BEAUTIFUL NIGHTMARE
KABANATA 3
Panaginip
Pauwi na siya galing sa trabaho nang biglang may humablot sa kanyang braso. Napasigaw siya sa pagkagulat, ngunit natakpan na ang kanyang bibig ng humablot sa kanya.
Kinaladkad siya sa madilim na bahagi ng daan, at dinala siya sa likod ng malaking poste. Nagpumiglas siya ngunit hindi siya makapalag sa higpit ng pagkakayapos ng isang kamay. Walang katao tao sa paligid, kaya alam niyang walang tutulong sa kanya.
Naramdaman ni Sabina na lumuwang ang pagkakatakip sa kanyang bibig, at narinig niya ang bulong ng taong nasa likuran niya.
“Ssh... Huwag kang maingay,” bulong ng lalaki sa kanyang tenga.
Naumid ang dila niya at tumigil siya sa pagpupumiglas nang marinig niya ang boses ng lalaki. Para siyang nabatubalani sa tinig na iyon.
Napakislot siya nang humaplos ang mga palad ng lalaki sa kanyang braso, pababa sa kanyang palad. At saka pinisil ng lalaki ang kanyang kamay na para bang minamasahe ito.
“Ano’ng pangalan mo?” tanong niya sa lalaki. Pinilit niyang pagmasdan ang mukha nito para makilala ito kahit papano, ngunit sadya nga ‘atang malabo ang kanyang mga mata at hindi niya makita ang mukha nito.
“Ang pangala—”
Napabaliktwas ng bangon si Sabina nang makarinig apat na katok. Inilibot niya ang tingin sa kanyang paligid. Nasa bahay siya at nasa sariling kwarto, wala siya sa sidewalk at wala siyang kasamang lalaki.
Napabuntong hininga siya. “Panaginip lang pala,” bulong niya sa sarili.
“Sabina, anak labas na diyan at aalis na si Papa mo. Sabay-sabay na tayong mag-almusal.” Napalingon siya sa nakasarang pinto kung saan dinig niya ang boses ng ina.
Inalis niya ang kumot na tumatakip sa binti niya. “Opo," sagot niya.
Masayang nagsabay-sabay silang kumain ng almusal. At may sinabi si David sa kanyang mag-ina.
“Tandaan niyo, sa bawat araw na magdaan laging magpasalamat sa Dios, at huwag ninyong kakalimutan na mahal na mahal ko kayo. Ikaw, Nancy, sa kabila ng lahat ng kahirapan, niyakap mo ako bilang ako. Wala akong naibigay sayo ng mga bagay na mayroon ang iba. Wala akong yaman na maiiwan sa inyo kundi ang aking pagmamahal,” madamdaming sabi ni David.
“Ano ba naman yan, Papa? One week lang tayong ‘di magkikita, nag-drama ka na," biro ni Sabina.
“Oo nga. Akala mo naman hindi na uuwi. Ano bang naisip mo at napakahaba ng litanya mo, ah?” gatong din ng kanyang ina.
“Kayo talaga. Nag-eemote ang tao, binabasag niyo ang trip ko,” komento ng ama niya sa pagitan ng pagtawa nito. “Basta mag-iingat kayo dito. Kahit tahimik dito sa atin, dapat din tayong mag-ingat. Lalo na't dalawa lang kayong nandito.”
"Opo," sabay na sagot ng mag-ina.
At nang paalis na si David ay may sinabi ito kay Sabina. “Anak, lagi kang mag-iingat. Saan ka man dalhin ng iyong kapalaran, mahal na mahal kita, anak.”
Yumakap siya sa ama. “Ikaw din po, Papa, lagi ka pong mag-iingat. Mahal na mahal din po kita.”
“Anuman ang kahihinatnan ng buhay ko, anak, huwag mong pababayaan ang Mama mo,” dagdag pa ng ama niya.
“Ayan ka na naman, Papa. Kung anu-ano po ang sinasabi.”
Habang naglalakad si David papuntang waiting shed, naalala niya ang kanyang panaginip.
“Bakit ganun ang aking panaginip?” bulong niya sa kanyang sarili. “Hindi bale, panaginip lang naman iyon.”
Eksaktong may paparating ng jeep at sumakay na si David.
NAGTUTULUNGAN ang mag-ina sa mga gawaing bahay, at pumasok si Sabina sa kanyang silid para linisin ito. Nang bigla niyang naalala ang kwintas na nasa ilalim ng kanyang unan.
Kinuha niya ito at tinitigan niya. “Kay ganda talagang kwintas,” usal niya saka sinuot ito at lumabas siya ng kwarto.
Nagulat si Nancy nang makita niyang suot niya ang kwintas.
“Mama, para ka pong nakakita ng multo. Gulat na gulat ka po, ah? Bagay po ba?" May ngiti sa labi na tanong niya sa naging reaksiyon ng ina.
“Anak, bakit mo sinuot yan? Nakakaagaw pansin. Huwag mong susuotin yan,” kunot ang noo na sita ng ina sa kanya.
“Mama, sinukat ko lang po at bagay naman po sa akin, hindi po ba?”
“Hala, sige na bagay na kung bagay. Hubarin mo na yan, at nang matapos na natin ang mga gawain dito sa bahay.”
Naging mabilis lang ang oras sa mag-ina. Nang sumapit ang gabi, tahimik na ang paligid. Hindi pa din dinadalaw ng antok si Sabina, pilit niyang inaalala ang kanyang panaginip. Napapapikit pa siya sa tuwing inaalaala niya ng pilit ang mukha ng lalaking humablot sa kanya. Ngunit hindi talaga niya maaninag ‘yon sa kanyang panaginip. Kinuha niya ang kwintas at tinitigan niya ito at tulad ng una niyang makita iyon, gandang-ganda siya.
Humiga si Sabina. Hawak niya ang kwintas at tuluyang nakatulog.
“Mama! Mama! Mama ko!” palahaw ng tinig na mula sa isang dalaga. “Huwag po, maawa na po kayo! Huwag po! Mama!”
"Sabina, Sabina anak gumising ka!" Ugyong ni Nancy sa anak, "Anak, Sabina gising, gumising ka Sabinaaa!" Histerical ni Nancy.
Ngunit panay pa rin ang hagulgol ni Sabina at hindi tumitinag sa kinahihigaan. Lalong natakot si Nancy para sa anak, niyugyog niya ang balikat ni Sabina.
"Anak, anak gumising ka. Diyos ko po gisingin po ninyo ang aking anak! Diyos na mahabangin,” sambit ni Nancy. Tanging ang ginawa ng ina ay dalawang beses niyang sinampal ang anak para ito'y magising.
"Mama, mama ko," sabay yakap ni Sabina sa ina.
“Ano bang nangyari, anak? Pasensiya na at nasampal kita, ayaw mong magising at patuloy lang ang iyak mo,” paliwanag ng ina.
Makikita sa mata ni Sabina ang labis na takot. Lalong humigpit ang yakap niya sa kanyang ina.
Inakay ni Nancy ang anak palabas ng silid, at dinala niya sa may kusina para makainom ng tubig. Ikinuha niya ng tubig at iniabot sa anak.
"Salamat po, Mama," sabi ni Sabina sa ina.
"Ngayon anak sabihin mo sa akin kung ano ang napanaginipan mo?" usisa ng ina. Ngunit parang wala pa rin sa sarili si Sabina.
Hinawakan ng ina ang kamay ng anak. "Sabina anak, ano ang napanaginipan mo?" tanong ulit ng ina.
"Wala po, Mama. H-Hinabol po ako ng malaking aso at nadapa po ako kaya nadaganan po ako," sagot ni Sabina sa ina.
"Iyon lang ba anak?" tanong ng ina.
"Opo Mama," sagot ni Sabina sa kanyang ina.
Nang araw na iyon ay naging abala sa paglalaba ang mag-ina. Nawaglit na sa isipan ni Nancy ang nagyari kay Sabina dahil sa panaginip.
"Anak punta ka sa talipapa bumili ka ng maiuulam natin," utos ni Nancy sa anak. "Ano bang gusto mong ulam? Bahala ka ng bumili ng gusto mo at iluluto ko na lang," sabi ulit ni Nancy sa anak.
"Opo, Mama, isda po ang gusto ko," sagot ni Sabina sa ina.
"Sige at lakad na tapos na din ang labahin natin, makapagluto na ng tanghalian para makakain na tayo," dagdag na sabi ni Nancy.
Habang binabaybay ni Sabina ang daan papuntang talipapa, naisip niya ang kanyang panaginip. Labis siyang natakot sa pangyayari.
"Sabina, Sabina," tawag sa kanya. "Sabina, Sabina, Sabina! Hala hindi siya namamansin." Usal ng tumatawag sa kanya. "Bulaga, Sabina!" panggugulat ng babae.
"Uy, Rinna," bati ni Sabina.
"Grabe kang babae ka. Ilang beses kitang tinatawag, hindi mo ako naririnig at pinapansin. Ano baga mga barado na ba iyang eardrums mo at di mo narinig ang malamyos kong tinig?” paokray na tanong ni Rinna.
"Ay naku, Rinna. Pasensiya na at may iniisip ako," hingging paumanhin ni Sabina sa kaibigan.
"Ganyan ka naman e, hindi mo pansin ang beauty ko, komo mas beauty pa ako sayo," biro pa ng kaibigan. "Pero, ano ba ang iniisip mo? Pwede ko bang malaman?"
"Saka ko na lang sasabihin sayo at nagmamadali ako, bibili ako ng maiuulam namin ni mama. Samahan mo naman ako tapos sa amin ka na din kumain," hikayat ni Sabina sa kaibigan.
"Sige at bili ka na din ng para sa meryenda natin, masarap ang turon ni Mommy Nancy, tapos idagdag mo na din ang melon para may inumin tayo," litanya ni Rinna sa kaibigan.
"Dami mong gusto, kundi lang kita bestfriend nunkang pagbigyan kita sa hiling mo."sabi ni Sabina. "Friend, hindi hiling yun, lambing ko sayo," sagot ni Rinna.
"Oo na... Anuman ‘yon, tara na malapit na tayo sa talipapa,” natatawang akbay ni Sabina sa kaibigan.
At nang nabili na nila, masayang naghaharutan ang magkaibigan sa daan.
"Alam mo Sabina kapag nakapag trabaho ako lahat ng gusto ng mga kapatid ko ibibigay ko,” sabi ni Rinna sa kaibigan. Nang biglang may bumatok sa kanya. "Aray!”
"Bakit ba, ah? Sakit ng batok mo! Bakit ba?" tanong ni Rinna.
"Kase naman nakakainis kang ‘di batukan. May paemote emote kang ibibigay ang lahat sa mga kapatid. Tanga! Wala kang kapatid! Ikaw lang din ang anak nila Tita Rosa!" mulagat ni Sabina sa kaibigan.
"Ay oo nga pala." sagot ng tawang tawang si Rinna. "Ikaw naman kase napakaseryoso mo pinapatawa lang kita."sabi ni Rinna.
At magkaakbay silang naglakad pauwi sa bahay nila Sabina.