Chapter 21

3580 Words
Hera Nyx Taevas Nagising ako na masarap ang tulog ni Aleric sa aking tabi. Hindi ko na siya ginising at dahan-dahan na umalis sa kaniyang tabi. Paglabas ng kwarto ay bumaba ako sa sala at nakita ko si Daddy na naka-upo sa sofa. Nanonood ng telebisyon. Agaw atensyon naman ang pinapanood dahil iyon ang nangyari kanina sa airline. Ini-interview ang hostage taker kanina. Humahagulgol siya sa iyak habang nagsasalita. “Hindi ko po intensyon na makasakit ng ibang tao. Wala na po kasi akong maisip na paraan para makauwi. Kasi po alam ko na kung nahuli ako ng pulis sa Maynila ay mahihirapan ang aking pamilya. Maaaring hindi ko sila makita kaagad.” Nagpahid ng luha ang lalaki. “Sorry! Sorry po talaga sa lahat ng mga taong natakot ko. Lalo na po sa piloto na hinostage ko.” Humagulgol lalo siya, “Salamat po sa kaniya dahil sa lahat ng tao na naroon ay siya lang ang nakaintindi sa akin. Siya lang ang nagpakita ng pagmamalasakit at pang-unawa. Bukod tanging siya lang ang nagtiwala na hindi ako masamang tao. Maraming salamat dahil nai-uwi niya ako ng maayos sa piling ng aking pamilya. Hinding-hindi makakalimutan ang ginawa niyang kabutihan sa akin.” Nahabag ako habang pinapakinggan ang kaniyang mga sinasabi. Halos maluha na rin ako dahil sa sinapit ng kaniyang buhay. ‘Hangad ko lang na sana ay mapatunayan na wala siyang kasalanan upang malinis ang kaniyang pangalan at tahimik na makasama ang kaniyang pamilya.’ Hindi napansin ni Daddy na nasa likuran lang niya ako dahil titig na titig siya sa telebisyon. “Daddy, kanina ka pa?” tanong ko. Napalingon siya sa akin at tumayo kaagad mula sa pagkaka-upo. Sinalubong niya ako ng yakap kaagad. “Anak!” Sambit niya. “Sorry hindi ko nagawang i-comfort ka kanina,” hingi niya ng tawad. “Sobrang tindi ng kaba at pag-aalala ko sa iyo. Mabuti na lang at walang nangyaring masaya sa iyo.” Ginantihan ko siya ng yakap at pumikit. Pinakiramdaman ang kaniyang bisig at pagmamahal sa akin. ‘Paano kung huling beses ko na lang ito magaga? Paano kung nawala na lang ako basta-basta ng hindi nakakapag-paalam sa kaniya? Paano kung sa huling oras ng aking buhay ay hindi ko naparamdam ang aking pagmamahal?’ Inalo niya ako at hinaplos ang aking likuran. “Hindi ko kayang mawala ka sa akin, anak! Hindi ko alam kung anong maaaring magawa ko kung may nangyari sa iyong masama,” bulong niya. Ramdam na ramdam ko naman ang kaniyang pag-aalala. ‘Sino ba naman kasing ama ang hindi matatakot na mawalan ng anak?’ Napangisi ako. ‘Kahit pinili niya ang kaniyang unang pamilya ay hinding-hindi niya tinalikuran ang pagiging ama sa akin.’ “Salamat, Daddy!” sambit ko. “Natakot ako kanina. Akala ko hindi ko na kayo makakasama ni Mama. Akala ko hindi ‘man lang ako makakapag-paalam sa inyo. Akala ko mawawala na ako kanina.” Hindi ko na napigilang umiyak. “Daddy, salamat po sa lahat-lahat ng mga ginawa niyo sa akin. Napaka swerte ko na naging ikaw ang ama ko. Mahal na mahal ko po kayo ni Mama. Sorry po kung minsan pinipili kong ilayo ang aking sarili sa inyo dahil ayoko kayong magkaroon ng problema at isipin. Ayokong magkaproblema sa pagitan niyo at ng iyong pamilya. Hindi ko ‘man nasasabi o naipaparamdama ang pagmamahal ko sa inyo, dito sa puso ko hindi kayo nawawala ni Mama.” “Tahan na, anak! Mahal na mahal din kita. At walang makakahadlang ng pagiging ama ko sa iyo kahit anong mangyari. Kahit ang Tita Naomi at mga kapatid mo ay hindi mapipigilan na magpakatatay sa iyo.” Hinalikan niya ako sa noo. “Patawarin mo rin ako. Alam ko ang pagkakamali ko at pinagsisisihan ko iyon. Pero ‘wag mo sanang ipagkait sa akin ang panahon na mayroon tayo upang makabawi sa iyo.” Tumango-tango ako at mas hinigpitan ang yakap ko sa kaniya. “Daddy,” mahinang tawag ko sa kaniya. Hindi namin namalayan na nasa likuran pala namin si Mama. Napansin lang namin siyang nakatayo sa hindi kalayuan at nagpupunas ng luha. “Mama,” tawag ko sa kaniya. Lumapit siya sa akin at niyakap ako. “Mahal na mahal ka namin, anak!” saad niya. “Mahal na mahal ko rin po kayo Mama. Kayong dalawa ni Daddy,” tugon ko. Nang maghiwalay kami ni Mama ay binalingan niya si Daddy ng tingin. “Kahit hindi naging buo ang pamilya natin, masaya ako na lagi kang nariyan para sa anak natin. Sapat na sa akin iyon.” Suminghot si Mama at pinunasan ang butil na luha sa kaniyang mga mata. Ngumiti siya. “Handa na ang pagkain. Kumain na tayo,” yaya niya. Tumingin sa akin si Mama, “Tawagin mo na si Aleric para makakain,” sabi niya. “Marvin, halika na! Sa dining table na lang natin hintayin ang anak mo,” dugtong niya. Hindi na ako sumagot at sinunod na lang ang inutos ni Mama. Bumalik ako sa kwarto at ginising si Aleric. “Zeus!” bulong ko. “Ready na ang pagkain sa baba,” ulit ko. “Kain na tayo.” Umungol lang siya. “Tara na!” ulit ko. “Ahh!” Hiyaw ko pero agad ding tinakpan ang aking bibig. Bigla na lang niya akong hinatak at kinulong sa kaniyang bisig. Siniil niya rin ako ng halik kaya’t hindi ako nakagalaw kaagad. Nang maghiwalay ang aming mga labi ay dinikita niya ang ilong sa akin. Niyapos niya rin ang aking pisngi, “I love you, Captain!” saad niya. Napaigtad siya at tinitigan ako sandali. “Umiyak ka ba?” tanong niya. “May masakit ba? What? Tell me?” Ngumiti ako at pinakalma siya. “Hindi!” sagot ko. “Naging emotional lang ako kanina ng makita si Daddy.” Niyakap niya ako ng mahigpit. Ilang minuto rin kami sa gano’n estado. Tinapik ko siya, “Zeus, tara na! Naghihintay sila Mama at Daddy sa baba,” sabi ko. Binigyan niya ulit ako ng isa pang halik sa labi. “Let’s go!” saad niya. Tumango ako, “Hindi ko rin inaasahan na pupunta siya dito,” sagot ko. “Ayusin mo na ang sarili mo at bumangon na tayo. Hinihintay nila tayo sa baba.” Kinuha niya ang aking kamay at mahigpit na hinawakan. ‘Sabay kaming humarap sa aming magulang at tiyahin.’ Kinabahan ako dahil ito ang unang beses na pormal na ipapakilala ko si Aleric sa kanila. “Tito Marvin, good evening!” bati niya. “I thought nakauwi ka na!” Sambit ni Daddy. “Umupo na kayo para makakain na tayo.” Nagsimula na kaming kumain. Habang nagsasandok ay muli kong narinig si Daddy. “Nagkabalikan na ba kayong dalawa?” Seryoso ang tinig ni Daddy na nagtatanong. Nagkatinginan naman kami ni Aleric. Sasagutin ko sana si Daddy pero pinigilan ako ni Aleric. Siya na ang nagsalita. “Tito, I’m sorry kung medyo naging mabilis ang lahat. Sorry kung pagkatapos namin maghiwalay ni Aimee ay naging kami na ulit ni Hera. Kaya lang, hindi ko na po napigilan ang aking damdamin para sa kaniya. Mahal na mahal ko po talaga si Hera at sana bigyan niyo ng basbas ang aming relasyon sa kabila ng mga nangyari sa pagitan namin dalawa ni Aimee.” Niluwagan ni Daddy ang kaniyang paghinga. Tumingin siya sa aming dalawa. “Hindi ako tutol sa relasyon ninyong dalawa. Alam kong pinaglalaban mo lang ang pagmamahal mo kay Hera. Alam niyo na ang ginagawa niyo. Nandito lang kami ng Tita Hilarie niyo para gabayan kayo. Masaya ako na maayos na kayong dalawa pero huwag niyong kalimutan si Aimee. Kakahiwalay niyo pa lang dalawa, Aleric. Mas maganda kung huwag niyo muna ipaalam ang relasyon niyo sa publiko o sa trabaho dahil si Hera ang higit na maaapektuhan.” “Salamat po, Tito Marvin. Paninindigan ko po ang sinabi ko sa inyo na po-protektahan ko si Hera. Kung ano rin po ang makakabuti ngayon ay iyo ang gagawin namin. Ililihim muna namin ang aming relasyon dalawa.” “Mabuti naman kung gano’n! Maging professional na lang muna kayo sa trabaho,” sagot ni Daddy. Habang kumakain ay nag-usap si Daddy at Aleric. Pinag-uusapan ang nangyari kanina at kung ano ang mainam na gawin sa lalaking nang hostage sa kaniya. “Daddy, hindi ako mag pa-file ng case! Naniniwala ako na walang kasalanan ang tao na iyon,” sabi ko. “Hindi ba mas maganda kung tulungan na lang natin siya. Hindi kaya ng konsensya ko na makulong ang inosenteng tao na pinili ang pamilya niya na makasama. Kasi iyon na lang ang naiisip niyang pagkakataon. Narinig mo naman kanina sa news na nagsisisi na siya sa kaniyang ginawa. At humingi na rin siya ng tawad sa akin at sa lahat ng tao.” Humingi ng malalim si Daddy at napabuntong hininga. “Pero kakasuhan pa rin siya ng airline dahil sa ginawa niya,” paliwanag ni Daddy. Tumingin ako kay Aleric. “Tito ako na lang ang bahalang mag-handle tungkol diyan. Kung ano ang gusto ni Hera ay iyon po ang susundin ko. Wala naman nasaktan na ibang tao. Magbibigay na lang ako ng formal explanation sa ating mga katrabaho.” “Mas maaga, mas magandang magbigay ka na ng side ng airline. Lalo na at napabalita na sa news ang buong pangyayari.” “Yes, Tito Marvin!” Sumabat si Mama sa usapan, “Pwede ba! Namnamin naman natin ang ating kinakain. Hindi niyo malalasan ang masarap na niluto ko kung busy kayo sa pag-uusap.” “Salamat sa masarap na dinner, Hilarie.” Sambit ni Daddy. “Mabuti na lang at marami akong naluto. Hindi ko inaasahan na pupunta ka,” saad ni Mama. “Pasensiya na nangyari kanina,” saad ni Daddy kay Mama. “Sorry sa akto ni Naomi. Sorry kung hindi ko ‘man lang kayo na-comfort mag-ina kanina.” “Ayos lang iyon, Marvin. Alam ko naman ang sitwasyon ng pamilya natin kaya’t hindi ko hihingin ang bagay na hindi mo maibibigay lalo na at walang nakakaalam na anak mo si Hera.” Ngumiti si Mama, “Mabuti na lang at walang nangyari sa anak natin. Nariyan din si Aleric at tumulong sa atin.” “Maraming salamat sa mahabang pang-unawa at pasensiya,” sagot ni Daddy. “Huwag na po tayong maging emotional,” sabat ko. “Okay naman po ako at walang nangyaring masama. Kumain na po tayo ng kumain.” Tumingin ako kay Daddy. Sinandukan ko rin siya ng ilang pagkain, “Daddy, kumain ka ng kumain. Minsan mo na lang matikman ang luto ni Mama,” sabi ko. “Iyon na nga ang gagawin ko,” bungisngis na sabi ni Daddy. Nagtagal pa si Daddy kasama namin sa bahay. Niyaya niya rin uminom si Aleric upang makapag-palipas ng oras. Magkasundo naman ang dalawa at nagtatawanan pa habang nag-uusap. “Ngayon ko na lang ulit nakita ang Daddy mo na ganiyan kasaya,” sabi ni Mama ng akbayan ako. Pinagmamasadan lang kasi namin ang dalawa sa ‘di kalayuan. “Kung pwede lang na madalas natin siyang kasama, kaya lang hindi pwede.” “Makuntento na lang tayo sa ganito, Mama. Para walang gulo, walang away. Para hindi na magkaroon ng stress si Daddy.” “Alam ko,” tugon niya. “Iyon din naman ang gusto ko.” Kinalabit niya ako, “Ang swerte mo kay Aleric anak. Gwapo, mayaman at mabait pa. Mukhang mahal na mahal ka rin naman!” puna niya. “Sana nga, Mama! Sana nga mahal na mahal niya ako gaya ng pagmamahal ko sa kaniya. Noon at ngayon ay walang pinagkaiba ang pagmamahal ko sa kaniya. Iyon nga lang limitado ngayon dahil kay Aimee.” Inirapan niya ako, “Bakit mo iisipin ang mahaderang babaeng iyon? Kahit anong sabihin nilang masasakit tungkol sa iyo ay huwag mong isasapuso at ilalagay sa isip. Akala mo ba hindi ko alam kung paano magsalita ang mga iyan? Piliin mo ang magpapasaya sayo dahil wala ka naman sinasagasaan na tao. At kapag pinili at ipinaglaban ka, dapat gano’n ka rin. Dahil minsan lang darating ang pagkakataon na matatagpuan mo ang totoong pag-ibig sa tamang panahon at tamang tao. Huwag mong sasayangin ang panahon na ito na mawala pa sa iyo ang lalaking minamahal mo. Ang mga pagsubok ay darating at susubukin lang kayo. Kaya dapat mag-kapit bisig kayong dalawa para harapin ang problema. Huwag na huwag niyong bibitawan ang isa’t-isa. Naiintindihan mo?” “Bakit ang seryoso mo, Ma?” napahagikgik ako sa tawa. “Opo! Tatandaan ko iyang bilin niyo.” “Pero binabalak niyo naman ng magpakasal, hindi ba? Bigyan mo na ako ng apo, anak para may kalaro ako rito sa bahay. Para naman maging masaya ang buhay namin ng Tita mo.” Nanlaki ang mata ko, “Ma!” “Ay” usal niya. “Matanda ka na at mas tumatanda na ako. Makinig ka sa akin. Gumawa na kayo ng little Hera ko para hindi kita gaano nami-miss. Ako ang mag-aalaga at wala kang po-problemahin. Magtrabaho kayo hanggang gusto niyo,” saad ni Mama. Napanganga ako. “Seryoso ka ba, Ma?” tanong ko. “Bakit? Mukha ba akong nagbibiro?” balik niyang tanong. Binunggo niya ako sa braso. “Anak pinagdaanan ko na ang ganiyan. Halata sa mukha mo na blooming ka. Ayie!” Dinuro niya ako at tinukso-tukso. “Ma, tumigil ka nga! Baka marinig ka nila,” sagot ko. “Ayie! Ang anak ko umiibig na talaga. Dalaga ka na talaga anak. Nadiligan ka na rin ba?” biro niyang tanong. Namula ako sa sinabi ni Mama. “Ma! Tumigil ka na!” awat ko sa kaniya. Nagpa-cute siya sa akin. “Okay-okay! Kalma ka lang. Tandaan mo Mama mo ako at hindi mo ako pwedeng saktan.” Umalis siya sa aking tabi at pinuntahan si Daddy at Aleric. Inestima niya ang dalawa. Tumayo naman si Aleric at pina-upo si Mama sa kaniyang kinauupuan kanina. Lumapit siya sa akin at hinapit ako sa aking baywang. “Why don’t you join us?” tanong niya. Ngumiti ako, “Kayo na lang ni Daddy. Para magkaroon kayo ng bonding.” Tumingkad ako para mahalikan siya sa labi. “Thank you!” pasasalamat ko. “For what?” tanong niya. “Ako dapat ang mag thank you sa iyo dahil muli mong pinasaya ang buhay ko.” Hinalikan niya ako sa noo pagkatapos kong sabihin iyon. “I love you, my Captain!” bulong niya sa akin. “I love you too, Zeus!” Sambit ko. Hinigpitan ko ang yakap sa kaniya. Mukhang nagkakatuwaan si Mama at Daddy kaya iniwan namin sila ni Zeus. Marvin and Hilarie's POV “Kamusta naman ang buhay mo rito?” tanong ni Marvin sa kaniyang kaharap na babae. “Hindi ka ba naiinip dito?” tanong niya. “Dalawa lang kayo ng kapatid mo rito.” Lumanghap ng hangin si Hilarie, “Maayos naman ako rito. Nasanay na rin. Tahimik, payapa at wala gaanong problema.” Huminga siya ng malalim. “Siguro dito na rin ako tatandang mag-isa. Ang anak mo naman ay nasa Maynila at mas madalas kang kasama.” Tumawa si Marvin, “Hanggang ngayon pala ay selosa ka pa rin.” “Ha?” tanong niya. “Paano mo naman nasabi?” “Hindi ba noon magkasama pa tayong tatlo ay madalas mo akong sinusungitan dahil nauuna kong asikasuhin si Hera. Nauuna ko siyang halikan at batiin kaysa sa iyo. Haha. Napaka childish mo pala noon, no? Ngayon ko lang napag-isip-isip.” “Sira! Hindi naman sa gano’n. Bakit ko naman pagseselosan ang anak natin? E anak natin siya. Kung minsan nagsusungit lang ako kasi kapag nariyan ka na ay hindi na ako pinapansin ng anak mo. Parang sa sitwasyon natin ngayon. Mas malapit ka sa kaniya, habang ako narito. Naghihintay na tawagan at bisitahin niya. Syempre nakakalungkot kasi dapat kasama ko siya at inaalagaan siya. Kaya lang malaki na pala ang anak natin.” Lumagok muli ng alak si Marvin at hindi mapigilan na mapa-hagikgik. “Kahit noong bata pa ang anak natin ay independent na talaga siya. Alam na niya ang mga bagay na gusto niyang gawin. At hangang-hanga ako kung paano mo siya napalaking mabuting tao. Nahihiya nga ako sa iyo at nagpapasalamat na rin kasi hindi mo ako nilayo sa anak natin. Hindi mo ako siniraan bagkus pina-intindi mo pa sa kaniya ang sitwasyon natin.” “Bilang isang mabuting ina at tao sa ating anak, iyon naman ang tama hindi ba? Wala naman may gusto ng nangyari sa ating pamilya. Kahit pa nakasakit tayo ng ibang tao. Pero naitama naman natin iyon, hindi ba? Naging mabuting magkaibigan at magulang na lang tayo kay Hera. At least hindi nasayang ang naging pagsasama natin kahit gano’n ang nangyari. Mas okay sa akin na naging magkaibigan tayo kaysa nagkaroon ng sama ng loob.” May lungkot sa boses ni Hilarie. “Sana dumating ang panahon na mapatawad na rin ako ni Naomi. Para naman mawala na ang bigat sa puso ko. Para mawala na ang guilt na nararamdaman ko. Para maging masaya na talaga ako.” Hinawakan ni Marvin ang kamay ni Hilarie. “Sorry!” Sambit niya. “Patawarin mo ko sa nagawa ko sa iyo!” Ngumiti si Hilarie sa kausap at pinatong ang kamay sa lalaki. “Nangyari na ang nangyari. Napatawad na kita at masaya na ako na hindi mo kami pinabayaan mag-ina. Lalo na si Hera. Kung hindi dahil sa iyo ay hindi matutupad ng anak natin ang pangarap niya.” “Responsibilidad ko iyon bilang ama niya. At Alam kong hindi ako nagkulang sa kaniya bilang ama. Pero ikaw? Nasaktan kita. At habang buhay kong hindi mapapatawad ang sarili ko dahil nasaktan kita.” “Wala na iyon. Kalimutan na natin ang mga nangyari noon. Ang mahalaga ngayon ay maayos na ang ating mga buhay. Sana maging masaya ka na rin, Marvin. Isa kang mabuting lalaki. Isa kang mabuting ama at hindi mawawala ang paghanga ko sa iyo.” Aleric Zeus Marcet “Pwede ba akong mag-stay dito? Kahit ilang oras lang. Promise uuwi rin ako mamayang madaling araw,” hiling ko sa kaniya. Ngumiti siya at pinagtatabuyan ako. “Hindi pwede. Kailangan mong umuwi dahil hahanapin ka ng parents mo,” sagot niya. “Malaki na ako at hindi na nila ako hahanapin. Hindi na ako bata pero nakakagawa na ng bata,” biro kong dugtong. “Tumigil ka na nga Zeus at baka marinig ka pa ni Mama,” awat niya. “Sabay na kayong umalis ni Daddy. Mas mapapanatag ako na babalik kayo ng sabay sa Maynila.” Paliwanag niya. “Huwag kang mag-alala. Papasok pa rin ako bukas sa trabaho.” Napakamot ako sa ulo. “Hay! Kailan ba kita makakasama ng matagal?” tanong niya. Napalingon kaming dalawa ng marinig ang boses ni Tito Marvin. “Let’s go, Aleric!” yaya niya sa akin. Wala akong nagawa at sinunod na lang si Tito. Bago umalis ay nagpaalam na ako sa magkapatid at Hera. “I love you, Captain! See you tomorrow.” Mabigat sa loob ko habang hawak ang manibela pabalik sa manila. Nasa unahan ng sasakyan ko ang kotse ni Tito Marvin na sinusundan ko. Naging maayos naman ang paghihiwalay namin dalawa. Sa intersection ay naghiwalay na ang aming mga sasakyan. Nang mapatingin sa aking likuran ay napansin ko ang isang sasakyan. Inobserbahan ko iyon at napagtanto na sinusundan ako. Napakunot ako ng noo. Huminto ako sandali sa gilid ng kalsada at nag signal sign. Huminto naman ang kotse na nakasunod sa akin kanina at bumaba. “May problema ba?” tanong niya. Nagpanggap ako na kunwari ay may problema nga. “Flat ata yung right wheel ko,” saad ko. Umikot kami sa side. Kinorner ko kaagad siya. Kinuha ko ang kaniyang kwelyo at diniin sa kotse. “Bakit mo ko sinusundan?” tanong ko. Tinaas niya ang dalawang kamay. “H-hindi kita sinusundan. Anong pinagsasabi mo?” tanong niya. “Huwag mo kong lokohin! Hindi ako gago para maniwala sa sinasabi mo. Aamin ka ba o hindi?” tanong ko. “O baka gusto mong isubo ko pa ang baril ko sa bibig mo?” pananakot ko. Kunwari ay may kukunin ako sa aking likuran kahit wala naman. “N-napag-utusan lang ako, Mr. Marcet. Binayaran lang ako para i-report sa kaniya ang mga ginagawa at pinupuntahan niyo.” “Sino?’ sigaw ko. “S-si Miss Aimee Hao. Sipya-siya ang nagbayad sa akin para sundan ka!” Binitawan ko ang kaniyang kwelyo at inilahad ang aking kama. “Nasaan ang mga picture?” tanong ko. “N-nasa kotse!” utal-utal niyang sagot. “K-Kunin ko na. Huwag niyo lang ako sasaktan.” Muli ko siyang hinawakan sa kwelyo at iginaya siya sa kaniyang kotse. Binuksan niya ang driver seat at kinuha ang camera. Hindi naman siya nagdalawang isip na ibigay iyon sa akin. “Wala kang sasabihin na kahit ano sa kaniya, naiintindihan mo? Do-doblehin ko ang binayad niya sa iyo at huwag na huwag ka ng magta-trabaho sa kaniya. Kapag nalaman ko na nag-report ka sa kaniya ay hindi na ako magdadalawang isip na pasabugin iyang bibig mo na tatagos hanggang bumbunan mo!” “Opo-opo! H-hindi na po ako magrereport sa kaniya. A-alis na ko sa pagtatrabaho at ibabalik ang kaniyang pera.” Binitawan ko siya sa kwelyo. “Alis!” saad ko. “O-oo. O-oo. A-aalis naa po.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD