Napatingin si Gallagher sa kaniyang suot na pang-magsasaka. Hindi siya nagmukhang magsasakang tingnan kaya ginulo niya ang kaniyang buhok. Hanggang balikat ito at minsan tinatali lang niya.
Inabot niya ang kaniyang round hat at nilagay sa ulo. Inayos din niya ang pagkakatupi ng mahabang manggas na damit. Ang suot niyang pantalon ay isang kupasin na matagal ng pinaglumaan ng panahon. Walang pwedeng makahalata na isa lamang siyang nagpapanggap na magsasaka sa lugar na ito. Mawawalan ng excitement ang kaniyang gagawin kapag nangyari iyon.
Gamit ang besikleta ng kompanya, deretso niyang tinungo ang Village farm para magsimula sa araw na ito. Hindi niya ramdam ang antok. Nasanay na rin ang kaniyang katawan na paminsan-minsan lang natutulog. Sa daming gagawin sa organisasyon at sa Silver Garden, ang matulog ang isa sa pinakaimposibleng gawin.
“Hi, Gheron!”
“Good morning handsome!”
“Gheron, may pandesal ka ba?”
Simpatikong ngumiti siya sa mga kababaehan na nagsimulang magpa-cute sa kaniya ngayon araw. Kahit ang ilan sa mga staff ng farm na mga Hapones ay nagpapa-cute rin. Pero wala siya sa panahon ngayon na patulan ang mga ito. Kung si Marie, pwede pa.
Tinungo niya muna ang coffee bending machine at naghulog ng barya. Hindi ito ang kaniyang paboritong kape, pero pwede na rin para sa tulad niyang nagpapanggap.
Bitbit ang plastic cup na may lamang umuusok na kape, nagtungo siya sa kaniyang pwesto. Bumati muna siya sa Team Leader nilang nakakunot ang noong nakatingin sa kaniya. Naiintindihan niya ito dahil sinong matinong empleyado ang papasok nang ganitong oras.
Una niyang hinanap ang magandang mukha ni Marie pero hindi niya ito nakita. Inisip ni Gallagher na nasa kabilang Green House ito. Napangisi siya sa isiping pwede niya itong puntahan bago siya magsisimula sa kaniyang gagawin na pagtatanim ng mga panibagong prutas.
Marahan niyang iniinom ang kaniyang kape nang matamaan niya si Marie na kausap ang kasamahan niyang lalaki na si Fidel. Matamang tinitigan niya ang dalawa at pinag-aralan ang bawat galaw ng kamay, katawan at reaksyon ng mukha ng dalaga habang kausap ang lalaki.
Gusto niyang humalakhak ng tawa sa nakuhang obserbasyon. Natural na man hater ang dalaga, ayon sa kaniyang kalkulasyon. Ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na titigan ang babae sa malayuan at basahin ang bawat galaw nito.
Masayang magbasa ng tao minsan. Minsan naman ay hindi kaya siguro inaakala ni Magnar, na lagi siyang naloloko ng mga babae at mabilis siyang nagpapauto. Minsan tinatrato siya ni Magnar na isang mahinang nilalang pagdating sa babae dahil iniisip nitong mabilis siyang paikutin. Pero lahat ng babaeng nilalapitan niya, may kailangan siya sa mga ito. Depende kung gaano kabigat ang kailangan niya para isipin ng tatlong kaibigan niya na isa siyang kaawa-awang nilalang.
“Bakit ba ang laki ng galit mo sa ‘kin Marie?”
Muntikan siyang napahagalpak ng tawa kung ‘di lang napigilan ni Gallagher ang sarili. Nasa malayo siya pero dahil likas na malakas ang kaniyang pandinig kaya okay lang na makinig siya sa mga ito.
“If I see you doing nothing again, I’ll write a report about you being a sloth animal.” asik sa kaniya ng kanilang Team Leader. Nakatingin ito sa kaniya na handa siyang isangla sa demonyo.
