2

2565 Words
“Ate! Buti at nakatawag ka na?” Ngumiti siya sa tanong na iyon ni Marlota. Ang bunsong kapatid niya. “Kumusta kayo?” “Ate bilhan mo naman ako ng panibagong laptop at cellphone, nasira kasi ang huling pinadala mo.” Mabilis na singit ng kaniyang kapatid na si Marites. Nag-aaral na ito sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Tourism. Napahugot siya ng hangin at napahilot sa sintido. “Bakit nasira?” “Hindi ko alam, eh. Basta nasira na lang siya. Ate kailangan ko ng laptop at cellphone next week, magpadala ka ng pera, ha?” Tumango lang siya para ‘di na humaba ang usapan nilang dalawa. Hindi siya nito titigilan hangga’t hindi nito nakukuha ang gusto. “Ate, akin din. Kailangan ko ng perang pampaayos ng motorsiklong binili. Ginamit kasi ni Onyok at binangga niya sa poste. Nagasgasan tuloy at natanggal ang gulong.” Matagal siya bago sumagot. Sa tuwing tumatawag siya sa Pinas, puro problema ang binubungad sa kaniya ng kaniyang pamilya kaya nasanay na siya ro’n. Nasanay na siya ang taga-bigay ng mga pangangailangan ng mga ito kahit walang matira sa kaniya. “Sige, magpapadala ako.” “Talaga? Yes! Salamat Ate.” Ngumiti lang siya. Kahit papaano, gumagaan ang kaniyang pakiramdam sa tuwing nasisilayan niya ang masasayang ngiti ng kaniyang mga kapatid kahit sa video call lang niya nakikita. “Marie, anak…” Nagliwanag ang kaniyang mata nang makita ang Ina sa screen. “Ma! Ikaw pala.” “Anak, kailan ka magpapadala ng pambayad para sa utang ko? ‘Yong pinadala mo nung nakaraang linggo, hindi kasya iyon lalo na’t kinuhanan pa ng Ama mo ng pagkain para sa mga alagang manok niya. Malalaki na rin ang apat mong kapatid at parehong nasa kolehiyo na. Si Marites, kailangan ng bagong laptop at cellphone iyon. Kuhh, nasira na naman daw ang binigay mo! Narinig mo naman siguro iyon kanina nung kausap mo siya. Si Mario, kailangan ng pera para sa activity nila sa school. Si Mark naman, perang pampaayos sa motorsiklo niya. Ikaw kasi, sabi sa ‘yo, ‘yong pinakamahal na sana binili mo para ‘di madaling masira. At oo, si Marlota, naghihingi ng perang pambili ng bagong damit at bag. Mga luma na raw gamit niya. Hayy naku, anak. Ikaw na umasikaso sa mga kailangan ng mga kapatid mo. Ikaw ‘tong nasa abroad!” Tipid siyang tumango nang matapos niyang maisulat sa maliit na papel ang sinabi ng kaniyang Ina. Hindi na rin nagtagal ang mga ito sa kanilang videocall dahil may kaniya-kaniya raw ang mga ito na gagawin. Napabuntong-hinga na lamang siya ng mag-end call ang kanilang tawag. Walang nakaalalang kumustahin siya. Tipid siyang ngumiti sa sarili at hindi na lang inisip ang bagay na iyon. Nilagay niya sa ilalim ng kaniyang unan ang cellphone at hinarap ang pagkain. Sunod-sunod na pumatak ang kaniyang mga luha pero mabilis niyang pinunasan iyon. January 25, at kaarawan niya ngayon pero walang nakaalala. Wala kahit ang kaniyang Ina. Sa susunod na taon na lang. Baka sa susunod na taon, maaalala ng mga taong nakapaligid sa kaniya na may birthday rin siya. Nawalan siya ng ganang kumain kaya nagpasya na lamang siyang humiga sa kama at matulog. Maaga siya bukas. 6 A.M ang kaniyang duty kaya mas mainam na rin na magpahinga siya ngayon. Akmang ipipikit niya ang kaniyang mata nang matanggap niya ang tawag ng kanilang Superior. Mabilis siyang napabangon at tinanggap ang tawag nito. “Konbanwa!” agad na bati niya ng magandang gabi. “Saisho ni kuru kaisha no chikaku ni resutoran ga arimasu.” “Hai, Chimurida!” Yes, Superior. At bigla itong nawala sa kabilang linya. Babae ang kanilang Superior at isa itong Hapones. Inanyayahan siya nito na pumunta sa unang Restaurant malapit sa Company. Dahil malapit lang ang Restaurant na sinasabi nito, agad siyang nagsuot ng muffin slipper at lumabas. Do’n lang niya napansin na wala ang kaniyang mga kasamahan. Mukhang may emergency meeting ang kanilang team. Mabilis niyang kinuha ang kaniyang company bike na nakahimpil sa isang tabi at nagpedal. Mga sampung minutong pedal lang iyon papuntang Restaurant. Habang nagpepedal siya, inisip niya ang posibleng sabihin sa kaniya ni Mrs. Ajinomoto. Tinatawag lang sila nito nang dis-oras ng gabi kapag may ginawa silang masama o labag sa patakaran ng Kompanya. Agad niyang hinimpil ang biseklita sa isang tabi nang dumating siya sa Restaurant. Tahimik ang buong lugar at marahil hinihintay na lang siyang dumating. Binilang niya ang mga tsinelas na nasa labas, lagpas bente na tao ang nasa loob. Hinubad niya ang kaniyang suot na tsinelas at nilagay sa tabi. Pinuno niya ng hangin ang dibdib bago niya binuksan ang pintuan. “Happii Baasudee!” Happy Birthday! Bigla siyang napako sa kinatatayuan nang bumungad sa kaniya ang masasayang mukha ng kaniyang mga kasamahan sa staff house na kapwa Filipino at may dalang cake. Hindi siya agad nakakilos at nalilito siya sa nangyari nang batiin siya ng mga ito. “Happy birthday to you, happy birthday to you!” Panimulang kanta ng mga ito habang bitbit ni Judith ang isang cake at may tatlong kandilang nakatusok do’n. Nasa tabi nito si Fidel at ang lawak ng ngiting binigay sa kaniya. May bitbit itong tarpaulin. Napatingin siya sa mga ito. Nakasuot na ang iba ng makapal na pantulog habang ang mga kalalakihan ay gano’n din. May mga hawak ang mga ito na balloons at masayang nakatunghay sa kaniya na parang naging mabait siya sa mga ito. Anong nangyayari…? Gusto niyang sabihin ang mga katagang iyon pero ‘di niya maisantinig. Wala siyang pinagsabihan kung kailan ang kaniyang kaarawan. Kahit magkaibigan sila ni Judith, wala itong alam. Paanong nalaman ng mga ito na birthday niya? “Maria! Ang tanda-tanda mo na, 30 ka na!” Sabay na nagtawanan ang mga ito sa sinabi ng kaniyang kaibigan. Doon lang niya napansin na nando’n si Mrs. Ajinomoto at marahan tumango katabi ang kanilang Team Leader. “P-papaano niyo nalaman na kaarawan ko ngayon?” Nagtatakang tanong niya sa mga ito. “Gaga! Si Mrs. Ajinomoto may nagsabi. Pinatawag niya kami, surpresahin ka raw namin. Hipan mo na!” Naiiyak siyang ngumiti nang tumingin siya sa kanilang Superior. Strikta ito sa kanilang mga empleyado kaya nakakapagtaka na ganito ang naging trato nito sa kanila, lalo na sa kaniya. “Ano, Maria? Titigan mo lang ba ang kandila? Hipan mo na.” Sinunod niya ang sinabi ni Judith. Hinipan niya ito pero agad sumingit si Judith. “Hep-hep! Alam kong ‘di ka magwi-wish kaya ako na ang mag-wish para sa ‘yo.” Sinamaan niya ito ng tingin pero ngumisi lang ito at pumikit. “Lord, sana po magkaroon nang jowa ang kaibigan ko. Sana Lord, hindi na siya man hater at sana Lord, bilisan niyo po ang pagbigay sa kaniya ng lalaki dahil trenta na ho siya. Ayukong mamatay siyang virgin and never been touch, Lord. Amen!” Bigla nitong hinihipan ang tatlong kandila. Ang lakas ng hiyawan ng mga kasama niya habang natatawa lang sa tabi ang kanilang Superior at Team Leader na parang naiintindihan sila. Bahagya siyang napailing. Wala siyang pakialam kung tatanda siyang birhen at dalaga. Hindi niya kailangan ng lalaki sa kaniyang buhay pero nalilito siya sa mga sandaling iyon. First time na may nangyaring ganitong handaan at selebrasyon sa mga employee na tulad niya. Mukhang tatanggalin na yata ako ni Mrs. Ajinomoto. Ito na yata ng dispedida party na sinasabi nila. “Kanpai!” Sabay-sabay nilang tinaas ang kanilang baso at sabay na nilagok ang inumin. Katabi niya si Judith at ang Superior nila. Hindi tuloy siya makagalaw at parang may kung anong kadenang nakatali sa kaniyang leeg sa aura ng matandang babae. Nakaupo sila sa sahig habang kaharap nila ang pahabang mesa na pinagdikit-dikit. Sa gitna ay ang mga paborito niyang mga Japanese food. Tulad ng Tamagoyaki, Kashi Pan, Takoyaki, Shabu-Shabu, Dumplings, Sushi Rice, at Amazake Drinks. Halos nanlaki ang kaniyang mata sa dami ng mag nakahandang pagkain. Hindi pa rin siya makapaniwala. May kapalit ito, nararamdaman niya iyon. “Domo Arigatogozaimasu!” Thank you so much! Sabay-sabay nilang saad nang matapos na silang kumain at nagpaalam na sa matandang babae. Maaga pa sila bukas at malalim na rin ang gabi. Kaniya-kaniya silang kuha ng kanilang besikleta at walang ingay siyang nagpepedal. Wala siyang jacket na suot at scarf kaya ngayon bigla niyang naramdaman ang lamig ng temperatura ng Japan kahit makapal ang kaniyang ternong pantulog na pajama. Hindi ako mapakali. Tatanggalin na yata ako. Sunod-sunod siyang napabuntong-hinga. Hindi siya naniniwalang walang kapalit ang gabing ito kaya bukas na bukas din ay kakausapin niya ang kanilang Team Leader at baka sakaling may alam ito. Hindi siya pwede matanggal sa trabaho, kailangan ng pamilya niya ang perang kaniyang nakukuha sa pagiging fruit picker. “Happy Birthday.” Napatingin siya sa lalaking crush ni Judith. Kumunot ang kaniyang noo at ‘di pinansin ang pagbati nito. Kanina pa niya napapansin ang mga titig na binigay nito habang kumakain sila. “Sleep tight, Marie. Happy birthday!” Pahabol pa nito. Umismid lang siya. Sana mabangga ito. “Ayyy!” Pero siya itong nag-swimming sa sementong daan. Napaigik siya sa sakit nang sumimplang ang kaniyang besikletang pinipedal. “Marie, okay ka lang?” Si Fidel ang unang bumaba sa sinasakyan nitong bisekleta at dinaluhan siya pero agad niyang winakli ang kamay ni Fidel. Ang iba nilang kasamahan nila ay napahinto at napatingin sa kaniya. Napansin niya ang ibang tumawa at umismid pero hinayaan niya ang mga ito. Naging mabait lang ang mga ito sa kaniya kanina dahil kaharap nila ang kanilang Superior at Team Leader. “Ang arte. Isang kembot na lang, lagpas na sa kalendaryo ‘yan. May gana pa magmaganda, eh, hindi naman kagandahan.” Nagkunwari siyang ‘di narinig iyon. Kahit kailan, hindi siya nagpapaapekto sa mga pinagsasabi ng mga ito dahil mas kilala niya ang kaniyang sarili. “Maria, naku sabi na nga ba!” Mabilis na dinaluhan siya ni Judith pero ningitian lang niya ang kaibigan. Tumayo na siya na parang walang nangyari. “Are you okay?” Naglinya ang kaniyang tingin nang makita niyang nakiusyo rin ang lalaking crush ni Judith. “Walang namamatay sa simpleng simplang.” Matabang na saad niya at bumalik sa pagpepedal na parang walang nangyari pero ang totoo, masakit ang kaniyang paa at tuhod. PAIKA-IKA si Marie nang maglakad siya papuntang farm kinabukasan. Bahagya siyang napangiti nang maalalang sa katangahan niya ito kagabi pero masaya siya na may nakaalala sa kaniyang kaarawan. Hindi man nakikita sa kaniyang mukha na masaya siya kagabi, sa puso niya, masaya siya. Pero nababahala siya sa pinakitang kagandahang asal ng kanilang Superior. Naglalaro pa rin sa utak niya ang posibleng mangyari. Napapikit siya sa lamig ng temperatura ng Japan. Kahit ang sarap pang matulog at magtalukbong ng kumot sa kama, hindi pwede. Hindi natutulog ang mga bayarin ng kaniyang magulang sa Pinas at tuition ng mga kapatid niya. Kaya kailangan doble trabaho siya dahil siya lang ang inaasahan. Nasa Green House siya at sinimulang i-supervise ang mga strawberry. Minsan naman 9 AM sila nagsisimula pero minsan, 6 AM ‘pag andiyan ang may ari na si Mr. Yakoto. Lahat sila ay takot sa matanda kahit ang kanilang Superior. “Maria! Sinulyapan lang niya si Judith at muling binalik ang tingin sa mga strawberry. Nagtatanggal siya ngayon ng tuyong dahon at sobra-sobrang bulaklak. Kahit papaano, nakakatulong ang init na dala ng temperatura ng Green House. “Ay snob ka agad sa ‘kin. Heto oh, kape ka muna.” Inabutan siya nito ng instant coffee. “Tapos na ako. Ubusin mo na lang ‘yan.” Napaingos ito sa kaniyang sinabi. “Binigay ‘yan ni Superior ‘no. Bahala ka d’yan. Ikaw managot sa tanong niyang bakit ‘di mo tinanggap ang kapeng binigay niya.” Agad siyang napalingon dito at hinablot ang kapeng hawak nito sa kabilang kamay. Ang totoo niyan, mamaya pa ang plano niyang magkape para mainitan ang kaniyang sikmura. Mukhang may plano si Mrs. Ajinomoto na tanggalin siya sa trabaho. Napabuntong-hinga siya. “Nga pala Maria, nalaman ko na Gheron ang pangalan nung crush ko.” Humagikhik ito. “Gheron ng buhay ko! Parang nakatadhana na talaga kaming dalawa. Gheron and Judith Nuptials.” Humampas-hampas pa ito sa kaniya sa sobrang kilig. Napahugot siya ng hangin at hinayaan itong maging madaldal si Judith. Araw-araw naman itong hyper at naiintindihan niya na specialty yata ng kaniyang kaibigan ang bagay na iyon. “May nasagap akong balita nga pala Maria. Narinig ko lang ito sa kasamahan natin.” Nakasunod sa kaniya ang kaibigan. Hindi siya nakinig. Patuloy siya sa pagtatanggal ng mga tuyong dahon. Mahaba ang Green House at apat lang silang nakatoka. Kasama nila ang dalawang babae na hindi niya matandaan ang mga pangalan. Mayroon silang sampung varieties na mga strawberries. Iba’t ibang klase at laki pero iba’t ibang lasa pagdating sa sarap. Doble ingat sila sa pag-aalaga ng strawberries at ini-import pa nila ang iba niyon sa ibang bansa. “Alam mo ba, may ipapakilala raw sa ‘tin si Mr. Yakoto na bagong amo—” “Busy ako Judith. Kung wala kang gagawin, mamaya na tayo mag-usap. Alam mong mas importante sa ‘kin ang trabaho.” “Hay, ang killjoy mo talaga as usual ‘no? Kaya wala kang jowa dahil sa pagiging killjoy mo.” Napaismid ito. Nagkibit lang siya ng balikat at iniwan ang kaibigan. Marami siyang gagawin at iniisip niya kung saan siya at paano siya makakahiram ng perang ipapadala sa Pinas. Kakatapos lang niyang bayaran ang utang niya kay Judith na 50 thousand at alam niyang walang pera ito ngayon dahil pinadala nito lahat ng sweldo sa Bulacan. Nang mag-lunch break, sa pwesto lang niya sa Green House siya kumain. Nagbaon lamang siya ng sandwich with jam at isang malaking tumbler na puno ng tubig. Nagpapasalamat siya na nasa kabilang Green House ang maraming turista na nagsasawaga ng fruit picking. Siya lamang mag-isang kumain ng tanghalin. Sumama sa mga kasamahan nila si Judith at walang problema naman iyon sa kaniya. Hindi niya pinagdadamot ang babae at hinahayaan niya kung saan ito komportable. Wala sa loob na kinagat niya ang sandwich nang may nagsalita sa kaniyang likuran. “Kumusta ang tuhod mo?” Nagtama ang mata nila nang lalaking pinagkaguluhan ng mga kasamahan niyang babae. Tinignan lang niya ito nang ilang segundo at binalik ang atensyon sa kinakaing sandwich. “Ayaw mo ba akong kausapin?” Hindi niya ito pinansin. Isa sa tinatak niya sa kaniyang isipan, hindi siya makikipag-usap sa mga lalaking kasama niya sa farm. Kung naging babae pa ito, baka sakaling pansinin niya ito. “Hindi ka sumama mag-lunch sa mga kasamahan mo?” Wala pa rin sagot sa kaniya. Inabot niya ang kaniyang tumbler at binuksan ito. Tinungga niya halos lahat ng tubig. Narinig niyang natawa ito sa kaniyang likuran. Walang emosyong sumulyap siya rito. Hinihintay niyang sabihin nito kung bakit ito natawa. “I like you.” Hindi na siya nagulat sa deretsahang saad nito. Ang lawak ng ngiting binigay nito sa kaniya na pwede na itong maging model ng toothpaste. Panglimang lalaking nagsabi sa kaniya na gusto siya. Tumayo siya mula sa kinauupuan stool at inayos ang bag na nilagyan niya ng kaniyang baon. Nagpanggap siyang ‘di narinig ang sinabi ng lalaking siya yata ang napiling pagtripan. Matanda na siya at wala na siyang panahon sa ganiyan stage ng buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD