Chapter 3
“Makikitulog ako sa’yo.”
“Ano?”
“Sige na please? Wala na ako ibang mapuntahan.”
“Sige, sandali lang, bababa na ako.”
Kinabahan ako. Hindi ako handa ng sleepover lalo na sa lalaking lihim kong mahal. Kinakabahan ako na nanlalamig. Sana walang mangyayari na siyang pagsisihan ko.
Dahan-dahan akong lumabas. Nakabukas pa ang ilaw sa kwarto nina Mama at Papa. Nang nasa gate na ako ay hinila ko siya sa bahaging hindi kami makikita na nag-uusap sa labas ng gate naming ng dis-oras na ng gabi.
“Anong ginagawa mo rito? Bakit hindi ka pa umuuwi sa inyo?” nagtataka kong tanong sa kanya.
“Dito na muna ako sa bahay niyo tol. Ayaw kong umuwi ngayon.”
“Ayaw mong umuwi? Bakit?”
“Ayaw kong masira ang araw ko kina Mommy at Daddy.”
Bumunot ako ng malalim na hininga. Hindi na bago iyon sa akin. Iyon naman talaga lagi ang pinoproblema niya e.
“Nakakainis na talaga. Ang sarap maglayas e.”
Nangangatog ang tuhod ko, hindi sa natakot ako sa sinabi niyang paglalayas kundi sa tama niya sa akin. Kahit pa naiinis ako sa kanya kanina nang nakita kong hawak niya ang kamay ni Janine ngunit kusa na lang iyon nawala. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang idinudulog niyang problema. Sa totoo lang, kahit pa barkada o one of the boys ang tingin niya sa akin ay babae pa rin naman ako. Iyon ang parang kinalimutan na yata ni Jyles mula nang kahit saang lakad ay magkasama kami. Naintindihan na rin nina Mama at Papa ang sa amin ni Jyles dahil madalas na ngang tumatambay at kumakain si Jyles sa bahay. Palagay na ang loob ng aking mga magulang sa kaniya. Labas-masok na siya pati sa kuwarto ko at isa siya sa mga favorite tiga ubos ni Mama sa kaniyang mga wala gaanong lasang niluluto.Magaling mambola itong si Jyles e at iyon naman ang kahinaan nina Mama at Papa. Ang binobola sila.
“Hoy, sabi ko matutulog ako dito.” Siko niya sa tagiliran ko nang biglang napansin niyang hindi ako nakikinig sa sinasabi niya at nakatitig lang ako sa kanya.
“Oo nga, pero ano bang nangyari?”
“Ano pa bang bago? Nag-aaway na naman sila kaninang umalis ako. Siguradong away na magdamagan iyon kaya makikitulog muna ako sa kuwarto mo.”
Siyempre naman, tatanggi pa ba ako? Ngunit sa kabilang banda iniisip ko, hindi pa rin sana magandang tignan. Nakakaasiwa. Oo nga’t karne na ng baka ang nagpapasakmal sa buwaya, pero nagdadalawang isip akong gawin iyon. Ngunit bakit ko ba naman iisipin na may masamang balak si Jyles sa akin? Ako ang naman ang may gusto sa kanya kaya ako lang ang talagang gagawa ng kasalanan sa kanya at hindi siya sa akin. Ibig sabihin, harmless siya. Ako itong nag-iisip ng hindi tama.
“Tara, pinatay na nina Mama yung ilaw sa kwarto nila. Ingat sa paghakbang ha? Mahuli pa tayo e.”
“Bakit kailangan itago pa kina Tita? Ipaalam na lang natin,” bulong niya.
“Tulog na sila. Isa pa marami pang tanong ang mga iyan. Baka tatawag pa sila sa bahay ninyo para ipaalam na dito ka matutulog ngayong gabi.”
“Sige, tama ngang huwag na lang din sabihin sa kanila.”