“I’m sorry, Sir.”
“Go back to work!” malakas na saad nito.
Tumango siya at lihim na natawa sa sarili. Minsan masaya rin magpanggap na isang normal at mahirap na mamamayan. Nalalaman at nakikita niya kung sino ang tunay na tao sa hindi.
Samantalang si Marie ay napaikot na lang ng eyeball sa hangin nang makita si Gheron na pinapagalitan ng Team Leader nilang Hapones.
Late na nga pumasok, tatamad-tamad pa. Naiiling na anas niya sa isip at mabilis na tinalikuran si Fidel.
Mamaya rin ay magpapaalam siya na pupunta siya sa City para mai-withdraw ang perang binigay sa kaniya ni Mrs. Ajinomoto. Panay ang chat ng kaniyang kapatid na kailangan na kailangan nito ang pera at hindi pwedeng ipagbukas pa. Sana ay payagan siya ng kanilang Team Leader na makikisakay siya sa isa sa mga truck na bumabyahe papuntang Furano City.
TULAD ng dati, mag-isa lamang siyang kumakain ng lunch. Ando’n siya sa Green House kumakain ng sandwich at jam nang may nagsalita sa kaniyang likuran.
Nag-abot ang kaniyang kilay at hindi niya na kailangan tanungin kung sino ang lalaking laging sumusulpot kahit kabago-bago pa at may ganang ma-late sa trabaho.
“Hi, Marie!”
Hindi siya umimik. Nagpatuloy siya sa kaniyang pagkagat at pagnguya ng sandwich. Hindi man lang niya naramdaman ang lasa ng pagkaing nginunguya niya ngayon.
“Bakit ka kumakain mag-isa rito ulit? Where’s Judith?”
Nag-abot siya ng tubig at deretsong nilagok ang laman n’yon. Kalahati pa lamang ng sandwich ang nakain niya at nawalan na siya agad ng gana.
“Mainit ang ulo mo, Marie?”
Nagpatuloy pa rin siya sa pagkagat. Paulit-ulit ang pagkain niya araw-araw at isa sa rason kung bakit hindi siya sumasabay sa mga kasamahan niya, dahil na rin wala siyang matinong pagkain. Nagtitipid siya, iyon talaga ang totoo. Pati sarili niyang pagkain, tinitipid niya.
“Marie Cris Antopina.”
Natigilan siya nang banggitin ng lalaki ang kaniyang buong pangalan. Kunot-noong lumingon siya rito at matagal itong tinitigan. Binabasa niya ang aura ng mukha nito kung bakit siya ang napili nitong bwesitin sa araw na ito. May usapan yata ang mga kauri ni Adan ngayon na gawin siyang paboritong menu na pagtripan.
“Saan mo nalaman ang pangalan ko?” deretsahang tanong niya.
Simpatiko itong ngumiti pero hindi siya ngumiti. Nanatili siyang nakatitig sa lalaki at hinihintay ang sagot. Ang alam ng lahat, siya si Marie. Pero baguhan pa lang ang lalaking englisherong magsasaka na nasa harapan niya at may gana itong kausapin siya na parang matagal silang magkakilala.
“I added you on the f*******:. Come on, everyone knows your name is Marie Cris. Maganda ang pangalan mo.”
Wala pa rin reaksyon na makikita sa kaniyang mukha. Hinihintay niya lahat ang sasabihin nito. Doon lang niya napapansin na putok ang labi nito at mukhang may nakaaway ito kagabi.
“Ako si Gal Vensson sa f*******:. I chatted you but you just ignored my messages. Man hater, I guess?”
Binawi niya ang kaniyang tingin at deretsong kinagat ang natitirang sandwich. Sinundan niya ito ng tayo at naunang maglakad papalayo. Kakausapin pa niya ang kanilang Team Leader at sana, sana pumayag ito.
“Marie!”
Nag-ikot lang siya ng tingin at hindi na ito pinansin. Simula ngayon, hindi niya ito titingnan o lilingunin sa tuwing nasa paligid ito. Magkunwari siyang isa itong lupa na inaapakan niya araw-araw.
BAGSAK ang balikat ni Marie nang marinig niya ang naging tugon ng kanilang Team Leader, hindi siya nito pinayagan. Mas lalo pa siyang nainis nung tinawanan siya ni Gheron. Hindi na lamang siya nagpumilit. Makakapaghintay pa naman siguro ang kapatid niya.
Bumalik siya sa Green House at tinulungan ang mga kasamahan niya roon nang makita niyang pahangos na tumakbo papunta sa kaniyang deriksyon ang Team Leader nila.
“Ms. Antopina!”
“Sir?” Agad siyang napatayo. Baka sinumbong siya nito sa kanilang Superior sa ginawa niyang pakiusap.
“You can go.”
“Sir?” Nagulat siya.
“You heard me. You can go to Furano City but make sure you’ll back on time.”
Nagliwanag ang kaniyang mata sa sinabi nito. Alam niyang mabait ito, hindi lang halata dahil sa kilay nitong laging salubong. Pero imbes na magsaya siya dahil pinayagan siyang magpunta ng Furano, para siyang binagsakan ng lupa nang makitang si Gheron ang driver ng delivery truck na pinagdalhan sa kaniya ng Team Leader nila.
“Hi, Marie!”
Agad nagsalubong ang kaniyang kilay.
MADILIM ang anyo ni Marie habang sakay siya sa truck papuntang City. Iniwasan niya si Gheron dahil sa kakulitan nito, pero heto at naging kasama pa niya sa loob ng isang oras papuntang Furano.
“Anong gagawin mo pala sa Furano?” tanong nito habang nagmamaneho. Saglit itong sumulyap sa kaniya.
Hindi siya nagsalita. Wala siyang pakialam sa presinsya ng lalaki. Ang gusto lang niya ay ma-withdraw ang pera at makapagpadala sa pamilya sa probinsya. Hindi nga siya nakapagpalit ng kasuotan. Hindi naman ito mahalaga. Minsan nga, inaasar na siya ni Judith na papunta na siya sa pagiging manang. Maliban sa wala na siyang ka-choice-choice paano manamit, hindi rin siya marunong mag-ayos ng sarili. Kaya nakakapagtaka kung bakit maraming gustong pumorma sa kaniya kung alam naman ng mga ito na hindi siya maganda.
“Mabuti na lang at ako ang natukang magmaneho ngayon. Absent kasi ang isa sa driver, may sakit daw kaya ako muna ang inassign ng Team Leader. I’m glad, kasama kita papuntang Furano. Masaya ang byahe ko nito.”
Nanatili siyang nakatingin sa unahan. Wala sa sinasabi nito ang kaniyang utak kundi nasa probinsya. Matagal na rin. Matagal na rin simula nung takbuhan niya ang masakit na pangyayari mula sa lalaking pinagkatiwalaan niyang mahalin. Minsan, nakakadala rin ang magmahal. Nakakadala rin ang umibig at nakakapagod. Kaya sa sitwasyon niya, hindi niya kailangan ng pag-ibig kung iyan ang usapan. Masaya siyang ganito ang kaniyang buhay ngayon. Trabaho, pamilya, pamilya, trabaho. Diyan umiikot lahat sa kaniya. Nareyalisado niyang mahalaga ang pamilya keysa sa sarili niya. Kaya okay lang.
“Marie!”
Walang nababakas na emosyon ang kaniyang mukhang tumingin siya sa lalaki. Siguraduhin lang nitong matino ang ibabato nitong salita sa kaniya ngayon.
“Minsan, mahalaga rin na isipin mo ang sarili mo at hindi puro kapakanan lang ng iba.”
Nagbawi siya ng tingin at deretsong tiningnan ang daan na kanilang tinatahak. Pakiramdam niya, biglang bumagal ang oras at gusto niya ng makarating ng Furano at maghanap ng malapit na Bangko.
“Sometimes when you’re always available, they take you for granted, Marie. They think you’ll always stay for them,” simpleng saad nito.
Natigilan siya sa sinabi ni Gheron. Hindi niya napigilan mapatingin dito habang malawak na ngiti naman ang binigay nito sa kaniya nang sulyapan siya. Tinimbang niya ang sinabi ni Gheron kung paano nito nasabi ang bagay na iyon at may alam ba ito sa kaniyang pagkatao at kung bakit ganito ito magsalita. Magkaibigan ba sila?
“Matutunaw naman ako niyan, Marie.” Ngumiti ito ng nakakalaglag puso pero ‘di siya apektado. “Baka niyan, bigla mo akong mahalin. Hindi pa naman ako ready.”
“Hindi ako nakikipag-usap sa kapwa ko magsasaka at parehas na mahirap.” Binalik niya ang kaniyang tingin sa daan.
Agad naman itong tumahimik sa kaniyang sinabi at marahan tumango. Nakahinga siya ng maluwang nang inakala niyang tatahimik na ito at hindi na muling magsasalita nang magtanong ulit ito.
“Anong meron sa tulad nating mahirap at magsasaka lang rito sa ibang bansa kung malaki naman ang sahod natin?”
Hindi siya sumagot. Muli niyang pinaalala sa sarili na isa lamang itong lupa na inapakan niya at hindi dapat pagbigyan ng pansin.
“Bakit ganiyan kalaki ang galit mo sa taong mahirap at magsasaka? Hmm?” Pangungulit nito. “Alam ko na, may naglakas ng loob sa ‘yo rati na lukuhin at paiyakin ka, hindi ba? Kaya inisip mo na lahat ng lalaki, magkatulad. Are you that scared?”
“Hindi ka titigil?” Baling niya rito. Tuluyan ng hindi maipinta ang kaniyang mukha sa sobrang inis.
“Saan?” inosenteng tanong naman nito o sadyang iniinis lang siya.
“Kung wala kang matinong sasabihin at kung wala kang alam sa buhay ko, manahimik ka. Hindi mo alam kung anong buhay ako ngayon. Hindi mo ako kilala at mas lalong wala akong pakialam sa mga walang kwentang pinagsasabi mo laban sa ‘kin. Kaya kung gusto mong hindi ko gawin impyerno ang buhay mo ngayon habang nasa daan tayo, magmaneho ka ng tahimik d’yan at ‘wag mo akong kausapin na parang matagal na tayong magkakilala dahil ang totoo, hinding-hindi mo ako kilala. Lilinawin ko rin sa ‘yo, ‘yang pagpapalipad-hangin mo sa ‘kin, hinding-hindi ‘yan uubra lalaki! Hindi ang tulad mo ang gagapangin ko sa iyak. Wala sa kalingkingan mo ang lalaking gugustuhin ko kaya kung ako sa ‘yo, simula ngayon ‘wag mo akong disturbuhin at kausapin na parang gusto kita.”
Namayani ang katahimikan matapos niyang sabihin ang mahabang linya na iyon. Hindi ito nakaimik sa kaniyang sinabi at wala siyang pagsising nakapa sa dibdib. Prangka siya at kapag hindi niya gusto, sinasabi niya.
“Pero gusto kitang kausapin, eh.” Ngumiti ito nang nakakaloko.
Deputa!
Gusto niyang magmura ng malakas nang sabihin nito ang bagay na iyon. Halos lumabas umusok ang kaniyang ilong at bago pa siya tuluyan magwala, pinikit niya ang kaniyang mata at sumandal sa upuan. Pipilitin niyang matulog hanggang sa makarating sila sa Furano at baka sakaling tumahimik ito ‘pag nakita siya nitong ayaw niyang magpaisturbo.
“Kung ayaw mo akong kausapin ngayon, okay lang. Basta mag-reply ka sa chat ko mamayang gabi, ha? Accept mo na rin ang friend request ko sa f*******: para makita ko mga post mo.”
Pinilit niyang pakalmahin ang sarili, hindi makakatulong sa kaniya kung patayin niya ito sa pamamagitan ng nakakamatay na mura sa kaniyang isip. Mas makulit pa ito kay Fidel at mukhang wala itong balak magpapaapekto sa kahit anong sasabihin niya.
God! Bakit ang layo ng Furano City?
SA WAKAS narating din niya ang Bangko. Nagpaiwan siya kay Gheron at sinabi ritong siya na ang bahala sa kaniyang sarili kung paano umuwi pabalik ng farm. Hindi niya kayang sumabay rito, dahil maliban sa mapapaaga ang pagkamatay nito sa kaniyang kamay, hindi rin umuubra ang kaniyang pagtataray sa lalaki. Kahit anong nakakalason at nakakasakit na salita ang kaniyang itatapon dito ay balewala lang sa lalaki.
“Daanan kita, huwag matigas ang ulo.”
Hindi niya ito pinansin. Deretso lamang siyang pumasok ng Bank. Kailangan pa niyang mag-withdraw at magpadala. Konti lang ang customer sa loob ng Bank kaya mabilis siyang natapos. Nakangiti siyang lumabas sa inakalang uuwi siyang mag-isa pabalik sa farm nang masilayan niya si Gheron. Nakatayo ito sa tabi na nakapark na sasakyan at simpatikong nakangiti sa kaniya.
“Let’s go?” Ang lawak ng ngiti nito.
Nakatayo ito sa unahan at kahit kupasin maong na pantalon at T-shirt na nag-aagaw ang puti at itim, ang gwapo pa rin nito tingnan. Hindi sagabal ang mahaba nitong buhok na bahagyang nililipad ng hangin at tumatakip sa kalahating mukha nito.
Kalma. Kalma. Pakiusap niya sa sarili.
“Marie, ano pang tinatayo-tayo mo d’yan?” untag nito at hindi pa rin nawawala ang simpatikong ngiti nito na gusto yatang ipangalandakan sa lahat na gwapo ito. “You want me to carry you?”
Pansin din niyang nagsitinginan ang ilan sa mga kababaehan dito, mapa-Hapones man o may lahi. Kahit naman kasi isang gusgusin na pangmagsasaka lang ang suot nito, mas lalong umaapaw ang s*x appeal ni Gheron pero hindi siya interesado. Wala na yatang natirang kalandian sa kaniyang katawan apat na taon na ang nagdaan.
Nagbaling siya ng ibang dereksyon. Agad siyang nagpara ng taxi para magpahatid sa farm. Magbabayad na lamang siya ng mahal basta ‘wag lang niya makasama sa buong byahe ang lalaking kung umasta sa buhay niya ay matagal na silang magkakilala. Pero bago pa siya nakapasok sa isang taxi, naramdaman niya agad ang isang kamay na pumigil sa kaniyang braso.
“Pwede ba, Gheron!” Hindi niya mapigilang magtaas ng boses sa harap nito. Parang naipon lahat ang kaniyang galit.
“Akala ko ba mahalaga sa ‘yo ang pera? Bakit ngayon mag-taxi ka? Is it because you hate my presence or you just hate yourself for—”
“Shut up!” Binawi niya ang kaniyang braso pero mahigpit ang pagkakahawak nito.
“Hmm?” Ngumisi naman ito. “Like a wild animal, the truth is too powerful to remain caged.”
“Anong pinagsasabi mo?”
“Nothing.” Ngumisi ulit ito. “Binabasa ko lang ang mga salitang lumabas sa bibig mo.”
Pinagpag niya ang kamay nito para makasakay na siya ng taxi pero hindi niya natuloy iyon dahil nauna na siyang binuhat ni Gheron. Buhat-buhat siya nito na para silang bagong mag-asawa at gumagawa ng pre-nup nilang dalawa sa gitna ng maraming tao.