ako hinila papasok ng sala. Bakit ba ang hilig niyang manghila? “Sit.” Utos niya sa ’kin.
Wala sa sariling namaupo naman ako sa sofa habang siya naman ay nagmamadaling pumasok sa kuwarto niya. Mayamaya pagkalabas niya ay may dala na siyang first aid kit. Nang umupo siya sa tabi ko ay kaagad niyang ginamot ang sugat ko. Arte naman! Kaunting sugat lang naman pero kung maka-react siya parang nasugatan talaga ako, e! Pero aaminin kong kinikilig ako sa kaniya ngayon. Marunong din naman pala siyang mag-alala, e! Akala ko wala siyang puso!
“S-salamat.” Tipid kong saad sa kaniya matapos niyang lagyan ng bandaid ang daliri ko.
“Kung galit ka huwag kang hahawak ng kutsilyo, baka sa susunod hindi lang daliri mo ang mahiwa mo.” Galit pang saad niya sa ’kin saka tumayo. “Where are you going?” tanong niya nang tumayo rin ako at maglalakad na sana papasok sa kusina.
“Tatapusin ko lang po ang nilu―”
“Don’t bother. Huwag mong babasain ang sugat mo. Ako na ang bahalang magluto.” Seryosong saad niya at nagpatiuna nang pumasok sa kusina.
Pero kaagad naman akong sumunod sa kaniya sa kusina. “Ako na Kamahalan, kaunting sugat lang naman ito,” sabi ko sa kaniya. “Kaya ko pa naman magtrabaho diyan.” Dagdag na saad ko pa sa kaniya.
“I said stay put at ako muna ang magluluto rito. Just tell me kung ano ang gagawin ko.” Sa halip ay saad niya.
Napamaang na lamang ako at wala ng nagawa nang isuot na niya ang apron. Oh, ang cute niya pang tingnan sa pink na hello kitty na apron! Lihim na lamang akong napangiti.
“Now tell me what should I do?” tanong niya sa akin mayamaya.
Tumikhim naman ako at naglakad palapit sa kitchen counter at umupo ako sa isang high chair na naroon. “Igisa mo ang bawang, sibuyas saka isunod mo ang karne,” sagot ko.
Ginagawa naman niya ang mga sinasabi ko. Madali siyang makasunod at matuto.
Pinanuod ko lang siya sa kaniyang ginagawa. At pagkalipas ng ilang minuto, lumapit siya sa akin habang hawak-hawak ang kutsarang nilagyan niya ng kaunting sabaw.
“Try this!” aniya. Hinipan niya pa iyon bago inilapit ulit sa ’kin.
Takte! Bakit ang sexy ng pag-ihip niya? Napapatitig tuloy ako sa guwapo niyang mukha. Ang sarap―este ’yong niluluto niya mukhang masarap!
“Try this.” Ulit niya.
Nag-aalangan pa ako sa una kung ibubuka ko ba ang bibig ko para isubo ang kutsara o hindi. Talaga naman kasing nakakailang! Lalo pa’t iba ang titig niya sa akin ngayon.
“Huwag ng maarte panget, tikman mo na kung tama ba ang niluto ko.” Saad niya sa akin.
Tipid na ngumiti ako sa kaniya pagkuwa’y napipilitang ngumanga ako upang isubo ang kutsara na hawak niya at nasa tapat ng bibit ko.
“What?” tanong niya matapos ko ngang tikman ang sabaw.
“Uh, m-medyo kulang ng asin. Kaunti, pa,” sagot ko.
Kaagad naman siyang tumalikod sa akin at bumalik sa tapat ng kalan. Muli niyang tinimplahan ang niluto niya. Ako naman... tumayo na ako sa puwesto ko at naglakad palapit sa may pinto at doon ako tumayo. Tinitingnan ko lang siya habang naghahain na ng pagkain. “There!” aniya. “Buti at na perfect ko.” Pagmamayabang niya pa pagkatapos. “Come here! Sabayan mo na ako.” Aniya at tinapunan niya ako ng tingin.
Bigla ko namang naturo ang sarili ko nang magtama ang mga mata namin. “Ako po?” tanong ko.
Biglang sumeryoso ang mukha niya at namaywang habang nakatayo siya sa gilid ng kabisera. “May iba pa ba akong kasama rito na nakikita mo at hindi ko nakikita?” masungit na tanong niya.
Oo nga naman! “Mamaya na lang po ako―”
“Come on, panget! Huwag ka na mag-inarte.”
In fairness ngayon niya lang ako pinilit. Kaya kaysa mag-inarte pa nga raw ako e, lumapit na rin ako sa lamesa at pumuwesto sa dulo.
“May sakit ba akong nakakahawa para layuan mo ako?” tanong niya ulit sa akin.
Tahimik naman akong lumipat ng upuan malapit sa puwesto niya.
Bakit ganoon? Nagdidiwang ang puso ko ngayon kahit kanina para akong baliw sa isiping may babae na naman siya mamayang gabi! Hayaan na nga! Wala naman akong magagawa at hanggang pangarap lang ako sa kaniya. Lubusin ko na lang ang oras ngayon na parang nasapian ata siya ng sampong anghel kaya bumait siya sa ’kin ng kaunti.
Hanggang sa matapos kami kumain. Siya na rin ang naghugas ng mga pinggan na ginamit namin. Hay, salamat sa sugat ko at ’di ako nakapagtrabaho ngayon!
“Huwag ka na magluto mamaya.”
Bilin pa niya sa ’kin bago siya umalis para pumasok sa trabaho niya.
Hay nako, Sinag! Mangarap ka! Pero sinasabi ko sa ’yo... kapag ikaw nasaktan dahil sa ambisyon mong sobrang taas, nako!
“Oo nga! ’Tsaka babaero ang sungit na ’yon. Baka isama ka lang sa mga gagawin niyang palipasan oras niya kapag nagkataon. Nako, delikado na Sinag!”
Ganito ba talaga kapag may feelings ka para sa isang lalaki? Nakakabaliw at kinakausap mong mag-isa ang sarili mo? Para na kasi akong tanga rito at nakikipagtalo ako sa isipan ko!
Mayamaya ay naputol ang pagmumunimuni ko nang tumunog ang keypad na cellphone ko. Kinuha ko iyon sa bulsa ng short ko.
“Nakalabas na si kuya sa ospital bess. Okay naman na raw siya sabi ng doctor.”
Text sa ’kin ni Maria. Buti naman at nabawasan na ang problema ko. Pero, napapaisip pa rin ako kung sino ba talaga ang nagbayad ng bill ni kuya sa hospital? Hindi kaya― “Hala, siya nga! Bakit ngayon ko lang naisip ’yon? Amorez Medical Center. Sila nga ang may-ari ng ospital.”
“PUWEDE mo naman siguro ako tulungan hindi ba?” pabulong na reklamo ko habang naglalakad kami sa hallway papunta sa opisina niya. Paano, pagbitbitin ba naman ako ng sandamakmak na mga folder mula sa front desk pa lang. Naturingang lalaki pero napaka-ungentleman naman!
“Saying something, panget? Nagrereklamo ka na ba?” tanong niya nang makapasok na kami sa opisina niya.
“Wala po Kamahalan.” Padabog ko pang inilapag sa lamesa niya ang mga dala ko.
“Galit ka ata, e?” tinitigan niya pa ako ng seryoso.
“Hindi! Masaya ako! Kita mo, oh! Nakangiti nga ako.” Mabilis akong ngumiti nang malapad.
“Crazy! Doon ka na nga.” Pagtataboy niya sa akin.
Naglakad na lang ako palapit sa sofa at doon umupo. Hindi ko maintindihan ang ugali ng isang ito! Kung minsan mabait sa ’kin, pero madalas pa rin naman magsungit! Noong isang araw lang ay ang bait-bait niya na halos akuin na niya lahat ng trabaho ko sa bahay niya. Ngayon naman... ayan at balik na naman siya sa pagiging bugnutin at masungit niya! Sarap maghiwa ulit ng daliri para bumait na naman siya sa ’kin, e!
“Hey bro!”
Napatingin ako sa bumukas na pinto at sa lalaking iniluwa roon.
“What are you doing here?” masungit na tanong nitong amo ko.
“Sinag!” imbes na sagutin ng lalaki ang tanong ni Kamahalan ay lumapit naman ito sa ’kin at kinamayan ako.
Ano nga ulit pangalan nito? Herns? Herms? Germs?
“Hermes! Remember?” anito sa ’kin.
Bigla naman akong napangiti nang maalala ko ito. Oo siya nga ’yong lalaki sa rooftop! “Naalala ko.” Saad ko. “Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ko. Pero bigla akong nagulat nang bigla itong umupo sa tabi ko.
“May kailangan lang ako kay King. Ikaw? What are you doing here? Sa kaniya ka ba nagtatrabaho?” tanong din nito sa akin.
“Oo,” sagot ko. Pero biglang nawala ang ngiti sa mga labi ko nang pagtingin ko kay Kamahalan ay halos patayin na niya ako sa klase ng tingin niya sa ’kin. Ano na naman ba ang naging kasalanan ko ngayon?
“Secretary?”
“She’s my maid,” mabilis na sagot ni Kamahalan. “What are you doing here?” masungit na tanong na naman niya.
“Relax bro!” natatawang saad naman nitong si Herns. Ano nga ulit? Ah! Hermes pala! Got it. Tumayo naman ito sa tabi ko at naglakad palapit sa lamesa ni Kamahalan. “Dumaan lang ako rito para ipaalam sa ’yo na bukas ang mission natin sa St. Benedict Orphanage. Sasama ka ba?”
“I’ll see my schedule tomorrow.” Aniya. “What else?”
“Nothing.”
“You can leave.” Seryosong saad niya.
Takte talaga ang ugali ng sungit na ito! Kaibigan niya ba talaga ang kausap niya? Sarap upakan, e!
Tumawa ng pagak si Hermes sa bugnutin kong boss. “Just wanted to remind you bro and kasama pala ang mommy mo bukas.” Anito at tumingin pa ito sa ’kin saka ako kinindatan. “Bye Sinag, see you around.”
“Bye Hermes.” Nakangiting kumaway din ako rito bago ito tuluyang nakalabas ng opisina.
“What’s with that smile, huh?”
Napatingin ako sa kaniya. “Bakit, bawal?” tanong ko saka siya inirapan at itinuon ang paningin ko sa magazine na kinuha ko.
“Kailan pa kayo nagkakilala?”
“Bakit mo tinatanong?” balik na tanong ko.
“Just answer my question, panget!”
“Noong nakaraan—”
“Don’t talk to him again.”
Napatingin ako nang diretso sa kaniya. Nakakunot na naman ang noo niya habang masama ang tingin sa ’kin. Sa halip na mag-iwas ng tingin sa kaniya, seryosong tingin din ang ibinigay ko sa kaniya. Oh, huwag mong sabihin na nagseselos ang Kamahalan ko? Hala! Baka gusto niya na rin ako kaya pinagbabawalan niya akong kausapin si Hermes! No way! Huwag kang umasa Sinag, wala kang pruweba na gusto ka rin ng sungit na ito!
“What?” inis na tanong niya nang matagal ko na siyang tinitititgan.
“Bakit naman hindi ko na siya puwedeng kausapin? E, mas mabait nga siya kaysa sa ’yo, e!” sagot ko sa kaniya.
“Just do what I say kung ayaw mong mawalan ng trabaho.” Saad niya saka muling ipinagpatuloy ang naudlot niyang trabaho.
Nakakapagtaka na talaga ang ibang ikinikilos ng lalaking ito! Kung ’di nga lang ako masasaktan sa huli iisipin ko talaga na may gusto na ito sa ’kin. Pero malabo talaga, e! Malabong magkagusto sa ’kin ang isang Caspian Amorez. Sino ba naman ako para magustohan ng isang katulad niya hindi ba?
“PANGET! Hurry up male-late na ako dahil sa ’yo.”
Dinig kong sigaw niya mula sa sala. Nagmadali naman akong lumabas sa kabilang banyo.
“Tss! Kung kailan paalis ako saka ka naman nag-inarte diyan.” Pagalit na saad niya.
“E sa masakit talaga ang tiyan ko! Ano ang gusto mong mangyari, sa labas ako magkalat?” saad ko rin sa kaniya. Kanina pa kasi ako pabalik-pabalik sa banyo. Hindi ko alam kung ano ang nakain ko na hindi maganda para sumama ang tiyan ko.
Tiningnan niya lang ako ng masama saka nagpatiuna ng lumabas. Kinuha ko muna ang bag ko at sumunod na rin sa kaniya. Isinama niya kasi ako para sa mission nila sa bahay-ampunan. Ewan ko kung ano’ng klaseng mission iyon. Basta ’yon ’yong sinasabi ni Hermes sa kaniya kahapon. Excited ako kasi first time kong makakapunta sa bahay-ampunan. Mahilig din ako sa mga bata kaya siguro ay mag-i-enjoy ako sa mga mangyayari mamaya.
Ilang sandali na biyahe ay nakarating na rin kami sa lugar na pakay namin. Una kong nakita si Hermes na nasa labas ng gate at halatang naghihintay sa pagdating namin. Lalapitan ko na sana ito nang makababa kami sa sasakyan ni Kamahalan, pero nagulat na lang ako nang iharang niya agad sa harapan ko ang kamay niya kaya napatigil ako sa paglalakad.
“Bakit ba?” inis na tanong ko nang tingnan ko siya. Magkasalubong pa ang mga kilay ko.
“Remember what I told you yesterday? Do not talk to him again or I’ll fire you.” Mariing saad niya saka niya ako hinila pabalik sa likuran niya.
Ugh! Sarap niyang bugbugin! Isinama niya pa ako rito kung bawal naman pala akong makipag-usap! Ano ang gusto niyang mangyari, mapanis ang laway ko?
“Hey bro!” bati ni Hermes kay Kamahalan nang makalapit ito sa amin. “Nasa loob na ang mommy mo. Let’s go.” Anito. “Hi Sinag.” Nakangiti ring bati nito sa akin.
Ngingiti at magsasalita na sana ako para batiin din si Hermes, pero nagulat na lang ako nang bigla akong hilahin ni Kamahalan palayo at mabilis na pumasok sa malaking gate ng bahay-ampunan. Nang lingunin ko si Hermes, nakita ko na lang ang nagtataka nitong hitsura habang napapailing na sumunod sa ’min.
“Mom!” bungad niya sa babaeng naabutan namin sa opisina ng mga madre.
Ito nga ’yong babae na kasama niya sa picture sa condo niya. Magkahawig nga silang mag-ina. Hindi rin masasabi na may edad na ito dahil bata pa ang hitsura at pustora nito kung titingnan. Maganda at halatang alaga ang katawan at balat. Kapag mayayaman talaga e, isama pa na doctor ito kaya alam nito kung paano alagaan ang kalusugan.
“Hijo Caspian!”
Bago tuluyang makalapit si Kamahalan sa mama niya ay kaagad kong binawi sa kaniya ang kamay ko na kanina pa pala hawak-hawak niya. Humalik ito sa pisngi ng kaniyang mama.
“Who is she?” tanong nito nang mapako ang tingin sa akin.
Ngumiti kaagad ako at bahagyang yumuko; pagbibigay galang dito.
“She’s my maid,” sagot niya.
“Maid? I though one of your girls na naman. Hay nako, batang ito.”
“Hello po ma’am, goodmorning po!” nakangiti ako rito ng malapad. Pero bigla akong nagulat nang halikan ako nito sa pisngi ko.
“You’re beautiful! You don’t look like a maid for me. Nice meeting you, hija. Buti at nakasama ka rito sa medical mission namin.” Saad nito sa akin. “Siya sige at magsimula na tayo. Hijo Caspian, please tell the other members na magsimula na sila.” Utos nito kay Kamahalan at ako naman ay biglang hinila palabas at isinama sa mga bata.
Kahit hindi pa ako nakakahuma sa mga nangyari ay nagpatianod na lamang ako sa mama ni Kamahalan.
“Magkakasundo tayo hija at pareho tayo may gusto sa mga bata.” Nakangiting turan nito sa akin mayamaya habang kasama na namin ang mga bata.
Ngumiti ulit ako sa Ginang. “Masaya po kasing kasama ang mga bata kaya gustong-gusto ko po sila,” sabi ko.
“You’re right hija.” Anito. “Siya sige at maiwan muna kita saglit at kakausapin ko lang si Sister Alpha.”
Tumango na lamang ako bago tumalikod si Dr. Lucy at iniwanan akong mag-isa kasama ang mga bata. Naging busy ako makipag-kuwentohan sa mga bata kaya hindi ko na rin napansin ang paglapit sa ’kin si Hermes. Ngayon ko lang nalaman na doctor din pala ito dahil sa suot nito at sa name tag na nasa may dibdib nito.
“Kumusta ang mga bata, Sinag?” nakangiting tanong nito sa akin.
“Okay naman,” sagot ko. “Masaya pala rito! Nakakaaliw ang mga bata.” Tumayo ako sa kinauupuan ko saka lumapit dito.
“Buti naman at nagustuhan mo! Mahilig ka pala sa mga bata!” anito.
“Oo mahilig ako sa mga bata,” sagot ko.
Hanggang sa hindi na namin namalayan at pareho na rin kaming naaliw makipag-usap at makipaglaro sa mga bata. Mas masaya kasama at kausap si Hermes kaysa kay Kamahalan na laging nakakunot ang noo sa akin at masungit.
Mayamaya ay natigil ako sa pagngiti at pagtawa nang makita ko na naman si Kamahalan na nasa ’di kalayuan. Seryosong nakatingin sa amin ni Hermes. Hay! Alam kong galit na naman siya sa akin. Paano, sinuway ko ’yong utos niya! Patay talaga ako nito. Baka mamaya ay totohanin niyang tanggalin ako sa trabaho ko!
Lalapitan ko sana siya nang mabilis naman siyang umalis sa puwesto niya at naglakad palabas ng bahay-ampunan.
“Tinopak na naman siya! Tss! Bahala siya sa buhay niya.” Bulong ko na lang sa sarili ko saka bumalik sa mga bata at ipinagpatuloy ang ginagawa ko kanina.