Maaga pa ay malalim na ang ginagawang pagbuntong-hininga ni Ruthie habang nagpiprito ng itlog at daing, at inihahanda ang sinangag sa hapag-kainan. Naalala na naman niya kagabi ang unang pagkakataong nasilayan niya ang maamong mukha ni Luther. Hindi niya makalimutan ang lakas ng pintig ng puso niya nang mga sandaling iyon.
She fell in love with him at first encounter.
Napabuga siya ng hangin at naupo sa kahoy na silya, tagusan ang tingin sa kawali at hindi iniinda ang tilamsik ng mantika sa balat niya. Sanay naman na siya sa ganoon dahil araw-araw ay siya ang nagluluto para sa kanilang tatlo ng Mama at Papa niya.
Nang umalis noon ang binata matapos isuot sa kanya ang isang pares ng kanyang sapatos ay marubdob ang mithiin niyang malaman kahit ang pangalan man lang nito. Pero laking panlulumo niya nang isang araw ay nagtungo sa silid nila mismo sa SCC ang binata upang sunduin si Anemone na siyang pinakaunang taong nakipagkaibigan sa kanya sa Santa Catalina.
Ipinakilala sa kanya ni Anemone si Luther na kababata nito ang binata at ang mga magulang ni Anemone ay caretaker ng villa ng mga Altieri kaya doon din ito sa Villa umuuwi.
Nakita niya kung paano titigan ni Luther si Anemone, kaya batid na niya agad na may pagtingin ito sa kaibigan niya. Pinagsikip ng kaalamang iyon ang kanyang dibdib, subalit hindi niya ipinakita sa mga ito ang totoong saloobin niya.
Ni hindi siya naalala ni Luther. Para siguro rito ay nagkataon lang na siya ay nangangailangan ng tulong at naroroon naman ito para mag-abot niyon sa kanya. Na kung sa iba iyon nangyari ay ganoon pa rin ang gagawin nito. Likas lang dito ang pagiging matulungin.
Mariin niyang naipikit ang mga mata at natutop ang tapat ng dibdib. Kailangan na niyang ibaon sa kailaliman ng puso niya ang pagsinta niya kay Luther. Kahit alam niyang may ibang tinatangi si Anemone ay hindi pa rin tamang makipagkompetensya siya rito. Kung ito ang mahal ni Luther ay buong-puso niya iyong tatanggapin.
Kung kay Anemone masaya si Luther ay masaya na rin siya para rito.
“Ruthanya! Diyos kong bata ito, ang piniprito mo, sunog na sunog na!” anang ina niya, si Ginang Telma. Payat ito at mas matangkad kaysa sa asawang si Rodante. Ang sabi ng Papa niya ay maraming nakapilang manliligaw noon ang Mama niya, subalit ito lang ang nakabihag sa puso ng asawa. Hindi naman nakapagtataka dahil napakabuti ng Papa niya at palabiro pa. Masayahin ito at palaging pinasasaya ang mga tao sa paligid nito.
“Ruthanya!”
Nataranta siya nang marinig ang boses ng kanyang ina. Dali-dali niyang hinawakan ang kawali kaya napaso siya. Mabilis niyang hinugasan sa gripo ang kamay.
“Ako na rito, Ruthanya, at mukhang wala ka sa sarili mo. Gamutin mo iyang paso mo.” Napapailing na lang si Telma.
Tumalima naman siya at pumasok ng silid niya para malagyan ng ointment ang kanyang kamay.
Pagkatapos gamutin ang paso ay wala sa loob na napatitig siya sa repleksyon niya sa malaking salamin sa tokador. Minasdan niya ang kanyang kabuuan. Maraming nagsasabing napakaganda niya. Maalon-alon ang hanggang baywang niyang buhok na madalas ay nakatirintas. Itim ang kulay ng kanyang mga mata na tila kulay ng walang katapusang gabi na uhaw sa liwanag, matangos ang kanyang ilong, mapula ang kanyang mga labi, at maliit ang kanyang mukha.
People would always say that she looked like the late British Actress, Audrey Hepburn with her innocent, and mesmerizing eyes. Subalit kahit gaano pa kaganda ang kanyang mga mata ay wala pa rin iyong halaga kay Luther na tanging si Anemone lang ang nakikita.
Napaupo lang siya sa higaan. “Hindi na dapat kita iniisip pa, Luther. Kailangan ay kalimutan ko na ang nararamdaman ko para sa iyo,” aniya sa sarili. Iyon ang nararapat niyang gawin. Dapat ay burahin na niya sa puso at isipan niya si Luther Altieri.
