KABANATA 6: MATILDA MALDITA

2138 Words
Pagbaba namin ng taxi ay saka ko pa lang napagmasdan ang lugar na kinaroroonan namin. Pumasok kami sa makipot na eskinita kung saan may kanal pa sa kabilang gilid. Hindi kaaya-aya ang amoy doon kaya naman hindi ko rin maipaliwanag kung ano ang hitsura ng mukha ko habang naglalakad papasok. Matapos iyon ay nagsimula na kaming umakyat sa hagdan, nasa tatlong palapag yata ang nilampasan namin bago narating ang isang pintuang kahoy. Sa amin nakatutok ang mga mata ng bawat taong dumadaan at nadadaanan namin lalo na sa akin. Ang iba ay pagkamangha at ang iba naman ay nakakatakot lalo na sa mga lalaki. Para nila akong hinuhubaran! Ang sarap dukutin ng mga mata... Maliliit na bata at isang teenager na babae ang sumalubong sa amin sa pinto. Kung anong saya ng tatlong bata noong makita ang pagdating namin ni Mama, siya namang inis yata ng teenager. Nakasimangot niyang hinarap si Mama, ni hindi man lang ako tinapunan ng tingin. "Bakit ang tagal mo naman, Ma! Alam mong may lakad pa ako, sabi mo hindi ka magtatagal?" Malakas na bulyaw niya kay Mama. Kunot-noo ko siyang tiningnan gayundin si mama na walang karea-reaksyon man lang. "Nagyaya pa kasing kumain itong ate mo. Inabot na kami ng tanghali kasi pinaayos pa yung cellphone niya. Heto oh, may dala kaming pagkain para sa inyo." Nakatinging tugon niya pa rin. Sa wakas ay tiningnan ako ng teenager, pero yung klase ng tingin na nanunuri. Bukod doon ay tinaasan pa ako ng kilay at saka inirapan. Hindi naman maikukubling may hitsura din siya at sa tantiya ko ay nasa fifteen na ang idad niya. "Ah, Matilda, siya nga pala ang Ate Hera mo. Dito na siya sa atin titira kaya sana magkasundo kayo." Mahinang paliwanag ulit ni mama sa kanya. Kahit pa nga nakakainis ang ugali ng batang ito ay pilit akong ngumiti sa kanya. Subalit inirapan niya lang ako ulit at saka inismiran. Nakakapag-init ng ulo pero pilit akong kumalma. "In her dreams!" Narinig kong bulong niya pa. "Aalis na ako, pahinging pera!" At para pa ngang boss kung makahingi? Kaagad namang dumukot si mama sa bulsa niya at naglabas ng 20 pesos. Iniabot niya iyon kaagad kay Maldita, ay este, Matilda pala. "Eto na lang ang pera ko, Anak e." Sa gulat ko ay nagpapadyak pa sa inis si Matilda saka kinuha ang bag pack niya na nakasabit sa likod ng pinto. "Letseng buhay 'to, oh. Limang oras akong nagbantay dito. Late na nga sa trabaho tapos pamasahe lang ang ibibigay!" "Eto oh, dal'hin mo itong pagkain na binili ng ate mo. Yan na lang kasi talaga ang pera ko, mamaya pa ako didiskarte." "Huwag na! Magtitiis na lang ako ng gutom, baka sumakit pa ang tiyan ko diyan." Galit na bulyaw niya ulit kay Mama saka nagmamadaling lumabas at binalibag ang pintuan. Sandaling katahimikan ang namayani sa pagitan namin ni Mama pagkalabas ni Matilda. "Nay, gutom na po kami." Pukaw ng isa pang batang babae. "Ah- halikayo dito. Ihahanda lang ni Nanay ang mga pagkain. Pasensiya ka na sa kapatid mo, Hera. Teenager na kasi kaya ang hirap pakisamahan ng mood minsan." Nakangiti pa ring paliwanag ni Mama habang inaayos ang mga pagkain sa lamesang naroon. "Wow, Nay. Baboy