“Uulitin ko ang tanong, Mister. Ano po ba ang nangyari?”
Napasimangot ako nang muling magsalita ang babaeng police officer, tila nauubusan na ng pasensiya. Eh, sino ba naman kasing hindi kung kasing tanga ng lalaking katabi ko ngayon ang kausap?
“Hindi ko ‘to mapapalampas! Kakasuhan kita!” galit na sigaw sa akin ng lalaki habang hawak ang braso niyang ngayon ay may benda dahil nabali ko ang buto niya kanina.
Tiningnan ko siya nang masama habang nasa harapan namin ang babaeng officer na napahilot na lang sa kaniyang sentido.
“Ikaw ang kakasuhan ko! Ang kapal din ng mukha mo, ‘no?! Ikaw na nga itong nang-harass sa akin, ako pa ang kakasuhan mo?! Ilang katol ba ang hinihithit mo, ha?!” inis na sigaw ko sa kaniya pabalik.
Mas lalo siyang nagalit sa sinabi ko kaya naman napatayo siya sa kinauupuan at hinarap ako. Hindi naman ako nagpatalo at agad din akong tumayo para harapin siya.
Aba! Akala niya ba matatalo niya ako?!
“Ang tapang mo rin, ano?!”
“Oo, matapang talaga ako! Akala mo ba matatakot ako sa ‘yo at mananahimik na lang?! Ulol!” sigaw ko pabalik.
Agad akong hinawakan ng isang police officer para pakalmahin. Inis akong bumalik sa pagkakaupo at gano’n din naman ang lalaking pinipigilan nila.
“Pwede po bang kumalma kayo? Mister, kumalma po kayo at sagutin nang mahinahon ang tanong namin,” nauubusan ng pasensyang sabi ng pulis. “Paano ho tayo magkakaintindihan niyan?”
“Eh, kasi ang babaeng ‘yan, pinagbibintangan ako ng s****l harassment at binali niya pa ang braso ko! Sasampahan ko siya ng kaso!” sagot ng lalaki habang masama ang tingin sa akin.
Sarkastiko akong natawa bago malalim na huminga. Talagang pinipikon ako ng lalaking ‘to!
“Hindi kita pinagbibintangan dahil totoo ‘yon! Officer, nagtatrabaho ako nang maayos para sa shift ko sa convenience store at pagkatapos ay sumulpot na lang ang lalaking ‘yan at hinawakan ako! Nagawa ko lang ‘yan bilang self defense!” paliwanag ko at tinuro ang braso nito na may pilay. “Kung hindi po kayo naniniwala, meron kaming CCTV.”
“Sasampahan kita ng kaso!” galit na sabi ng lalaki habang pinipilit sa pulis na wala siyang kasalanan.
Ang tanda-tanda niya nang lalaki pero ganiyan siya kung umasta?! Sa tingin ko ay mahigit trenta na ang mamang ito samantalang ako ay bente anyos. Bigla na lang siyang sumulpot kanina sa shift ko at pagkatapos ay nagkunwaring magpapatulong sa bibilhin niya pero bigla niya na lang akong hinawakan at sinabihan ng kung ano-ano.
“Kontakin mo ang may-ari ng convenience store,” rinig kong sabi ng officer sa kasama niya.
Muli kaming nagsamaan ng tingin ng lalaki. Hindi ko maiwasang mandiri sa kaniya. Halos yakapin ko na rin ang sarili ko habang magkakrus ang mga braso ko.
Napakaayos ng suot ko dahil may dress code kami sa shift kaya hindi dahilan ang suot ko para bastusin niya ako.
Ang totoo ay takot na takot ako. Bakit nga ba may ganitong mga klase ng tao? Wala man lang ba siyang anak na babae? Asawa? Ina? Paano niya nagagawang mambastos ng babae?
Ilang saglit pa ang tinagal namin sa police station habang inaayos nila ang nangyari. Pinipilit ng lalaki na hindi niya raw ako binastos at ako ang may kasalanan sa kaniya. Gusto niya akong sampahan ng kasong pambibintang.
Ang tangang ito.
“Kitang-kita ho sa CCTV ang ginawa n’yo, Mister,” wika ng pulis habang may pinapanood silang kuha ng CCTV.
Agad na natigilan ang lalaki at hindi makapagsalita. Ako naman ay napaiwas na lamang ng tingin, pinipigilan ang sarili kahit na nangingilid ang luha sa mga mata ko pero lamang ang galit at inis.
“Gusto mo bang mag-file ng complaint?” tanong ng officer sa akin.
Hindi naman ako sumagot. Natigilan ang lalaki at agad na tumayo. “S-Saglit lang ho, Ma’am. B-Baka pwede pa natin ‘tong pag-usapan.”
Walang nagsalita sa mga police officers kaya sa akin humarap ang lalaki. Ako naman ay hindi siya tinatapunan ng tingin.
“M-Miss, baka pwedeng pag-usapan ‘to. May pamilya at asaw—”
“May pamilya ka pala pero nagagawa mo ang ganitong bagay? Hindi ho ako menor de edad pero estudyante pa rin ho ako. Maayos akong nagpa-part-time job at pagkatapos ay tatratuhin ako nang ganito?” Sarkastiko akong natawa kahit na sa totoo lang ay ang bigat ng dibdib ko. Tumayo ako mula sa kinauupuan ko at diretsong tiningnan nang masama ang lalaki. “Magsasampa po ako ng reklamo, officer.”
Tumango ito at agad na sumang-ayon. Muli kaming naupo sa upuan habang ang lalaki ay hindi na makatingin sa mga taong narito.
“Miss, nasaan ang guardian mo? O kahit sino na maaari kang samahan dito?” saad ng officer matapos ang ilang saglit.
Umiling naman ako bago napaiwas ng tingin. “W-Wala po akong guardian.”
“Nasaan ba ang magulang mo?”
Umiling lang ako bilang sagot. Nagtaka naman ang officer. “Wala ka bang kasama?”
“W-Wala po.”
“Kahit sino na lang, Miss. Kaibigan?”
Napabuntong-hininga ako. Ayoko sanang abalahin ang mga kaibigan ko lalo na sa ganitong mga sitwasyon. Isa pa ay anong oras na. Halos mag-a-alas dose na ng madaling araw.
Hindi ko rin alam kung sinong tatawagan. Sinabi ko sa officer na baka pwedeng huwag na lang pero mas maganda raw kung may kasama ako. Binigay ko na lang ang number ni Archie, kaibigan ko, kahit na nag-aalangan ako.
“Baka hindi niya rin po ‘yan sagutin. Busy kasi lahat ng kaibigan ko. At saka promise, officer, last na ho talaga ‘to. Hindi na ako mapapadpad dito sa police station n’yo,” tuloy-tuloy na sabi ko habang binibigay sa kanila ang number ni Archie pero napangiwi na lamang ito.
Huli na nang pigilan ko siya nang ma-dial na niya ang number. Napakagat na lang ako sa daliri ko habang kinakabahan at agad na tumingin sa orasan.
Gusto kong sapakin ang sarili. Bakit nga ba number pa ni Archie ang ibinigay ko?!
Hindi na ako natahimik at halos hindi mapakali sa kinauupuan. Ang inis ko sa lalaki ay napalitan na ng takot dahil sa pagtawag nila kay Archie. Matapos saglit na kausapin ng officer si Archie ay agad itong tumingin sa akin habang napapailing.
Napakamot na lang ako sa ulo at napakagat sa labi. “Sabi ko ho sa inyo, wala talaga akong maaabala pagdating sa ganito,” sabi ko at nagpeke ng tawa.
“Oh, siya, siya. Ayusin na natin ito at nang makauwi ka na,” sabi ng officer na napailing-iling, mukhang naawa sa akin. Pagkatapos ay nilingon niya ang lalaki. “Kayo naman ho, Mister, huwag n’yo na hong uulitin ang ganito. Kita naman po sa ebedensiya ang ginawa n’yo sa biktima.”
Tumango-tango ako sa sinabi ng officer. “Hindi ko na ho itutuloy ang reklamo, officer. At kayo naman, Manong, huwag n’yo na hong uulitin ‘to sa ibang tao. At huwag na ring magkukrus ang landas natin dahil talagang malilintikan na kayo sa akin!” pananakot ko na ikinayuko niya, hiyang-hiya sa nagawa. Aba, dapat lang, ha! Kung ano-ano ang sinabi niya sa akin kanina!
Humingi siya ng tawad sa akin ngunit hindi ko na iyon masiyadong napagtuunan ng pansin. Tuluyan nang nilipad ang utak ko tungkol sa kung ano nga ba ang sinagot ni Archie nang tawagan siya ng police officer.
Umalis ako sa police station na mag-isa at napapabuntong-hininga. Napayakap ako sa sarili habang naglalakad sa tabi ng kalsada. Marami pang sasakyan at marami pa namang tao. Napayuko ako.
“Ang malas ko naman ngayong araw,” saad ko bago bagsak ang balikat na napaupo sa isang bench. Napatitig ako sa mga taong dumadaan at muling napabuntong-hininga. Hindi ko na namalayan ang luhang pumatak sa pisngi ko.
Agad ko iyong pinunasan gamit ang palad ko. Tinawanan ko ang sarili. “Bakit ba ako umiiyak?”
Bago pa ako tuluyang umiyak at humagulgol ay naglakad na ako pauwi. Huminto ako sa harap ng apartment buildings kung saan ako nangungupahan. Para itong isang villa. Tatlong apartment buildings ang magkakatabi at mayroong matataas na hagdan sa mga pagitan ng buildings. Napakaraming apartment rooms at halos mga estudyante at mga naninirahang mag-isa ang nakatira. Mayroong malawak na rooftop sa taas.
I live with my friends since I was in high school, dahil wala akong magulang. Nasa puder ako ng mama ko mula noong bata ako hanggang high school at pagkatapos ay ako na mismo ang umalis. I worked hard to support myself, pero siguro nga ay hindi lang talaga sapat lahat ng ginawa ko sa mga nakalipas na taon.
Sa tuwing tinitingnan ko ang sarili ko at ang buhay ko ngayon, hindi ko alam kung maaawa, malulungkot, o matatawa na lang ba ako sa sarili ko.
Wala naman akong kahit ano sa ngayon maliban sa sarili ko.
Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ko sa buhay? Magpunta sa police station dalawang beses isang linggo? Magtago at tumakbo mula sa mga pulis sa tuwing may mga kalokohan ako?
O ang pagpunta sa mga inuman at party pitong beses sa isang linggo?
“Oh, tapos na ang shift mo?”
Sinalubong ako ni Mauve na nagising sa pagkatok ko sa apartment room namin. Naghikab ito bago nilakihan ang pagkakabukas ng pinto para papasukin ako.
“Ang sama ng araw ko ngayon!” sumbong ko sa kaniya bago dumiretso sa sofa at sumalampak doon.
“Bakit? May nangyari ba?” tanong niya at napakunot ng noo.
“Marami,” sagot ko at napangiwi.
“Anong eksena na naman ‘yan sa napaka-reckless mong buhay, ha, Aestheria?” Nang-aasar ang boses niya nang sabihin ‘yon. Mas lalo akong napabusangot.
“Galing ako sa police station. May tarantadong nambastos sa akin sa convenient store.”
“Ano?!” Napatayo siya. “Aba, sino ‘yan at aabangan ko! Natatandaan mo ba ang mukha?!” singhal niya at hinampas ako.
“Aray ko naman! Ako na nga ‘tong napapulis tapos pagdating dito, masasampolan pa ako ng hampas?!”
“Eh, kasi naman, Ace! Palagi ka nilang binibiktima sa ganiyan. Wala namang mali sa mga suot mo. Tingnan mo nga ‘yang pormahan mo, para kang siga sa kanto. Bakit nga ba ang lakas ng loob ng mga likhang bastos at manyakis na ‘yan?!”
“Ganoon talaga ang mga ganiyang tao. Walang kinalaman ang suot natin sa pambabastos nila. Sadyang likha na ‘yan sa kanila! Dapat sa mga ‘yan tinuturuan ng leksyon. Nako, kung hindi lang ako na-distract kanina sa pagtawag ng officer kay Archie, malamang nasa rehas na ‘yong tarantadong ‘yon!” tuloy-tuloy na kwento ko.
Gulat niya akong tiningnan. “Ano?! Tinawagan ng police station si Archie?”
Napanguso ako bago tumango. “Hindi ko na binigay ang number mo. Ayaw kitang abalahin dahil sabi mo kanina, magiging busy ka ngayong gabi dahil kailangan mong mag-aral. Eh, ‘di ‘yan nga, nagising kita pagdating ko.”
Wala pa mang ilang segundo ay agad niya ulit akong hinampas sa braso. “Ano ka ba?! Siyempre, emergency naman ‘yon! Pwede mo akong abalahin lalo na kung emergency katulad nito!”
“Pero nasaan nga ba si Archie? Hindi ko pa siya nakikita ngayong araw, ah,” nagtatakang tanong ko at napaayos ng upo sa sofa.
“Nagpunta yata sa family gathering, ‘di ba?”
“Ha?! Kailan?”
“Ngayong araw. Best friends daw pero hindi alam,” pang-aasar niya bago naglakad papuntang kusina. Pagbalik ay may bitbit na siyang noodles at inilapag ‘yon sa harap ko. “Kumain ka nga muna. Malamang sa malamang hindi man lang sumagi sa isip mong kumain ngayong gabi.”
Napangiti ako at agad na kinuha ‘yon at nilantakan. Napaso pa ang dila ko pero hindi ko na ‘yon pinansin pa. Nagutom ako sa lahat ng nangyari sa araw na ‘to!
“Pero bakit parang wala namang nabanggit sa akin si Archie na may family gathering sila?” nagtatakang tanong ko habang nilalantakan ang noodles gamit ang chopstick.
“Tanga. Baka friendship over na kayo?” pang-aasar pa ni Mauve at kumuha rin ng pagkain niya.
“Ako lang ang may karapatang magdesisyon kung friendship over na kami o hindi.” Inirapan ko siya. Lambingan talaga namin ‘yang pagbabardagulan.
“Pero seryoso, nasa family gathering yata si Archie. Hindi ko lang alam kung saan. I-check mo kaya. Baka may message siya?”
Ginawa ko ang sinabi niya. Agad kong tiningnan kung nag-message nga ba si Archie. Meron nga siyang message pero hindi ko nakita kanina dahil oras na ‘yon ng shift ko. At isa pa, wala rin naman akong load para mag-online.
Minsan kailangan talagang ma-gets ni Archie na dukha ang kaibigan niya na nakiki-hotspot lang para mag-online.
“Meron nga siyang message. Nasa Bulacan pala ang loko. Hindi ko naman alam! Akala ko ay nasa BGC lang siya o ‘di kaya nandiyan sa tapat, ayaw lang lumabas!” saad ko.
Ang kwarto namin nina Mauve at Sienna ay nasa kanang bungad na bahagi ng mataas na hagdan at kina Archie naman ay nasa kaliwang kwarto na katapat namin.
Our circle of friends started in high school up until now. Hindi na talaga kami napaghiwa-hiwalay. We’re studying at the same university with different courses. I’m taking Civil Engineering.
Pero huwag n’yo na akong tanungin. Wala akong alam sa Mathematics. May bagsak ako noong first year at muntik nang pagsarhan ng pinto sa second year. Isang suntok sa buwan na nakaabot pa ako ngayong third year. Hindi na nga ako magtataka kung sa susunod na taon ay tuluyan na akong babagsak.
Hindi ko naman gusto ang Engineering. Ayaw kong maging engineer, at wala naman akong interest sa course na ‘to.
Was it because of my parents’ decisions? No. Of course, not. Wala namang pakialam sa akin ang nanay ko. Ni hindi ko nga alam kung nasaang sulok siya ng mundo sa mga sandaling ito o kung ano ang ginagawa niya sa buhay. Bukod doon ay wala naman akong pakialam.
I took Engineering… because of Archie, my long-time best friend since childhood. I don’t really know when did we become friends. Siguro noong mga panahong hindi pa namin kabisado ang alphabet letters?
“Alam mo, talagang mayayari ka kay Archie. Baka nakakalimutan mong noong nakaraang araw, tinakbuhan mo rin ‘yong barangay sa kabila matapos kang mag-over the bakod sa isang bahay. Akala tuloy magnanakaw ka tapos may kinukuha ka lang palang pusang naipit sa kawayan! Ano ba kasing mga pinaggagawa mo sa buhay?!” Sinermunan niya ulit ako.
“Ano ka ba? Niligtas ko lang naman ‘yong pusa, at saka huwag kang mag-alala. Hindi na ako babalik sa barangay na ‘yon, ‘no. Baka hindi na ako tulungan ni Archie,” nakasimangot na sabi ko. Si Archie kasi ang kumausap dito matapos malaman ang nangyari. Mabuti nga at mababait ‘yong mga taga-barangay.
Sabi niya ay hindi ko raw dapat hinahayaan na mali ang tingin sa akin ng mga tao. Tumatak ‘yon sa isipan ko. Sinusubukan ko namang magbago pero bakit parang ang hirap hirap? Eh, sa lapitin ako ng malas at gulo. Anong magagawa ko?
“F*ck.” Sabay kaming nabilaukan ni Mauve nang makarinig ng tunog ng sasakyan mula sa labas, tunog ng kotse ni Archie.
“Hoy, Mauvereen!” sigaw ko sa kaniya nang agad siyang tumayo at kinuha ang pagkain niya bago tumakbo papasok sa kwarto at iniwan ako.
“Patay ka talaga! Kaya mo na ‘yan!” sigaw niya sa ‘kin pabalik at sinarado ang pinto.
“Siraulong ‘to,” bulong ko at agad na napatingin sa paligid. Niligpit ko ang lamesa at kinuha ‘yong kumot. Narinig ko na agad ang katok sa pinto ng apartment namin. “Anong gagawin ko?”
Nataranta ako kaya muntik na akong matisod sa kumot pero agad na akong tumakbo sa pinto at binuksan ‘yon.
Agad na sumalubong sa akin si Archie, wearing a button-down polo and a pair of jeans; looking presentable. Galing nga siya sa family gathering. Kunot ang noo niya at wala pa man ay mukhang galit na.
“Oh? Bakit?” tanong ko at nagpanggap na kakagising lang. Humikab pa ako. “Grabe, ang tagal kong nakatulog!” Nagpeke ako ng tawa at tiningnan siya. “Anong ginagawa mo rito?”
“Saan ka galing?” Seryoso ang boses niya habang diretso ang tingin sa akin, mahigpit ang hawak sa cellphone.
“H-Ha? Dito lang. Kanina pa tapos ang shift ko, eh,” sagot ko. Galingan mo pang umarte, Ace!
“May tumawag sa akin galing sa police station. Ano na naman bang kalokohan ang ginawa mo, Ace?”
May mga instances sa buhay ko na wala talaga akong kinatatakutan pero excluded doon si Archie.
I’ve always been afraid to disappoint him. I’ve always been afraid to do something that would tore us apart.
Kaya ko nang mabuhay nang walang kahit na sino. I can lose everything, just not Archie. Not him.
“Ah, baka namali lang ‘yong officer. Nasa kanila kasi ‘yong number mo, ‘di ba? May record ako doon, eh…” Napakamot ako sa ulo.
Nakagat niya ang labi at pinanliitan ako ng mata. Hindi ko naman maiwasang matawa sa loob-loob ko. Alam kong tinatawanan niya na ako dahil ang tanga kong magsinungaling sa kaniya.
“Huwag kang tumawa. Seryoso ako,” sabi niya.
“Seryoso rin naman ako, ah,” sabi ko at ngumiwi. “Saka ‘wag mo nang isipin ‘yon. May nangyari lang na misunderstanding… Sige na, babalik na ako sa pagtulog.”
Hinarang niya ang kamay sa pinto nang isasara ko na sana ‘yon. “Stop lying. Do you think you can fool me?” Tinaasan niya ako ng kilay.
Napakamot na lang ako sa ulo at napabuntong-hininga. Ano pa nga bang magagawa ko?
“Oo na, may ginawa na akong kalokohan! Binalian ko ng buto ‘yong nambastos sa akin pero kasalanan niya naman talaga ‘yon! Ano? Okay na? Matutulog na ulit ako! Goodnight!” sunod-sunod na sabi ko at isasara na sana ulit ang pinto.
“Ano?!” kunot-noong singhal niya at hinarang ang kamay sa pinto. “Sabihin mo kung anong nangyari, Aestheria, kundi pupunta ako doon ngayon!” banta niya at tumalikod para umalis.
“Hoy!” gulat na sigaw ko at hinabol siya. Hinarangan ko ang daanan. “Sa shift ko, m-merong dumating tapos hinawakan ako at sinabihan ng kung ano-ano, p-pero hayaan na natin, nag-sorry naman na siya. Hindi na ako nag-file ng reklamo kasi baka hassle lang—”
“Ace, hindi hassle ‘yon. That jerk deserves a punishment. You should’ve filed a complaint!” He creased his forehead.
“At least naturuan ko naman siya ng leksyon. Nasapak ko siya at nabalian ng braso. Kung hindi nga lang kami inawat, baka dalawang braso niya ang may benda,” sagot ko bago tumawa. I wanted him to know that I’m fine… not completely, but I just got used to these situations.
Pero hindi naman porket sanay na ako ay deserve kong maranas ang ganito nang paulit-ulit… hindi ba?
Archie heaved a sigh, at bago ko pa matuloy ang mga sasabihin ko ay agad niya na akong niyakap nang mahigpit na ikinatigil ko.
“Sorry, I wasn’t there,” mahinang sabi niya, sapat lang para marinig ko.
Pilit akong natawa bago bumitaw sa kaniya. “Gago, wala ‘yon. A-Ayos lang talaga ako. Ako pa ba?” He felt sorry while looking at me. Ako naman ay hindi makatingin sa kaniya. “S-Saan ka nga pala galing?”
“Family gathering. Sorry. Natagalan ako kaya hindi ako nakapunta agad.” Nakabihis pa ito at mukhang nagmadali lang na makauwi. Agad akong nakaramdam ng konsensiya.
“Pauwi ka na rin ba dapat?” tanong ko.
Nanatili lang ang tingin niya sa akin bago tumango, kahit na alam ko namang ‘hindi’ ang sagot.
“Ano ka ba, Archie? Bakit bumyahe ka pa ngayon? Kung may importante kang ginagawa ngayon, dapat hindi ka na nag-abala pa,” kunot-noong sabi ko. “Pwede namang hindi ka na nagpunta. Ano ka ba naman? Anong oras na rin, oh! Sana ay nag-text ka na lang sa ‘kin—”
Bago ko pa matuloy ang sasabihin ko ay nagsalita siya. “Paanong hindi ako pupunta? Papatayin mo ba ako sa pag-aalala?” kunot-noong tanong niya, dahilan para matigilan ako.
“Pero hindi ka na dapat masiyadong nag-abala. Family gathering n’yo ‘yon,” kunot-noong sabi ko. Wala akong pamilya at kahit kailan ay hindi ko naranasan ang family gathering pero sigurado naman akong mahalaga ang bagay na ‘yon.
Napabuntong-hininga siya at hinawakan ang magkabilang braso ko. Bahagya siyang yumukod para magpantay kami dahil mas matangkad siya sa akin. “Ace, magkaibigan tayo. We’re best friend. You’re not a hassle. This is not a hassle, okay? Do you understand me?” Seryoso ang boses niya habang diretso ang tingin sa akin.
Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam ang sasabihin at hindi ko rin alam ang dapat na maging reaksyon doon.
Napayuko ako. I swallowed the lump on my throat, and wished that I didn’t hear the first sentence.
Archie has always been my best friend ever since we were kids. We literally grew up together.
At sa bawat panahong lumipas, walang araw na hindi ko hiniling na sana… sana ay hindi na lang kami naging magkaibigan.
I hope I wasn’t his best friend.
I hope I wasn’t just his best friend.