BEAUTIFUL NIGHTMARE
KABANATA 11
“David, David, David!”
Mula sa pagkakatulog ni David, napabalikwas siya ng bangon sa kanyang higaan. Pupungay-pungay pa ang mga mata, ngnit kaagad na hinanap ng kanyang mga mata kung saan nagmula ang boses na tumawag sa kanyang pangalan.
Nang makita niya ang kanyang kasamahan, hindi niya itinago ang iritasyon sa kanyang mukha. “Bakit ba, ah? Ang aga mong nambubulahaw,” paninita ni David sa lalaking nanggising sa kanya.
Hinabol muna nito ang normal na paghinga, pagkatapos. “Pare, galing ako sa bakery bumili akong tinapay at napanood ko sa T.V ang balita. May pinatay sa lugar niyo,” pagbabalita ng lalaki.
Napakamot sa batok si David. Hindi niya alam kung ignorante ba ito o sadyang aligaga lang sa paghatid ng balita sa kanya. “Maraming lugar sa Tarlac, pare,” katwiran niya rito.
“Pero para may nanawagang babae, Aling Rosa 'ata ang pangalan.”
Tila napatda si David. Bigla siyang kinabahan pagkadinig na pagkadiig sa pangalang binanggit ng kanyang kasamahan, Rosa.
“At pare, hindi ako bingi, pangalan mo ang binanggit ng ale. David Dela Torre daw, pare. Kaya ikaw ‘yon, hindi ba?” dagdag pa ng lalaki.
Biglang kumabog ang dibdib ni David. Mabilis, at para bang mabibingi siya sa sariling pagtibok ng kanyang puso. Lumunok siya ng laway at pilit na winawaksi ang mga hindi magandang imahe na pumapasok sa kanyang isip.
“Pare, mabuti pa umuwi ka muna," suhestyon ng lalaki. "Alamin mo kung totoong ikaw nga ang tinawagan nung nananawagan sa T.V," dagdag pa nito sabay tapik sa kanyang balikat.
Wala sa sariling tumayo si David at walang lingong likod na naglakad. Malungkot na sinundan naman ng tingin ng lalaki si David. Hindi na nga lang binanggit pa ng lalaki na ang asawa ni David ang karumaldumal na pinatay. Kilala ng lalaki ang mag-ina niya, hindi man nito personal na nakita ang mga ito, pero base sa mga kwento ni David, alam ng lalaki na mahal na mahal niya ang kanyang mag-ina.
Sa wakas ay nakasakay na ng bus si David pauwi sa kanila. Ramdam niya ang sobrang kabog ng kanyang dibdib. Sa pag-usad ng transportasyon, katumbas niyon ay ang pag-ugong din ng kanyang puso. Hindi nawala sa sistema niya ang pag-aalala at takot. Hindi niya naiwasan na mag-usal ng mahinang panawagan sa itaas.
“Huwag naman po, Diyos ko,” usal niya. “Namali lang po sana nang pandinig ang kasamahan ko. Hindi ko po kakayanin kapag may nangyari isan man sa mga-ina ko,” dagdag na usal niya sa kanyang sarili.
Halos maiyak sa biyahe si David, gusto niyang makarating na agad sa kanila. “Bakit ganito ang aking nararamdaman?” tanong niya sa sarili. Para siyang mababaliw sa pag-aalala sa kanyang mag-ina, lalo na kay Nancy. Unti-unti siyang nilalamon ng mga posibleng imahinasyon na naglalaro sa kanyang isip.
Huwag naman po sana.
Habang papalapit na ang bus kung saan siya bababa, lalong kumabog ng husto ang dibdib ni David. Pagkarating ng sinasakyan niyang bus, sa kung saan siya madalas bumababa, dali-daling lumabas at bumaba si David at sumakay na agad ng traysikel. Sa back ride siya pumwesto para madali siyang makababa at matanong ang drayber.
Inipon niya ang lakas ng loob bago nagtanong. “Pare, may pinatay daw dito sa atin kagabi?”
“Oo, pare. Buti nakauwi ka,” sagot ng drayber na sinabayan pa nito ng mahinang pagtango.
“Saan at sino ang pinatay?” kinakabahang usisa pa niya rito.
“Pare, sa inyo. Ang asawa mo,” diretsong sagot ng kanyang kausap.
May kung anong emosyon ang bumalot sa kanyang puso. Takot, hilakbot, ngunit ayaw tanggapin ng kanyang isip ang narinig mula sa drayber. “Huwag kang magbiro ng ganyan!” pagalit na sigaw niya.
Mabilis na nilingon siya ng drayber, at agad naman nitong binalik ang tingin sa tinatahak nilang daan. “Hindi, pare. Hindi ako nagbibiro. Pinatay kagabi ang asawa mo, karumaldumal ang ginawa sa kanya,” pagkukwento pa nito.
Halos mabaliw si David. Lalong lumutang ang kanyang pakiramdam nang natatanaw na niya ang kanilang bahay, may mga tao roon. Maraming tao. Halos tumalon siya mula sa sinasakyang traysikel para makalapit kaagad sa kanilang bahay. Paglapit niya sa kanilang bahay, halos hindi na niya makita ang dinaraanan dahil puno na ng luha ang kanyang mga mata.
Pagpasok niya sa loob ng kanilang bahay, nakita niya ang kanyang anak na nakaupo sa tabi ni Rinna. Wala itong kibo, tulala. Nilapitan niya ang dalawa. Tinitigan niya ang kanyang anak na si Sabina. Nakita niya na blangko ang mga mata nito, nakatingin sa malayo, tagus-tagusan ang tingin nito at tumutulo ang mga luha.
Walang sabi-sabi na lumuhod siya at niyakap ang kanyang anak.
“Ah, Dadey,” tawag ni Rinna sa kanya nang mapansin siya nito. Tinuon niya ang atensyon sa kaibigan ng kanyang anak. “Inaayos po ni inay ang bangkay ni Mommy Nancy,” garalgal ang boses ng dalaga.
“Ano ang nangyari? Paano nangyari? Bakit nangyari?” sunod-sunod na mga tanong ni David.
Napayuko si Rinna at tahimik na umiyak. Samantalang si Sabina ay walang emosyon sa pagkakayakap ng ama nito sa kanya.
“David,” tawag ng isang babae.
Mabilis ang naging paglingon niya. “Rosa, nasaan ang bangkay ni Nancy?” Iyon agad ang naging tanong niya. Gustong-gusto niyang makita ang kanyang asawa, ang kanyang minamahal na asawa.
“Hindi pwedeng buksan ang kanyang kabaong, David,” ani Rosa.
“Bakit hindi pwede?!” galit na tanong ni David. Nanlisik ang kanyang mga mata. “Asawa ko siya at asawa niya ako, kaya huwag niyo siyang ipagdamot sa akin!”
Pinasok na sa loob ng bahay ang kabaong. At nang maiayos na, lumapit si David at inutusan ang mga boy na alisin ang pagkakatakip ng ataul.
Atubiling sumunod ang mga boy. “ANO BA AH?! GAGAWIN KO KUNG ANONG GUSTO KO SA BANGKAY NG ASAWA KO! MAY KARAPATAN AKONG MAKITA SIYA! DAHIL ASAWA NIYA AKO AT ASAWA KO SIYA! KAYA BUKSAN NIYO!” galit na galit na sigaw ni David.
Takot na sumunod ang mga tauhan ng punerarya. Nang maialis na ang sealed ng kabaong, inalis nila ang takip nito. Dahan-dahang lumapit si David sa ataul at muntik na siyang panawan ng malay nang tumambad sa kanya ang naging itsura ng kanyang asawa.
Niyakap niya ang bangkay ni Nancy. “SINO ANG MAY GAWA NITO? BAKIT NAGKAGANITO? BAKIT NANGYARI ITO?!” sigaw ni David.
“Diyos ko, anong naging kasalanan ko?” tanong niya sa sarili habang yakap-yakap ang bangkay ng kanyang asawa.
Nilapitan ni Rinna ang ama ng kaibigan. “Dadey, si Sabina po,” sabi nito.
Binitawan ni David ang katawan ni Nancy at nilapitan niya ang kanyang anak. “Sabina, anak.”
“Papa, Papa ko!” sabay yakap at hagulgol ni Sabina sa ama. “Papa, si Mama. Patawad po! Kasalanan ko po Papa ginabi po ako nang uwi. Kasalanan ko po kung bakit nawala si Mama!”
Walang ginawa kundi patahanin ni David ang naghi-histerical niyang anak. Yakap-yakap niya ito habang marahan na hinahagod ang likod ni Sabina na patuloy pa rin sa pag-iyak.
Ilang minuto rin silang nasa ganoong posisyon hanggang sa nagsalita ang kanyang anak. “Pa, gusto ko pong makita si Mama.”
Bahagyang nagulat si David. “Makakaya mo ba anak?” tanong niya sa dalaga.
“Opo, nakita ko po kung anong ginawa ng lalaking demonyo kay Mama! Demonyo siya, binaboy niya ang mama ko at...” Hindi na natuloy ni Sabina ang sasabihin dahil bumalik ang alaala niya kung pa’no halos durugin ang bungo ng kanyang ina.
Lumapit si Sabina sa ataul at nakita niya sa pangalawang pagkakataon ng karumal-dumal na nangyari sa kanyang ina.
“Mama, Mama, Mama!” sigaw ni Sabina nang makita nitong muli ang kahabag-habag na sinapit ng kanyang ina sa kamay ng hindi kilalang lalaki kagabi.
Marahil na rin sa sobrang pagod, takot, at pag-aalala, nandilim ang paningin nito. Agad na sinalo ni David ang nawalang malay na anak.