Chapter 4
VISTA…
NAKAKA-AMAZE naman itong mga kasama ko. Ang friendly nila, tinutulungan nila ako sa mga bagay-bagay na dapat malaman ko. Nao-overwhelm ako sa mga nararanasan ko, ngayon lang ako nakipaglapit sa ibang tao sa paligid ko. Ngayon lang ako may naka-kwentuhan na hindi na ang Uncle ko lang. May ibang tao na akong nakakasalamuha na malapit sa akin at totoong tao talaga hindi tulad na nakikita ko lang sa online.
“Hindi ka ba nagugutom Vista?” tanong sa akin ni Ferdie kaklase ko.
Ngumiti ako sa kanya, bago umiling. Hindi pa kasi oras ng kain ko, hindi ko pa naririnig na mag-alarm ang cellphone ko. Kailangan kong sundin ang nasa diet ko, at lalo ang oras ng kain ko. Para hindi ako magkaproblema sa mga susunod na oras. Hindi man ako nagugutom o nakakaramdam ng gutom alam kong kailangan kong kumain sa tamang oras at sa tamang dami ng pagkain.
“Lunch time na rin naman na,” sabi pa ni Irene isa na namang kaklase ko.
Isinama nila ako sa Cafeteria para magmeryenda, pero malapit na nga naman ang tanghalian kaya hindi na rin ako nagmeryenda. Hindi ko pa naman alam kung busog na ako o hindi pa, kaya mas magandang hintayin ko na lang ang tanghalian talaga.
“Mamaya na lang ng kaunti,” sagot ko sa kanila.
Nagkibit balikat si Irene at nagpatuloy na sa pagkain nito ng spaghetti na inorder nito.
Doon naman tumunog ang cellphone ko, buong akala ko alarm na, tawag pala. Si Uncle ang tumatawag sa akin, mukhang kukumustahin niya ako. Agad kong sinagot para hindi siya mag-alala sa akin at masaya ko siyang kinausap.
“Hello Uncle, napatawag ka po?”
Malalim na buntong hininga nito ang narinig ko muna, “nasaan ka ngayon Vista?” tanong nito.
Napakunot ang noo at napalingon sa paligid, “nasa cafeteria po.” Sagot ko sa kanya na nagtataka.
Nakalimutan na ba agad ni Uncle ang tungkol sa pagpasok ko sa University. Ang alam ba nito ay nakakulong na naman ako sa loob ng bahay namin at hindi niya ako makita sa mga CCTV.
“Bakit hindi mo sinunod ang sinabi sa ‘yo ni Waylon?” tanong nito sa akin na malumanay.
Parang nakikita ko na, nakahawak sa nose bridge nito ngayon si Uncle, sa tono kasi nang pananalita nito para itong kunsumidong-kunsumido.
Ngayon ko lang din naalala ang tungkol kay Waylon. Nalibang na kasi ako sa mga kaklase ko na mga friendly, na panay ang kwento sa akin ng kung ano-ano.
“Sorry Uncle,” sabi ko na lang.
Malalim na naman na buntong hininga ang narinig ko mula kay Uncle.
“Makikinig ka kay Waylon, Vista.” Sabi pa nito sa akin.
“Yes po, pero Uncle naalala ko bakit kilala mo si Waylon? Sabi niya sa akin siya ang tour guide ko, bakit kilala mo siya?” takang tanong ko.
Tama naman ako naalala ko iyon, sabi ni Waylon tour guide ko siya. Bakit ngayon mukhang kilala naman siya ni Uncle?
“He’ll be you guard, alam mo naman na hindi ako palagay na nasa labas ka ng bahay.” Pagpapaliwanag nito.
Ako naman ngayon ang napabuntong hininga nang malalim, “Uncle talaga, akala ko pa naman Malaya na ako,” bulong ko.
“Malaya ka Vista, hindi mo lang mailalayo sa akin na hindi mag-alala sa kalagayan mo. Alam kong aalagaan moa ng sarili mo, pero alam nating pareho na hindi mo nararamdaman ang kahit na anong pwedeng mangyari sa katawan mo. At iyon lang ang iniiwasan ko, Vista.” Ani Uncle.
“Okay Uncle, I’ll follow your order. I’ll see Waylon later,” sabi ko na lang sa kanya.
“Take care Vista,” ani naman ni Uncle.
“Yes I will,” sagot ko bago tinapos ang tawag.
Napabuntong hininga na naman ako, bago ko tinignan ang mga kasama ko na nakatitig sa akin.
“Sino ang tumawag sa ‘yo?” tanong sa akin ni Jerome isa na naman kaklase ko.
“Uncle ko,” sagot ko naman.
Nakita ko si Irene na nagtaas ng isang kilay na parang hindi naniniwala sa sinabi ko.
“Uncle na sugar daddy mo?” tanong ni Irene sa akin.
Hindi ko yata alam ang ibig sabihin niya sa sugar daddy. Alam ko ang sugar ay matamis at ang daddy ay father o tatay. Matamis na tatay?
Napakiling ako at nag-iisip ng mga sinabi ni Irene sa akin. Naghihintay sila ng isasagot ko sa tingin ko dahil nagsitigil sila sa pagkain at nakatingin sila sa akin ngayon.
Naisip ko, sweet naman sa akin si Uncle at para ko naman siyang tatay.
Ahh baka iyon nga ‘yon.
“Oo, sugar daddy ko.” Sagot ko sa kanila.
Nanlaki naman ang mga mata ni Irene at napanganga pa nga siya sa gulat sa sinabi ko.
“May sugar daddy ka Vista?” gulat na gulat talaga si Irene.
Maging sila Jerome at Ferdie gulat din na nakatitig sa akin.
“Yes I have,” I should be proud right? Kasi kung hindi dahil kay Uncle matagal na sana akong patay.
Kaya malaki ang pasalamat ko kay Uncle na palaging nandiyan para sa akin. Inaalagaan niya ako at minamahal higit pa sa pagiging isang uncle ko lang. Daig pa nga niya ang mga totoong mga magulang ko sa totoo lang.
Nakarinig ako ng tilian ng mga kababaihan sa paligid ko. Tapos iyong malaking mga mata ni Irene kanina mas lalong nanlaki. Para siyang kinikilig, pero hindi ako sure kasi hindi ko naman alam ang totoong itsura ng kinikilig. Nakikita ko lang sa mga movie na napapanood ko tapos nalalaman ko lang na kilig iyon dahil sinasabi ng ibang character sa movie na pinapanood ko.
“Oh my Ghost! Is that Waylon baby?” sabi ni Irene na parang napuwing, panay kasi ang kurap niya.
Sabay kaming napalingon ni Jerome sa likuran namin, dahil katabi ko siya sa upuan. Narinig ko rin ang impit na tili ni Jerome habang hindi mapakali sa kinauupuan niya.
“O to the M to the G, siya nga!” sabi rin ni Jerome na parang ang haba ng hair na hinahawi-hawi pa talaga.
Napa-oh ako, mukhang bakla si Jerome. Bakit ko na naman naisip iyon? Dahil ulit sa mga napanood ko na movie. Ganito kumilos ang mga lalaki na tinatawag na bakla. Ang weird pa lang makakita ng ganito sa personal. But I find Jerome friendly and bubbly kaya okay na siguro na maging friends kami. Mukhang walang dull moment sa kanya kasi iyon ang napapanood ko rin noon sa mga movie. Na masayang may kaibigan na bakla.
Itunuloy ko na lang na tignan ang paparating na sinasabi nilang si Waylon. Baka si Waylon na kakilala ko na sabi ni Uncle guard ko. Naguluhan ako sa totoo lang, bakit kailangan na maging guard ni Waylon. Akala ko pa naman boyfriend ko siya. Pero pwede rin naman siguro na boyfriend ko na lang siya para hindi naman pangit na pakinggan na guard ko si Waylon.
Nang makita ko na ang tinitilian ng mga kasama ko at ng mga kababaihan dito, napag-alaman kong si Waylon nga ang paparating. Itinaas ko agad ang kamay ko, para makita niya ako although parang papunta naman talaga siya sa amin.
“Oh! Hi Waylon,” bati ko sa paparating.
“Magkakilala kayo?!” sabay na bulalas ni Irene at Jerome.
Medyo napalakas pa nga ang boses nila nang tanungin nila ako. Para akong nabingi nang pasigaw na nagsalita si Jerome samantalang nasa tabi ko lang naman siya.
“Oo, boyfriend ko si Waylon.” Sagot ko na sakto namang nasa tapat ko na si Waylon at pinanlalakihan ako ng mga mata.
“Unbelievable ka talaga!” sabi ni Waylon.
Tiningala ko siya at pinanghabaan ng nguso, “bakit hindi ba?” tanong ko sa kanya.
Iiling-iling na hinila na lang ako patayo ni Waylon, tapos walang Sali-salitang kinuha niya ang mga gamit ko na nakalapag sa lamesa at hinila naman ako palayo sa mga classmates ko.
Nilingon ko sila, gulat na gulat silang nakatingin sa akin. Kinawayan ko na lang sila bilang pagpapaalam ko sa kanila ang bilis kasi ng lakad ni Waylon ang bilis tuloy namin na nakalayo sa mga kasama ko kanina.