BEAUTIFUL NIGHTMARE
KABANATA 2
Kwintas
Isang magaling na all around electrician si Mang David. Mayroon siyang maliit na shop sa bayan na araw-araw niyang pinamamalakad. Hindi man kalakihan ang kinikita niya ay nairaraos niya sa pang-araw-araw na pangangailangan ang kanyang pamilya. May pagkakataon na suma-sideline siya sa isang contruction site para may pandagdag siya na maiuuwing pera sa kanyang mag-ina.
“Mag-iingat ka, Samuel,” sabi niya sa bente anyos na binatang nagta-trabaho sa kanya.
Tumango ang binata. Bago siya nito iniwan sa maliit niyang shop, nagpaalam na rin ito. “Kayo rin po, Mang David. Mag-iingat po kayo sa pag-uwi niyo.”
Inayos muna ni David ang ilang gamit sa loob ng shop bago siya tuluyang nagsara.
Sa kanyang paglalakad pauwi sa barracks na kanilang tinitirhang mga trabahador, may nadaanan siyang matandang babae at matandang lalaki na sinasagpang ng napakalaking aso.
"Tsuupi, tsuu!” pagtataboy ni David sa aso. Ngunit lalo lang naging mabangis ang aso at patuloy na nilalapa ang matandang lalaki, habang ang matandang babae ay puro kalmot na ang magkabilang braso nito. Ayaw bitawan ng aso ang leeg ng matandang lalaki.
Hindi na nagdalawang isip pa si David at ang dala niyang ice pick ang ipinampalo sa batok ng aso. Marahil na rin sa sakit na naramdaman ng aso, nabaling sa kanya ang atensyon ng aso. Halos sagpangin si David ng aso at dinaluhong naman ang matandang babae.
"Putris kang aso ka!” bulalas niya. May nakitang siyang tubo sa isang gilid at dali-dali niya itong kinuha at hinambalos iyon nang napakalakas sa ulo ng aso.
Nanghina ang aso at nagbabaga ang titig niya kay David. Akala niya ay titigil na ang aso at tatakbo palayo pero laking gulat niya nang susugurin ulit ng aso ang matandang lalaki. Hindi siya nagdalawang isip at hinarang niya ang kanyang sariling katawan para maprotektahan ang matandang lalaki.
At ang hawak na tubo ni David ay isinaksak sa lalamunan ng aso. Bumagsak ang aso sa sahig na nakatusok sa lalamunan nito ang tubo. Sinigurado muna niyang hindi na makakakilos pa ang hayop bago niya nilapitan ang dalawang matanda.
"Dadalhin ko po kayo sa ospital para malapatan kayo ng lunas,” sabi ni David sa dalawang matandang sugatan.
"Salamat sa pagtulong mo sa amin, anak," usal ng matandang lalaki. "Nanghihina na ang aking pakiramdam. Matanda na kami ng aking asawa kaya dapat lang na kami'y makapag pahinga na.”
“Oras na ba? Salamat sa Diyos at sabay tayong hihimla.” May maliit na ngiti sa labi na wika ng matandang babae.
“Salamat sa'yo, anak. Anuman ang dumating na napakalaking pagsubok sa’yo at sa pamilya mo ay harapin niyo ito,” matalinhagang sabi ng matandang babae sa kanya. “Bilang pasalamat, tanggapin mo itong nakayanan namin.” Iniabot ng matandang babae sa kanya ang isang kwintas.
Hindi maiwasang mapatitig ni David sa kwintas na inaabot sa kanya ng matanda. Silber iyon at may isang maliit na batong pendant. Hindi niya mawari kung bago ba iyon o luma, pero ang masasabi ni David ay mukhang mamahalin iyon.
Umiling siya. “Nanang, hindi ko po matatanggap. Pag-aari niyo po ni Tatang ‘yan,” pagtanggi niya.
“Tanggapin mo na at darating ang panahon na,” hirap man sa pagsasalita at habol ang hininga ay nagawang magsalita ng matanda. “ang kwintas na yan ang…” At tuluyan ng nalagutan ng hininga ang matandang lalaki.
“Anak, ako’y pagod na rin. Kunin mo na ito at makakatulong ito sa inyo,” ani ng matandang babae.
Napabuntong hininga si David. Atubili man, pero kinuha na rin niya ang kwintas at tuluyan nang ipinikit ng matandang babae ang mga mata nito.
Sa ‘di kalayuan, may mga matang nakamasid sa mga naganap. Titig na titig ito sa kwintas. Itinago niya ang kwintas sa bulsa ng kanyang pantalon nang may narinig siyang kaluskos at yapak ng mga paa sa may hindi kalayuan. Hanggang sa may maaninag na siyang mga nasa limang tanod.
Nilapitan siya ng mga ito at nalaman niyang mga nagpapatrol ang mga ito. Tinanong siya ng mga tanod kung ano ang nangyari at saka niya ikinuwento na may malaking aso ang umatake sa matandang mag-asawa na naging sanhi ng pagkasawi ng mga ito.
Nagprisinta ang mga tanod na dadalhin ang dalawang matanda sa morgue. Sumama si David sa mga tanod para maayos ang mga bangkay.
“Kawawa naman ang dalawang matanda,” bulong ni David sa sarili. Nakatitig siya sa dalawang katawan na natatabingan na ng puting kumot.
Nag-usal siya ng maikling panalangin bago siya lumabas ng morgue. Sa paglalakad niya sa koridor, bigla niyang naalala ang kwintas. Kinapa niya ang kanyang bulsa at inilabas iyon.
“Napakaganda ng kwintas na ito. Ngayon lang ako nakakita ng ganito.” Ibinalik niya ang kwintas sa kanyang bulsa. “Ibibigay ko kay Sabrina ito at tiyak kong matutuwa siya.”
Tuluyan siyang lumabas ng pasilidad at naglakad ng ilang metro palayo roon. Nang makarinig siya ng ugong ng traysikel ay kaagad niyang sinenyasan ito.
“‘Yon ang kwento, mahal. Hindi ko iyon ninakaw, kundi bigay ng mag-asawang nilapa ng malaking aso,” paliwanag ni David sa pagtatapos ng kanyang kwento. Nasa kwarto na silang mag-asawa. Nakahiga sa kanilang papag. Nakaunan ang ulo ni Nancy sa braso niya. “Kaya matulog na tayo,” dagdag pa niya. “Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano.”
Narinig niya ang mahinang pagtawa ng kanyang asawa. Niyakap siya nito sa baywang at magkayap na nakatulog ang mag-asawa.
꧁꧂
Nakaupo si Sabina sa kanyang kama at nakasandal ang likod niya sa head rest ng kanyang kama. Titig na titig siya sa kwintas na binigay sa kanya ng kanyang ama. Ito ang unang pagkakataon na hindi tsokolate ang pasalubong nito sa kanya.
“Ang ganda talaga,” manghang bulalas niya. “Nag-iiba pa ang kulay. Pero… parang nakakatakot.” Ang kwintas na hawak niya ay gawa sa silver at may palawit na bilog. Sa loob nito ay may malaking bato na nag-iiba-iba ang kulay. Napapalibutan ito ng maliliit ring mga bato.
“Basta, maganda ito,” nangingiting wika niya bago niya inilagay sa ilalim ng kanyang unan ang kwintas at tuluyan na siyang humiga at dinalaw ng antok.
Sa ilalim ng unan na kinahihigaan ng ulo ni Sabina, mula sa puting bato ng pendant ng kwintas, nagkulay puti ang bato nito na parang may ibig sabihin ito.