BEAUTIFUL NIGHTMARE
KABANATA 5
Pasalubong
MASAYANG binibilang ni David ang kanyang sinahod. Mabibili na niya ang gustong ibigay na pasalubong sa kanyang anak na si Sabina. Matagal na niyang hindi nabibigyan ng damit ang anak, kaya nangako siya sa kanyang sarili na kapag sumahod siya ng medyo malaki-laki ay ibibili niya kahit na tatlong bestida lang si Sabina.
Kaya puspos ang kaniyang pagtatrabaho at nagbunga nga ang kaniyang pagod. Malaki ang sinahod niya ngayong buwan.
Habang naglalakad si David, may napansin siyang aso na bumubuntot sa kaniya. Tumigil siya sa paglalakad at binuksan ang kaniyang bag. May inilabas siyang tinapay at hinarap ang asong titig na titig sa kaniya.
Hinagis niya ang tinapay sa aso sabay sabi ng, “Pasensya ka na at tinapay lang ang kaya kong ilibre sa iyo, pero mabubusog ka na niyan.” At iniwan na niya ang aso.
Sa paglalakad niya, may nadaan siyang botique shop. Pumasok siya roon. Namimili siya ng mga bestida nang lumapit sa kaniya ang tindera.
“Mister, ano po ang hanap niyo? Baka makatulong po ako,” magalang na sabi ng tindera.
“Ibibili ko sana ng pasalubong ang anak kong dalaga. ‘Yong magugustuhan niya,” aniya.
Inasikaso naman siya ng tindera. Naghanap ito ng iba’t-ibang klase at kulay ng damit. Isang tumpok ng mga damit ang hinanda ng tindera sa kaniya.
“Naku! Huwag naman marami!” natatawang bulalas ni David sa tindera.
Nginitian naman siya nito nang gano’n ang maging reaksyon niya. “Mamili po kayo. Magaganda po ang mga iyan. Tiyak ko po na magugustuhan ng anak niyo.”
Iyon nga ang ginawa ni David. Namili siya sa mga damit at isang bestidang bulaklakin ang una niyang napili. “Ito. Sigurado akong magugustuhan niya. Mahilig sa mga bulaklak ‘yon, eh,” usal niya at dumampot pa ng isa pang bestida. “Ito naman sa aking misis. Bagay na bagay sa kaniya ito.”
“Ang swerte naman po ng mag-ina ninyo. Napaka-maalalahanin at napakabait mo po,” komento ng tindera. Nakikinig pala ito sa mga salitang binubulong niya.
“Mahal ko ang mag-ina ko. Isa man ang mawala sa kanila, baka hindi ko kayanin,” pagkukwento ni David habang namimili pa rin ng mga damit. “Idagdag mo na rin itong ternong pantulog para sa anak ko.”
“Okey na po ba?”
Tumango siya. “Oo. ‘Yan na muna. Baka wala na akong pamasahe pauwi,” pagbibiro niya.
Nang mabayaran na niya ang kaniyang mga pinamili, lumabas na siya ng botique shop. Masayang naglalakad si David nang siya ay matigilan. Nakita niya ulit ang aso na nakaupo at parang siya ang hinihintay base sa titig nito.
Hindi na pinansin ni David ang aso at nagpatuloy na sa paglalakad. Ngunit parang may isip ang aso, binubuntutan siya nito. Binilisan niya ang kaniyang mga hakbang, pero sinabayan pa rin siya ng aso. Para silang naghahabulan sa daan sa bilis ng mga paghakbang nila.
Biglang pumara ng dyip si David. “Tignan ko lang kung sasabayan mo pa ako sa pagsakay ko rito,” bulong niya sa sarili.
Nang may huminto na dyip sa harap niya, mabilis na sumakay siya roon. Tumabi siya sa drayber ng dyip. Unti-unting umusad ang sasakyan, ngunit hindi naiwasan na lingunin ang aso.
Habang umaandar ang sinasakyan niyang dyip, nagtanong ang drayber sa kaniya. “Pare, bakit napansin ko kanina na parang nagmamadali at parang may iniiwasan ka? Ayos ka lang ba?”
“Eh, paano ba naman? Binubuntutan ako ng malaking aso, hindi ako nilubayan. Kaya akala ko ay sasakay din siya. Kaya rito na ako pumwesto sa harap para hindi makasakay,” pabirong paliwanag ni David.
Nagtaka ang drayber. “Aso?” tanong ulit nito.
“Oo. ‘Di ako iniwan. Parang gustong sumama, eh,” dagdag pa niya. “Hindi mo ba nakita? Nasa tabi ko kaninang parahan kita.”
Natawa ng mahina ang drayber. “Alam mo, p’re, wala ka namang asong katabi, eh,” anito. “Ano ‘yon? Aswang?” biro pa nito.
Nagtaka si David sa sinabi ng drayber. “Totoo ba na walang aso? Hindi mo ba nakita?”
“Sinasabi ko sa iyo, p’re, walang aso. Ikaw lang ang nakatayo roon,” paniniguro ng drayber sa kaniya.
Hindi nagsalita si David, pero napaisip siya sa sinabi ng drayber. Walang aso? Eh, ano ‘yong sumusunod sa kaniya kanina? ‘Yong binigyan niya ng tinapay? Namamalik-mata lang ba siya?
Habang tumatakbo ang dyip, napatingin siya sa side mirror. Napatda siya sa kaniyang nakita; ‘yong malaking aso! Tumatakbo ito at sinusundan ang lulan niyang dyip. Kinikilabutan man, pinilit ni David na kumilos ng normal.
Pumikit siya at biglang naalala ang mag-asawang matanda na kaniyang tinulungan noon. Idinilat niya ang kanyang mga mata. “Hindi ako nagkakamali. ‘Yon ang asong umatake sa matandang mag-asawa na tinulungan ko noon…” sa isip-isip niya.
“Bakit ko ba pinagtuunan ng pansin ang asong ‘yon?” tanong niya sa sarili. Winaksi niya ang pag-iisip sa naturang aso. Nang makita niya ang terminal, doon na siya nagpababa. “Diyan na lang ako sa terminal ng bus.”
Tinigil ng drayber ang dyip. Bumaba na si David nang makapagbayad siya. Hindi naman siya nahirapan sa paghihintay ng bus pauwi sa kaniyang mag-ina.
Habang bumibyahe, pumikit si David nang makaramdam siya ng antok. Isinandig niya ang kaniyang ulo sa upuan at tuluyang nakatulog.
NAGISING si David dahil may tumapik sa kaniyang balikat. Ang kundoktor ng bus, nangongolekta ito ng mga bayad ng mga pasahero. Nang makabayad na siya, naisip niya ang kaniyang mga pasalubong para sa mag-ina.
Binuklat niya ang paper bag at sinilip ang laman niyon. Para na niyang nasasalamin ang masayang mukha ng kaniyang mag-ina.
Nakarating na ang sinasakyang bus ni David sa Tarlac City, bumaba na siya. Tulad ng kaniyang nakasanayan, hindi na siya sumakay ng tricycle at nilakad na lang niya ang daan patungong bahay nila.
Nadaanan pa niya ang bahay nina Rinna at sarado iyon. Habang naglalakad siya pauwi, naramdaman niya na para bang may nagmamasid sa kanya, ngunit wala naman siyang napansin nang ilibot niya ang tingin.
Palapit na siya sa kanilang tahanan at nakita na niya ang kaniyang anak na nakaabang sa may hardin.
“Papa!” sigaw ni Sabina sabay takbo at salubungin siya ng yakap.
“Anak!” Niyakap niya pabalik ang anak.
“O hindi ba ako kasali riyan?” tinig ni Nancy habang nakangiting pinapanood ang kaniyang mag-ama.
“Aba siyempre, kasali ka.” Magkaakbay na nilapitan ng mag-ama si Nancy at nagyakapan.
“Mama, ano po kaya ang pasulubong ni Papa?” tanong ni Sabina sa ina.
“Ano pa ba? Edi chocolate!” sagot ni Nancy sa anak.
“Ah-ah, mali ka diyan, mahal kong reyna,” natatawang sabi ni David sa asawa.
“Halina kayo sa loob at nang makapagpahinga ang Papa mo. Nang makain na natin ang pasalubong niyang chocolate.”