“KUMUSTA ka na bess?” tanong sa akin ni Maria nang magpunta ito sa condo para dalawin ako.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawlaan ko sa ere at malungkot na ngumiti. “Ganoon pa rin, Maria! Wala naman pagbabago.” Matamlay kong sagot saka ininom ang gatas na tinimpla nito para sa akin.
Tatlong araw na mula nang una at huling tumawag sa akin si Mommy Lucy. Ito pa rin ako at araw-araw na naghihintay sa tawag nito para magbigay ng magandang balita tungkol kay Caspian.
“Huwag kang mag-alala. Magiging okay rin ang lahat, bes!”
Kailan? Hanggang kailan magiging okay ang lahat? Kasi parang ang tagal naman ata dumating ang araw na ’yon. Nasasabik na ako sa mahal ko. Hanggang kailan kami magiging ganito?
Halos lahat ng taong nasa paligid ko ay iisa lang ang sinasabi sa akin. MAGIGING OKAY RIN ANG LAHAT.
“Miss ko na siya, Maria. Sobra.” Malungkot na saad ko.
Mabuti nga rin at nandito lagi si Hermes at Maria para damayan ako. Si kuya minsan din dumadalaw sa akin kapag hindi ito busy sa trabaho. Kung wala ang mga taong ito para damayan at suportahan ako, hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin ko ngayon sa buhay ko. Baka matagal na siguro akong nagpatiwakal.
“Sinag, maniwala ka lang! Magiging okay rin si Caspian. Babalik siya sa ’yo. Hindi ba nga, ikaw lagi ang nagsasabi sa akin na walang imposeble basta Siya ang kakampi natin? Kaya magpakatatag ka lang, Sinag. Kaya mo ito. Kaya ninyo ito ni Caspian.”
Napabuga na lang ako nang malalim na buntong-hininga.
“Tama.”
Pareho kami ni Maria na napalingon sa pinto nang pumasok doon si Hermes. Nakangiti pa ito sa amin.
“Huwag ka na malungkot, Sinag. I have a good news for you.” Masiglang ani nito saka naglakad palapit sa amin ni Maria.
Umayos ako sa pagkakaupo ko sa sofa nang umupo ito sa kabilang upuan. “Good news?” kunot ang noo na tanong ko.
Ngumiti ito nang malapad sa akin. “Yeah,” sabi nito. “Nakausap ko kanina ang doctor din na kaibigan namin ni King. Naka base na kasi siya sa Canada. And what a small world dahil siya ang magiging shrink ni Caspian.”
Nangunot lalo ang noo ko at napatitig pa nang husto kay Hermes. Hindi ko kasi makuha ang ibig nitong sabihin.
“I mean, siya ang makakatulong para magbalik na ang alaala ni Caspian.”
“Totoo ba ’yan, Hermes?” tanong ni Maria na nasa tabi ko.
Tumango naman si Hermes at ngumiting lalo.
“Maganda kung ganoon, Hermes. Pero, kailan daw ba sila uuwi rito?” tanong ko pa.
“Iyon ang hindi ko pa alam, Sinag. Basta as soon as possible na maging okay na ang mata ni Caspian, puwede na silang umuwi rito at dito na rin niya ipagpapatuloy ang paggagamot niya. Iyon na rin ang plano ni tita, just for you.”
Sa iilang araw na wala sa paningin ko si Caspian. Sa mga araw at gabi na pangungulila ko sa kaniya. Kahit papaano ay may saya akong naramdaman ngayon sa isiping malapit ng umuwi ang mahal ko.
MATAPOS ang araw na dumalaw sa akin si Hermes at ipaalam nito sa akin ang balita tungkol kay Caspian, kahit papaano ay nakakapagpahinga na rin ako. Lalo na ang puso’t isipan ko.
Hindi na ako ganoong umiiyak kapag naiisip ko siya. Basta lagi ko lang iniisip na uuwi siya sa akin na okay na. Magaling na.
Mag-iisang bwan na rin sila ni Mommy Lucy sa Canada. Pero sa iilang beses na pagtawag sa akin ni Mommy Lucy ay ni hindi ko pa nakita nang maayos si Caspian.
Paano, kapag tatawag ito sa akin, madalas ay tulog o nagpapahinga si Caspian. Minsan naman ay nasa session niya. May pagkakataon pang ibibigay na sana ni Mommy Lucy ang cellphone kay Caspian, pero ayaw raw niya. Nakakapagtampo, pero hinayaan ko na lang at inintindi ko na lang muna siya. Siguro ay nahihiya lang ata siya sa kin kasi hindi niya pa naman ako maalala. Hindi ko na lang pinansin ang bagay na ’yon. Basta, masaya ako na okay na siya ngayon.
Narinig ko namang tumunog ang cellphone ko na nasa ibabaw ng lamesa. Agad akong nagpunas ng kamay ko at dali-daling dinampot iyon at sinagot ito.
“Hello po, Mommy. Kumusta po?” nakangiting bati ko.
“Okay naman, anak. Ikaw?”
“Okay lang din po. Si Caspian po?” tanong ko.
“Ay teka lang. Gising siya,” sabi ni Mommy Lucy ng nakangiti pa at saka kumilos sa puwesto nito. Siguro ay lalapit ito sa anak.
Excited naman akong masilayan ang mahal ko.
At mayamaya, ganoon na lang ang pagtambol ng kaba sa dibdib ko nang unti-unti ko na siyang nasisilayan sa screen.
Malapad na ngiti pa ang nakarehistro sa mukha niya habang naka-side view.
Wala sa sariling napangiti na lang din ako nang malapad nang makita ko siya sa ganoong hitsura. Oh, maayos na nga ang mahal ko! Okay na siya!
Hindi ko namamayalan na napaluha akong muli habang nakikita ko ang matamis at malapad na ngiti sa mga labi ni Caspian.
“Session niya ulit ngayon, Sinag. Kahit papaano ay nakaka-recover na ang pandinig niya.”
Nabalik lang ako sa sarili ko nang marinig ko ang masayang saad ni Mommy Lucy.
Unti-unti na ngang bumabalik sa dati ang mahal ko. Kahit medyo bumagsak ang katawan niya dala siguro sa operasyon niya, pero ayos lang. Babalik din naman sa dati ang maganda niyang katawan kapag okay na siya talaga.
“He’s doing his therapy right now with his shrink.” Saad pa ni Mommy Lucy.
“Salamat naman po at okay na siya.” Naluluhang saad ko.
“I told you Sinag na magiging okay ulit siya. So don’t worry. And by the way, next week ay puwede na kaming umuwi sa Pilipinas.”
Napasinghap ako at halos tumalon ang puso ko dahil sa kaligayahan at excitement na bigla kong naramdaman nang marinig ko ang sinabi ni Mommy Lucy. Next week?
“T-talaga po? Next week uuwi na po kayo rito?” hindi makapaniwalang tanong ko. Mas lalo pa akong napaluha.
Ngumiti naman nang malapad si mommy. “Yeah! Sa pilipinas na ipagpapatuloy ni Caspian ang medications niya. Gusto ko rin iyon para makasama mo na siya. I’m sorry again anak kung—”
“Okay lang po ’yon, mommy. Ang importante ay uuwi na po kayo.” Putol ko sa iba pa nitong gustong sabihin.
Hindi na ako magkandamayaw sa tuwa mula nang sabihin sa akin ni Mommy Lucy na uuwi na sila ng Pilipinas. Halos hindi na rin ako makatulog sa paghihintay ng gabi at umaga, sa paglipas ng mga araw. Kung puwede ko nga lang hilahin ang oras para mas mapabilis ang araw at pag-uwi nila, ginawa ko na.
“Masaya tayo ngayon bes, a?” bungad sa akin ni Maria.
Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi ko. “Uuwi na siya Maria, kaya masaya ako ngayon,” sabi ko.
“Mabuti naman kung ganoon! Sabi ko naman sa ’yo, e!” anito.
Halos hindi na mawala ang ngiti sa mga labi ko. Pero kaakibat din niyon ang sobrang kaba sa puso ko. Siguro dahil masiyado lang akong excited sa pag-uwi niya.
“Hindi na ako makapaghintay, Maria.”
“Dalawang araw pa Sinag, ano ka ba.” Natatawang ani nito sa akin.
“Masaya lang ako at excited, Maria.” Saad ko.
“READY, SINAG?” nakangiting tanong sa akin ni Hermes habang nasa sala na kami ng bahay namin ni Caspian.
Naghihintay na kami sa pagdating nila Mommy Lucy at Caspian. At aaminin ko, kung no’ng mga nagdaang araw ay kinakabahan ako sa pag-uwi nila, mas double naman ngayon ang kaba sa puso ko. Ewan ko ba. Para akong hindi mapakali. Nilalamig ang mga kamay ko. Upo rito. Upo roon. Lakad dito. Lakad doon. Hindi ako mahinto sa iisang lugar lang.
“Kinabahan lang ako, Hermes,” sabi ko.
Lumapit naman ito sa akin saka ako hinawakan sa magkabilang balikat ko. Ngumiti pa ito. “Chill. Take a deep breath, then release it. Huwag kang kabahan, okay?”
“Andyan na sila.” Masayang saad ni Maria habang pumapasok na ito sa main door.
Inayos ko naman bigla ang suot kong damit saka nagpakawala nang sunod-sunod at malalim na buntong-hininga.
Mayamaya, kinakabahan pa akong napatitig sa pinto nang pumasok doon si Mommy Lucy kasunod ito ni Hermes na sumalubong sa kanila sa labas.
Halos pigil ang paghinga ko habang nakatanaw sa likuran nito nang makita ko ang lalaking kay tagal ko ng hinihintay. Pakiramdam ko ay nag-slow motion pa ang buong paligid ko nang mapako ang tingin niya sa akin habang nakangiti nang malapad.
Hindi ko n rin napigilan ang mapangiti sa kaniya.
Sa wakas ay nakita kong muli ang mahal ko. Gusto kong tumakbo palapit sa kaniya at salubungin siya nang mainit at mahigpit na yakap, pero pinigilan ko ang sarili ko dahil na rin sa isiping hindi pa niya ako maalala.
Abot-abot pa ang kaba sa dibdib ko nang palapit na sila sa pwesto ko.
Pero ganoon na lang ang paglalaho ng ngiti sa labi ko nang mapansin ko ang isang babae na nasa tabi ni Caspian. Matangkad, maputi at hindi maikakailang sobrang ganda nito. Napaka sexy pa. Hindi ko tuloy napigilan ang sarili ko na hindi makaramdam ng insecure dahil sa hitsura at suot ko ngayon.
Pero ang hindi ko inaasahan ay ang sakit at kirot na mararamdaman ng puso ko nang dumako ang paningin ko ang mga kamay nilang magkasalikop. Nangunot ang noo ko habang nakatitig doon.
Nakahawak si Caspian sa kamay ng babae habang nakayakap naman ang babae sa braso niya. Pareho pa nila suot ang masayang mga ngiti sa mga labi nila.
Teka! Bakit may ganito? Bakit niya hawak ang kamay ng babaeng kasama niya? Sino siya?