ABUSED

1939 Words
CHAPTER 3 “Halika rito at magtanda kang walang silbing hayop ka!” nakita kong kinuha niya ang nasa malapit sa kaniyang pamalo. Napalunok ako. Kinabahan. Alam kong muli na naman niya akong sasaktan. Umatras ako. Nanginginig ang buo kong katawan. Nangangatog ang aking mga tuhod. “Hayop kang bata ka. Wala ka talagang silbi! Magnanakaw ka talaga!” singhal niya. Bakit mula pagkabata ko naririnig ko ng tinatawag ako ng hayop ka… animal ka! Tapos ngayon kinabitan na ng walang silbi kang hayop ka at magnanakaw pa. Tumingin ako sa mukha ni tatang noon. Galit siya. Galit na galit at nang itinaas niya ang pamalo niya ay inihanda ko na ang katawan kong damhin ang parusa ng aking nagawang kasalanan. Kasalanang hindi ko naman sinasadya. “Ano ha! Aamin ka na ba na hindi mo nahulog ang pera kundi ninakaw mo ito dahil sa letseng pag-aaral na ‘yan!” singhal niya habang patuloy niya akong pinapalo. “Wala po akong ninanakaw, tang.” Mahina kong sagot. Tuluyan nang tumulo ang aking mga luha. Umiiyak ako sa takot. At sa isang iglap ay sunud-sunod na malalakas na palo buong katawan ko ang pinatikim ni tatang sa akin. Nang ihambalos niyang muli ang pamalo sa akin ay nagawa kong hawakan ang kaniyang kamay. Oo nga’t babae ako at bata pa pero sobra na ang ginagawa nilang pang-aapi sa akin. Parang hindi nila ako anak. “Aba! Lumalaban ka na ha?” “Tang, tama na ho! Pagta-trabahuan ko hong ibalik ang pera sa inyo!” “Matapang ka na talaga ah! Sige, gaga, lumaban ka. Ipakita mo sa akin na kaya mo na akong labanan, tarantada!” hinawakan niya ang leeg ko. Sinakal na niya ako. Mahigpit na pagsakal. Hindi ako makahinga. Kahit anong gawing kong pagtanggal sa kanyang kamay sa aking leeg ay hindi ko magawa.Pakiramdam ko ay napakatagal ng pagkakasakal niya sa akin na wala nang naiipon pang hangin sa aking baga. “Tang…hin-di a-ko makanginga--- Tang!” Nalalagutan na ako ng hininga at umiinit na ang buo kong mukha sa pamumula. Luha, sipon at laway na ang lumalabas sa akin. Kung hahayaan ko pang tatagal ang pagkakasakal sa akin ni tatang ay tuluyan na akong mamamatay. Tinutulak-tulak ko ang dibdib niya. Nagmakaawa ang luhaan kong mga mata at pinilit kong magsalita para magmakaawang tanggalin na niya ang kamay niya sa aking leeg ngunit tanging laway lang at ungol ang lumalabas na lang sa akin. Pinilit kong tanggalin ang kamay niyang nakasakal sa akin ngunit malakas ang kaniyang mga daliri. Ano ba naman ang kayang gawin ng isang batang babae? Tanging malakas na tadyak sa kaniyang sikmura ang alam kong paraan para makahinga akong muli. Nang nabitiwan niya ang leeg ko ay parang napakahalaga sa akin ang bawat paghinga. Kailangan kong punuin muna ng hagin ang aking baga. Nahuli ng pang-amoy ko ang kaniyang amoy alak na hininga. Nakainom na pala siya. Napaluhod ako sa pagkahina kasabay ng sunud-sunod ding pag-ubo. Ngunit hindi pa ako nakakabawi sa panghihina ay isang malakas na sipa naman ang pinakawalan ni tatang sa aking tadyang, isa pang sipa sa aking mukha na dahilan ng pagkabasag ng aking labi.  Mabuti at hindi ako naputulan ng ngipin. Napasadsad ako sa gilid ng aming kubo at nakita ko ang pagtulo ng dugo mula sa aking labi pabagsak sa yari sa kawayan naming suwelo. Doon na ako natakot ng husto. Naisip ko nang lumayo roon at nang palapit muli si tatang sa akin ay sinikap kong tumayo at kumaripas ng takbo. Dinig na dinig ko ang kaniyang sigaw… “Tang ina kang hayop ka. Papatayin kita. Wala kang kuwenta!” Noon ay gusto kong lumayo. Doon sa hindi ko marinig ang panlalait niya sa aking pagkatao. Tumakbo ako ng tumakbo papunta sa ilog hanggang nakarating ako sa may kakahuyan. Kumakaripas ako dahil sa takot at nang alam kong hindi na niya ako nasundan pa ay tumigil ako. Madilim ang paligid. Iba’t ibang mga tunog ng kulisap sa gabi at mga kahol ng aso ang pumupunit sa katahimikan ng gabi. May mga huni ng ibon na lalong nagpatindig sa balahibo ko. May narinig rin akong hampas ng pakpak. Nakaramdam ako ng takot ngunit mas matindi ang takot kong umuwi sa bahay. Nagpahinga ako sa silong ng isang sampalok. Humagulgol ako ng humagulgol at doon ay parang tao na kinausap ko ang punong iyon. “Bakit gano’n sila? Nang gumawa ako ng tama, nagsisikap para makapag-aral sa sarili kong kayod, nagbigay ng karangalan sa school at na-promote mula Grade four to Grade six ay parang wala lang sa kanila. Ano bang mali? Anong kulang? Nagiging mabuti naman akong anak, alam naman nila na ako’y masipag at maasahan sa lahat ng gawaing bahay pero bakit ganoon pa rin sila kalupit sa akin? Bakit hindi nila napansin ang lahat ng aking mga ginagawa? Bakit hindi ako nakita o naramdaman man lang? Ngayong nakagawa ako ng isang kasalanang hindi ko naman sinasadya ay ngayon lang ako napansin? Sabi ng teacher ko, kapag daw nagagalit ang mga magulang namin sa amin ay mahal na mahal daw nila kami. Sa p*******t ni tatang sa akin kanina, sa sobrang galit niya sa akin? Ibig bang sabihin no’n ay mahal na mahal niya ako? Simbolo ba ng p*******t na iyon ang pagmamahal sa akin? Para kasing ang hirap kong paniwalaan.” Umiyak ako ng umiyak. Naiinis ako sa sarili ko. Sana mas naging maingat ako sa iniabot niyang pera sa akin. Sana hindi na lang ako tumulong sa kapitbahay namin. Nagagalit ako sa mga magulang ko. Sana hindi na lang sila ang mga magulang ko. Sana hindi na lang din ako ipinanganak sa mundo. Sana hindi na lang ako nabuhay. Sana pinatay na lang nila ako nang sanggol pa lang ako kung ganito rin lang pala ang buhay na pagdadaanan ko? Dumaan pa ang ilang oras at gabing-gabi na. Nagugutom na rin ako. Nagsimula nang magtago ang buwan sa makapal na ulap na lalong nagpadilim sa gabing tahimik. Kanina pa ako pinapapak ng mga lamok. Noon ko lang naranasang umupo si silong ng kahoy at inabot ng ganito kagabi. Natatakot ako sa tinaguan ko ngunit natatakot pa rin naman akong umuwi. Wala akong maisip pang ibang mapuntahan. Natatakot din ako dahil bigla kong naalala ang mga kuwento ng mga kalaro ko tungkol sa puno ng balete na tanaw lang sa kinauupuan kong puno ng sampalok. Tumatayo ang mga balahibo ko sa nililikha ng utak kong mga haka-hakang may white lady daw roon, may kapre, may pa ring pugot ang ulo at lumilipad sa ere, may madreng lawit ang dila, may babaeng malaki na may kargang sanggong na duguan ang mga mata, may ataul na bigla na lang babagsak sa lupa at dahil hindi ko na makayanan pa ang takot ay bigla akong napatakbo palayo doon sa lugar na iyon at ang tanging alam kong tanging mapupuntahan ay ang aming munting kubo. Huminto ako nang malapit na ako sa aming kubo. Hindi ko magawang lumapit at umuwi. Nauuhaw ako, nagugutom at pinapapak ng lamok ngunit natatakot pa rin ako sa mga p*******t ni tatang. Alam kong gabi na noon. Matagal na kasi ang paglatag ng dilim at halos lahat ng mga ilaw ng mga kapit-bahay namin ay nakapatay na rin. Ngunit bukas pa ang gasera sa aming bahay. Narinig kong parang may lumabas sa bahay. Nanginginig akong sumilip mula sa pinagtataguan ko. Nakita ko si Nanang. Kasabay ng pagsilip ko ang kayang paglabas sa aming sira-sirang pinto. Panaog paakyat si Nanang. Halatang parang hindi mapakali. Paikot-ikot sa aming