Tulog na nga ang mga tao sa bahay nang pumasok kami. Dahan-dahan naming tinungo ang aking kuwarto. Baka kasi makita nina Mama at Papa na sa kuwarto ko matutulog si Jyles. Alam kong hindi papayag ang mga iyon kahit pa sabihing palagay na ang loob nila sa kaibigan ko. Iyon lang ang sinabi ko kay Jyles ngunit ang totoo, off limit na makitulog ang lalaki sa kwarto ko. Kahit sino pang lalaki.
“Tol, nasubukan mo na bang uminom ng alak?” tanong sa akin ni Jyles nang nakaupo na siya sa harap ng computer ko.
“Hindi pa. Bakit?”
“Baka meron kayong tinatago diyan. Subukan natin.”
“Luh siya! Mamaya mapagalitan pa tayo e.”
“Sige na, JS naman natin kaya subukan nating uminom kaysa sa wala tayong ginagawa dito sa kwarto mo. Ayaw ko pang matulog e. Baka kasi hindi rin ako makatulog kung di tayo iinom.”
“Bakit ikaw? Nakapag-inom ka na ba?”
“Hindi pa. Kaya nga subukan natin.”
“Sige na, inom na tayo.”
“Hindi ako puwedeng uminom. Uyy, kahit ganito ako, kahit one of the boys ang tingin mo sa akin, babae pa rin naman ako, ano?”
“Sus, hina naman ne’to. Mahina pala ako sa’yo e.” naglungkut-lungkutan. Huminga pa siya ng malalim. Bagay na hindi ko kayang makita sa kanya.
“Sige na.” mabilis kong pagsang-ayon.
“Talaga?” natuwa siya. Natuwa rin ang naglalandi kong puso.
“Konti lang ha?”
“Sure, konti lang naman talaga. Trip lang ba!”
“Meron mga alak si daddy kaso hard siya. Baka di natin kayanin.”
“Di natin kayanin? So, pumapayag ka kahit hard?”
“Iinom na rin lang e, bakit beer pa? Doon na tayo sa hard agad nang magkaalaman. Baka kasi isipin mo KJ ako.”
“’Yan ang gusto ko sa’yo e. Sige. Okey na yung hard tol kaysa sa wala. Bahala na kung malasing tayo. Nasa kuwarto naman tayong dalawa.”
“Oo at sigurado akong kaya kitang patumbahin.”
“Sa laki ng kaha mo, suko na.” biro niya sa akin.
“Baliw. Wala sa kaha ‘yan.”
“Sige na. Kunin mo na ang alak nang makapagsimula na at kung malasing tayo di itulog na lang natin, di ba?”
Dahan-dahan akong lumabas ng kwarto para kunin ang isang alak ni Papa sa sala. Nagawa ko namang ipuslit iyon na di sila nakahalata. Tulog pa rin silang lahat noon kahit may kaingayan ang pagluha ko ng mga chichirya sa kusina. Kumuha na rin ako ng baso, ice at saka soft drink na pang chaser namin.
“Saan tayo iinom?” tanong ko. Wala kasi akong table.
“Dito na lang.” sagot niya. Umupo na siya sa sahig.
Nakasalampak lang kaming nag-inuman sa swelo ng kwarto ko. Magkaharap.
Nang inabot ko sa kanya ang tagay niya ay nakangiti pa ako. Pagkatanggap niya ay mabilis niyang itinungga iyon.
“Arghhh napakait!” reklamo niya. Lalo siyang naging cute sa paningin ko sa ekspresyon ng mukha niya. “Akin nga rin yang bote. Aba mahirap nang magkadugasan.”
Naglagay siya ng alak sa shot glass. Nakangiti niyang inabot sa akin. Nahagip ko pa ang kanyang kamay. Kahit pa sandali lang iyon, nagdulot na naman ng kakaibang kilig sa akin ngunit siya, parang wala siyang nararamdaman na kahit ano kahit nagkakasagi an gaming mga kamay o katawan.
Mabilis kong itinagay ang alak. Sa pait nito lalong sumama ang aking mukha. Mabilis akong uminom ng soft drinks.
“Ang pakla grabe. Ihhh” tumaas pa ang balikat ko saka ko nilalabas-labas ang dila ko. Nang makita ko ang hitsura ko sa salamin ay natakot ako. Mabilis kong pinormalan ang aking mukha. Hindi pala bagay sa mukha kong pangit ang mga arteng kagaya ng arte ni Jyles. Sumasama pala lalo ang hitsura ko.
Tumitig sa akin si Jyles.
“Ano? Itanong mo na kung may itatanong ka, sasabihin mo kung may gusto ka, huwag mo akong idinadaan sa ganyang pagtitig mo.”
“Kilala mo na talaga ako ‘no?”
“Oo naman. Utot mo nga alam ko nang amoy e. Kapag sa school alam na alam kong ikaw ang laging nautot ng mabantot. Kawawa nga ako at yung isa na nasa tabi ng basurahan e. Kapag may umutot, sa akin agad nakatingin si Mam. Porke pangit palautot na rin? Samantalang ikaw na yung aminadong nautot e hindi pa rin naniniwala si Ma’am. Ako daw talaga ang umutot o kaya yung kagaya ko ring pangit na si Nestor sa likod.”
Natawa siya. Sandali kaming nagtawanan nang naalala namin na kay Nestor, totoo naman na palautot iyon at minsan nga nang magdasal kami, hindi tumatayo. Iyon pala, nakatae na siya. Halos hindi siya makahinga sa pigil niyang pagtawa. Panay ang senyas ko sa kanyang huwag mag-ingay dahil baka magising sina Papa.
“Wala ka bang crush sa campus natin?” tanong ni Jyles nang tumigil kami sa katatawa.
“May isa pero mukhang malabo.” Sagot ko para safe. Hindi naman niya alam kung sino ang tinutukoy ko. Kaysa sa sabihin kong wala baka isipin niya na sinungaling ako.
“Kilala ko ba siya?”
Tumango ako.
“Maganda ba?”
Napalunok ako. Talaga nga yatang paniwalang-paniwala siya na lalaki rin ang puso ko. Hindi niya alam na oo nga’t tomboy ang kilos ko ngunit babae pa rin talaga ako. Lalaki pa rin ang gusto ko. Lalaki rin ang pinapantasya ko.
“Sabihin mo sa akin baka matulungan kitang ligawan siya.” Napapangiti niyang pagpapatuloy. Alam kong nasa bukana na siya ng pang aasar sa akin.
“Naku, kilalang-kilala mo siya.” Huwag ng dagdagan. Safe na ako dun. Tama na iyon kasi hindi naman maganda yung crush ko. Super guwapo at kaharap ko siya ngayon.
“Sus, eto naman, sa akin pa talaga maglilihim. Sino nga?”
“Ikaw?”
“Ako? Seryoso ka?” mabilis niyang siningit at nakaramdam ako ng pang-iinit sa aking tainga at ang bigla na lang din akong natigilan.
“Hindi. Sabi ko sana, ikaw. Ikaw ba may crush sa campus natin, nagtatanong ako, atat ka lang kasing sumagot?” mabilis kong pambawi.
“Ah ako, kung may crush din ako?”
“Oo, baliw. Hindi ko sinasabing ikaw ang crush ko.” Napalunok ako.
“Ako palang tinatanong mo. Akala ko kanina ako nay ng crush mo.”
“Hindi no.”
“Wow ah. Diring-diri?”
“More on hiyang-hiya at sige sukang-suka. Kasi alam ko namang hindi tayo talo.”
Bumuntong-hininga siya.
“Ano na nga? Ikaw ba, may crush ka rin sa school?”
“Oo naman. Meron siyempre. Gusto ko na ngang ligawan e.”
Hindi agad ako nakapagtanong. Naalala ko na naman yung paghahawakan nila ng kamay ng partner niyang si Janine. Kailangan kong i-confirm kung si Janine nga ang tinutumbok niyang crush niya.
“Sino?”
“Kilala mo rin.”
“Daming arte. Sino nga? Baka matulungan kita?” Hurt man ako pero siyempre dahil alam ko namang hindi ako iyon at hindi kailanman mangyayari na magugustuhan niya ako kaya dapat handa na akong masaktan. Kailangan kong malaman ang kaaway. Sa laban, importanteng malaman ang sasagupain. Kailangan kong malaman kung sino ang salarin.
“Ano na? Sino?” muli kong tanong nang puro ngiti lang siya.
“Si Janine tol.”
Hindi na ako nagulat. Nainis oo. Sabi ko na nga ba e.
“Ano? Matutulungan mo ba akong manligaw sa kanya.”
“Tignan ko.”
“Sige na. Di kasi ako magaling dumiskarte sa love letter baka puwede magpagawa sa iyo.”
“Sa akin ka pa talaga magpagawa ah.”
“Eh, ikaw yung magaling sa ating dalawa e.”
“Mahal mo ba siya? Kasi ang alam ko, liligawan mo lang ang babae kung may nararamdaman ka sa kaniya.” Hindi diretsuhang pamimigil ko. Sa totoo lang kinakabahan na ako.
“Mahal? Hindi ko alam.”
“E gago ka. Hindi mop ala sigurado e. Bakit mo liligawan?”
“Kasi halos lahat ng mga kaklase natin may mga girlfriends na.”
“Oh, ano naman ngayon? Kailangan sabay-sabay magka-dyowa?”
“E, kinakantiyawan na nila ako e. Wala daw kwenta ang kaguwapuhan ko at pagiging star sa basketball kung wala rin naman pala akong girl friend.”
“Dapat manligaw ka sa mahal mo hindi dahil sa peer pressure.”
“Eto naman andami pang sinasabi e. Gusto ko lang naman subukan. Bahala na. Di naman importante kung mahal natin basta gusto ko lang ma-experience magkagirlfriend.”
“Importante ‘yon no. Kung di ka handa magka-girl friend at kung di mo naman pala mahal ang liligawan mo, dapat huwag na lang.”
“Gusto ko rin naman siya. Hinawakan ko ngang kamay niya kanina e, hindi pumalag.”
“Talaga ba?” naglagay ako ng alak sa aking shot glass at tinungga ko iyon. Mas mapait pa ang nararamdaman ng aking puso kaysa sa lasa ng alak na ininom ko.
“Ikaw?”
“Anong ako na naman?” pinahalata kong naiinis ako.
“Ligawan mo na rin yung crush mo at ilalakad kita.” Kasabay ng pagkasabi niya iyon ang pagsiko niya sa aking tagiliran.
Di na lang ako umimik. Nagpatugtog na lang ako. Nawala na kasi ang mood ko. Parang noon pa lang gusto ko ng umiyak ngunit sayang naman ang gabi kung iiyakan ko lang. Masuwerte na nga akong maituturing dahil kasama ko siya sa gabing iyon na kami lang. Alam kong marami sa mga kaklase ko at iba pang mga section na naiinggit sa akin. Iba nga ay kinakaibigan pa ako kunyari para lang makausap nila si Jyles. Ako lang ang malakas ang pang-amoy kaya hindi ko sila pinapansin. Hindi ako nagpapagamit para lang maging tulay nila para kay Jyles. Kung pwede ko ngang bakuran siya ginawa ko na e. Ngunit ngayon na may gusto na siyang ligawan, hindi ko maiwasang magselos. Ngunit hindi ba’t sapat na yung magkaibigan lang kami? Para sa akin na hindi naman talaga kagandahan, sapat at tama na muna sana iyon.
“Ano, shot pa!”
“Sige, shot ka lang.” Sagot ko.
“Anong drama ‘yan tol? Bakit bigla ka yatang nalungkot?”
“Ako, nalungkot? Hindi ah. Pagod ang ako at inaantok.”
Itinaas at tinignan niya ang laman ng bote. “Andami pa ne’to oh. Samahan mo akong ubusin ‘to aba.”
“Sige, bilisan na lang natin ubusin para makatulog na tayo.”
Hanggang nahalata kong nalasing na siya. Hindi kasi ako masyadong uminom. Inisip ko pa rin ang pagiging babae ko. Isa pa, ayaw ko ng lasa ng alak. Mapait. Kaya natatawa siya kapag tumutungga ako paminsa-minsan dahil napapaismid ako kaya mas lalong lumilitaw ang kapangitan ko.
“I-ihi akoh!”
“Naku, patay sa labas pa ang CR.”
“Tara samahan mo ako.” Lasing na nga siya. Pagtayo kasi niya ay muntik na itong matumba pero mabilis lang akong tumayo at tinulungan siya. Hinatid ko siya sa banyo at dama ko ang katawan niyang bahagyang nakayakap sa akin. Pagdating naming sa CR ay binaba niya ang zipper niya.
“Uyy ano ba ‘to?”
“Bakit? May malisya sa’yo?”
“Syempre oo ‘no?”
“Titignan mo ba?”
“Hindi no?”
“Oh, hindi naman pala e.”
Dinig ko ang paglabas ng ihi niya.
“Yak? Nakakainis ka!”
“Dami mong arte, ihian kita diyan e.”
Nakapikit lang ako hanggang natapos siya. Bakit ba parang napaka-comfortable lang niyang gawin iyon sa harapan ko? Sadya nga bang barkadang lalaki talaga ang tingin niya sa akin?
Magka-akbay pa rin kaming bumalik sa aking kwarto. Magkaakbay. Amoy ko ang kanyang kabanguhan. Ramdam ko ang kanyang mainit na katawan. Para tuloy akong sinisilaban.
“Init naman huh!” tinanggal niya ang sando niya pagkapasok pa lang namin sa aking kuwarto.
Napalunok ako nang makita ko ang kanyang maskuladong dibdib at impis na tiyan. Noon ko lang nakita ang kanyang kakisigan. Nangatal ako. Parang naninikip ang aking dibdib lalo nang nakahubad na siyang humiga sa kama ko. Nakapikit na siya noon sa kalasingan at ako naman ay nakamasid lang sa ginagawa niya. Tinanggal niya ang pantalon niya habang nakahiga siya at pagkababa no’n ay bahagyang naibaba ang kaniyang boxer short. Nakatayo lang akong nakamasid noon. Kinakabahan.
Pumikit ako. Itinaas ko ang kanyang boxer short at nagdasal kay Maria Clara na ambunan niya ako ng kahinhinan niya. Hindi na tama ang nangyayaring ito. Gusto kong magtalukbong dahil lalo akong nanginginig habang pinagmamasdan ang kanyang kahubdan sa aking kama.
Habang siya ay nakatihaya ako naman ay nakatayo lang. Hindi ko alam kung saan ako matutulog. Lalo pa’t nanghihinaan na ako sa nakikita kong ginagawa ni Jyles nap ag-iinat-inat.
Hindi ako nakapagpigil at lumapit ako. Bago ako mawala sa aking katinuan ay kailangan ko siyang kumutan. Nanlalamig ang aking mga daliri. Pumikit na siya. Alam kong dala ng kanyang kalasingan ay nakatutulog na siya. Pinagmasdan ko ang kaniyang maamong mukha. Napakaguwapo niya. Para siyang isang anghel na walang kamuwang-muwang. Dala rin ng alak na nainom ko ay naging malakas ang loob kong gawin ang isang bagay na labag sana sa aking kalooban. Isang bagay na hindi dapat ginagawa ng katulad ko. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib. Nag-aanyaya ang mapula niyang labi. Kinagat ko ang aking labi. Hindi ko dapat gagawin ito ngunit ano nga ba ang pakiramdam na halikan siya. Anong pakiramdam kung mahalikan mo ang taong lihim mong iniibig. Nakiramdam ako. Hanggang sa nasiguro kong tulog na tulog nga siya. Dahan-dahan kong inilapit ang aking mukha sa kanyang mukha. Napakalakas na ng kabog ng aking dibdib. Amoy ko na ang kanyang hininga. Gusto ko. Gustung-gusto ko ang nararamdaman ko at kahit tutukan ako ng baril, itutuloy ko na talaga ito. Hanggang sa buong puso, buong pagmamahal, idinampi ko ang labi ko sa labi niya. Sandali lang iyon ngunit langit ang katumbas no’n sa akin. Saglit na halik ngunit nagbigay ng libong boltahe. Sapat na para ipaghele ako sa ulap. Lasap na lasap ko ang tamis ng unang halik. Nakaw man na masasabi ngunit magical ang hatid nitong sarap. Naudlot nga lang nang umungol siya. Mabilis akong nagising sa katotohanang hindi tama ang aking ginagawa. Isang kabastusang maituturing.
Kaya lang nang nakaupo na ako sa kama at nilingon ko siyang may bahagyang paghilik ay naisip kong ulitin. Para kasing nabitin ako. Hindi ako nakuntento. Hindi ko nagawang idikit ang karanasang iyon sa aking alaala. Kaya muli, dahan-dahan na naman akong yumuko. Inilapit ko ang labi ko sa labi niya. Nang gabuhok na lang ang layo ng labi ko sa bibig niya ay bigla siyang nagsalita.
“Huwag! Huwag!” Itinulak niya ang mukha ko.
Mabilis akong tumayo. Bumalik sa aking katinuan. Natakot na baka naramdaman niya ang maling ginawa ko sa kaniya. Napahiya ako sa sarili ko. Kababae kong tao ngunit heto’t ganito ang ginagawa ko. Nagsisi akong halikan siya. Nagdesisyon ako na sa sahig na lang ako mahiga. Naglatag na lang ako doon gamit ang makakapal naming comforter.
Kinabukasan, madaling araw pa lamang ay nagdesisyon akong lumipat ng kwarto. Hindi na rin naman kasi ako makatulog. Pabalik-balik kong iniisip ang paghalik ko kay Jyles at ang ginawa nitong pagtulak sa akin. Alam ko, naramdaman niya ang ginawa ko at nahihiya na akong ipakita ang mukha ko sa kanya. Kaya bago pa siya magising ay lumipat na agad ako sa guest room namin. Di ko kasi kayang iharap ang mukha ko sa kaniya. Nahihiya ako at baka layuan niya ako kapag nalaman niyang isa pala akong tunay na babaeng nagtotomboy-tomboyan para mapalapit lang sa kaniya.
Naalimpungatan na lamang ako nang nakarinig ako ng katok sa pintuan.
“Khaye, buksan mo nga ‘to.”
Humikab muna ako.
“Khaye ano ba? Tanghali na ah. Mag-usap nga tayo?”
Tumayo na ako para pagbuksan si Mama.
“Aalis na daw si Jyles. Ano ba?”
Nang narinig ko ang sinabing iyon ni Mama ay nahihiya na akong lumabas. Hindi pa ako handang iharap ang mukha ko sa kanya. May nagawa akong mali at ikinakahiya ko ‘yon.
“Naku, ganyan talaga ‘yan Jules. Tulog mantika kaya hayaan mo, ako na lang ang magsabing nakauwi ka na, okey?” boses ni Mama sa labas.
“Sige ho. Salamat po sa pagpapatulg.”
“Welcome ka dito sa bahay anak. Sige na.”
Lumuwang ang aking paghinga nang ilang saglit pa ay narinig ko na ang tunog ng motor niya. Mabilis kong hinawi ang kurtina para silipin siya sa bintana. Nakita ko siyang nagsuot ng helmet. Napahawak ako sa aking dibdib. Kinikilig. Sa wakas, nahalikan ko na siya. Kota na ako ro’n. Ako ang babaeng nakauna sa malambot at mapulang labi ni Jyles.
Nang alam kong nakaalis na siya ay bumaba na ako.
“Oh, kaalis lang ni Jyles. Ginigising ka nong tao para magpaalam.”
“Oh, pwede naman siyang umalis na di na kailangan magpaalam sa akin Ma.”
“Gano’n lang? Nagpatulog ka ng lalaki sa bahay na hindi namin alam?”
“Sorry, Ma. Tulog na kasi kayo nang nakiusap siya na dito matulog. Kawawa ‘no Ma? Nag-aaway kasi ang Daddy at Mommy niya. Grabe ang iyak niya kagabi.”
“Talaga? Kawawa namang bata.”
Ngumiti ako. Alam ko kasi ang kahinaan ni Mama at alam kong lusot na ako sa ginawa kong pagpapatulog kay Jyles sa bahay na hindi alam nina Mama.
“Sorry Ma ha?”
“Next time ask permission, first, okey?”
“Okey Ma.”
Lunes. Sinadya kong maagang pumasok para iwasan siya. Alam ko kasing dadaanan niya ako. Hindi pa ako handang harapin at kausapin siya. Nahihiya ako. Nakaupo na ako at malapit na an gaming flag ceremony pero wala pa rin siya. Tumunog na ang bell. Lahat kami ay nagsibabaan na at nagsilabasan na sa mga classroom namin. Bumuo na kami ng linya. Palinga-linga ako. Ayaw ko muna sana siyang makita ngunit bakit hinahanap ko siya? Tinataguan ko nga siya e pero bakit apektado ako na wala pa siya at late na?
Dahil ako ang pinakamatangkad sa mga babae kaya ako ang nasa hulihan ng pila.
Hanggang sa may bumangga sa akin, humahangos na pumila sa pila ng mga lalaki sa mismong tapat ko. Kunot ang noo kong tumingin. Hulin a nang bawiin ko sana ang mga mata ko. Si Jyles ang dumating. Maluwang ang kanyang pagkakangiti at puno ng pawis ang kanyang makinis na mukha. Nakakainis lang. Pawisan na pero sobrang gwapo niya pa rin.
“Tol, usap tayo mamaya ha? May kasalanan ka sa akin,” sabi niya sa akin bago nagsimula kaming kantahin ang Lupang Hinirang.
Kinakabahan tuloy ako kung ano ang sasabihin niya. Alam ko kasing tungkol na do’n. Naiinis ako sa aking sarili. Natatakot na baka iyon na ang ikasisira ng aming pagkakaibigan. Ipinagpalit ko sa saglit na kasiyahan ang sana ay araw-araw ko siyang makakasama.
Hindi ko tuloy kayang sumabay sa pagkanta nila ng Lupang Hinirang. Parang bigla ko na lamang hindi iyon memoryado.
Ano kayang idadahilan ko mamaya kung tanungin niya ako kung bakit ko siya hinalikan? Maniniwala kaya siyang lasing lang ako at hindi ko alam ang mga nangyari? Palalabasin ko bang nananaginip lang siya at hindi totoong nangyari ang paghalik ko sa kanya? Sa kalasingan niya, baka nga hindi na niya alam kung totoo iyon o hindi.
Tapos na ang flag ceremony at papasok na ang lahat sa kani-kanilang classroom ngunit naiwan ako do’n. Natutulala. Pinagpapawisan. Hindi na talaga ako uulit.
“Tol, tara. Usap muna tayo.”
Siniko niya ako.
Kinabahan ako. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin.