Chapter 2
By Joemar Ancheta (PINAGPALA)
“Anong pangalan mo neng?”
“Kashmine po. Kayo po?”
“Champagne. Tawagin mo akong ate Champagne.”
“Ate Champagne” inulit ko ang sinabi niya para matandaan ko.
“Hindi ka ba nag-aaral?”
“Hindi pa po ako nag-aral e.”
“Talaga? Kaya pala.”
“Ano hong kaya pala?”
“Kaya pala hindi ka marunong pang magbilang. Hindi mo alam kung magkano ang ibinabayad sa’yo at di mo rin alam kung paano mo sila susuklian.”
“Opo. Kahit po pangalan ko po hindi ko alam isulat.”
Huminga ng malalim si Ate Champagne. Nakita ko agad sa mga mata niya ang awa sa akin. “Wala ka bang mga magulang?”
“Meron po.”
“Meron naman pala e, pero bakit ka pinapabayaan ng ganyan?”
“Hindi ko ho alam e.”
“Ilang taon ka na?”
“Sabi po ni nanang, walong taong gulang na ako. Malapit na daw ako magiging siyam.”
“Gano’n e parang 12 years old ka na. Matangkad kang bata kung gano’n. Hmnnnn” sinipat ako ni Ate Champagne pataas at pababa. Saka siya ngumiti. “Maganda kang bata.”
“Salamat ho.”
“Kung hindi ka marunong magbasa at magsulat, hindi ka marunong magbilang, madali kang lokohin ng kapwa mo. Kung hindi ka kayang pag-aralin ng mga magulang mo, bakit hindi na lang sila ang magturo sa’yo?”
“Hindi rin daw kasi maalam magbasa at magsulat sina Nanang at Tatang.”
“Ibig sabihin lahat kayo mangmang?”
Tumango ako.
“Sorry sa term na mangmang pero gusto mo ba iyan ang tawag sa’yo ng mga tao paglaki mo? Mangmang o bobo? Alam mo walang mangyayari sa buhay mo kung hindi mo matutunan ang magbasa at magsulat.”
Tumingin lang ako sa kanya. Pilit kong iniintindi ang mahaba-haba niyang sinabi.
“Gusto mo bang turuan kitang magbilang?”
“Sige po. Gusto kop o. Gustung-gusto ko po.” Natutuwa kong sabi sa kanya.
“At saka turuan na rin kitang isulat ang pangalan mo?”
“Talaga ho? Sige po.”
“Sandali at kukuha ako ng lapis at papel.”
Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakahawaka ko ng lapis. Unang pagkakataon na may nagturo sa aking magbilang. Sa higit isang oras ding pagturo ni Ate Champagne sa akin na magsulat ay tuluyan ko ng alam kung paano isulat ang buong pangalan kong Kashmine Bautista. Pag-uwi ko ay ibinigay na rin sa akin ni Ate Champagne ang kaniyang lapis at papel. Habang naglalakad ako, inuulit-ulit ko ring balikan ang itunuro niya sa aking pagbibilang hanggang 10. Sa ibang araw na lang daw ang iba pang mga numbers para raw di ako mabigla. Kaya nang umuwi ako ay pagkatapos kong diligan ang aking mga gulay ay wala akong ginawa kundi ang isulat ng paulit-ulit ang aking pangalan at magbilang ng magbilang hanggang 10.
Nang pasukan na ay pumunta ako sa bayan para bumili ng mga kakailanganin ko sa pag-aaral. Sinamahan ako noon ni ate Champagne na bumili ng aking mga gamit. Dinagdagan pa niya ang mga kulang ko. Lahat ng sa tingin niya na kailangan ko ay binili niya. Tuwang-tuwa akong umuwi noon na dala ang aking mga gagamitin sa pag-aaral. Pinakita ko kay tatang ngunit nasaktan lang ako sa sinabi niya sa akin.
“Akala mo naman may mararating ka sa aral-aral na ‘yan. Pag-aasawa at pag-aanak din lang ang bagsak mo.”
“Ho?” gulat kong tinuran.
“Basta ito ang tandaan mo bata ka ha? Pagdating diyan sa pag-aaral na iyan ay wala kang mahihintay sa akin na kahit anong suporta. Wala akong pakialam at huwag na huwag kang hihingi ng tulong sa akin diyan sa diyaskeng pag-aaral mo!”
“Opo Tang. Hindi ho magiging pabigat ang pag-aaral ko sa inyo.”
