7

1497 Words
Chapter Seven "Punyeta talaga kayong magkapatid." Hiyaw ni Manang Prencesita. Naipasok ko na si Rosally sa kusina. Iyong cellphone na binili ko ay agad kong iniabot dito. Para malibang ito at hindi na pansinin pa iyong matandang nagwawala sa kabilang bakod. "Mga bobo at walang pinag-aralan. Pati bata'y papatulan ninyo." "A-te," takot na ani ng kapatid ko. Ngumiti ako rito. "Huwag mo nang pansinin. Isipin mo na lang na sirang plaka na pinatutugtog iyon. Abalahin mo muna ang sarili mo diyan. Asikasuhin ko lang itong niluluto ko." "Bwisit kayo! Bakit ba hindi pa kayo nawala sa mundo? Mga hampaslupa!" "Rosally, iyang si Manang Prencesita ay huwag mong pinakikinggan. Anak nga niya dalawa ang asawa eh." Napahagikhik si Rosally. "Kaya huwag mo nang pansinin pa." "Opo." Tugon nito. Binalikan ko ang pagluluto. Habang si Rosally ay tutok sa cellphone. Naririnig pa rin namin ang galit na boses ni Manang Prencesita sa kabila. Pero balewala na iyon sa amin. Masaya kaming kumain nito habang ang topic ay ang bagong cellphone nito. Pagkatapos ay inasikaso ko naman ang pag-aayos ng higaan namin. Excited din itong si Rosally sa malambot na higaan. Inalis ko iyong mga lumang nakalatag at nilagyan ko na ng foam saka sapin. Nang antukin si Rosally ay binuhat ko na ito at inihiga roon. Itinutok ko pa ang electric fan para mapreskuhan ito. "Ate, salamat po sa pagtupad ng isa sa pangarap ko." "Hayaan mo, kapag afford na ni ate ay magpapa-aircon na tayo." Humagikhik ito. "Kaso lalabas ang aircon." Saka nito inginuso iyong ibang butas ng bubong ng bahay na ito. "Hahabulin ko na lang kapag lumabas. Sige na, matulog ka na at maglalaba ako." Tumango naman ito. Pero kahit pumikit na ito ay hinintay ko pa ring makatulog talaga ito. Gaya nang palagi kong ginagawa ay in-check ko muna ang paghinga nito bago ako umalis. Inilabas ko na ang mga labahin ko, sakto namang nasa labas pa rin si Manang Prencesita. Agad akong pinanlakihan ng tingin. Pero hindi ako natakot. "Pagsisisihan ninyo ang pagpapaiyak ninyo sa apo ko. Isusumbong ko kayo sa tatay nito. Titiyakin kong maaabo kayo. Mga hayop." Nagsimula akong magbomba sa poso. Parang naging background music ko ang ginang. Mas lalo nga yata itong nagalit dahil hindi man lang ako nagpaapekto sa mga sinasabi nito. Siya na rin naman ang napagod. Sa awa naman ng Diyos ay nakatapos ako sa paglalaba na payapa na. Nakapagwalis din ako na hindi man lang nabagabag sa banta ng ginang. Pagsapit ng hapon ay nagpahinga ako kasama si Rosally. Nang gumabi'y si Rosally naman ang inasikaso ko. "Picture tayo, ate." Inilapit ko ang mukha ko rito. Marunong na agad ito. Nakakatuwa. "Ayan... kapag nami-miss mo po ako ay titignan mo lang ang mukha ko rito. Lahat po ng picture naka-smile para mapapa-smile ka rin." "Pwede ko rin namang titigan lang ang mukha mo." "Oh, hindi habambuhay pwede mong titigan ito." Iyong boses ng kapatid ko'y hindi na talaga nagbago. Para iyong hinang-hina. Kahit excited ito... gano'n pa rin ang boses nito. "Hindi habambuhay pero matagal ko pang tititigan iyan." Saka ko iyon hinaplos. "Picture ulit." Hindi ako umangal. Isa ito sa memories na alam kong itre-treasure ko habambuhay. Pagsapit nang pagtulog nito ay matagal ko pa itong tinitigan. Gusto ko sanang maipasyal ito, madala sa simbahan, sa park, sa mall... pero sadyang may mga hadlang talaga. Hindi ito pwedeng mapagod, mahihirapan din ito sa pagbiyahe, at kahit siguro sa pollution ay pwede pang maging problema. Para ngang sa sobrang paghahangad ko na maranasan nito iyon ay nag-iisip na lang ako na makagawa ako ng sarili naming mundo nito. Hindi ko na rin namalayang nakatulog na ako. Pero ngayon iyong tulog ko ay may ngiti sa labi... iba kasi iyong saya ni Rosally sa mga bagay na naibigay ko rito. Masaya ito... masaya na rin ako. -- LINGGO. "Anong gusto mong ulam?" tanong ko rito habang tinitirintas ko ang buhok nito. "Gusto ko po ng isda, ate. Pero kahit sardinas lang po kung wala iyong nabibili sa palengke." "Pwede akong bumili. Pero maiiwan ka rito. Okay lang ba sa 'yo iyon?" tanong ko rito. "Opo." "Sige. Bibili ako ng isda para ulam natin sa tanghali. Iyong mga bilin ko ba ay kailangan ko pang ulitin?" umiling ito. "Nasa higaan iyong mga gamot mo. Naka-save na rin naman iyong number ko sa cellphone mo. Na-practice na natin kagabi kung ano ang dapat gawin." Tango lang ang sagot nito sa akin. Ibinalik ko siya sa higaan, itinutok ang electric fan dito. May mga bilin pa ako kahit na alam naman na nito ang mga sinasabi ko. "Bibilisan lang ni ate." "Opo." Kahit ayaw ko siyang naiiwan, wala naman kaming choice. Kailangan kong kumilos para sa aming dalawa. Kinuha ko ang bag ko, naisipan ko nga ring ilagay ang wallet na napulot ko roon. Saka ako umalis. Iniwan ko lang ding bukas ang pinto. "Manang Caridad, si Rosally po ha." Tinignan lang ako nito. Saka ako pumara ng tricycle. Kailangan ko lang bilisan. Iniisip na nga ang mga bibilhin para hindi magtagal sa palengke. "Kalahating kilong isda, mansanas, orange, at bigas." Iyon lang, na pagdating ko sa palengke ay dali-dali kong binili. Bitbit ko ang mga iyon nang tumunog ang cellphone ko. Agad kong sinagot iyon, habang ang isang kamay ay inilalagay sa loob ng tricycle ang mga pinamili ko. "Hello?" "S-unog. S-unog po, ate." Iyak ng kapatid ko sa kabilang linya. Saka ito sunod-sunod na napaubo at parang mas lalong nahirapang huminga. Nang maunawaan ko ang sinabi nito ay binalot ako nang takot. "Manong, pakidalian natin." Naiiyak na ani ko sa driver. "Emergency po. Tara na po." "Hindi pa puno, ineng." "Babayaran ko po." Dahil sa sinabi ko ay dali-dali nang pinaandar nito ang tricycle. Parang sobrang tagal ng biyahe kahit na ilang minuto lang naman iyon. Kung ano-ano nang nakakatakot na bagay ang iniisip ko lalo't alam kong nasa loob pa ang kapatid ko. "Rosally? Naririnig mo ba si ate? Rosally?" ani ko sa kabilang linya. Hindi pa pala tapos ang tawag. Nang makarating sa barangay namin ay pansin ko na ang mga tao sa labas ng mga bahay nila. "Bituin, iyong kapatid mo!" sigaw ni Manang Caridad sa akin. Iginala ko ang tingin ko. Wala si Rosally. "Nasa loob pa." Hiyaw ni Manang Caridad. Nang marinig ko iyon ay hindi na ako nag-isip pa ng kahit ano. Dali-dali akong tumakbo. Takot na takot ako pero hindi ako nag-alinlangan na sipain ang pinto ng bahay naming nasusunog at pumasok. Mausok na roon. Pero nakita ko pa rin ang kapatid ko. Dali-dali akong lumapit at binuhat ito. Sa mga sandaling iyon ay para lang itong papel na binuhat ko, walang kabigat-bigat. Mabilis ko lang din itong inilabas. Walang nagkusang tumulong. Wala man lang akong nakita na taong may hawak na timba o tabo man lang. Walang nagkusa. Walang nakisimpatiya. Kami lang ni Rosally. Ako lang. Tumutulo ang luha ko. Lumakad ako na buhat ang walang malay kong kapatid. Iyong tricycle na sinakyan ko kanina ay iyon din ang pinaglulanan namin ng kapatid kong walang malay. "Tara po sa ospital." Halos walang nakarinig no'n dahil sa hina ng boses ko. Agad naman iyong umusad. Nang umandar na ay nakuha ko pang lumingon. Nakita ko ang bahay tinutupok na. Nakita ko rin ang mga taong pinanonood lang iyon. "Rosally, huwag mong iiwan ang ate. Ilalaban kita, Rosally. Sana ay lumaban ka rin." Pakiusap ko rito. Ang saya-saya pa namin kanina. Bakit sa tuwing masaya kami ay may kasunod na kalungkutan? Hindi ba pwedeng maging masaya lang habambuhay? Parang naningil agad. Nakarating kami sa ospital. Sumalubong naman agad ang mga tauhan ng ospital at agad na kinuha sa akin ang kapatid ko. Parang sanay na sila sa mukha ko. Parang noong nakaraan lang ay nandito kami ni Rosally, ngayon ay narito ulit. Hindi ko alam kung gaano na ito katagal na walang malay. Tinatanong ako ng mga nurse pero nakatulala lang ako, hindi ko binitiwan ang kamay ng kapatid ko. Wala sana akong plano pero iniutos ng doctor na palayuin ako. Itinabing pa nila iyong kurtina kaya hindi ko makita ang kapatid ko. Iyak ako nang iyak. Ito na ata iyong pinakamalala, parang lahat na ng santo ay natawag ko sa aking panalangin. "Diyos ko, dugtungan mo pa po ang buhay ng kapatid ko. Parang awa mo na po." Iyak ko habang naghihintay. Ito iyong pinakamahirap din na sandali, iyong naghihintay. Walang katiyakan. Tumabi si Nurse Lerry sa akin na parang nagulat pa nang makita na naman akong narito. "Ano na namang nangyari, Bituin?" tanong nito. "Nasunog iyong b-ahay, Nurse Lerry." Iyak ko. Kinabig ako nito't niyakap. "Diyos ko, ang kapatid ko! Hindi pwedeng mawala sa akin ang kapatid ko." Kanino pa ba ako pwedeng magmakaawa? Kanino pa ako hihingi ng isa pang chance para kay Rosally? "Dito ka lang. Sisilip ako." Tumayo ang nurse at iniwan ako. "Lord, parang awa mo na. Tulungan mo ang kapatid ko. Gagawin ko po ang lahat para lang madugtungan ang buhay niya. Please po. Please."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD