Chapter 4: Job
NANG matapos na magpalit si Agatha ng damit ay agad naman silang dumiretso ni Lucien sa classroom nila.
Mabuti na lang at wala pa ang prof nila ng bumalik sila sa room kaya naman nakabalik sila ng walang problema sa mga kanya-kanyang upuan nila.
Nang makaupo na si Lucien at Agatha, ay agad namang napansin ni Agatha na hindi maalis ang matatalim na tingin ni Lucien sa mga kaklase nilang bumasa kay Agatha sa banyo kanina.
"Lucien..." sinubukang tawagin ni Agatha sa pangalan ang lalaki.
Agad namang bumaling si Lucien sa kanya. At nang malipat ang tingin ng lalaki sa kanya ay agad namang lumambot ang ekpresyon nito.
Palihim namang napapangiti si Agatha dahil nakikita niya kung gaano kabait sa kanya si Lucien. Kaya naman ang bilis lang magbasa ng emosyon ng lalaki pagdating sa kanya.
"Ano 'yun, Agatha? May kailangan ka ba?" nakangiting tanong ni Lucien kaya naman ng mapabaling si Agatha kila Cindy ay nakita ni Agatha na inirapan siya ng mga ito.
Kaya naman napabuntong-hininga na lang siya saka marahang umiling kay Lucien saka ngumiti.
Matapos nun ay pumasok na rin ang prof nila kaya naman nagsimula ng makinig si Agatha sa leksyon nila.
"Okay, class! For today I want you to choose a club you want to join. Ibibigay ko ang mga forms sa inyo at kayo na ang bahalang mag-fill up," paliwanag naman ng prof nila Agatha.
Isa-isa naman silang binigyan ng forms kaya naman napangiti si Agatha ng mabasa niya ang pangalan ng club na gustong-gusto niyang salihan.
"Agatha, anong club sasalihan mo?" tanong ni Lucien sa dalaga kaya naman agad itong napalingon sa lalaki.
"Acting club ang sasalihan ko. Ikaw ba Lucien?" nakangiting ganting tanong naman ni Agatha.
Nakita naman ni Agatha na may sinulat muna si Lucien sa papel nito bago ito muling bumaling sa dalaga.
"Acting club din," nakangiting sagot naman ni Lucien kaya agad na nangunot ang noo ni Agatha.
"H-huh? Bakit naman sa acting club ka sasali? Ayaw mo ba sa ibang club?" nagtatakang tanong ni Agatha.
"Gusto ko lang. Masama ba kung gusto kong makasama ka sa iisang club?" prenteng sagot naman ni Lucien kaya napabaling sa kanila ang iba nilang kaklase.
Napakagat na lang sa ibabang labi si Agatha dahil alam niyang pag-iinitan na naman siya ng mga kaklase niyang babae.
Naisip din naman ni Agatha na kaya siguro acting club din ang pinili ng lalaki ay dahil misyon nito na palagi siyang bantayan.
"Lucien... Pwede mo pa namang palitan ang club na gusto mo salihan. Ayos lang naman kahit hindi mo ako kasama sa club," paliwanag naman ni Agatha sa lalaki.
Nakita naman ni Agatha kung paanong sumimangot at napanguso ang lalaki kaya naman palihim na naman siyang napangiti.
Mukha kasi itong puppy na nagtatampo sa kanya lalo na't gwapo ang binata kaya naman mas maging cute ang dating nun sa lalaki.
"Ayaw mo yata akong makasama, Agatha eh!" nagtatampong turan ni Lucien kaya naman napabuntong-hininga na lang si Agatha.
"H-huy, hindi ah! H-hindi naman sa ganun. Ang gusto ko lang naman sabihin ay hindi naman kailangan sa lahat ng oras palagi mo akong kasama," mahinang sabi ni Agatha para ang lalaki lang ang makarinig ng sasabihin niya.
"Hmm... Hindi pwede, Agatha. Guardian---" hindi na natuloy ni Lucien ang sasabihin niya dahil agad din namang tinakpan ni Agatha ang bibig ng binata.
"Lucien ano ka ba! H-huwag na huwag mong sasabihin sa maraming tao na guardian devil kita. Mapagkakamalan ka lang nilang baliw pag ganun..." bulong ni Agatha sa lalaki kaya naman nag-thumbs up na lang si Lucien bilang tugon.
"Okay!" nakangiting sagot ni Lucien matapos nitong mag-thumbs up.
Kaya naman nakahinga nang maluwag si Agatha. Matapos nun ay isa-isa na nilang pinasa ang forms nila sa prof nila.
"Wow, I didn't expect this! Ang dami palang may gustong sumali sa acting club. Oh siya! Bukas na bukas din ay pwede na kayong pumasok sa mga club na pinili n'yo. Class dismissed!" sabi ng prof nila Agatha.
Matapos nun ay sunod-sunod naman ang mga pumasok na subject nila Agatha. Kaya naman nang matapos ang klase nila ng araw na iyon ay sabay si Lucien at Agatha na lumabas ng University.
"Agatha, uuwi na ba tayo?" tanong ni Lucien sa dalaga at umiling naman ito.
"Hindi, Lucien. Kailangan ko pa kasing pumasok sa trabaho ko kasi kung hindi wala akong maipambabayad na tuition fee ko," malungkot na sabi ni Agatha.
"Pwede ko naman gamitin ang kapangyarihan ko para payamanin ka at para makaalis ka na sa poder ng mga peke mong pamilya," seryosong sabi naman ni Lucien kaya naman marahas na umiling si Agatha.
"Hindi pwede, Lucien. Guardian devil lang naman kita at hindi mo resposibilidad ang kinabukasan ko. Gusto kong may marating sa sarili kong pagsisikap nang hindi umaasa sa ibang tao," paliwanag naman ni Agatha.
At dahil sa sinabi ni Agatha kay Lucien ay hindi maiwasan ng lalaki na mamangha sa personalidad at sa paraan ng pag-iisip ni Agatha.
Ito lang yata ang tao na nakilala ni Lucien na hindi gahaman sa kayamanan. Karamihan kasi ng mga makakasalanang kaluluwa sa impyerno ay may kinalaman ang pagiging makasalanan nila sa pagiging gamahan sa mga bagay o salapi.
Samantalang si Agatha ay mas gustong nahihirapan para makamit ang inaasam. Kaya naman hindi pinagsisisihan ni Lucien kung bakit siya ang napili ng ama niyang si Lucifer na maging tagabantay ni Agatha.
Kahit papaano kasi ay nawawala ang pagka-bored ni Lucien sa mundo ng mga tao kapag kausap at kasama niya si Agatha.
"Kung ganun, babalik na ako sa pagiging guardian mo para mabantayan kita," sabi ni Lucien saka tumingin sa paligid nila.
Nang mapansin naman ng lalaki na walang ibang taong dumadaan sa gawi nila ay mabilis nitong ginamit ang kapangyarihan niya para magpalit anyo.
Muli ay bumalik ang tunay na anyo ni Lucien. Nagkaroon ulit ito ng mahabang silver na buhok, sungay, at pakpak. At maski ang mga mata ng binata ay bumalik na ulit sa pagiging kulay pula ay itim.
At dahil sa pagkabigla ay namula ang pisngi ni Agatha. Muli kasing nakita ni Agatha ang abs nito sa tiyan. Naka-blazer lang kasi si Lucien kaya naman tumatambad na naman ang gitnang bahagi ng dibdib nito at ang tiyan nitong may abs.
"Agatha, masama ba pakiramdam mo? Namumula ka..." takang tanong ni Lucien kaya naman napatikhim si Agatha.
"H-hindi a-ah! A-ayos lang ako..." mahinang sabi ni Agatha saka ito nagsimulang maglakad sa convenience store kung saan siya nagtatrabaho bilang cashier.
"Ah, dito ka pala nagtatrabaho?" tanong ni Lucien at marahan namang tumango si Agatha.
"Sigurado ka bang walang makakakita sa'yo, Lucien?" nag-aalalang tanong ni Agatha.
"Oo, huwag kang mag-alala. Saka kanina pa tayo naglalakad ngayon ka lang nag-alala. Kapag nasa true form na ako ng pagiging guardian mo hindi na ako makikita ng mga tao. Ikaw lang talaga ang nakakakita sa akin," nakangiting sabi naman ni Lucien kaya nakahinga nang maluwag si Agatha.
"Mabuti na lang talaga, Lucien at dumating ka na. Alam mo kasi palagi na lang nakakakawawa si Agatha dito sa trabaho niya noong wala ka pa," biglang nagsalita naman si Seraphim.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Lucien ng makita niyang pumasok sa staff room si Agatha para magbihis.
"Mamaya, malalaman mo kung anong tinutukoy ko," sabi lang ni Seraphim kay Lucien.
Kaya naman nagtataka man si Lucien ay hindi na siya nagtanong pa ulit. Nang makalabas si Agatha ay agad itong pumwesto sa cashier.
"Agatha, ikaw ng bahala diyan ah! Alis na ako," paalam naman ng kapalitan ni Agatha.
"Sige mag-iingat ka, Mary!" sabi naman ni Agatha.
Matapos nun ay may pumasok na kaagad na customer. Naramdaman naman ni Lucien na kinakabahan si Agatha.
Kaya naman nalalaman ni Lucien ang emosyon ni Agatha dahil mas lumalakas ang pandama niya sa taong binabantayan nila dahil konektado ang mga guardian sa contract human nila.
At kaya tinatawag silang contract human dahil kapag namatay na ang mga taong kailangan bantayan ng mga guardians ay magkakaroon ng panibagong tao na babantayan.
Kaya naman kapag naka human form si Lucien ay hindi niya malaman ang iniisip at nararamdaman ni Agatha dahil binabawasan ng human form niya ang kakayahan niyang gumamit ng kapangyarihan.
At ngayon na malakas na ang pakiramdam ni Lucien ay nararamdaman at nababasa niya na ang nasa isip ni Agatha.
"Paki nga nito miss," seryosong sabi ng lalaking nakaitim na jacket saka nito nilapag ang mga pinamili nito.
Hindi naman mabasa ni Lucien ang iniisip ni Agatha. Kaya naman nanatili na lang si Lucien na nakamasid sa lalaki at kay Agatha.
"Five hundred po lahat, Sir!" sabi ni Agatha kaya naman nakita ni Lucien na nag-abot ito ng limang daan.
Nang maibigay na ni Agatha ang supot ay agad naman itong lumabas ng store. Napansin ni Lucien na napahinga nang malalim si Agatha.
Bago pa man makapagtanong si Lucien kay Agatha kung anong meron at mukhang nababahala ito ay pumasok ulit ang lalaking nakakulay itim.
"Miss, pwede bang palitan itong sigarilyong binili ko? Sira na kasi ang balot nito eh!" sabi ng lalaki kaya naman napansin ni Lucien na mukhang kinakabahan na si Agatha.
"P-pasensya na, Sir... Hindi na po pwedeng palitan iyan eh. Saka tiningnan ko po iyan nang mabuti kanina. Wala naman po iyang sira..." paliwanag ni Agatha kaya naman napatalon sa gulat si Agatha ng biglang hampasin ng lalaki nang malakas ang cashier table.
"Ginag*go mo ba ako, miss? Customer ako! Anong pinapalabas mo na ako ang sumira nito?!" mataas ang boses na sabi ng lalaki kay Agatha.
Kaya naman nang mapansin ni Lucien na naluluha na sa takot si Agatha ay napabaling siya kaagad kay Seraphim.
"Ito ang sinasabi ko sa'yo kanina, Lucien! Ang lalaki na iyan ang palaging nanghaharas kay Agatha. At kaya palaging napapagalitan si Agatha ng boss niya at kinakaltas ang sahod niya dahil sa customer na 'to na inaabuso ang kabaitan ng alaga natin!" sumbong ni Seraphim.
Kaya naman nagsimulang mapaisip si Lucien kung anong magandang solusyon ang gawin sa problemang nasa harapan nila.
"Agatha, magalit ka sa lalaking iyan," bulong ni Lucien sa tenga ni Agatha.
Nang marinig ni Agatha iyon ay para na lang siyang bulkan na sumabog dahil sa emosyon na pinipigilan niya.
"Sir, totoo po ang sinasabi ko! Kung gusto n'yo po ng katibayan may record po kami ng CCTV dito para mapatunayang nagsasabi ako ng totoo!" hindi na naiwasan ni Agatha na pagtaasan ng boses ang lalaki.
"Aba! Ang lakas ng loob mo ah! Papalitan mo ba ito o hindi?!" sigaw ng lalaki kaya naman naikuyom ni Agatha ang kamao niya.
"Kapag hindi pa kayo tumigil sa panghaharas at panggugulo sa akin, tatawag na po ako ako ng pulis! Ipapakita ko ang record sa CCTV namin na ilang beses n'yo na akong hinaharas!" pagbabanta ni Agatha.
Nakita naman nila na nanlaki ang mga mata ng lalaki bago ito mabibigat ang mga paang nagmartsa palabas ng store. Agad namang nanghina si Agatha at mabilis namang inalalayan ni Lucien ang dalaga.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Lucien.
"A-anong meron? Bakit bigla na lang lumabas sa bibig ko ang mga salitang iyon?" nagtatakang tanong ni Agatha.
"Kaya ako nandito, Agatha dahil ako ang magsasabi at bubulong sa'yo ng emosyon na dapat mong maramdaman. Ginawa mo naman ang dapat mong gawin kaya huwag kang mag-alala. Hangga't nandito ako sa tabi mo hinding-hindi ka na masasaktan at aabusuhin ng ibang tao. Iyan ang pinapangako ko sa'yo," nakangiting turan naman ni Lucien kaya naman napangiti rin si Seraphim sa sinabi ni Lucien.
---