“Jade! Thalia! Dito!”
Napailing ako sa lakas ng boses ni Mauve nang tawagin ang dalawa, at dahil doon ay napalingon ang ibang mga estudyante sa pwesto namin.
Agad naman silang lumapit nang makita kami. Nai-stress na umupo si Jade sa bakanteng upuan samantalang si Thalia naman ay mukhang hyper pa rin at mataas ang energy. Nandito kami ngayon sa cafeteria para mag-lunch.
“Oh, bakit mukha kang pinagbagsakan ng langit at lupa riyan?” nakangising tanong ni Mauve. Na-ba-badtrip naman siyang tiningnan ni Jade na mukhang galit na naman sa mundo.
“Bagsak na naman. Pucha kasi ng ni-review ko, wala sa exam!”
“Dinasalan mo ba?”
Mas lalo lang na-badtrip si Jade dahil sa pinagsasabi ni Mauve at kumuha na lang ng pagkain sa mesa’t nagsimula nang kumain.
“Bakit parang ang tahimik n’yo ngayon? What’s the tea?” tanong ni Nathalia habang umiinom ng milkshake at nakatingin sa amin.
“Gaga, ‘wag mo munang kausapin ‘yang si Aestheria. Wala ‘yang score sa recit nila!”
Umirap ako bago humigop sa hawak kong shake at nagsalita. “Malay ko ba na may recitation pala. Eh, ‘di sana nagsunog ako ng kilay kagabi para nagka-score ako!”
“Tanga, kahit magsunog ka pa ng bumbunan, wala ka talagang score.”
Minura ko si Jade dahil sa sinabi niya bago siya sinimangutan. “Parang may score tayo sa Architecture, ah,” hirit ko naman na ikinairap niya.
“Napapagod na akong mag-aral! Mag-aasawa na ako,” badtrip na sabi ni Jade at kinuha ang inumin ni Nathalia at ininom ‘yon. Hindi naman nagreklamo ‘yong isa.
Tinawanan namin siya. “Basta ba hahatian mo kami ng yaman.”
“Tanga ka talaga. Asawa hinahanap ko, hindi sugar daddy. Pass na ako riyan.”
“Wow, bagong buhay?” pang-aasar ko.
“Bagong buhay raw. Balita ko nga may pogi kang type doon sa—” Hindi na natapos ni Thalia ang sasabihin nang bigla siyang subuan ni Jade ng pagkain para patigilin sa pagsasalita.
“Masarap ba ang siopao dito, Nathalia?” tanong ni Jade habang pinanlalakihan ito ng mga mata.
Halos hindi naman makahinga si Thalia at parang nag-aagaw buhay na.
“Hoy! Aba, sino ‘yon, ha? May type kang pogi saan?” pang-iintriga namin ni Mauve na hindi pinansin si Thalia. “Akala pa naman namin pamilya tayo rito.”
“Anong type? Eh, walking redflag nga,” badtrip na badtrip na sagot niya sa amin at nagpatuloy sa pagkain. Sinaksak niya ‘yong nuggets at sinubo.
“Okay lang ‘yan, girl! Flag pole ka naman, eh,” pangdadaot ni Mauve. Muli na namang may napatingin sa table namin dahil sa lakas ng boses niya.
“Manahimik ka riyan, Mauvereen! Kapag ikaw nakatapat ng redflag, tingnan natin kung masabi mo pa ‘yang flag pole na ‘yan. Takot ka rin kasi, eh! ‘Yan tuloy wala kang jowa.”
“At least hindi ako broken-hearted buwan-buwan,” banat naman ni Mauve na ikina-badtrip na lang ni Jade dahil natamaan siya.
Ganiyan ‘yang babaeng ‘yan. Kung ako, buwan-buwang suki sa police station at barangay, siya naman buwan-buwang broken-hearted! Wala na tuloy siyang nagiging boyfriend at lahat ay flings at no-strings-attached.
Jade is a broken-hearted heartbreaker. Sabi nga namin ay karma niya na ‘yan sa lahat ng sinaktan at ni-reject niya noon. Masiyado rin kasing heartbreaker ang isang ‘to!
“Sis got trauma talaga,” sabi naman ni Thalia nang maka-recover sa pagkain. Napailing-iling na lang kaming tatlo kay Jade. “By the way, may chika nga pala ako,” mayamaya ay muling sabi niya na ikinalingon namin.
“Ano na naman ba ‘yan, Nathalia?” kunot-noong tanong ni Mauve. “Ayusin mo. Baka mamaya tungkol na naman ‘yan sa kinse mong crush! Tigilan mo kami!”
“Uy, katorse lang kaya crush ko!” depensa nito. “Natatandaan n’yo ‘yong pinuntahan nating bar sa BGC last week? Nabalitaan ko na ‘yong banda ng crush ko mag-pe-perform doon. Ginawa yata silang regular. Bumisita tayo this weekend, please?” Malawak pa ang ngiti ni Thalia nang sabihin ‘yon.
Napailing na lang kami at muling kumain, kunwari ay hindi namin siya narinig para asarin siya.
“Fine, libre ko. Okay na ba?” sabi niya pa habang magkalapat ang mga palad na parang nagmamakaawa.
Napangiti kami nang marinig ang magic word. Libre!
“Siguraduhin mong may pogi riyan, Nathalia, ah!” banta sa kaniya ni Jade na ikinatango-tango naman ng gaga.
“Nako, siguraduhin mo lang, Thalia. Baka mamaya nandiyan na ‘yong soulmate ko,” sabi naman ni Mauve.
“Oo na nga, girl. Hayaan n’yo, gagawan natin ng paraan ‘yan.” Akala mo ay siya si Kupido kung makapagsalita. “Ikaw, Ace? Gusto mo rin bang ireto kita?” Ako naman ang tiningnan niya at kinindatan pa.
Umiling-iling ako at ngumisi. “No, thanks! Loyal ako.”
“Loyal sa crush niyang hindi naman siya gusto,” pangdadaot ni Jade na binelatan pa ako kaya agad ko siyang sinapok. “Aray ko, Aestheria!”
“Oh, walang aawat, please.” Pinanood lang kami ni Mauve habang kumakain ng pop corn. Walang hiyang kaibigan ‘to!
Buong lunch ay wala kaming ginawa kundi magbardagulan at magkwentuhan ng kung ano-ano. Nang matapos ang lunch ay naghiwa-hiwalay na rin kami dahil may pasok pa raw sina Mauve at Thalia. Si Jade naman ay hindi ko na alam kung saan napadpad.
Tumambay lang ako sa campus hanggang sa mag-alas dos dahil shift ko na sa convenience store. Ala-una ng tanghali hanggang alas-sais ang shift ko at shift naman ni Mauve ang alas-sais hanggang alas-diyes ng gabi. Pinasok ko kasi siya noong nakaraang linggo sa convenience store na pinagtatrabahuan ko bilang part-timer.
Hindi siya nakapasok sa shift niya noong isang araw kaya naman ako ang pumalit, iyon nga ang nabastos ako at umabot pa sa police station. Naiinis pa rin ako kapag naaalala ko ang mukha ng lalaki. Huwag lang talagang magkukrus ang landas namin dahil hindi ko talaga siya palalagpasin!
Saktong alas-dos ng hapon nang makarating ako sa convenience store. Sa España lang din ‘yon kaya hindi naman malayo.
Inayos ko ang mga products sa pagkakalagay nito sa mga shelves. Inayos ko na rin ang mga inumin sa loob ng coolers. Hindi ganoon karami ang mga customer kapag ganitong mga oras sa tanghali kaya ang madalas na ginagawa ko ay mag-ayos at maglinis. Minsan ay inaalis ko na rin ang mga expired na products sa shelves.
“Good afternoon, ma’am,” bati ko sa customer na pumasok. Agad akong pumwesto sa counter. “That will be 40 pesos, ma’am.”
Inabot niya sa akin ang bayad na agad ko namang tinanggap. Nginitian ko siya nang iabot ko ang order at sukli niya. “Thank you, ma’am. Have a nice day!”
Rule number 1, hindi dapat magmukhang masungit sa counter at dapat ay friendly sa customers para lagi silang bumalik. Rule number 2, dapat ay laging nakangiti para hindi tumanda agad.
‘Yong professor namin na laging nakabusangot ay napagkamalan kong singkwenta anyos na tapos nalaman kong trenta lang pala. Palagi kasing naka-straight face na akala mo ay galit sa mundo.
“Good afternoon, sir—” agad kong bati nang tumunog ang door chime pero napatigil ako nang makita ang pumasok doon. Saglit na nawala ang ngiti ko. “Anong ginagawa mo rito?” kunot-noong tanong ko kay Archie.
Tiningnan ko ang kabuuan niya. He’s wearing a casual slacks and a simple plain white shirt with his dog tag necklace. May dala siyang backpack. Maayos ang buhok niya na sa tingin pa lang ay malambot at maalon na. Archie is really tall… and handsome. Hanggang balikat niya lang ako.
Noong elementary kami ay mas matangkad ako sa kaniya at inaasar ko pa siyang bansot pero noong nag-high school kami ay nagulat na lang ako at naging higante siya bigla. Ako na tuloy ang inaasar niya ngayon.
Gwapo si Archie. Matangkad, maputi, maganda ang mga mata na malalim kung tumingin, makapal ang kilay, perpekto ang hugis ng mga labi at matangos ang ilong.
Pero hindi ko ‘yon aaminin sa harap niya. Kahit kailan.
“Wow, ang ganda pa ng ngiti mo sa ale kanina tapos noong ako na, nakasimangot ka bigla.” Sarkastiko niya akong tiningnan.
“Pangit mo kasi,” pang-aasar ko. “Ang dami namang store diyan, dito ka pa talaga nagpunta. Miss mo na naman ako? Grabe naman ‘yan, Archie. Kalma lang, oh.” Sinagad ko na ang kakapalan ng mukha ko.
“Naramdaman ko kasing miss mo ako kaya ako na ang nagpunta para ‘di ka na mahirapan diyan,” banat niya naman at kumuha ng isang Piattos.
“Kapal ng mukha mo,” bulong ko at kinuha ang binili niya para ibalot. Saan na naman kaya tatambay ang lokong ‘to? Tapos na ang klase namin kaya naman free na kami kapag hapon.
“Hintayin kita, ah. Mag-text ka kapag tapos na ang shift mo,” sabi niya at kinuha ang binili niya. “Tatambay lang kami sa Dapitan.”
“Bakit hindi ka na lang umuwi? Baka marami ka pang gagawin.”
“Ayoko. Sabay na tayong umuwi,” tanggi niya agad.
Napangisi ako para asarin siya. “Ako raw ang nakaka-miss, eh, sino kaya ‘tong makikisabay pa. Nako, Archie, paano ka na lang kapag wala ako?”
“Nag-aalala lang ako, baka maligaw ka. Tatanga-tanga ka pa naman.”
“Oh, talaga ba.” Binelatan ko siya para asarin.
“I-text mo ako, Aestheria, ah. Lagot ka sa ‘kin mamaya kapag umuwi kang mag-isa,” banta niya sa akin at naglakad na paalis dahil may pumasok na ring mga customer.
“Bakit? Hindi na nga ako mapapadpad sa police station! Kulit nito!” singhal ko pero tuluyan nang nagsara ang glass door at hindi na siya lumingon pa. “Siraulong ‘to,” bulong ko. “Good afternoon, Ma’am!” bati ko sa customer na nasa harap ng counter habang sinusundan ko ng tingin si Archie na tuluyan nang nakalabas. Napailing-iling na lang ako.
Nang matapos ang shift ko ay agad na akong nagligpit ng gamit ko at nag-ayos ng sarili. Dumating din agad si Mauve na galing sa apartment. Malamang ay nakatulog o nakapag-aral na ang isang ‘to.
“Sana all hinihintay,” pagpaparinig ni Mauve habang papunta siya sa counter at ako ay nag-aayos sa suot kong bag.
“Baka nga mamaya lasing ‘yon sa Dapitan at gusto lang sumabay sa akin para may mag-uwi sa kaniya. Uupakan ko talaga ‘yon,” sabi ko habang tinatali ang buhok ko.
“Umuwi ka, ah. Baka mamaya kung saan-saan ka na naman mapadpad.” Tinaasan ako ng kilay ni Mauve kaya naman tumango-tango ako na para bang kaharap ko ang nanay ko.
“Bakit ba ‘yan ang palagi n’yong sinasabi sa akin. Anong iisipin ng iba diyan? Na basagulera ako?”
“Bakit? Hindi ba?” tanong niya sa akin na ikinatigil ko. Napangiwi na lang ako at hindi na nakapalag.
“Sige na, mauuna na ako. Umuwi ka rin nang maaga, ha,” paalala ko rin sa kaniya na ikinatango niya naman.
Nag-text na ako kay Archie gaya ng sabi niya kanina. Saktong alas-sais ako nag-out at sabi ko ay pupuntahan ko na lang siya pero ang sabi niya ay hintayin ko na lang siya sa bus stop. Isang sakay lang naman papunta sa apartment namin.
Ilang minuto lang akong naghintay at dumating din naman siya agad.
“Lasing ka ba?” tanong ko sa kaniya dahil medyo namumula ang mukha niya. Umiling naman siya.
“Hindi. Nakainom lang,” sabi niya na halatang may tama. Hindi na ako nagsalita at inabot ko lang sa kaniya ang bag ko na ipinagtaka niya naman. Pagkatapos ay tiningnan niya ako.
“Tara, maglakad tayo. Tinatamad akong makipag-agawan sa bus,” tanging sabi ko at nauna nang naglakad. Hindi naman siya pumalag at sumunod din sa ‘kin.
Tahimik lang kami habang naglalakad at paminsan-minsan ay tumitigil sa ilang stall para bumili ng street foods. Lagpas alas-sais na kaya naman madilim na ang paligid at dagsa na ang mga tao.
“Anong lasa ng beer?” biglang tanong ko habang naglalakad kami at kumakain ng kwek-kwek.
“Ano?” Kinunutan niya ako ng noo. “Beer pa rin.”
Natawa ako dahil sinagot niya pa rin ang tanong. “Di bale gagala rin naman kami nila Thalia sa weekend.”
“Saan?” Agad ang paglingon niya sa akin.
“Sa Boni,” tanging sagot ko na ikinatango niya naman. “May problema ka ba?”
“Saan?” muling sabi niya. “Sa gala n’yo? Siyempre wala. Mabuti pa nga gumala ka. Nagsasawa na rin ako sa mukha mo, araw-araw na lang kitang nakikita.” Agad ko siyang sinipa sa binti na ikinaiwas niya habang tumatawa.
“Kapag dumating ‘yong panahon na hindi mo na makikita ‘yong mukha ko araw-araw, malulungkot ka at mahihirapang mabuhay. Kaya nga dapat nagpapasalamat ka dahil may nakikita kang ganito kaganda araw-araw sa buhay mo,” banta ko sa kaniya. Bumuntong-hininga naman siya.
“Kailan ba ‘yong panahong ‘yan? Hindi na ako makapaghintay,” pang-aasar niya kaya agad ko siyang sinapok.
“Pinalaki ba kitang ganiyan, Archie?” inis kong sabi sa kaniya. “Ang tinatanong ko kanina, kung may problema ka ba. Problema sa buhay. Parang hindi ka kasi okay, eh!” dagdag ko na ikinatigil niya sa pagtawa. Hindi siya agad nakapagsalita.
“Ano? Tama ako, ‘no?”
Sa halos dalawang dekadang magkaibigan tayo, alam na alam ko na ang ikot ng bituka mo. Alam ko kapag malungkot ka, kapag masaya, kapag galit, kapag naiinis, o kapag may problema.
I know almost everything about you. And if there is someone around you that knows you the best, it will probably be me.
Tiningnan niya lang ako nang sumilay ang ngiti sa labi niya bago ako inakbayan at hinatak palapit sa kaniya. Ginulo niya ang buhok ko na parang bata. “Kailan ka pa naging manghuhula, Ace?”
Natawa na lang ako at sinapak siya sa tiyan. “Bitawan mo nga ako. Nagulo na tuloy ang tali ko,” reklamo ko at inayos ang buhok ko. Ipinatong niya ang palad sa ulo ko at mas lalong ginulo ‘yon. Wala talagang respeto ‘to. Ang sarap sapukin!
“Naalala mo si... Kristal?” biglang tanong niya nang magpatuloy kami sa paglalakad. Malayo ang tingin niya, malalim ang iniisip.
Tumango ako. “’Yong nililigawan mo?”
Tumango siya. “Nalaman ko kahapon na may boyfriend pala siya sa kabilang university.” Tumawa siya at tiningnan ako. “Ang tanga ko, ‘no?”
Natigilan ako at napatitig sa kaniya. Doon ko lang napansin na may pasa sa ibaba ng labi niya at merong band aid sa bandang taas ng pisngi niya. Hindi kami sabay umuwi kahapon, siguro ay may nangyaring hindi ko alam.
Nag-iwas ako ng tingin at tumango. “Oo.”
Natawa siya sa sagot ko at hinawakan ang pasa sa labi niya’t napadaing. “Ang sakit ng suntok. Hindi ako nakaganti.”
“Gago ka talaga,” tanging sabi ko.
Matagal niya nang nililigawan si Kristal. Kalahating taon? I don’t know. I lost count.
Hindi ko itatangging maganda si Kristal dahil maganda talaga siya. Matangkad, maputi, artistahin, model, tapos matalino pa.
Anong laban ko sa gano’n, ‘di ba?
Kung isa siyang napakagarang pinto, malamang ako ‘yong basahan.
Sa tagal niyang nililigawan si Kristal, hindi ko alam kung bakit hindi niya makita na hindi niya deserve ang gano’ng babae. Kilala rin naman si Archie sa campus. Ang daming tumatawag sa kaniya ng ‘kuya’ kahit na ang totoo ay may gusto naman sa kaniya. Ang dami ring may crush sa kaniya. Siguro masiyadong natuwa makipag-flirt ‘yong Kristal dahil nasa kabilang campus ang boyfriend niya.
Hindi naman mabait ang babaeng ‘yon. Oo, basagulera ako pero kung titingnan ay hindi hamak na mas mabait ako sa kaniya. Palaging laman ng blind items ang babaeng ‘yon. Matalino, ‘yon nga lang malakas ang attitude. Kaaway ‘yon nina Jade.
Hindi ko naman kilala at wala rin akong pakialam.
Matalino si Archie, pero tanga ‘yan pagdating sa pag-ibig.
“Anong nangyari?” tanong ko habang nakatitig sa kinakain at diretso ang lakad.
“Nag-sorry siya,” tanging sagot niya.
“Gusto mo ba talaga siya?”
Matagal ko nang gustong itanong ‘yon, hindi ko lang magawa.
Maliit siyang napangiti at umiwas ng tingin. “I lost feelings months ago, Ace, so it’s really not a big deal anymore.”
I blinked. Napakurap ako dahil sa sinabi niya at tuluyang nalunod sa pagtitig sa kaniya nang magtama ang mga mata namin.
‘Yon ang mahirap sa ‘yo, parang ang dali-dali lang ng mga bagay para sa ‘yo. Gusto kong magreklamo dahil ang unfair na ang dali lang para sa ‘yo na manligaw o magmahal ng iba, pero ako ay hirap na hirap.
I never had a boyfriend. Hindi ko pinapansin ang mga sumusubok na manligaw sa ‘kin hindi dahil hinihintay kita, kundi dahil hindi ko na kayang tumingin sa iba gaya ng kung paano kita tingnan.
Hanggang kailan ba ako magiging ganito dahil sa ‘yo, Archie? Kailan mo ba ako makikita?