KABANATA 1

1305 Words
BEAUTIFUL NIGHTMARE KABANATA 1 Pasalubong Masayang gumagawa ng mga gawaing bahay si Nancy habang may nakasalang itong crispy pata na paborito ng kanyang asawa na si David. Araw ng uwi ng kanilang haligi ng tahanan galing trabaho. Buwanan ang uwi nito sa mag-inang Nancy at Sabina. "Mama, ano po kaya ang dalang pasalubong ni Papa?" tanong ni Sabina sa ina. Nakaupo siya sa isang silya at nakapatong ang magkabilang siko niya sa mesa habang salo ng magkabilang palad ang pisngi niya, pinapanood ang kanyang ina. Saglit na tumigil sa paglilinis ng lababo si Nancy upang sulyapan siya. Nginitian siya ng ina bago sumagot. “Hay naku, anak! Tiyak na may dala siya para sa iyo. Alam mo naman si Papa mo pagdating sa iyo, lahat ibibigay niya. Mahal na mahal ka ni Papa mo, anak.” “Ikaw din po mama mahal na mahal ni Papa,” wika niya sabay yakap sa ina. “O siya, sige na at ihanda mo na ang tsinelas at damit ni Papa mo at dadagdagan ko ang aking niluluto para makakain siya ng husto,” utos pa nito sa kanya at masayang tumalima naman siya. Sa kanyang murang edad, nasaksihan ni Sabina ang pagmamahal at paggalang ng kanyang mga magulang sa isa't isa. Simple lang ang kinagisnan niyang buhay, ngunit pinuno naman ng pagmamahal ng kanyang mga magulang. Salat man sa anumang bagay, ngunit hindi na niya hinahanapan pa ng kung ano ang kayang ibigay ng kanyang mga magulang. Kuntento na siya kung ano mang meron siya — sila. “Ano kaya ang pasalubong ni Papa sa akin? Sana hindi na tsokolate kasi halos sumasakit na ang mga ngipin ko at puro sira na,” bulong ni Sabina sa sarili habang inihanda niya ang tsinelas at ang isang itim na T-shirt ng kanyang ama. Bahagya siyang napakislot sa kinatatayuan niya nang may marinig siyang tumatawag sa kanyang pangalan. Sa paglingon niya sa kanyang likuran, bahagya pa siyang nagulat dahil nasa likuran na niya ang kanyang ama, si David. Hindi niya naiwasang ikunot ang kanyang noo sa pagtataka, ngunit mabilis na lumapit siya sa ama at nagmano. “Papa, Papa, bakit hindi ko po narinig ang traysikel? Hindi ka po ba sumakay?” usisa ni Sabina. Natawa naman ng mahina si David sa tanong ng anak. “Sumakay ako. Ang kaso hindi na ako nagpahatid pa rito sa atin para surpresahin ka,” sagot ng ama bago siya nito niyakap. Kumalas lang sila ng yakap nang marinig nila ang boses ni Aling Nancy. “O, halina kayong mag-ama at nang makakain na.” "Mama, halika muna rito,” nakangiting aniya saka marahan na hinila ang kamay ng kanyang ina palapit sa kanila. “Pagod si Papa at kailangan niya ng mahigpit na yakap!” Naiiling na tumawa ang mag-asawa sa inasta niya. Hindi rin naglaon ay naramdaman niya ang bisig na pumulupot sa katawan niya. Masayang nagyakapan ang mag-anak. Mahigit limang minuto rin ang itinagal ng yakap nila bago nila napagdesisyunan na dumulog na sa hapag kainan. Habang sila'y kumakain may napansin si Sabina sa kanyang ama na matamlay at hindi gaanong marami ang kinain. Nagtatakang tinitigan niya ang ama. “Papa, bakit po konti lang ang kanin mo? Hindi po ba at paborito mo ang niluto ni Mama?” "Okay lang ako, anak. Pagod lang sa biyahe,” sagot nito sa tanong niya at saka ngitian niya ng tipid. “Nga pala, may pasalubong ako sa’yo at kay Mama mo. Saglit lang at kukunin ko." Nang tumango siya, noon lang tumayo ang ama niya saka ito lumabas ng kusina. Habang hinihintay nila si David, lumingon si Sabina sa ina. “Mama, bakit po matamlay si Papa? May sakit po ba siya?” nag-aalalang tanong niya. Natuon ang atensyon ni Nancy sa anak. Binitawan nito ang kutsara at tinidor. "Gaya ng sabi niya, anak, pagod lang siya sa biyahe,” sagot ng ina. Ngunit sa kalooban ni Sabina, tila hindi siya kumbinsido. Bago pa niya maibuka ang bibig para magsalita ulit, pumasok muli sa kusina si David bitbit ang dalawang maliit ngunit parihabang kahon. Umupo muli ang kanyang ama sa iniwan nitong pwesto kanina. “Sabina, anak, heto ang pasalubong ko sayo. Sana magustuhan mo.” Inabot nito sa kanya ang kulay puti na kahon. Nang tanggapin niya iyon, lumingon kaagad si David sa asawa. “At para sa’yo, mahal ko. Heto naman ang pasalubong ko." "Papa, mamaya ko na po bubuksan. Kain po muna tayo,” wika ni Sabina nang ipatong niya ang puting kahon sa tabi ng kanyang plato. “Bakit mamaya pa, anak? Ayaw mo ba ang bigay ko?” “Mamaya na po. Hindi po ba, ang sabi niyo ni mama na unahin muna ang pagkain bago ang lahat?” sagot ng anak. “Ah, oo nga naman,” bulalas ng mag-asawa sa pagitan ng paghagikgik ng mga ito. Matapos na ang kanilang hapunan, nasa munti na sila ng kanilang sala. Nakaupo sa kulay kremang mahabang sofa at masayang binubuksan ang pasalubong ng ama. Sa pagbukas ni Sabina sa puting kahon, bumulaga sa kanya ang napakagandang kwintas. Ngunit sa kanyang murang edad, dapat ba niyang suotin ang hiyas na ‘yon? "Papa, ano po ito? Bakit po ganito? Mas mura po ba ito sa tsokolate?” Mula sa pagkakatingin niya sa kwintas, nalipat ang tingin niya sa ama. Nang ilabas niya ang kwintas mula sa kahon, nagulat din si Aling Nancy sa kwintas na hawak ng anak. “Bakit nga ba?” tanong ni Nancy sa asawa. Lumingon ito kay David nang may pagtatanong sa mukha. “Saan ka kumuha ng pinambili mo ng ganyang kwintas? Hindi biro ang halaga niyan, David! Nagnakaw ka ba?" “Sandali lang,” depensa ni David sa pagitan ng kanyang pagtawa. “Nakaw agad? Hindi ba pwedeng napulot o ‘di kaya’y may nagbigay? At saka para naman maiba ang pasalubong ko sa anak ko. Hindi puro tsokolate na lang na nakakabulok ng ngipin,” dagdag na komento pa ng lalaki. "At itong sa akin, ano naman kaya ito? Ha, David?” Pinandilatan ni Nancy ng tingin ang tatay niya. "Edi buksan mo at nang iyong malaman, aking mahal na asawa. Tiyak ko namang magugustuhan mo ‘yan. Hindi mo pwedeng tanggihan ‘yan dahil singtamis ‘yan ng aking mga ngiti,” padigang sabi ng kanyang ama na sinabayan pa nito ng ngiti na litaw lahat ng ngipin nito. Masayang nakamasid lang si Sabina sa paglalambing ng ama sa kanyang ina. At lalong napamulagat si Aling Nancy nang buksan nito bigay ng kanyang asawa at gano’n din si Sabina. Sabay silang napahalaklak. “Papa! Bakit ‘yan?” tanong ni Sabina sa pagitan ng kanyang paghalakhak. “David! Bakit?” “Bakit ayaw mo ba ang bigay ko?” pagmamaktol ni Mang David. "Gusto po ni Mama ‘yan, Papa. Maraming tsokolates!” bulalas niya. Lumingon siya sa ina. “Mama, gusto po yata ni Papa na mabulok na rin ang mga ngipin mo.” Napanguso ng bahagya si Nancy saka niyakap ang mga tsokolate. “O siya sige na at akin lang mga ito walang hihingi, ah?” Nagtagal din sila sa pagkukwentuhan sa sala hanggang sa napansin ni Nancy ang oras. Nilingon siya ng kanyang ina. “Anak, oras na. Matulog ka na,” utos ng ina. Tumango si Sabina. “Sige po. Papa, salamat po ulit dito sa kwintas,” aniya, sabay yakap at sinabayan niya ng halik sa pisngi ang kanyang ama't ina. Samantala, hinintay muna ng mag-asawa na pumasok sa kwarto ang anak niya. Nang marinig ni Nancy ang tunog nang pagsara ng pinto, hinawakan ng ginang ang kamay ng asawa. “David, saan mo talaga nakuha ang kwintas na ‘yon?” “Mahabang kwento pero dahil tiyak na hindi ka matutulog hangga't ‘di ko nasasabi, iiklian ko,” sagot ng asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD