Wala pang kalahating oras ay nakatayo na si Luther sa pintuan ng shop ni Anemone, ang ARTemone. Madilim na at wala ng mga customers sa loob niyon. Umaayon sa kanya ang pagkakataon, dahil mahalaga ang sasabihin niya rito. “Aneng…” Kasalukuyang inaayos ng babae ang mga produktong naka-display sa mga istante. Napalingon ito sa dako niya nang sambitin niya ang pangalan nito at bumakas ang pagkagulat sa maamo nitong mukha nang makita siya. May lungkot sa kanyang mga mata habang nakatitig siya sa kanyang kababata, pero hindi iyon dahil sa hindi niya nakamit ang pag-ibig nito kundi dahil sa napakahabang panahong inukol niya rito. Kung sana ay nalaman niya lang agad na buhay si Ruthie. Kung sana ay hindi siya nalito sa sarili niyang damdamin noon. “Luther, maupo ka.” Iminosyon nito ang sofa.