“Kita mong naghihirap na tayo iyan pa ang inaatupag mo. Do’n sa bukid ka nababagay o kung hindi naman ay diyan sa gulayan mo sa likod ang asikasuhin mo nang may malamon ka.”
Minabuti kong hindi na lang sumagot.
“Tignan lang natin kung hanggang kailan ka tatagal diyan sa buwisit na pag-aaral na iyan.”
Tumahimik na lang ako. Kung sasagot ako, malamang hahaba lang ang usapan. Kinuha ko na lang uli ang mga gamit ko sa paaralan at isinilid ko sa aking bag na may luha sa aking mga mata. Pumasok ako sa loob ng aming kubo na nasasaktan dahil sa sinabi sa akin ni Tatang. Pinangako ko sa aking sarili na pagdating ng araw, magsisisi siya sa mga sinabi niya. Ipapamukha ko sa kaniyang hindi ako matutulad sa kanila ni Nanang.
Pagdating ni Nanang galing sa pagta-trabaho sa bukid ay hinarap niya agad ako.
“Nakabili ka ba ng mga gamit mo sa school?”
“Oho Nang.”
“Patingin?”
Natuwa ako. Gumaan ang pakiramdam ko. Masaya kong inilabas lahat ang laman ng bagong bag ko na binili ni Ate Champagne.
“Oh bakit parang andami naman yata ‘yan? Nagkasya ba ang pera mo at yung barya baryang ibinigay ko?”
“Opo saka tinulungan ako ni Ate Champagne?”
“Sino?”
“Si Ate Champage po. May parlor sa bayan. Doon sa tapat ng parlor niya ako madalas magtinda ng gulay ko.”
“Maigi. Sige na, itago mo na muna ‘yan at magsaing ka na.”
“Sige po Nang.”
Tinignan ako ni Nanang. Tumingin rin ako sa kanya. Alam kong nahihirapan siyang makita akong hikahos.
“Sana makaya natin ang pag-aaral mo. Hindi ko alam kung paano.”
“Mga ambisyosa. Pahirap lang ‘yan! Kinukunsinti mo pa kasi e.” singhal ni Tatang na naninigarilyo sa labas ng bahay.
Hindi sumagot si Nanang.
Umupo siya sa bintana at malayo ang tanaw ng kanyang mga mata.
Alam ko yung hirap namin. Ramdam na ramdam koi yon lalo pa’t heto ako nagpipilit pang mag-aral. Naawa ako kay Nanang. Inisip ko na lang na dodoblehin kong magtrabaho kapag wala akong pasok tulad ng Sabado at Linggo.
“Taas talaga ng ambisyon. Tignan lang natin kung saan din ang bagsak mong bata ka.” Pagpapatuloy ni Tatang.
Sa gabing iyon ay napaiyak ako sa tinutulugan ko. Pakiramdam ko noon ay hindi ko talaga ama si Tatang. Wala akong nararamdamang pagmamahal at pagmamalasakit. Parang sa buong buhay ko ay nabuhay na lang ako sa awa ng Diyos. Ngunit lahat ng mga sinabi ni Tatang ay ginawa kong challenge para magtagumpay ako.
Unang araw noon sa paaralan at nakita ko ang kaibahan ng mga kaklase ko sa akin. Magara ang kanilang mga sapatos at damit ngunit mangilan-ngilan din lang kaming nakatsinelas lang at may suot na mumurahin at hindi plantsadong uniform kagaya ko. Masarap ang baon nila tuwing recess samantalang ako ay lumalabas lang para uminom ng tubig sa poso at bumabalik na ako sa loob ng aming silid-aralan para mag-aral at hihintayin ang pagbalik ng aking mga kaklase. Lahat sila ay may mga kaibigan. Barkada. Bakit ako wala? Iyon ba ay kasama ng sumpa kung mahirap ka? Ang walang gustong makipagkaibigan sa iyo dahil wala kang baon, wala kang magarang suot na damit at wala kang maikukuwentong mga bagong napanood na pelikula o kaya ay mga manika? Ngunit alam kong may mga katangian akong puwedeng magamit para isang araw ay magbabago rin ang tingin ng lahat sa akin. Iyon ay ang aking tiyaga sipag at talino.
Ilang buwan pa lamang noon ay magaling na akong magbasa. Nagugulat ang mga guro sa bilis kong matuto. Ngunit dahil mahirap lang ako, hindi rin kilala ang mga magulang ko at wala kaming pera kagaya ng mayayaman kong mga kaklase kaya hindi ako nakakapasok sa mga nakakakuha ng mga parangal. Ngunit alam ko at alam ng mga kaklase ko na ako ang pinakamatalino sa aming klase. Walang tanong ang teacher ko na hindi ko masagot. Pero para sa akin, hindi naman importante iyon, ang mahalaga ay masaya akong pumapasok, marami akong natutunan at dumami na rin ang mga kabigang nagpapatulong sa akin.
Patuloy ang pagdaan ng araw ngunit wala pa ring pagbabago si Tatang. Para nga siyang alak e, habang tumatagal, patapang ng patapang. Grade four na ako noon nang maisipan ng isa sa mga guro kong ipalista ako para sa acceleration program ng public school sa mga may edad at matatalinog mag-aaral. Dalagita na kasi ako pero Grade 4 pa rin. Hindi na ako nababagay sa mga kaklase kong mga bata. Para na kasing teacher ang tangkad ko at para na rin akong High School kug bulas ng katawan ang pagbabasehan. Sa awa ng Diyos ay pumasa ako sa acceleration at isang araw pagpasok ko sa school ay grade six na agad ako. Maliban sa guro kong nagpalista sa akin para ma-accelerate at sa Principal namin dahil isang karangalan nga naman na galing sa paaralan nila ang nag-top sa buong Region II sa acceleration program ay wala ng ibang natuwa pa. Kahit gaano kasaya ko noong umuwi para ibalita ko sa mga magulang ko ang nangyari ay parang wala lang sa kanila ang lahat. Hindi pinansin ang ibinalita ko at ganito lang ang sagot ng mahaba at puno ng excitement kong kuwento.
“Bilhan mo nga ako ng Gin diyan kina Aling Delia. Bilisan mo. Kung may pera ka, bumili ka na rin kahit tatlong stick lang ng sigarilyo.”
Gano’n lang iyon.
Masaganang luha ang bumaybay sa aking pisngi. Kailan kaya nila ako ipagmamalaki? Hanggang kailan ko maramdaman ang kanilang pagmamahal. Ngunit desidido akong magtagumpay. Hindi ko inaasahan na sa tindi ng hangarin kong makapag-aral ay may mga dumadating ding mas matitindi pang unos sa aking buhay. Mga pagsubok na siyang humubog at nagdala sa akin sa upang mas matatag. Paano ko lalabanan ang lahat ng iyon ng ako lang?
Isang gabi nang hindi ko sinadyang mahulog ang ibinigay na pera ni tatang na sana pambili ko ng kaniyang Gin. Pinagpapawisan akong hanapin iyon. Ginawa ko ang lahat para hindi uuwing walang dalang alak. Nakaradamdam tuloy ako ng inis sa kapit-bahay naming nagpatulong buhatin ang mga sinibak niyang kahoy. Tuloy nawala yung inipit kong pera sa may garter ng may kaluwangang shorts ko. Wala naman kasing bulsa iyon kaya naisipan kong sa garter ko na lng iipit. Kahit pabalik-balik pa ako sa dinaanan ko ay hindi ko na nahanap pa. Nagsabi ako sa nagpatulong sa akin na isilong ang panggatong nilang kahoy ngunit wala raw siya maibigay. Takot na takot ako noon lalo pa’t wala rin naman akong maipalit para ipambili ng kaniyang alak. Wala rin naman sa akin magpautang. Lahat kami halos sa lugar namin ay isang kahig isang tuka lang rin naman.
Hindi ko alam kung ano ang idadahilan ko noon kay tatang. Natatakot akong umuwi na walang dalang alak kaya naglakas loob akong umutang sa tindahan nina Aling Delia.
“Ano uutang ka ng alak?”
“Oho sana. Kahit pa maglalabada na ako sa inyo bukas na bukas ho.”
“Nakikita mo ‘to?” tinignan ko ang binigay niyang listahan ng mga utang, “Hayan? Ang haba na ng listahan ng utag ninyo ta’s uutang ka na naman. Alak pa talaga ang uutangin mo ha? Sabihin mo sa nanang mo ha? Noong isang taon pa ang mga utang niya rito. May balak ba kayong magbayad? Kung bakit kasi ako nagpadala sa awa e.”
“Ako na lang ho ang magbabayad sa utang ko, Aling Delia. Parang awa na ho ninyo. Bubugbugin po kasi ako ni Tatang kung uuwi ako na walang dalang alak.”
“Aba problema ko pa ba ‘yon?”
“Sige na po Aling Delia, parang awa na ho ninyo.”
“Kaya nga humaba ang listahan ng utang ninyo e kasi dahil sa awa. Malay ko ba kung nagdadrama ka lang para mautangan mo ang tatang mo ng alak kagaya ng arte at drama ng ina mo sa akin? Sige na, nakakabwisit ka ng negosyo.”
“Aling Del…”
“Aalis ka o ipakakagat kita sa aso namin?”
“Wala na ho kasi akong mauutangan…”
“Hala! Alis! Bwisit kayong pamilya. Pabigat kayo sa negosyo!”
Wala akong magawa kundi ang mangiyak-ngiyak na umalis. Kahit pa nakalayo na ako at dinig ko pa rin ang mga sigaw niya. Pinagtitinginan tuloy ako ng mga tao. Ang ilan ay nagtatawanan pa. Para namang nakakatawa ang pagiging mahirap.
“Ang haba ng utang ninyo! Wala ba kayong alam na gawin kundi mambwisit at mangutang! Kung sana ulam pa ang uutangin mo, maintindihan ko pa sana pero alak? Mag-aalak pa kayo e hampaslupa na nga lang kayo!” sigaw niya hanggang sa di ko na narinig pa ang mga iba pa niyang mga ipinagsisigaw.
Naglakad muli ako papunta naman sa isa pang tindihan. Umaasang mapagbibigyan ako.
“Anong bibilhin mo? Himala na dito kayo bibili ngayon e mas malapit ang tindahan ni Delia sa akin ah?”
“Aling Maring, pwede hong mangutang?”
“Ano? Mangungutang ka?”
“Oho sana.”
“Kaya naman pala nilagpasan mo si Delia. Siguro hindi ka na papautangin ano? Aba e e ang haba raw ng listahan ng Nanang mo ro’n ah? Tapos ngayon sa akin naman kayo lalapit para mangutang.”
“Nahulog ko ho kasi yung perang ibinigay ni Tatang pambili ng alak, Aling Maring. Ako na lang ho ang magbabayad sa inyo sa susunod na Linggo. Makikiani naman po ako ng palay bukas e.” Pakiusap ko.
“Hindi at wala akong maipapautang sa inyo.”
“Sige na ho, parang awa na ho ninyo.”
“Wala nga! Bakit ba ang kulit mo! Sige na. Umuwi ka na dahil marami pang bibili. Uutang kayo alak pa. Ang kakapal ng mga mukha ninyo.” Malakas niyang sigaw. Iba’y natatawa sa isinisigaw na iyon ni Aling Meding ngunit sa akin, sobrang sakit iyon na nakahandusay na kami sa kahirapan ay kailangan pa nila akong apak-apakan. Nangilid ang luha ko.
Bigo akong makapangutang ng alak ni Tatang. Ginabi na ako. Lahat ng tindahan nagbakasakali na ako pero puro pangungutya lang ang narinig ko. Pinagtatawanan nila ako. Inaalipusta na para bang hindi ako tao. Mahirap man ako ngunit may damdamin pa rin naman, nasasaktan.
Nang ako’y nasa hagdanan na namin ay hindi ko na magawang umakyat pa. Alam kong hahanapan ako ni Tatang ng alak. Ayaw kong magdahilan at magsinungaling sa kanya. Sasabihin ko na lang sa kaniya ang totoo.
“Bakit ngayon ka lang? Aba! Bibili lang ng alak isang oras mahigit?”
Nagkamot ako ng ulo. Ni hindi ko matignan si Tatang. Nakayuko lang ako.
“Oh ano na? Nasaan ang pinabili kong alak?”
“Wala ho.”
“Anong wala? Nasaan!”
“Sorry po ‘Tang,” ipinulupot ko ang aking kamay sa dulo ng butas-butas at manipis kong t-shirt.
“Ano! Putang ina! Nasaan ang pinabili ko sa’yong alak!”
“Nahulog ko kasi yung pera…”
“Ano? Putang ina naman! Tanga! Bobo! Saan mo nahulog!”
“Hindi ko ho alam!”
“Tang-ina! Baka naman ibinulsa mo na para gamitin mo sa lintik na pag-aaral na ‘yan.”
“Hindi ho ‘Tang. Nawala ko ho talaga.” Nanginginig na ako dahil tumataas na ang boses ni Tatang.
“Halika rito at magtanda kang walang silbing hayop ka!” nakita kong kinuha niya ang nasa malapit sa kaniyang pamalo. Napalunok ako. Kinabahan. Alam kong muli na naman niya akong sasaktan.