Chapter Four
Pinag-iisipan ko kung ihahabol ko sa lalaki iyon. Pero paano kung customer din ito ng club, tapos makilala ako? Pasimple akong lumingon. Saka bumalik din agad ang tingin sa wallet. Sobrang dami ng pera. Halos pumutok na iyon dahil sa sobrang kapal.
Isang mariing lunok. Hating-hati ang aking isipan kung ano ang gagawin.
Hindi ko pwedeng sabihing hulog ito ng langit sa gipit kong sitwasyon... kasi nahulog ito ng lalaki. Baka kailangan niya ng pera. Pero mukhang mas kailangan ko. Sa lalaking ito ba iyong wallet? Hindi ba ito nakaw?
Huminga ako nang malalim. Saka ibinulsa iyon. Nang makarating ako sa sakayan ay agad akong lumulan at nagpahatid sa ospital.
Inasahan ko ng wala na roon si Manang Caridad. Tulog na si Rosally. Kahit iyong ibang pasyente na narito ay tulog na. Dahan-dahan ko pang hinila ang upuan na para sa tabi ng hospital bed ni Rosally. Umupo ako roon. Gusto ko sanang hawakan ang kamay ng kapatid ko, pero baka magising ko lang ito. Kaya naman mas pinili kong pagmasdan lang ito.
Ganito na lang lagi ang sitwasyon namin. Sa isang buwan ay halos linggo-linggo kami rito. Wala kasing pakisama ang mga kapitbahay namin.
Kung pwede lang talagang humanap ng bagong bahay na walang mga ganoong kapitbahay ay pipiliin ko talaga.
Kaso hindi naman ako nakakaipon. Madalas sa pagkain at gamot na lang ni Rosally napupunta ang lahat ng pera ko.
"Bituin," tawag ni Nurse Lerry. Ang lalaking ito ang madalas na natotoka sa kapatid ko. Para ngang nasanay na ito na weekly ay narito kami. May dala itong kape, dalawa. Ang isa ay inabot niya sa akin.
"Salamat, Nurse Lerry."
"Umalis na agad iyong bantay ni Rosally. Sabi ko'y hintayin ka. Pero hindi na nagpapigil pa."
"Hanggang 10 pm lang kasi ang usapan namin. Hindi na niya ie-extend pa iyon dahil may mga apo rin siya na naghihintay sa kanya." Napabuntonghininga ako. Saka tinignan ang kapatid ko. Kalmado na ang paghinga nito, hindi katulad kanina na halos para na itong mamamatay dahil sa hirap n'yang paghinga.
"Galing ka pa ng trabaho?"
"Oo."
"Nag-dinner ka na ba?" kalmadong tanong ng nurse.
"Opo, tapos na." Tipid na tugon ko. Mabait itong nurse na ito. Maasikaso pa. Pero kasi ayaw kong masyadong mapanatag sa kahit na sinong lalaki. Ayaw kong malagay sa sitwasyon na mahuhulog ako tapos mapapabayaan ko si Rosally. Top priority ko ang kapatid ko.
Maingat akong humigop sa kape. Medyo nakaramdam ako nang ginhawa. Iba ang dala ng kape sa sistema ko.
"May lugawan sa tapat ng ospital. Baka gusto mong kumain. Tulog pa naman si Rosally." Alok nito.
"Hindi na po. Okay na po ako. Salamat sa kape. Matutulog na rin po muna ako."
"May bakanteng bed sa---"
"Dito na lang po. Yuyukyok na lang po ako rito." Saglit ako nitong tinitigan bago siya tumango. Mabuti na ring umalis ito. Wala kasi talaga akong time makipagkwentuhan sa iba.
Nang maubos ko ang kape ay yumukyok na ako sa gilid ng hospital bed ng kapatid ko. Hindi naman ako nahirapang makatulog. Nasanay na lang din talaga ako dahil nga halos weekly kaming narito.
Pagsapit ng umaga ay tapik ni Rosally ang gumising sa akin.
"Good morning, Ate Bituin." Pilit pa itong ngumiti.
"Good morning, Rosally. Kumusta ang pakiramdam mo?"
"Okay na okay po, ate. Pwede na po akong umuwi." Ito na naman si Rosally, magmamadali na namang umuwi. Para lang kaming nagche-check in sa hotel.
Alam ko naman ang dahilan... mas lalaki ang bill namin kung magtatagal pa siya rito.
"Hindi tayo uuwi hanggat hindi ka sure na okay."
"Okay na po ako. Uwi na tayo, ate. Tataas ulit bill natin kung mananatili pa ako rito." Pakiusap ng kapatid ko. Tinitigan ko itong mabuti. Kita ko naman sa kanyang mukha ang kagustuhan niyang umuwi.
"Sige pala, kakausapin ko ang doctor mo. Kapag pinayagan kang umuwi ngayon ay uuwi tayo ngayon. Pero kung hindi... dito lang tayo."
"Opo, sige po. Ate, kilala mo si Nurse Lerry?"
"Oh, kilala ko. Bakit?"
"Gusto ka niya." Napahagikhik pa ito.
"Hoy! Ano ba iyang pinagsasabi mo. Tignan mo ang itsura ng ate. Tapos tignan mo iyong itsura ng lalaking nurse na iyon."
"Bagay." Kinilig pa ito.
"Itigil mo iyan, Rosally. Baka sa sobrang kilig mo'y hikain ka ulit. Wala akong panahon sa mga ganyan---"
"Sinasabi mo iyan kasi iniisip mong magiging hadlang iyan sa pag-aalaga mo sa akin. Ate, kapag mawala ako dapat sarili mo na ang pipiliin mo ha." Tinapik ko ang braso niya.
"Rosally, nakakainis ka na. Huwag kang nagsasabi ng ganyan. Marami pa akong pangarap para sa ating dalawa. Kaya hindi mo pwedeng iwan si ate. Tutuparin pa natin iyong mga pangarap ko at sa lahat ng iyon ay kasama ka. Diyan ka na nga muna. Kakausapin ko iyong doctor mo."
"Ate, p-arang puno na ang diaper ko." Sobrang putla nito, pero nang sabihin niya iyon ay bahagya pang nag-blush ang mukha nito.
"Dalhin kita sa CR?" tumango naman ito. Ipinuwesto ko muna ang wheelchair. Bago ko inalis ang kumot nito. Iyong dextrose nito ay isinabit ko na rin doon sa lagayan sa wheelchair. Saka ko siya binuhat. Mahirap, pero kinaya ko. Hindi na ako humingi ng tulong sa mga nurse na akma na sanang lalapit.
Kumuha na rin ako ng diaper para roon ko na isuot sa kanya. Saka ko itinulak ang wheelchair at dinala ito sa banyo.
Inalis ko ang diaper nito na puno na nga, bago ko siya binuhat at pinaupo sa toilet.
Habang nagbabanyo ito ay inayos ko muna ang diaper nito. Saka ako naghugas ng kamay.
"Ate, may pambayad po ba tayo sa ospital?" sinulyapan ko ang kapatid ko.
"Oo, Rosally. Mayroon tayong pambayad."
"Malaki po ba talaga ang sahod ng call center?"
"O-oo. Saka may ipon si ate para sa mga ganitong sitwasyon. Tiyak na malaki rin naman ang mababawas sa actual bill natin."
"Tapos na po." Hinila ko ang timbang may tubig. Iniabot ko rito ang tabo. Ito naman na ang sumalok at naghugas ng pwet niya.
Doon ko na rin isinuot sa kanya ang diaper. Tagaktak ang pawis ko pero hindi ko iyon pinansin. Nang maisuot ko na sa kanya ay ibinalik ko siya sa wheelchair niya. Inayos pa saglit bago ko siya ibinalik sa hospital bed niya.
"Diyan ka lang. Magbre-breakfast ka muna. Tapos kakausapin ko si doc saglit." May naghatid naman na ng breakfast. Kaya umalis na ako. Naglalakad ako sa hallway ng may mapansin akong lalaki. Galing sa isang silid. Pamilyar siya. Nang ma-realize ko kung sino ang kamukha ay dali-dali kong binalikan ang bag ko. Tamang katatanggap lang ni Rosally ng rasyon na pagkain. Hindi ko na muna ito kinausap. Iyong wallet ng lalaki kagabi ang pakay kong kunin. Nang makuha ko nga ay dali-dali rin akong lumabas. Pero wala na sa hallway ang lalaki. Sinubukan kong tignan pa sa lobby ng ospital pero wala na ito roon.
Napabuntonghininga ako. Sayang at hindi ko ito naibalik.
Sa totoo lang ay natutukso akong itago na lang iyon. Malaking tulong sa amin iyon ni Rosally... pero alam ko namang mali lalo't hindi naman ito sa amin. Ibinalik ko na lang muna sa bag. Saka ko hinanap ang doctor ni Rosally.
Nang makita ko ay agad naman ako nitong kinausap.
Medyo matagal-tagal ding usapan.
"Ate, pinayagan ba tayong umuwi ngayon?" tanong agad ni Rosally sa akin.
"Hindi eh, bukas pa raw."
"Gano'n po ba. Okay lang po ba sa inyo iyon?"
"Aba'y oo naman. Okay lang sa ate iyon. Pero mamaya aalis din ulit si ate ha."
"Opo. Kahit hindi ninyo na rin po ako pabantayan dito. Pwede naman po akong humingi nang tulong sa mga nurse. Saka po deretso na po kayo sa bahay para makatulog po kayo nang maayos."
"Rosally, kaya ko naman. Huwag mo alalahanin si ate. Babawi na lang ako nang tulog bukas. Nabusog ka ba sa kinain mo?"
"Matabang, 'te. Pero inubos ko." Napahagikhik ako sa pagiging honest nito.
--
"MANANG CARIDAD, pwede po ba ulit kayong magbantay sa kapatid ko?" tanong ko sa ginang na nakasalubong ko sa kalsada. Pauwi pa lang ako. Dala ko iyong pinagbihisan ni Rosally.
"Naku! Ayaw ko na. Saka na ako magbantay kapag nakauwi na siya sa inyo. Ang baho-baho ng amoy sa ospital." Umirap pa ito sa akin na parang kasalanan kong matapang ang amoy roon.
"Pero kasi po may pasok po ako---"
"Wala akong pakialam, Bituin. Maghanap ka ng iba. Huwag Ako ang pilitin mo." Wala talagang choice kung 'di mag-isa muna si Rosally sa ospital.
Kapag hindi ako pumasok sa trabaho ko'y baka wala na akong trabahong balikan. Bawal ang absent doon. Well, sa akin lang naman. Iyong iba ay nakaka-absent. Palibhasa'y ako kasi ang may dalang malaking kita kay Mommy Rhea. Kaya naman ayaw niya akong pa-absent-in.
Nang layasan ako nito'y nagpatuloy ako sa paglalakad. Pagdating sa bahay ay saglit muna akong humiga. Ramdam ko ang pagod, pero kailangan ko pa ring kumilos dahil may pasok pa ako. Nakaidlip pa nga ako. Buti na lang at may kumalampag na kaldero sa kabilang bahay. Kaya napabalikwas ako nang bangon.
Dali-dali rin akong kumilos dahil bawal ang late sa trabaho.
Manang. Mukha talaga akong Manang, pero kapag nasa entablado na ay ibang persona ang nakikita nila.
Manang na Manang ako na umalis ng bahay. Pagdating sa club ay agad ding nagbago iyon. Nagpalit lang ako ng damit at nag-make up. Pagkatapos noon ay iba na ang nakikita kong itsura ko sa salamin.
"Bituin, galingan mo ha." Bilin nito bago ako sumalang sa entablado.
Iyong kaba ko ay parang kakambal na ng trabaho kong ito.
Hinding-hindi iyon maaalis.
Nang sumampa ako sa entablado ay hiyawan ng mga excited na customer ang pumuno sa club. Tinalo pa iyong nagsisimula pa lang na tugtugin.
Kumapit ako sa pole upang hindi ako tuluyang bumigay. Nanginginig kasi ang tuhod ko, parang kahit gabi-gabi ko itong ginagawa ay parang bago lang lagi sa akin ang lahat ng ito.
Nagsimula akong sumayaw. Maharot ang tugtog, gano'n din ang bawat pagpilantik ng aking katawan.
"Ang sarap mo talaga, Bituin!" hiyaw ng matandang lalaki. Gabi-gabi na lang itong narito. Alam ba ng misis nito na narito ito?
May mga nagbabato na ng tip. May mga nagre-request nang maghubad ako.
Kinukuha ko ang mga pera. Pero tuloy pa rin sa sayaw para mas ganahan sila. Tumalikod ako sa entablado.
Nagsimula akong mag-twerk, mas lalong lumakas ang hiyawan.
"Tangina, ang sarap. Pero mas masarap kung nakasagad ang t**i ko sa butas mo." Nakakadiri. Pero ito ang reyalidad sa club na ito. Ako ang pulutan ng mga pantasiya nila.
Ipinagpatuloy ko ang paggiling ko. Pero habang nagsasayaw ay napansin ko ang pagpasok ng mga pormadong kalalakihan. Magkakasunod sila. Mga men in black na hindi pumwesto sa mga bakanteng upuan.
Mukhang sa VIP ang tuloy ng mga ito. Nang matapos ang performance ko ay dali-dali akong bumaba ng stage. Wala si Mommy Rhea. Kaya naman mag-stay muna ako sa dressing room. May pagkakataon akong dagdagan ang kupit ko.
Nang pumasok ito ay malawak ang ngiti nito sa akin. Saka ko lang isa-isang inilabas ang tip ko.
"Bituin, may isang lalaki na nasa VIP. Willing na magbigay sa 'yo nang malaking pera."
"Po? Ayaw ko po."
"Ano ka ba naman? Sasayaw ka lang sa harap niya. Hindi ka niya hahawakan. Papanoorin ka lang niya. Ang arte mo, ha! 50/50 tayo sa kitaan. Pangako ko iyan sa 'yo. Malaking pera ang ibibigay sa 'yo. Ayaw mo bang maging maayos ang buhay ninyong magkapatid? Baka kapag naging regular iyon dito ay agad kang makapaghanap ng maganda at de aircon na bahay dahil sa laki ng kita mo. Pumayag ka na, itong tip hindi ko na kukunin." Mariin akong napalunok. Handa talaga si Mommy Rhea na ibigay sa akin ang tip? Ganoon ba talaga kalaki ang kita sa VIP room?