ba yan? Ngayon lang ako makakakain ng ganyan!" Bulalas ulit ng sumunod na matanda sa mga bata. "Baka yan, Anak. Mas masarap pa yan sa baboy. Mag-thank you kayo sa Ate ninyo. Siya ang namili niyan para sa inyo." Sabay-sabay na lumingon sa akin ang mga bata at ngumiti. "Thank you, Ate. Sana palaging ganito ang ulam at pagkain namin. Sawa na kami sa tuyo at itlog, e." Kasunod noon ay nagtawanan pa ang mga sila. Hindi ko maiwasang makaramdam ng awa. Ngayon ko lang na-realize. Kung hirap pala sa buhay sila Mama, paano niya ako magagawang pag-aralin sa kolehiyo e ang mahal ng tuition fee? "Halika, ituturo ko sa'yo ang kuwarto mo," aniya saka tinungo ang isang pintuan. Maliit lang ang sala ng bahay, masikip nga kung tutuusin. Marami din kasing gamit at kalat na mga laruan sa lapag. Maging ang kusina ay puno ng mga hugasin. Sumunod naman ako kaagad kay Mama sa kwarto. May double deck doon at dalawang cabinet. Malinis naman maliban lang sa ibabang parte ng higaan. May mga nagkalat na gamit doon at mga damit. "Share kayo ni Matilda dito, Anak. Pagpasensiyahan mo na ang kapatid mo, ha? Medyo burara din kasi minsan. Doon ka na sa itaas matutulog. Itong cabinet na isa, dito mo na lang ilagay ang ilang gamit mo. Gusto mo ba ako na ang mag-ayos ng mga damit mo?" Mabilis akong umiling ng sunod-sunod. "Ako na lang. Salamat ho." Kimi lang siyang ngumiti sa akin. "Oh sige, iiwanan na kita para makapagpahinga ka. Maglilinis din tuloy ako sa labas." Tumango na lang ako bilang tugon sa kanya. Malumanay naman siyang lumabas ng kuwarto. Noon pa lang din ako napabuga ng hangin at malayang iginala ang paningin sa kabuoan ng silid. Nanghihina akong napaupo sa makalat na higaan ni Matilda. Para akong nasa isang pelikula ng from riches to rags. Pakiramdam ko hindi ako makahinga sa paligid ko. Nananaginip lang ba ako? Ang dating malawak at maaliwalas kong kwarto ngayon ay naging halos 1/4 na lang ang lawak. Bukod sa mainit ay makalat din. Gusto kong maiyak sa mga nangyayari. Hinayaan ko muna ang sarili kong magmukmok sandali. Pero hindi ko rin tinagalan, bumuga ako ng hangin at saka pinunong muli ang dibdib ko at tumayo. Wala naman akong magagawa, nandito na 'ko. Ang kailangan kong gawin ay lumaban.. Nagsimula na akong ayusin ang mga gamit ko sa cabinet. Tanging dalawang cabinet, ilang pirasong hanger, maliit na lamesita at double deck ang nasa loob ng kwarto. May sariling electric fan sa ibaba at ceiling fan naman ang sa itaas. Mabuti na lang at may bintana sa kwarto kaya kahit papa'no, nag-e-elevate ang hangin. Ng tuluyang maayos lahat ng gamit ko ay umakyat muna ako sa higaan ko. Dala ang cellphone, susubukan kong tawagan sina Cathy at Rina. Kailangan ko ng makakausap ngayon.. Pero hindi man lang gumagana ang data ng phone ko. Naka E plus lang at panay ang buffering. Ngali-ngali kong ibato ang cellphone sa inis. Maya-maya pa ay isang hindi pamilyar na number ang tumatawag sa bagong sim ko. Mukhang nakarating na iyon kaagad kay Lola. "Hello?" Mahinang tanong ko. "Apo! Kamusta ka?" Masayang bungad ni Lola. "I'm not good, Lola." Tapat na sagot ko. Alam kong malalaman niya rin naman iyon sa tono ng boses ko. Rinig ko pa ang pagpapakawala niya ng malalim na buntong-hininga. "I believe in you, Hera. Alam kong kaya mo yan. Ito na nga pala ang huling tawag ko, ha? For now, magpokus ka muna kung paano makakasurvive diyan. Ipapadala ko kaagad yung mga papel mo from school kapag tapos ko na asikasuhin, ok?" "Pero lola.. M-mukhang hindi naman ako kaya pag-aralin ni Mama. Mahirap lang sila at kinakapos din sa pera. Anong gagawin ko?" Gusto kong mag-panic kapag naiisip ko ang bagay na ito. "Hmm, makakagawa ka rin ng paraan, Apo. Just trust yourself." "Lola!" Naiiyak na piksi ko.. "O siya, I just call to know if you're finally with your mom. Mag-iingat ka diyan, ha? I love you, Apo." Iyon lang at walang pasabing na-end na rin ang tawag. Tulala akong nakatitig sa screen ng phone ko. "I love you too." Mahinang bulong ko sa hangin. Inilapag ko na lang muna sa dibdib ko ang gadgets saka ako pumikit. Masakit din kasi ang ulo ko, dahil siguro sa init. Nakapagpalit na rin ako ng sando at short mula sa suot kong long sleeve kanina at pantalon. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Wala akong ideya kung gaano katagal akong naidlip. Nagising na lang ako sa mahihing bulungan na nanggagaling sa labas ng kwarto. Kaagad kong iniangat ang ulo at sumilip sa ibaba. Wala pa rin akong kasama sa kwarto. Muli akong bumalik sa higaan, parang papadilim na. Malamlam na lang rin kasi ang liwanag na nanggagaling sa labas. Nagpasya na rin akong tumayo at lumabas upang makaligo. Si mama, ang tatlong bata at isang lalaking siguro ay nasa mid 50's na ang edad ang nakaupo sa lamesa at nagkakape. "Oh, gising ka na pala, Hera. Siya nga pala. Siya ang asawa ko, ang tito Arnold mo." Ngumiti na lamang ako bilang pagbati sa kanya. Kimi rin naman siyang ngumiti sa 'kin. Mukha namang mabait ang hitsura at tahimik. Hindi naman ako nakaramdam ng kakaibang kaba o takot sa kanya. "Kamusta ang tulog mo? Pasensiya ka na sa bahay namin, masikip at mainit talaga dito. Malayo siguro sa nakasanayan mong buhay sa America." Parang nahihiyang saad ni Tito Arnold. Talagang magkaiba! Nais ko sanang ibulalas pero nagpigil ako. "Kaya nga ho. Maliligo nga sana ako, saan ho ba ang CR?" Sukat doon ay nagkatinginan silang dalawa. "Ah, halika anak, sasamahan kita." Tila tarantang sambit ni Mama. "Dalahin mo na rin lahat ng pampalit mo, ha? M-may sarili ka bang shampoo at mga sabon?" "Yes, I have my own toiletries." "Sige, halika ituturo ko sa'yo." Nagulat ako ng lumabas siya ng bahay at tinunton ang deretsong pasilyo kung saan may ilang pintuan pa kaming nadaanan bago niya binuksan ang isa pang pinto sa kabilang side ng pasilyo. Doon tumambad sa akin ang medyo malawak na kubeta, ang lapag ay nakafinish lang na semento gayundin ang palibot noon. May isang bowl na walang flash at isang malaking drum ng tubig. Hindi ko mapigilang mapanganga. Napalunok ako ng laway, bakit ba 'ko umaasa na isang de-tiles at de shower na CR ang pagdadalhan niya sa'kin? "Pasensiya ka na talaga, Anak. Sa bawat palapag kasi may Apat na kuwarto at lahat kami dito ay iisang CR lang ang ginagamit. Sana mapagtiyagaan mo at makasanayan." Nahihiyang pahayag ni Mama. Hindi ko siya nilingon, nakatuon pa rin ang atensiyon ko sa CR, para akong maiiyak na hindi ko malaman. Paano kung nadudumi na 'ko tapos may ibang gumagamit ng CR? "Maiwan na kita dito, ha? Huwag kang mag-alala, wala namang mamboboso sa'yo dito." Nangunot ang noo ko sa narinig. Hindi kasi pamilyar sa akin ang salitang sinabi niya. "Ano yung mamboboso?" Parang siya naman ang nagulat sa tanong ko. "Ah, ano.. yung mga lalaking bastos na naninilip sa mga babae habang naliligo. Pero gaya nga ng sabi ko, wala namang gano'n dito. Takot lang nila sa Tito Arnold mo." Tila proud pang sabi niya. Pakiramdam ko nilamig ako bigla sa narinig ko. Muli akong napasilip sa pasilyong nadaanan namin, may ilang kalalakihan ngang nakatambay sa labas ng mga bahay nila pero hindi naman sila nakatingin sa amin. Tamang kwentuhan lang siguro habang nagsisipagkape. "O siya, buksan mo yung gripo para mapuno din bago ka matapos, ha? Para may magamit yung susunod na magsi-CR," bilin niya pa bago ako tuluyang tinalikuran. Mariin akong napapikit, napakagat-labi at napabuntong-hininga bago napilitang pumasok sa loob ng banyo. Bahala na... Sinuri kong maigi ang pinto, mukha namang walang butas. Malinis din naman ang CR, may sabitan ng mga damit at tuwalya, may lalagyan din ng toiletries. Mainit-init din ang tubig kaya napagtiyagaan ko na rin. Natakot lang akong hawakan ang tabo na naroon. Kung sino-sino na marahil ang humawak doon. Napabuga ako ulit ng hangin sabay sabing bahala na.. Bibili na lang ako ng sarili kong tabo at yung ipinapatong sa ibabaw ng bowl para kahit papa'no, makadumi naman ako ng payapa.. Matapos makapaglinis ng katawan ay medyo napreskuhan ako. Gumaan kahit papa'no ang pakiramdam ko. Pagpasok ko ng bahay ay naroon na si Matilda. Nakaupo sa sofa at nagse-cellphone. May data kaya siyang nagagamit? "Uhm, buti may data ka? Yung cellphone ko kasi wala kanina, e." Masayang bati ko sa kanya. Shet, hindi ko gawaing unang mag-approach sa kahit sino! Bakit kasi kailangang ako ang makisama sa kanila? Nakakainis! Gaya ng inaasahan ko, hindi man lang ako nilingon ng maldita na yun. Lihim na nagtangis ang mga bagang ko. Ang sarap niyang sabunutan! "Anak, may wifi diyan sa kapit-bahay. Hayaan mo, ipapaki-usap ko na i-share din sa'yo. Pagkatapos ko magluto ng hapunan, sasamahan kitang magpalagay ng password sa cp mo." Si mama iyon na agad lumapit sa akin ng mapansin niyang hindi ako kinibo ni Matilda.() "Puwede rin po ba pati yung laptop ko sana. Kailangan ko kasi yun." "Oo naman. Hintayin mo lang ako sandali, ha?" "Ako na lang ang sasama sa kanya." Boluntaryong saad ni Matilda. Nakakagulat, kung kailan hindi kinakausap, do'n sumasabat.. "O, kaya ako na lang magdadala ng phone niya at laptop para i-connect." Lalo akong nagtaka sa pagbabago ng reaksyon niya. "Uhm, sorry. Hindi ko kasi pinapahawak kahit kanino ang phone ko at laptop. They are my personal gadgets." Deretsang pahayag ko. Muling tumaas ang isang kilay ni Matilda sa akin. Lumaban naman ako ng titigan sa kanya. No way... Not my phone or laptop!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD