Here Comes The Groom
AiTenshi
Part 2
"Ano ka ba Warren, hindi naman kami kukuha ng ganoon katanda para sa iyo. 75 na iyon e. Kaya ang kinuha lang naming age bracket ay mula 20 hanggang 65 years old," wika ni papa.
Natawa si Shay, “65 years old talaga tita? Tumawad ka pa ng 10 years ah, dapat ginawa mo na ring 75 years old, nahiya ka pa kay Warren,” ang hirit nito.
Tawanan sila samantalang ako naman ay seryoso.
Ni minsan kasi ay hindi sumagi sa aking isipan na pati ako ay isasalang sa arrange marriage, or worst baka ito na rin ang katapusan ng kaligayahan ko.
"At saka ano ka ba, naniniwala ako ng magwo-work out ang political arrangement dahil nag-work kami ng papa mo. Alam mo sa first two months medyo nakakalabuan kami, siyempre hindi namin kilala ang isa't isa kaya't may ilangan ng kaunti. Pero after a month? Mahal na namin ang isa't isa. Ipapanganak ba kita ng kung hindi kami nag-LOVE making? Tapos itong papa mo ay matindi ang pagkabaliw sa akin, yung tipong hindi na siya makatulog at maka kainkapag wala ako," hirit naman ni mama.
"Eh tita, bakit di niyo kilala ang isa't isa? Wala bang date? O i-add muna sa social media? Tapos getting to know?" tanong ni Shay na may halong pag tataka.
"Ah e, WALA. Malas sa negosyo ang date at getting to know. Isang sumpa iyan sa political marriage kaya that is a big no no," ang wika mama habang napapailing.
"Eh pano yun tita? Di sila magkakilala? Biglang BOOM!! Doon na sila magkikita sa araw ng kasal? tanong ni Shay.
"Oo, iyon ang tradisyunal na arrange marriage sa aming angkan. Ang dalawang ikakasal ay doon lang magkakakilala. Iyon ang first meet nilang dalawa. Diba? Romantic at exciting iyon?. Noong unang beses kong makita ang papa mo ay natuwa agad ako sa kanya, matipuno, matikas at talagang gwapo," ang wika ni mama.
"At kaya naka jackpot ang mama mo sa akin." hirit ni papa dahilan para mapakamot ako ng ulo. “Paano kung 75 years old pala yung tao iyon mama? At hindi katulad ni papa?” tanong ko naman.
“O edi titiisin ko sa ngalan ng magandang buhay at magandang negosyo saka kung mabait naman yung matanda ay why not diba? Saka iyang si Elsa mahina ang loob, 75 na yung tao, kaunting taon nalang ay matetegi na ito, inunahan pa niya? Ibang klase talaga ang pinsan mo,” sagot ni mama.
“Depresyon kasi iyon ma, mahirap pigilan,” sagot ko naman.
"So hindi pwedeng makita? Kahit trade pics wala?" tanong ulit si Shay.
"Wala. Kung nakita ni ate Elsa yung mapapangasawa niya malamang umalis nalang siya at tumakas diba?" sagot ko.
"Anyway wag niyo na pag-usapan ang ate Elsa niyo dahil tahimik na siya ngayon sa ilalim ng lupa. Exciting naman ang political arrangement at hindi ito isang sumpa, katulad ng iniisip mo my baby boy, my baby dragon," sagot ni mama sabay yakap sa akin na may kasamang lambing.
"Yung exciting sa inyo ay pahirap sa akin," ang wika ko sabay kuha ng papel at isa isa kong binasa ang mga pangalan.
"Gregor McFadden 62 years old at nakabase sa bansa, siya may ari ng isang malaking negosyo sa Mindanao. Maribet Go, 45 years old taga Japan at may ari ng siyam na five star hotel sa bansa. Elizabeth Wilson 28 years old at may malaki ang business sa agriculture. Ceaser Howard 36 years old isang business tycoon sa Singapore. Edmond Nazar 56, isang bilyonaryong haciendero sa Negros.”
Hindi ko na tinuloy..
"Bakit karahiman lalaki? Tapos ang tatanda pa, parang lolo ko na tong si Gregor ah. Ayoko niyan, magpapakamatay nalang ako," ang reklamo ko sabay lukot sa papel at itinapon ko ito sa basurahan.
"Ano ka ba, wag ka ngang ganyan my baby dragon. Wala kaso kung lalaki o babae. Magaganda ang negosyo nila at makatutulong ito sa atin para mas umangat pa kapag nag fusion ang ating mga negosyo," ang wika ni mama.
"Ayoko ng ganyan ma, basta mabuting uminom nalang ako pamatay sa daga kaysa makasal sa matanda," pagmamatigas ko.
"Pwede mag-suggest tita? Pwedeng bang yung mga 40 pataas ay i-eliminate niyo? At yung age 20 to 35 ang itira niyo. Huwag niyo naman pong igaya si Warren kay ate Elsa na nagbigti nalang dahil sa matinding depresyon, sama ng loob at kalungkutan. At isa pa yung 75 years old hindi na tinitigasan iyon kaya matutuyo lang ang balon ng mapapangasawa niya," ang wika ni Shay.
"Pero itong mga pangalan dito lalo na yung mga matatanda ay mga good friend ko sa negosyo," wika ni papa.
“Kaya, edi lumabas rin ang totoo,” hirit ko naman na may halong inis.
"Kunin mo nalang silang ninong sa kasal tito," ang sagot ni Shay.
"O, siya. Iaalis na namin ng mama mo yung edad 36 pataas. At sa mga matitira ay pipili tayo ng mapapangasawa mo. Diba exciting ito?" tanong ni mama sabay yakap sa akin, pero hindi pa rin nawawala ang pag kainis ko na nais nilang mangyari.
"Hindi ma. Walag exciting doon. Paano pag-aaral ko? Paano kalayaan ko?"
"Mag-aaral ka pa rin, maaga lang ang arrangement para maaga kayong matuto ng negosyo. Gusto mo bang magalit ang mga ninuno natin kapag patuloy kang tumanggi?" tanong ni mama.
"Ma, yung mga ninuno natin ay hindi naging masaya. Kasi lahat sila ay ipinakasal sa taong di nila mahal at ang ending ay nag-hara-kiri sila, nagbigte sa kawayan at naging miserable ang buhay," ang sagot ko naman.
"Shhh, huwag ka na ngang mag salita ng ganyan. Kaya tayo nakahiga sa pera ngayon ay dahil sa mga ninuno natin. Baka magalit sila sa atin at parusahan tayo," ang wika ni papa sabay palo ng binilot na diyaryo sa aking ulo. “Hindi sila magagalit papa, I’m sure nagpaparamdam na sila ngayon dahil ayaw nilang sapitin ko ang kalungkutang sinasapit ng ating angkan dahil sa political marriage na iyan,” ang pabalang kong sagot.
"Tito, pwedeng makijoin ako sa pagpili ng final four na pwedeng maging asawa ni Warren? Kung di niyo alam ay malakas ang pang dama ko sa ganyan. Pangalan palang ay alam ko na kung chaka o hindi," ang wika ni Shay.
"Oh siya, tumulong kana rin baka sakaling makombinsi mo itong si Warren sa tradisyon ng Zonaras. Dapat itong gawin sa ayaw at sa gusto niya," wika ni papa.
At iyon ang set up, hinayaan ko lang sila na gawin ang anumang bagay na gusto nila. Pumasok ako sa aking silid at panandaliang inihiga ang aking katawan sa kama.
Napatingin ako sa kisame habang hawak ang aking dibdib. Huminga ako ng malalim at pilit na iniisip kung ano ang magiging buhay ko kung sakaling ikasal ako o itali sa isang taong di ko kilala, na hindi ko man lang nakita. Isang malaking biro ito kung tutuusin. Sumpa daw sabi ng mga kaibigan ko, sa tingin ko ay unti unti na ring akong naniniwala sa kanila.
Ipinikit ko ang aking mga mata at panandaliang nag pahinga..
Tahimik.
Habang nasa ganoong posisyon ako ay kakaibang lamig ang aking naramdaman sa aking ulo dahilan para imulat ko ang aking mga mata. Dito ay may nakita ko isang maliwanag na bagay mula sa labas ng bintana. Hindi ko maunawaan kung ano ba iyon basta ang alam ko lang ay parang may nakapatong na yelo sa aking ulo at marahan itong bumaba sa aking mukha, patungo sa leeg. Sobrang lamig, biglang nanginig ang aking katawan.
Mula sa aking leeg ay bumaba ito sa aking dibdib, sikmura hanggang sa maipon ito sa aking tiyan..
Namumuo at nanuot ang kakaibang lamig sa aking tiyan kaya naman itinaas ko ang aking damit at humarap ako sa salamin.
Pinagmasdan ko ang aking tiyan, kumikibot ito at parang may tumitibok na kung ano.
Palamig ng palamig hanggang sa makita kong unti unti itong umalsa, lumaki at mabilis na lumobo.
Nanlaki ang aking mga mata!
Nag sisigaw ako sa matinding takot!!
"Maaaaaa! Paaaaa! Saklolo!! Maaaaa! Anong nangyayari sa akin!! Tulong!" ang sigaw ko.
Mas lumubo pa ang aking tiyan hanggang sa maya maya ay pumakat na isang maliit na kamay dito. Dahilan para mag sisigaw ako at magwala ng todo.
"Taamaaa! Ayoko naaaaa!! Tulong!" ang sigaw ko sabay balikwas ng bangon sa aking higaan.
"Oy, Warren, ano bang nangyayari sa iyo? Nire-rape ka ba sa paniginip mo?" tanong ni Shay.
Hindi ko kumibo, mabilis kong itinaas ang aking damit at dito ay nakita kong normal naman ang lahat. Humarap din ako sa salamin para suriin ang aking tiyan pero maayos naman ito.
"Ang weird mo Warren ha," ang wika ni Shay sabay hila sa akin. "Eto na ang listahan ng top 4 na pangalan na sure na gwapo."
"Bakit puro lalaki?" tanong ko.
"Besh makinig ka sa akin, kapag babae ang pinili natin aalagaan mo pa yon. Demanding ang babae, dapat laging may flowers, may presents at dapat bine-baby sila all the time na parang mga baby oil. PERO kapag lalaki, walang arte yan, hayaan mo lang siya, feeling single ka pa rin! Dahil para lang kayong mag kabarkada," ang wika niya sabay kuha ulit ng papel sa aking kamay.
"At kung itong final 4 na ito ay international ha, mga taga ibang bansa, don’t worry mga half pinoy lang din ito. Mga pinay ang nanay at ang tatay ay mga business tycoons na mga foreigners! Sila ang mga pinay na naka-ahon sa kahirapan noon at namamayagpag na ngayon! Simula natin ang mga names nila.”
Una, CHAIWAT NATTAPHONG, isang 20 years old half Thai na naka-base sa Bangkok at ang ama ay nag mamay ari ng business empire dito sa Pinas at s Thailand.
Ikalawa, DAE JUNG HYUN, isang 21 years old Fi-Korean na naka base sa Busan kung saan nadoon ang train na may mga zombies. Isang business tycoon ang parents dito sa Pinas at sa international sectors.
Ikatlo, GUO FENG, isang 21 years old Fil-Chinese na ang parents ay nasa technology ang business. Im sure pag ito ang kinuha mo may libre na tayong latest model ng cellphone.
Ikaapat, RONNIE YUZON, 20 years old, isang pinoy na ang parents ay may malaking negosyo sa US at dito sa Pinas.
Yan lang ang info sa kanila. Wala na o, kahit itaktak mo pa itong papel," ang wika ni Shay.
"Seryoso? Mamimili ako sa mga pangalan lang? Pakiramdaman lang talaga?" tanong ko.
"Oo, iyon ang tradisyon, yang mga boylet na to ay sa kasal mo na makikita. Mag eeny, meeny, miny, moe ka nalang," ang hirit niya..
Kinuha ko ang papel at tinitigan ito.
Ang hirap naman yata ng pumili sa mga pangalan nito.
Chaiwat Nattaphong
Dae Jung Hyun
Guo Feng
Ronnie Yuzon
"Kung may makakatulong lang sana sa akin," ang bulong ko sa aking sarili.
Itutuloy.