kubo. Malayo ang kanyang mga tingin. Nang alam kong ako ang kaniyang hinihintay ay lumabas na rin lang ako sa pinagtataguan ko. “Nang…” garalgal kong boses na parang naiiyak ngunit nangangatog din ako sa takot sa kanya. Kagaya ni Tatang, naging malupit din naman si Nanang sa akin kaya hindi ko siya magawang takbuhan. Paano kung katulad din siya ni tatang na papaluin lang ako? Paano kung panigan niya si tatang imbes na ako? “Diyaske kang bata ka! Saan ka nagpunta?” mabigat ngunit may lambing ang pagkakabigkas niya doon. “Nang, si tatang po kasi!” tuluyan nang umagos ang mga luha ko. Hindi ko na kasi kayang pigilan dahil parang kahit mataas ang boses ni nanang nang sinabi niya iyon ay alam kong hinihintay niya ang pag-uwi ko at hindi siya makatulog nang wala ako. “Kumain ka na ba?” “Hindi pa ho?” “Saan ka ba nagtago?” “Sa gubat. Doon sa malaking puno ng sampalok.” “Ano? Paano kung kagatin ka ng ahas o kung may mangyari sa’yo doon?” “Natatakot po kasi ako kay Tatang.” “Ano ba kasi ang ginawa mo?” “Nawala ko ho kasi yung pambili ng alak.” “Bakit mo naman kasi nawala ang pera?” “Nahulog ho.” “Saan mo inilagay o saan mo nahulog?” “Nang, kasi…” hindi ko kasi alam kung alin ang uunahin kong sagutin. “Sige na. Pumasok ka na sa loob at nang makakain ka na muna.” “Pero baka ho saktan uli ako ni Tatang.” “Tulog na ang tatang mo.” “Baka ho magising at saktan ho uli ako.” “Hindi na. Nakatulog na sa kalasingan kasi nakabili na ako ng alak niya. Sige na, pumasok ka na at makakain. May natira pa naman na kakanin na naibulsa ko para sa iyo kanina sa lamay.” Hinawakan ni Nanang ang balikat ko hanggang sa naging haplos iyon sa butuhan kong likod. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa niya iyon sa akin. Isang haplos ng ina na matagal ko nang hinangad. “May sugat ka ba anak?” Anak. Ang pagtawag niya ng anak sa akin ang siyang lalong nagpaluha sa akin. Naramdaman ko ang kaibahan no’n. Napapaluha ako sa sobrang saya. Iba ang dating no’n sa akin. Para akong nakasilip ng katiting na pag-asa na magbabago na ang kuwento ng aking pagkabata.  “Halika na muna sa loob nang mahugasan na rin natin ang mga sugat mo at pagkatapos ay mag-usap tayo sa labas dahil baka magising ang tatang mo kung sa loob pa tayo mag-uusap.” Ibinigay niya sa akin ang kakanin at naglagay rin siya ng tubig sa plastic naming dilaw na baso. Mabilis kong naubus ang kakanin. Gutom pa ako ngunit alam kong iyon lang naman ang pwede at meron kong kakainin. Pinunan ko na lamang ng maraming tubig ang aking sikmura. Pagkatapos kong kumain ay nilinis na ni Nanang ang aking sugat. Nang nililinis na ni Nanang ang sugat ko sa mukha ay lalo akong napaluha. Nakaramdam ako na parang kahit pala papaano ay may kakampi pa rin ako, na kahit paano ay may nagmamahal pa rin pala sa akin? Naisip kong bakit sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon ko lang naramdaman kay Nanang na mahal niya ako? Maghapon lang akong nawala ngunit parang ilang taon na akong nawalay sa kanya. “Halika sa labas at mag-usap tayo ha? May mga sasabihin ako sa iyo.” Sumunod ako sa kaniya. “Ano hong pag-uusapan natin Nang?” tanong ko. “Anak..”pagsisimula niya. Muli, napatitig ako sa kaniya. Hindi ko inaasahang matatawag niya muli ako ng anak. Napakatagal kong hinintay na isa sa mga magulang ko ay matawag nila ako ng ganoon. Ang ipinagtapat niyang iyon sa akin ang siyang nagbukas ng isip ko. Noon ko naintindihan kung bakit at nalaman ang katotohanan. Sinagot ng mga sinabi ni Nanang ang marami kong katanungan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD