BEAUTIFUL NIGHTMARE
KABANATA 10
Halos panawat ng ulirat si Rinna nang makita ang karumal-dumal na nangyari kay Nancy. Naging pangalawang ina na niya ito. May mga pulis na rin sa bahay nina Sabina. Nagkagulo kasi ang buong baryo sa nangyari, isa na rin sa mga iyon ang pamilya ni Rinna.
“Paano mo nalaman na may nangyari dito?” tanong ng pulis sa taong nakakita sa mag-ina.
“Pauwi na po ako. Doon po sa dulo ang bahay namin, nang may nakita akong asong tumatakbo, sinundan ko po ito. At narinig ko na may sumisigaw, nagtago po ako hindi po ako sumilip dahil kutob ko na may kakaibang nangyayari,” kwento ng lalaki.
“Sige lang. Ituloy mo lang ang kwento mo,” udyok ng pulis habang may sinusulat sa hawak nitong notebook.
“Yun nga po, nakita ko pong pumasok yung aso sa loob ng bahay. Dahan-dahan po akong lumabas sa pinagtataguan ko at lumapit po sa nakabukas na pinto ng bahay. Nang biglang may narinig akong sumigaw, boses po ng lalaki. Tumakbo po ako at pumasok sa loob ng bahay at nasilip ko po ang isang kwarto, lumapit po ako doon at nakita ko po nilalapa ng aso ang lalaking hindi ko po kilala. Nakita ko po si Sabina, nilapitan ko po at kinalagan ang pagkakatali niya."
“Bakit duguan ka?” tanong ng pulis.
“Kaya po ako duguan dahil napakaraming nagkalat na dugo sa sahig. Nadulas po ako sa pagmamadali para mailabas si Sabina kaya pati siya ay puno na rin po ng dugo. Inilayo ko po si Sabina at baka kami pa ang mapagbalingan ng aso.”
Pauwi na ang lalaki galing sa paglalako ng mga gulay.
“Ginabi ako, ah? Napasubo sa pakikipagkwentuhan kina Pareng Teban,” usal ng lalaki sa sarili.
Habang binabagtas niya ang daan pauwi sa kanilang bahay. Tumingala siya sa langit. Nakita niya na kinain na ng bilog na ulap ang buwan, kaya medyo papadilim na ang paligid.
Umihip ang manipis at malamig na simoy ng hangin. “Naaaninag ko na ang bahay nina Mang David, medyo pa ang sa amin.”
“Huwag po! Huwag po! Maawa ka po!”
Nagulat ang lalaki bigla siyang napatigil sa paglalakad at awtomatikong tumakbo siya papunta sa bahay nina David. Natigilan siya nang may asong pumasok sa loob ng bahay. Bukas ang pintuan nito, nagkubli siya sa may mga halaman at pasilip sa loob ng bahay. Naririnig niyang may nagpapalahaw ng iyak at humihingi ng tulong.
Boses ng lalaki. Lalaki ang nasa loob ng bahay ni David. Kinabahan ang lalaki. Tumakbo siya papasok at doon tumambad sa kanya ang napakaraming dugo at ang aso nilalapa ang sumisigaw na lalaki. Nakita niya si Sabina na walang malay sa ibabaw ng kama, nakagapos ang mga kamay sa paa. Dali-daling tumakbo ito at nadulas siya sa malagkit na dugo.
May nakita siyang babae na basag na basag ang bungo gusto niyang masuka sa nasaksihan ng kanyang mga mata. Tumakbo siya sa kinalalagyan ni Sabina at kaniya itong kinalagan at palakad na inalalayan ito. Dahil walang malay si Sabina, nadulas ang paa nito at napuno din si Sabina ng dugo galing sa ina. Dali-daling itinago ng lalaki si Sabina at inilabas niya ito, matiyagang inakay ng lalaki si Sabina pauwi sa kanila.
“Beten, Beten,” tawag ng lalaki.
Bumukas ang pinto at ang tumambad sa lalaki ay ang butihin nitong may bahay.
“Diyos ko po! Anong nangyari, sino?” Natigilan ang babae. “Hindi ba, si Sabina’yan? Bakit puno kayo ng dugo?” tanong ng nahihintakutang babae. Nakatutok ang mga mata nito sa walang malay na si Sabina.
“Linisan mo siya at may nangyari sa kanila. Si Aling Nancy, wala na!” garalgal na sabi nito.
Mabilis na lumabas ulit ang lalaki. “Saan ka pupunta?” tanong ng babae.
Ngunit hindi pinansin ng lalaki ang tanong ng babae, tuloy-tuloy itong lumabas at bumalik sa pinanggalingan ng insidente. May mga tanod na siyang nadatnan doon at may paparating na ding patrol ng mga pulis. Nakita siya ng mga pulis at dahil siya ay duguan, napagdudahan siya at siya’y tinanong kung anong nangyari at kung ano ang kanyang nakita.
“Yon po ang nakita at ang ginawa ko. Inilayo ko ang anak nila na si Sabina,” paliwanag ulit ng saksi matapos ang pagkukwento niya tungkol sa tunay na nangyari.
Nang wala nang tanog ang pulis, saka lumapit si Rinna sa lalaking in-interview ng alagad ng batas. “Mang Tabong, nasaan po si Sabina?” umiiyak na tanong ng dalaga. Garalgal ang boses ng dalaga, iniisip ang mga bagay na posibleng nangyari sa kanyang kaibigan.
Nilingon ng witness si Rinna. Tipid na nginitian niya ito na para bang nagsasabi na ayos lang ang kaibigan nito. “Nasa bahay siya at ewan ko kung ngkamalay na siya,” sagot ng lalaki.
“Gusto ko siyang makita," pagmamakaawa ni Rinna.
“Pupunta tayo,” sumabat ang pulis.
Habang daan, nagtanong ang lalaki, si Mang Tabong. “Rinna, paano mo nalaman ng mga tanod?” tanong nito kay Rinna.
“May pumunta pong matanda sa amin at sabi po may nangyari kina Sabina. Kaya humngi kami ng tulong sa mga tanod ni inay. Yun nga po nadatnan namin ay…” Umiiyak na kwento ni Rinna, pero mas lalo siyang napahagulgol nang maalala ang sinapit ni Nancy. “Bakit ganon? Halos lusaw ang ulo ni Mommy Nancy, at ganun din ang lalaki,” hintakot na sabi ni Rinna.
At nang makarating sila sa bahay ni Mang Tabong, nadatnan nilang wala pang malay si Sabina. Nakita ni Rinna ang bakas ng pagkakatali sa kamay at paa nito. Nahahabag na nilapitan niya ang kaibigan at hinaplos ang namumulang bakas ng pagkakatali sa balat ng kaibigan.
“Babalik na lang kami bukas,” sabi ng pulis nang malaman na wala pa rin malay at natiyak na ligtas ang anak ng nasawi na Nancy. “Kailangan munang magpahinga ng dalaga at ipakukuha ang mga bangkay at ng lalaki para malaman natin kung sino siya. Kayo na muna ang bahala sa dalaga,” bilin pa nito.