Chapter 4: Last Hope

1158 Words
NAPAPIKIT SI JOHN nang marinig ang hatol sa kanya sa araw ng court-martial na iyon. Hudyat na tapos na ang iniingatang dangal. Nahatulan na siya ngayon ng habang buhay na pagkakulong dahil sa krimeng hindi niya naman ginawa. Pero anong magagawa niya? Walang katarungan para sa kagaya niyang mahirap at walang koneksyon sa gobyerno. Sino lang ba siya? Siya lang naman si John Serrano, isang sundalo na mula sa mahirap na pamilya. Kaya niyang lumaban gamit ang baril, pero wala siyang kakayahang lumaban gamit ang pera at kapangyarihan. 'Yan ang masaklap na katotohanan sa kagaya niyang mahirap lamang. Malungkot siyang napatingin sa kanyang ina na noo'y hilam na ng luha. Inuusal nito ang kanyang pangalan habang sapo ang dibdib kaya parang may tumatarak na itak sa kanyang dibdib habang tinitingnan ang ina. Pangarap niya lang na mapasaya ang pamilya niya kaya siya nagsundalo. Ah, isa na rin pala, para makalimot. Pero hindi niya akalaing ito rin ang magdudulot ng kalungkutan sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang ina. Hindi na niya tuloy alam kung saan siya lulugar. Noong simpleng mamamayan lang siya, maraming nangungutya sa buhay nila dahil sa hirap ng buhay at dahil sa maraming utang. Iniwan pa siya at pinagpalit ng kanyang long time girlfriend dahil wala raw itong magandang buhay na mapapala sa kanya. Ngayong nakaluwag naman sila dahil sa pagpasok niya sa army, ito naman ang problema nila. Magiging katawa-tawa na namin dahil nakulong siya– habang buhay pa. "A-anak." Napatingin siya sa ina niya. Kasalukuyan na siyang iginigiya ng mga officer para ibalik sa kulungan niya. "N-Nay," "Hindi ako naniniwalang ginawa mo 'yon, anak, kaya ‘wag mong iisipin na nag-iisa ka, huh?" Hinawakan nito ang kanyang kamay at pinisil. "Salamat, 'Nay." Ngumiti siya rito. Hindi niya pwedeng ipakita sa ina na nasasaktan siya sa kapalarang ito. "B-baka, na-frame up ka, anak. Hindi kaya?" "Hayaan na lang natin ang abogado ko, 'Nay. Sa ngayon, gusto ko, bumalik ka ng Bicol. Kaya ko na ang sarili ko." "P-pero, a-anak. Wala kang–" "Ma'am, kailangan na pong ibalik ang anak niyo sa kulungan," ani ng isang opisyal kay Nanay. Tumingin siya sa abogado niya. Naibilin na niya rito na pauwiin na ang Nanay niya kaagad. Wala naman itong ibang kasama dito kaya kailangan na rin nitong umuwi sa probinsya. Lalo lamang siyang malulungkot kapag naisip ang ina. Hindi na niya nilingon ang ina. Ayaw niyang naririnig ang paghikbi nito. Sabagay, kahit na makita niya itong umiyak, walang luha na kakawala dahil wala siyang mahagilap na pakiramdam sa dibdib. Galit sa kanyang dibdib, oo. Galit para sa mga taong makapangyarihan. Galit para sa mga taong ginagamit ang mga mahihirap para sa sariling ambisyon. Napatigil siya nang harangin siya ng isa niyang kasamahan. “Sarhento, hindi ba natin ipapaalam kay Chief Hernandez? Paano kung magtanong siya?” “Iwasan niyo na lang magpakita sa kanya. O ‘di kaya sabihin niyo, na-deploy ako sa kung saan.” “Sige, Sarhento. Pero hindi kami titigil sa paghahanap sa taong pinapahanap niyo sa amin.” “Salamat, Sigrid.” Sabay talikod sa dating kasamahan. Namumula na rin kasi ang mata nito kaya hindi niya kayang tumingin dito. Hangga’t maaari, ayaw niyang iniistorbo ang dating superior na si Astin. Tahimik na ito kasama ang pamilya nito. Saka, wala siyang laban sa mga nakaupong opisyal ngayon. Wala na rin sa serbisyo si Astin kaya wala rin itong magagawa. KAAGAD siyang sumampa sa pinakataas na higaan nang makapasok sa kanyang selda. “Anong nangyari, boss?” tanong sa kanya ng matandang kasama niya sa kulungang iyon. Kaharap niya ito ng higaan. “Lagi namang talo kapag mahihirap lang,” wala sa sariling sabi niya habang seryosong nakatingin sa kisame. Nakaunan din siya sa kanyang mga kamay. “Sabagay, wala namang bago pagdating sa hustisya dito sa Pilipinas. Kapag wala kang kapangyarihan, aapak-apakan ka. Mailap ang hustisya para sa atin.” Hindi na siya umimik. Ipinikit niya na lang ang kanyang mga mata. Napansin ng matanda ang pananahimik niya kaya hindi na rin ito nagsalita. Ang bilis lang ng pangyayari sa totoo lang. At ang bilis din ng hustisya para sa pamilya ni Major General Melchor Lim. Nahatulan kaagad siya ng habang buhay na pagkakulong. Sa totoo lang, wala siyang kaalam-alam sa buong pangyayari. Basta pagdating niya sa tinutuluyan niyang unit may naghihintay na sa kanya para siya’y arestuhin. Isa siya sa napili para bantayan ang seguridad ng Heneral para sa visit nito sa bansang Malaysia. At hindi niya akalaing magiging bangungot pala iyon sa kanya. Kaya tama ang Nanay niya, frame-up ang nangyari, at hindi niya alam kung sino ang gumawa noon. Baka ang kalaban ng heneral. Napamulat siya kapagkuwan at napaupo sa kanyang maliit na kama. Pero kung makikita niya sana si Kana, maaring makatulong sa kanya ang testimonya nito na magdamag silang magkasama nang gabing iyon. Napabuntonghininga siya kapagkuwan. Walang balita tungkol sa kanya ang dating kasamahan hanggang ngayon kaya wala talagang pag-asa. Mabilis na lumipas ang tatlong buwan. Wala na rin siyang bisita simula nang mahatulan siya. Siguro, nasa misyon ang mga dating kasamahan. Kasalukuyan siyang nagpapahinga noon sa selda niya nang makatanggap ng dalaw. Mabilis ang naging kilos niya na pinuntahan ito. Sana ang huling pag-asa na nga niya ito. “Pare!” nakangiting tawag niya sa kaibigan nang makilala ito. Si Sigrid De Los Santos ang isa sa nakasama nila noon ni Astin. “Kumusta?” masayang tanong tanong niya rito. “Ayos lang ako, pare. Ikaw?” Natawa siya nang mapakla. “Ayos naman?” at patanong pa nga niyang sagot. “Pasensya na, pare, pero wala pa ring balita sa pinapahanap mo.” Napalis ang mapaklang ngiti ni John. “G-ganoon ba,” aniya. “Oo. Wala ka man lang bang hawak na litrato niya sa telepono mo?” Umiling siya rito. Si Kana, maraming pictures nila. Pero siya, wala. “Yon na lang ang pag-asa natin. Ang daming Kana sa Pilipinas kasi. Nahihirapan na ang mga binayaran ko para dito.” Binigyan niya ito ng pera para lang mag-imbestiga, pero wala. Bakit ba kasi hindi man lang siya nagtanong ng apelyido nito? Kahit na ang lugar ni Kana? Mukhang mabubulok na siya sa kulungan. “Mukhang kailangan na nating ipaalam kay Chief, Sarhento. Malay mo, makatulong siya—” “‘Wag, please!” “Paano kung hindi natin mahanap ang babaeng iyon? Paano ka na? Mabubulok ka na lang dito?” Napatitig siya sa tauhan niya. Nahihiya siya kay Astin sa totoo lang. Kasi naman binigo niya ito. Nangako siyang iingatan niya ang grupo nila pero heto, nawala siya sa serbisyo. Hindi niya na rin alam ang mukhang ihaharap dito dahil maraming ebidensyang nakaturo sa kanya. Malinis na malinis kung tingnan. Saka wala na nga ito sa serbisyo kaya mahirap na abalahin ito. Umalis ang dating kasamahan niya. Pero pinaalala niya ulit dito na ‘wag sabihin kay Astin dahil gumagawa siya nang paraan. Ang totoo niyan, nawawalan na siya nang pag-asa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD