BEAUTIFUL NIGHTMARE
KABANATA 4
Kaibigan
At naging abala ang dalawa sa kusina. Nang biglang may naalala si Rinna. “Hmm, Sabina,” tawag niya sa nakatalikod na kaibigan.
“Ano na naman ba?” pabirong pasigaw na tanong niya, sabay harap sa kanyang kaibigan.
“Wala ka bang nakakalimutan?” nagtatakang tanong ni Rinna. “Kasi parang may nakalimutan ka, e. Dati ikaw pa ang nagse-set ng araw na magkasama tayong dalawa maghapon,” paliwanag nito.
Bigla siyang tumalikod at ikinubli ang ngiti sa labi. Ngiting ibig na mauwi sa tawa.
“Alam mo, Sabina, minsan parang may amnesia ka.”
“Bakit naman?” nagpipigil na humagikgik sa mga sinasabi ng kaibigan.
“Kasi madalang ka ng umalis ng bahay n’yo para puntahan ako. Dati halos mapagkamalan na tayong mag-asawa dahil lagi tayong magkasama, magkahawak kamay at magkaakbay, kulang na lang maglapat na ang ating mga labi, e.” nakangusong sabi ni Rinna nang biglang may dumapo sa mukha nito. “Sira ka, ano? Bakit mo hinagis sa akin ang basang basahan?! Lumanding tuloy sa pretty face ko!” Sabay mulagat ng dalawang mata nito.
“Paano naman kasi, Rinna. Ang dami mong satsat, pa-emote effect ka pa, pa-drama!” natutuwang sabi niya. “Alam mo, Rinna.”
Lumapit siya sa kaibigang abala sa pagpiprito. Humarap si Rinna sa kanya, inabot niya ang sandok na hawak nito at inilapag sa mesa. Hinawakan niya ang dalawang palad ng kaibigan at tinitigan sa dalawang magagandang mata.
“Rinna, alam mong higit pa sa kaibigan ang turing ko sa ‘yo. Halos lumaki tayo rito sa probinsya, naliligo ng hubo’t hubad sa ulan, at kahit na magkaiba ang ating mga magulang ay nagturingan pa rin tayong tunay na magkapatid.” Ma-dramang paliwanag niya rito. “At ‘yang drama mong ‘yan, ako lang ang nakaka-appreciate pati na rin sa pagiging luka-luka mo ay ako lang ang nakakaintindi, kaya huwag mong iisipin na may nakalimutan ako,” may ngiti sa kanyang labi na sabi.
“Sige nga kung hindi mo talaga nakalimutan, ano ba ang ibig kong tukuyin?” naka-ngiting tanong ni Rinna sa kanya.
“Hindi ko nakakalimutan na…” sabay ng nakakalokong ngiti niya sa labi, “na.... higit na maganda ako sa ‘yo!” halkhak niya.
“Kaloka ka!” sabay sa pagtawa si Rinna.
“Baliw!” Hampas niya sa kaibigan. “Oo na, sa birthday mo hindi ko naman nakakalimutan ‘yon! Kailan ba naman ako lumiban sa mga espesyal na araw mo?” sabay yakap sa kaibigan.
“Hoy! Nagdadrama na naman kayong dalawa, at ang niluluto ninyo ay parang nasusunog na.” sabi ni Nancy na palapit sa dalawa.
“Naku po! Sorry, Mommy Nancy! Alam niyo naman po na hindi kumpleto ang oras ko sa isang oras kung hindi ako mag-eemote,” sagot ni Rinna.
At ipinagpatuloy na nila ang kanilang mga ginagawa. Nakamasid si Nancy sa magkaibigan, at alam niya na sakaling mawala man siya ay may magmamahal at matatawag na kapamilya si Sabina.
At nang sila’y nakaluto na, nagyaya nang kumain ang magkaibigan. Dumulong na sila sa mesa nang naihapag na nila ang mga pagkain na niluto.
“Hmm, mommy,” sambit ni Rinna. “Ipagpapaalam ko po sana si Sabina sa susunod na linggo.”
“O, eh, sa’n kayo pupunta?” tanong ni Nancy sabay subo ng pagkain.
“Mommy, birthday ko po next week, lunes po ‘yon. Lunes po, mommy,” paliwanag ni Rinna.
Natatawang nakikinig lang siya sa dalawa.
“Sige, papayagan ko naman siya, at sa linggo punta ka rito, ipagpapaalam mo siya sa papa niya,” sabi ni Nancy. “At umuwi sa tamang oras!” paalala ni Nancy sabay sulyap sa anak.
“Salamat po, Mommy Nancy!” sabay na tumayo si Rinna at saka humalik sa noo ng itinuri niya na ring pangalawang ina.
“Kain na at baka makapag-drama ka pa riyan.” natutuwang sambit ni Nancy kay Rinna.
At nang matapos na silang mananghalian at nailigpit na nila ang kanilang mga pinagkainan ay natulog sila sa sala.
“Sab, pagkapahinga ko uuwi na ako at naghihintay si inay sa akin,” sabi ni Rinna.
“Oo ba, at dalhin mo na rin si mamu ng ulam," wika niya sa kaibigan.
Nang may bigla siyang naalala, mabilis siyang tumayo at saka pumasok sa kanyang kwarto. At nang makuha niya ang kanyang hinahanap ay nagtungo siyang muli sa sala.
“Rinna, tingnan mo, ang ganda, ‘di ba?” sabay pakita sa kaibigan sa kanyang hawak na kwintas.
Napamulagat si Rinna at walang kakurap-kurap na tinitigan ang hawak niya. “Wow! What the heck? What a beautiful necklace!” bulalas na may pakengkoy na english ng kaibigan. “Saan mo kinurakot ‘yan, Sab?”
Sabay silang umupo at titig na titig sila sa kwintas. “Napakagandang kwintas!” bulalas ulit ni Rinna.
“Oo nga, Rinna! Walang kasing ganda!” Nangingislap ang mga mata niya habang tinitigan ang hawak niyang kwintas.
“Puwede ko bang isukat man lang ‘yan, Sab?” tanong at pakiusap nito sa kanya.
“Oo ba! Teka at isusuot ko sa ‘yo," sang-ayon ni Sabina nang biglang tumawag si Nancy na nasa labas ng bahay.
“Sabina, Rinna!” tawag ng ina.
Sabay na lumabas sina Sabina at Rinna na naudlot sa pagpapasuot ng kwintas.
“Bakit po, Mama?” tanong niya sa kanyang ina.
“Rinna, nagpasabi si Mama mo na umuwi ka na raw muna,” sabi ni Nancy.
“Sige po, Mommy Nancy. Salamat po.” sambit naman ni Rinna.
“Halika muna sa kusina at magdala ka ng ulam para kay Mama mo,” sabi naman niya at saka sabay silang pumasok ng bahay patungo sa kanilang kusina habang hawak niya ang kwintas.
Inilagay niya ang kwintas sa ibabaw ng mesa, habang naglagagay siya ng ulam ba para madala ni Rinna. Lumapit si Rinna sa mesa at kinuha ang kwintas at titig na titig ito rito habang itinataas ang kamay nito. Nagulat ito ng mag-iba ang kulay ng kwintas, dali-dali nitong nilapag ang kwintas ulit sa ibabaw ng mesa.
“Rinna, heto na ang ulam.” Inabot niya ang naka-tapper ware na ulam dito. “Bakit para kang nakakita ng impakto riyan? Takot na takot ang reaksyon mo, ah.” pa-iling na sabi niya sa kaibigan. “Ano? Ito’y isa na naman bang drama?”
Makikita sa mukha ni Rinna ang takot, bigla, at pangangamba. “Sab, may misteryo ang kwintas na ‘yan.” bulalas ni Rinna sa kanya. “Mukhang may sa…”
“May sa… ano?” nagtatakang tanong niya rito.
“Mukhang may sa… ewan ko ba, bigla akong kinabahaan sa itaas ko at tinitigan, may sa… sumpa, demonyo, impakto. Ewan basta may misteryo ‘yang kwintas mo, Sab!” naguguluhang sabi ni Rinna.
“Hay, naku! Rinna, lakad ka na nga, ano na naman’yan? Horror drama?” natatawang sabi niya rito, at inakay na niyang palabas ang kaibigan.
Bago tuluyang makalayo ang dalawa sa kusina, nilingon nito ulit ang kwintas na nasa ibabaw ng mesa at nakita nito na kumislap ito. Lalong natakot at nangamba ang dalaga. Ang kwintas na nasa ibabaw ng mesa ay bumalik na ito sa kaaya-ayang kulay na iba’t-ibang kulay nito na nakakabighani.
Habang naglalakad pauwi si Rinna, naging pala-isipan dito ang nakita sa kwintas. “Bakit naging kulay itim ang kwintas na ‘yon gayong noong unang ipakita sa akin ni Sabina ay napakaganda ng kulay, pero bakit noong akin itong hawakan at itaas, bakit nag-iba ang kulay ng kwintas?” nalilitong tanong nito sa sarili.
“Diyos ko po, my God, my Lord, my Jesus, is Sabina’s life is in danger?” bulalas ulit sa sarili at napabilis ang lakad nito patungo sa pupuntahan.
Nakarating na si Rinna sa kanilang bahay na dala pa rin ang pag-aalala sa kaibigan nang dahil sa kwintas.