SUMULYAP si Janicah sa orasan. Alas dyes na ng gabi ngunit hindi pa rin pumapasok sa silid nila si Ezekiel. Iinom lang daw ito ng tubig pero hindi na bumalik. Isang hinga pa nang malalim bago niya ipinasya na bumangon mula sa pagkakahiga at hanapin kung nasaan si Ezekiel. Tiningnan pa niya ito sa silid na gamit nito noon ngunit wala ito roon. Wala rin sa study room. O sa kahit na anong silid sa pangalawang palapag. Ipinasya niyang bumaba ng bahay para doon ito hagilapin. Ngunit wala rin ito roon. Kaya lumabas siya sa may lanai. Saka lang nakahinga nang maluwag si Janicah nang makita ang hinahanap sa may patio sa may kabilang dulo ng swimming pool. Nangunot lang ang noo niya nang makitang may bote ng alak sa harapan ni Ezekiel. Hindi na nagdalawang isip pa si Janicah na lapitan ito.