Chapter Five
Muli ay tumanggi ako sa offer nito. Kaya dali-dali nitong binawi ang tip. Ang sama rin ng tingin nito sa akin. Halatang hindi na naman natuwa sa ginawa kong pagtanggi.
"Pagsisisihan mo talaga itong mga opportunity na dumarating sa 'yo na sinasayang mo. Baka kapag decided ka nang pumayag sa VIP ay baka makunat ka na. Anong difference nang pagsasayaw sa harap ng maraming tao at sa harap ng isa lang? Hindi ba't mas better kung isa lang ang nakakakita sa 'yo?"
Hindi kasi nito nauunawaan. Natatakot ako. Natatakot na baka hindi nakapagpigil din ang customer at bigla na lang manunggab.
Mas feeling ko'y safe ako kung nasa entablado ako kaysa sa harap lang ng VIP customer. Mas kaya kong tiisin ang takot sa entablado.
"Next time na lang po siguro, Mommy Rhea." Tinitigan ako nito. Masamang titig iyon.
"Sayang ang opportunity. Sobrang sayang, Bituin. Baka kapag nagustuhan ka noon ay maging sponsor mo pa siya. Pwedeng mabago ang buhay mo ng taong iyon---"
"Sa ibang girls ninyo na lang po---"
"Ikaw nga ang gusto, Bituin. Hindi ka naman makaintindi. Naghihintay siya sa taas."
Nang makita nitong wala talaga akong balak na pumayag ay wala na rin naman itong nagawa pa. Gaya ng routine ko, after performance ay naghanda na rin ako sa pag-uwi. Hindi na nga ako pinansin ni Mommy Rhea noong nagpaalam ako rito.
Nauunawaan ko naman ito. Kung totoong magbabayad ng malaki ang customer ay malaking tulong iyon sa club. Pero ipinangako ko kasi sa sarili ko na hindi ko papasukin iyon. Sobra na sa akin iyong pagiging dancer sa club na iyon, baka hindi ko na maibangon pa ang sarili ko kung pati iyong pag-v-vip performance ay patusin ko na.
Deretso agad ako sa ospital. Tulog na si Rosally kaya naman natulog na lang din ako sa gilid ng kama. Nang hindi makontento sa pwesto ko ay inalis ko ang upuan at iyong dinala kong blanket ay isinapin ko sa sahig saka ako humiga roon. Sobrang lamig dito pero wala naman choice kung 'di magtiis. Hindi ko afford ang private room.
Kinaumagahan, dahil okay na si Rosally ay inilabas ko na rin siya. May wheelchair pa noong nasa ospital. Pero pagdating sa bahay ay binuhat ko na lang siya. Saka dinala sa higaan namin.
"Nasira na po pala iyang wheelchair ko." Malungkot na ani ng kapatid ko. For sure iniisip nitong mas lalo na naman itong magiging pabigat sa akin.
"Ayos lang iyan. Luma na rin naman na eh. Ibibili na lang kita." Nanulis ang nguso nito.
"Pero ang laki na naman nang gastos mo sa ospital, ate. Okay na po ito. Gagapang na lang ako---"
"Ibibili kita. Kung hindi tayo ulit bigyan sa munisipyo... ibibili na lang kita."
"Mahal po---"
"Mas mahal kita kaysa sa ano pa mang bagay na kailangan mo. Kapag nakaipon ng kaunti ang ate ay hahanap na rin ako ng pwede nating lipatan. Iyong bahay na walang kapitbahay na mahilig magsunog sa bakuran."
"Pero hindi ka po nakakapag-ipon dahil sa akin---"
"Kayang-kaya ni Ate Bituin iyan. Makakaipon ako. Tiwala lang kayo ate, ha."
"Sorry po."
"I love you. Mahal kita. Lablab ka ng ate." Niyakap ko pa ito.
"Salamat po sa pagmamahal."
"Sandali lang. Naghahanda ako ng tanghalian. Doon ka muna sa papag sa labas. Mas presko roon. Magsuot ka muna ng facemask. Kung dito ka kasi sa loob ay masyadong mainit."
"Opo." Binuhat ko ito patungo sa papag. Mahangin naman at may lilim dahil sa punong mangga.
"Dito ka lang, ha. Huwag aalis. Kung may kailangan ka ay tawagin mo si ate." Mariing bilin ko rito.
"Opo." Kailangan ko rin itong bilinan. May pagkakataon kasing nagiging pasaway ito, gaya nga nang sabi ko'y minsan ay para itong isip bata.
Ang laki rin talaga ng naging epekto ng aksidente sa isip ng kapatid ko.
Pagdating sa kusina ay agad akong naghanda ng tanghalian.
Chap suey na may sahog na atay. Nakasingit pa naman kanina na bilhin iyon sa nadaanan naming talipapa kanina.
May tira pa sa mga kupit ko, alam kong mali iyon. Pero kasi kung aasa lang ako sa sahod ko'y magigipit ako masyado. Lalo't palaging kailangan isugod ang kapatid ko sa ospital.
Habang abala ako sa kusina ay hindi ako nakakalimot na sumilip sa labas. Nakahiga lang doon si Rosally. Tahimik.
Nang makapagluto ako ng kanin at ulam ay nagsandok na agad ako at doon ko na inihain. Tinulungan ko pa ito sa pag-upo. Dahil sa kapayatan ay hirap talaga ito kahit sa ganoong bagay. Kahit nga ang gumapang ay mahirap din dito.
Pero may pagkakataon na ginagawa nito para lang hindi na maging pabigat sa akin.
Pero hindi siya pabigat. Kahit kailan ay hindi ko titignan ang kapatid ko sa gano'n paraan. Hindi siya pabigat sa buhay ko. Para siyang nagsisilbing kong ilaw. Baka kapag nawala ang ilaw na iyon ay tuluyan na rin akong mawala. Kaya gagawin ko ang lahat para manatili siya sa tabi ko.
"Kain na tayo."
"Wow, ang sarap po." Hindi kami madalas na nakakakain ng ganitong pagkain. Madalas kasi'y ang priority ko ay gamot at mga kailangan ni Rosally. Bihira lang talaga... kapag malaki lang ang kupit.
"Ate, ang sarap po humiga sa hospital bed. Saan po ba nakukuha iyong gano'n? Ang lambot po. Tapos po sa ospital ay ang lamig. Ang ganda po roon---"
"Ibibili na lang kita ng foam at electric fan. Iyon kaya ni ate iyon. Hindi pa kaya ang aircon. Saka lalabas ang aircon kapag sa bahay ipwepwesto."
"Wala naman tayong kuryente, ate."
"Magpapakabait tayo. Mas maganda kung hindi ka naiinitan. Kailangan mahangin para hindi ka matuyuan ng pawis."
"Mahal iyon, ate."
"Gagawa ako nang paraan." Saka ko naalala iyong wallet na napulot ko. May naghahanap pa kaya roon? Ang daming cash no'n. Pwedeng-pwede sanang pampakabit ng kuryente, pambili ng electric fan, at foam.
Noon naman ay may kuryente. Kaso lang jumper lang kay Manang Prencesita. Sa kanya kami nagbabayad para lang may ilaw. Pero bigla na lang isang araw na ayaw na nito.
"Kaya mo po ba? Ako po wala bang pwedeng trabaho? Para makatulong po ako sa inyo---"
"Mapapagod ka lang, Rosally. Kaya na ni ate ito. Magtiwala ka lang sa ate, ha."
"Kailan po tayo magkakaroon ng mga ganoon?" halata namang excited ito. Pero parang pinipigilan nito ang sarili niya.
"Pwede sa sabado? Walang pasok si ate."
"Excited na ako." Nang aminin nito ay napangiti ako.
Mas gusto ko iyon, iyong vocal ito.
"Kain na pala. Para mas ganahan si ate na bilhin ang mga gusto mo." Inasikaso ko ito. May pagkakataong sinusubuan ko pa ito para lang makakain ito nang maayos.
"Ate, si Nurse Lerry tinatanong niya kung may nobyo ka na raw."
"Anong sinagot mo?"
"Sabi ko'y wala. Tapos sabi ko pa'y kung gusto niyang manligaw ay pwede."
"Rosally!" nabiglang ani ko. Humagikhik ito, tunog na parang musika sa pandinig ko.
"Bagay po kasi kayo. Saka mukha po siyang mabait."
"Wala akong oras sa ganyan."
"Kasi ang oras mo ay nasa akin na lang. Dapat talaga ay nawala na lang ako---"
"Rosally, itigil mo iyang ganyan. Nasasaktan sabi ako kapag naririnig kitang nagsasabi ng ganyan. Huwag naman ganyan, bunso."
"S-orry." Napayuko pa ito. Baka sa usapan naming ito ay bigla na lang itong magdamdam. Kaya sinubukan kong baguhin pa ang takbo nang usapan.
"Kapag may kuryente na tayo, susubukan din ni ate na makaipon para makabili tayo ng cellphone. Iyong de keypad. Nagtatawagan tayo roon. May laro rin doon na pwede nating laruin. Iyong snake-snake, maganda iyon."
"Paano mong nalaman? Hindi ka pa nagka-cellphone."
"Nakikita ko sa mga katrabaho ko. Ang astig no'n, Rosally. Magkakaroon din tayo no'n." Sinubukan ko siyang muli.
"Okay po. Ang dami mo pong pangarap sa atin. Hindi ka po napapagod?"
"Paano ako mapapagod? Ikaw kaya itong lakas ko. Mas lalong magiging palaban si ate, dahil iyon sa 'yo."
Paulit-ulit man kami sa topic na ito ay hindi ako mapapagod. Never mapapagod.
Sa dami ng mga gusto kong mangyari ay kailangan ko pang galingan sa pagsayaw... at sa sabado. Kung hindi ko maipon iyong mga tip na nakukupit ko. Wala akong choice kung 'di galawin iyong perang napulot ko. Mali, pero simula nang maulila kami ay puro na lang ako kapit sa patalim. Mas mabuti ng ako ang masugat, kaysa ang kapatid ko. Kakapit pa ako nang mabuti. Pag-iigihan ko pa.