_____
TAHIMIK lang si Ruthie habang kumakain silang tatlo nina Luther at Anemone sa canteen ng SCC. Magkatabi ang dalawa at siya naman ay nakaupo sa tapat ng binata. Madalas ay nakayuko lang siya at nasa kinakaing Pandesiosa ang buong atensyon. Umiimik lang siya kapag may itinatanong sa kanya si Anemone.
“Ang tahimik mo naman yata?” pamumuna sa kanya ni Anemone.
“H-ha? Ah, ano, kuwan kasi... masakit ang tiyan ko,” pagsisinungaling niya. Ang totoo kasi’y nagmumukmok lang ang puso niya. May mga araw talagang nahihirapan siyang magkunwari.
“Excuse me, Ruthie Capili...” biglang lapit ng isang lalaki sa lamesa nila. Matangkad ito at guwapo. May kasama itong dalawa pang kaibigan na abot hanggang tainga ang ngiti, at tila tinutulak itong kausapin siya. “Magandang araw sa iyo.”
“Bakit?”
Napasulyap siya kay Luther at nakita niyang nakakunot ang noo nito at nakatingin din sa lalaki. Seryoso ang mukha nito at nakaabang sa sasabihin pa ng bagong lapit.
“Ako nga pala si Alfonso Avelino. Matagal na akong may paghanga sa iyo, at ngayon lang ako nagkalakas-loob na lapitan ka. Madalas kitang nakikita sa silid-aklatan at sa mga pasilyo ng SCC. Gusto sana kitang lapitan at makipagkilala sa iyo, kaso nahihiya ako."
Hindi siya nakaimik. Hindi niya alam kung paano makipag-usap dito. Titig na titig sa mga mata niya ang binata, kaya lalo siyang nakaramdam ng pagkaasiwa rito.
Alam naman niyang may maganda siyang mukha na hinahangaan ng mga kabinataan, at hindi na rin naman niya mabilang ang mga pagkakataong may lumalapit sa kanya upang makipagkilala. Subalit hindi pa rin siya sanay sa mga ganoong pagkakataon.
“Hey, what happened to your hand?” agaw ni Luther sa atensyon niya.
Napakislot siya nang biglang abutin ni Luther ang kamay niya na napaso sa kawali.
“W-wala ‘to. N-napaso lang kaninang umaga habang nagpi-prito ako.”
“Ano ba ang nangyari?” Napatingin na rin si Anemone sa kamay niya.
“Sus, wala ‘to, ang layo sa bituka, eh.”
Pinukol siya ng matalim na tingin ni Luther na tila pinapagalitan siya. “You’re careless. Kailangan ay nag-iingat ka. Masakit pa ba ‘to?” Maingat na hinaplos ng hinlalaki nito ang balat niyang napaso. Hindi naman na masakit iyon.
“Ahh, uhm...” Napatingin siya kay Alfonso na halatang nailang sa ginawang paghawak ni Luther sa kamay niya.
“Look at me, Ruthie, I’m talking to you.” May tigas ang tono ng boses ng binata. Tila ba gusto nitong solohin ang atensyon niya. Nagsasalubong din ang mga kilay nito. Binalingan nito si Alfonso. “What’s your name again? Alfonso, correct?”
Tumango ito makaraan ang ilang segundong pag-aalangan.
“I know you. Malikot ka sa mga babae. Huwag na huwag mong susubukang isama sa listahan ng mga babae mo itong si Ruthanya, nagkakaintindihan ba tayo?”
Nagulat ang nagpakilalang Alfonso at mabilis nang naglakad palayo kasama ang mga kaibigan nito.
“Ruthie, do not ever entertain that bastard. Kilala ko iyon. At alam kong kilala sa pagiging pabling ang Alfonso na iyon. Sasaktan ka lang n’un.”
Binitiwan na nito ang kamay niya. Pero pakiramdam niya ay naiwan ang init ng balat nito sa palad niya. She wanted Luther to touch her more.
Ipinilig niya ang ulo. “W-wala naman akong interes sa Alfonso na iyon. Huwag kang mag-alala.” Nagbaba siya ng tingin, dahil nag-init ang mga pisngi niya, pakiramdam niya kasi ay nobyong naninibugho si Luther.
“Good.”
Gumuhit ang maliit na ngiti sa mga labi niya. Gusto niyang papaniwalain ang sariling talagang nagseselos si Luther, subalit nang mag-angat siya ng mukha at nakita niyang nakatitig na naman ang binata kay Anemone ay gumuho nang lahat ang pag-asa at pag-iilusyon niya.
Hinding-hindi magiging kanya si Luther.