Hindi magkandaugaga ang assistant ni Tiffa sa kabubuntot sa kaniya. Narito siya ngayon sa isang sikat na shopping mall ng mga luxury brands at nagsa-shopping. Halos matabunan na ng mga paper bag at box ang alalay niyang si Karen dahil sa dami ng bitbit nito. Mga pinamili iyon ni Tiffa at pinabuhat niyang lahat dito, ni isang paper bag ay hindi niya ginawang bitbitin para naman sana makatulong man lang sa kaniyang alalay.
Ang totoo ay gasgas na gasgas na ang mga credit cards niya dahil sa kaka-swipe. Kung may kakayahan nga lang sana ang mga itong magsalita at magkaroon ng sariling buhay ay kanina pa ang mga ito nagreklamo at nag-walk out dahil sa pagiging abusado ni Tiffa sa kanila.
"Miss Tiffa, baka gusto niyo naman pong magpahinga kahit sandali lang," sabi ni Karen, hindi na nito makita ang kaniyang dinaraanan sa taas ng mga box na kaniyang buhat na halos lumagpas na sa kaniyang ulo. Limang box ng mamahaling sapatos iyon, iba pa ang mga paperbag na ginawa na lamang nitong isabit hanggang sa braso para madala lahat.
Napahinto sa mabilis na paglalakad si Tiffa, mula sa alalay niyang nakabuntot sa kaniyang likuran ay ginawa niyang pumihit paharap dito.
Nangunot ang noo niya, sinamaan niya ng tingin ang kaniyang alalay na sa pagkakatanda niya ay limang taon nang naninilbihan sa kaniya.
"And who are you to tell me when to stop? Ngayon pa nga lang ako nag-eenjoy mag shopping tapos ikaw napapagod na agad," inis at nakapamewang pang sabi ng dalaga.
"Hindi naman sa ganun, Miss! Kahit sandali lang sana. Kahit ako lang ang magpahinga nang saglit. Ipagpatuloy mo lang ang pagsa-shopping mo. Hindi naman dahil sa napapagod na ako kaya gusto kong magpahinga, ang totoo ay gusto ko lang namang ayusin itong mga bitbit ko. Namamanhid na kasi ang mga kamay ko, tsaka yung mga daliri ko parang hindi na dumadaloy ang dugo, nangingitim na, kahit tingnan mo pa," paliwanag nito.
Umismid si Tiffa at pagkatapos ay bumuga ng hangin sa ere. Nasapo nito ang ulo na para bang biglang nakaramdam ng pananakit. Ni hindi man lamang ito kinakitaan ng concern sa kaniyang alalay, lalo lang itong nairita.
"Stupid! Why didn't you call Franco to pick them up and take them to the car? Ikaw nga Karen, minsan naman gamitin mo 'yang kukote mo. Tawagan mo na si Franco, ngayun din," makapangyarihang utos niya rito. Sa buwisit niya sa kaniyang alalay ay napakamot siya ng ulo kahit hindi naman makati iyon.
"Si-sige, Miss Tiffa , tatawagan ko na si Franco," tarantang sabi nito.
Ang tinutukoy na Franco ni Tiffa ay ang kaniyang driver/bodyguard, pinaiwan niya ito sa parking para bantayan ang kaniyang mamahaling sasakyan.
Aminadong shopaholic si Tiffa. Kahit pigilan niya ang sarili ay hindi niya magawang hindi mag-shopping at bumili ng mga bagay na sa totoo lang ay hindi naman niya talaga kailangan at hindi importante. Dahil nangangati ang mga palad niya at hindi mapakali sa paggastos ay iniwan na niya si Karen at dumiretso sa boutique ng mga alahas.
Kulang sampung minuto matapos tawagan ni Karen ang driver/bodyguard na si Franco ay
dumating na ito. Nakaupo siya ngayon sa isang bench malapit sa paanan ng elevator.
"Oh, ano na naman 'yan?" bungad na tanong ni Franco nang makita ang maraming box at shopping bags na nakaayos sa sahig sa tabi ng kinauupuan ni Karen. Bantay sarado niya ang mga iyon, mahirap na baka may pumitik ng isa at hindi niya mapansin, magagalit sa kaniya panigurado si Tiffa.
"Inatake na naman ng sakit niya ang amo natin. Ayon, ayaw ng tumigil sa kabibili. Dalhin mo raw 'tong mga ito sa sasakyan at ako naman ay susunod sa kaniya, hindi pa natatapos, first batch pa lang ito, mas marami pa ata ang susunod," nakasimangot na sabi ni Karen.
"Mainit ba ang ulo ni Miss Tiffa?" tanong ni Franco, hindi nito pinansin ang mga sinabi ng alalay ni Tiffa.
"Kailan ba lumamig ang ulo no'n? Natural mainit ang ulo, tinawag pa nga akong stupid kanina. Bakit may sasabihin ka ba sa kaniya?"
Tumango ang driver/boduguard. "Oo sana," alanganing sabi nito sabay kamot ng ulo.
"Huwag mong sabihing babale ka? Naku Franco, ang dami mo pang utang."
"Hindi... hindi 'yon ang sasabihin ko," anito sabay iling.
"Eh, ano?" interesadong tanong ni Karen.
"Magpapaalam na sana ako, magre-resign na ako sa trabaho ko."
Nanlaki ang mga mata ni Karen. "Ha? Bakit ka magre-resign? Napagalitan ka na naman ba ni Miss Tiffa? Ito naman masyadong sensitive, hindi ka na nasanay, ipinanganak nang maldita ang amo natin. Ipasok mo na lang sa isa mong tenga tapos ilabas sa kabila. Ikaw lang ang tumagal na driver/bodyguard niya. Dapat maging proud ka sa sarili mo dahil nakaabot ka na ng three months. Nagawa mo nga ng ganun katagal, bakit hindi mo pa itodo? 'Yung iba nga two days palang sumuko na."
"Hindi naman dahil sa hindi ko matagalan ang ugali ng amo natin kaya gusto kong umalis. Natanggap na kasi ako sa trabahong inaplayan ko sa abroad. Ipinapaayos na sa akin ng magiging employer ko ang mga papeles na kailangan ko para makarating do'n. Hindi ko magagawa ang paglakad-lakad ng mga requirements ko kung nagtatrabaho pa rin ako kay Miss Tiffa. Isa pa, higit na malaki ang magiging sahod ko ro'n kung sakali. Kung ikaw ang nasa katayuan ko, ano ba ang pipiliin mo? Siyempre 'di ba doon sa trabaho na kikita ka ng mas malaki?"
Tumango si Karen. "Sabagay tama ka. Pero, kapag umalis ka sino na ang papalit sa'yo? Ako na naman ang mamomroblema kung saan ako hahanap ng ipapalit sa 'yo. Kukulitin na naman ako nito ni Don Mariano," problemadong sabi nito.
"Wala na akong magagawa sa bagay na 'yan. Kailangan ko nang mag-resign sa lalong madaling panahon dahil baka mainip ang employer ko sa kahihintay sa akin magbago pa ang isip at palitan ako."
"Tsh! Bahala ka na nga. Ikaw na ang kumausap sa kaniya, tutal problema mo naman 'yan. Kapag sinabon ka sa sermon, magbanlaw ka na lang pag-uwi," pagbibiro ni Karen sabay tawa.
_
"Good evening, Dad!" bati ni Tiffa sa kaniyang ama nang sa pag-uwi niya galing sa pagsa-shopping ay madatnan niya ito sa kanilang sala. Hindi niya sana mapapansin ito at didiretso na ng akyat sa hagdan patungo sa second floor kung hindi lang ito tumikhim para iparamdam sa kaniya ang presensiya nito.
"What are those bags for, Tiffany?" kunot tanong ng kaniyang ama nang makita nito si Karen, kasama ang dalawa pang kasambahay na may bitbit na shopping bags sa magkabilaang kamay at lumalakad ang mga ito patungo sa direksyon ng hagdan.
"It's a shopping bag, Dad, can't you see? I got bored so I went on shopping," balewalang sabi ni Tiffa.
"And how much did you spend for those things this time?"
"I don't know how much exactly, Daddy, but I think more or less three million pesos," sagot ng dalaga na para bang maliit na halaga lang ang tinutukoy nito.
"Tsk! You're wasting too much money, Tiffany. Ang mahal mo namang ma-bored. Bakit hindi na lang sa ibang makahulugang bagay mo ibaling ang pagiging bored mo? Why don't you just play tennis or golf instead?"
"A big no to golf, Dad. Ayokong masunog sa init. Sayang ang kutis ko. Ayoko ring mag-tennis, nakakapagod. Shopping is the best, nawawala ang stress ko kapag nagsa-shopping ako."
"Ano ba'ng gagawin ko sa'yong bata ka? Lagi mo na lang sinusunod kung ano ang gustuhin mo. You're Mom told me na lahat ng mga pinamili mo last week ay nakatambak lang sa walk in closet mo at hindi pa man lang nagagalaw sa mga bag, tapos ngayon nagdagdag ka na naman."
Napaismid si Tiffa. "Correction, Dad, It's Tita Ellise not Mom. She's not my mom. My mom is in heaven already," asar na sabi niya habang umiikot pa ang mga mata. Naiinis siya sa kaniyang stepmother dahil sa pagiging sumbungera at pakialamera nito lahat na lang ng gawin niya ay pinakikialaman at isinusumbong sa kaniyang ama.
"Kailan mo ba matatanggap si Ellise bilang ina? She's been my wife for almost fifteen years now."
"Never, Dad. Nag iisa lang si Mommy sa puso ko. Kung siya nakaya mong kalimutan ako hindi. Mom will always be in my heart forever. Kung wala ka ng ibang sasabihin sa akin ay aakyat na ako sa kwarto ko, I'm tired gusto ko nang magpahinga."
Wala ng nagawa si Mariano kung hindi ang mapabuntong hininga na lamang. "Okay, you may go now," napipilitang sabi nito.
Alam niyang siya ang may kasalanan kung bakit lumaking ganu'n ang kaniyang anak. Ang akala niya ang pagsunod sa lahat ng gustuhin nito at pagbibigay rito ng lahat ng luho ay magpupuno sa mga pagkukulang niya rito bilang ama. Sa edad na dalawang taong gulang pa lang ay naulila na sa ina si Tiffa. Namatay ang kaniyang asawa dahil sa cancer. Pinalaki niyang mag isa ang kaniyang anak. Dahil kailangan niya ring magtrabaho at tutukan ang kaniyang kompanya at mga negosyo ay iniiwan lang niya ang anak sa pangangalaga ng mga yaya nito. Para maging masaya ito ay binibili at binibigay niyang lahat ng gustuhin nito. Lumaking spoiled si Tiffa, hindi nakaranas ng kahit na anong hirap kaya ibang-iba ang ugali nito sa karaniwang mga bata. Maiksi ang pasensiya nito, maldita, walang amor sa ibang tao at laging sarili lang ang iniisip.
Habang umaakyat ng hagdan si Tiffa ay napahinto siya ng makasalubong niya ang kaniyang stepmother na si Ellise na ngayon ay pababa naman ng hagdan. Hindi niya ito binati bagkus ay inisnab pa niya. Nagpatuloy siya sa paglalakad at nilagpasan lamang ito.
Napapailing na lamang si Ellise sa kagaspangan ng ugali ng kaniyang stepdaughter. Kahit na kailan talaga, sa labing limang taon niyang kasama ito sa iisang bahay ay wala siyang maalala na kahit isang beses lang na pinakisamahan siya nito ng maayos. Kahit ano'ng pag-aadjust ang gawin niya ay hindi pa rin niya makuha ang loob nito. Mahal niya ang kaniyang asawa at gusto niyang maging maayos ang kanilang pamilya, ngunit hindi iyon mangyayari hanggang hindi sila nagkakasundo ni Tiffa.
Pagpasok ni Tiffa sa kaniyang silid ay ibinagsak agad niya ang patang katawan sa malambot niyang kama. Kahit pagod ay masarap sa kaniyang pakiramdam na nakapag shopping na naman siya. Hindi niya alintana ang laki ng halaga na nagastos niya na katumbas ay kayamanan na para sa mga mahihirap.
Kung tutuusin ay marami na siyang kapos palad na pamilya na mapapakain sa pera na iyon. Marami na siyang mga may sakit na matutulungan at madudugtungan ang buhay kung idinonate na lamang niya ang mga perang nagastos niya sa pagsa-shopping.
Ngayon kasama ng iba pa ay nakatambak lang ang mga iyon sa kaniyang walk in closet at malamang ay aamagin na lamang ang iyon doon dahil wala siyang time na ayusin ang mga ito. Hindi niya ipinauubaya sa mga kasama nila sa bahay ang pag aayos ng kaniyang mga gamit kahit na kay Karen dahil wala siyang tiwala sa lahat. Ang paningin niya sa mga taong mas mababa sa kaniya ay pagsasamantalahan lamang siya at nanakawan, kahit halos ang lahat ng tauhan nila sa bahay ay tumanda na lamang sa pagsisilbi sa kanilang pamilya.
Ilang saglit pa ay may narinig siyang sunod-sunod na pagkatok mula sa labas ng pinto. Tinatamad siyang tumayo dahil masakit ang mga paa niya sa kalalakad kanina kaya lang ay ayaw tumigil ng mga katok kaya napilitan na siyang tumayo para buksan iyon.
"Anooo?!" malakas at pagalit na sigaw niya kay Karen na nabungaran niya sa labas ng kaniyang pinto.
Napalundag naman sa sobrang gulat si Karen, hindi niya inaasahan na sisigawan siya ng kaniyang amo. Para itong dragon na bumuga ng apoy, pakiramdam niya ay natusta siya.
"Bakit ka ba katok nang katok? Ang ingay-ingay mo nagpapahinga ako! Ano ba ang kailangan mo?"singhal niya rito.
Gustong sisihin ni Karen si Franco. Nang dahil sa pamimilit nito na puntahan niya si Tiffa ay nasinghalan pa tuloy siya ng masungit nilang amo.
"Ah, Miss..." alanganing sabi nito na hindi alam kung itutuloy pa ba ang sasabihin o aalis na lang?
"Ano nga? Bakit hindi mo pa sabihin? Lalo mo lang akong iniinis, Karen!"
"Eh, Miss...napag utusan lang ako ni Franco, gusto niya kasing makausap ka importante lang daw."
"Ayokong makipag usap sa kaniya, wala ako sa mood. Ano ba ang gusto niyang sabihin bakit hindi na lang ikaw ang magsabi?"
"Miss, 'di ba dapat si Franco ang magsabi sa'yo, siya na lang tanungin mo?"
"Ah, pabababain mo pa ako para makausap lang siya ganu'n ba? Sabihin mo na kung alam mo habang nakakapagtimpi pa ako sa 'yo."
"Ka-kasi, Miss... magpapalam na raw si Franco. Magre-resign na raw siya dahil natanggap siya sa inaplyan niyang trabaho sa abroad," pikit matang sabi ni Karen. Sa sobrang takot niya kay Tiffa ay halos magkandautal-utal na siya.
Saglit na natahimik si Tiffa. "Yun lang naman pala, eh, bakit may papikit-pikit ka pa d'yan? Kung gusto ng umalis ni Franco wala akong pakialam, sige umalis siya. Basta siguraduhin niyo lang na ikaltas sa backpay at sasahurin niya ang mga utang niya sa akin. Sige na umalis ka na, istorbo ka sa pagpapahinga ko," pagtataboy nito sa kaniyang alalay. Tangkang isasara na niya ang pinto ng pigilan siya ni Karen.
"Pe-pero Miss, sino na ang magda-drive sa'yo simula bukas?" alanganing tanong nito.
"Di ako sino pa ba? Anong tingin mo sa akin hindi marunong mag-drive?" pasinghal na sabi nito. "Sige na, umalis ka na sabi. Subukan mo pang magtanong makakatikim kana ng batok sa akin!"
Magsasalita pa sana si Karen ang kaso ay pinagbagsakan na siya ng pinto ni Tiffa.
Nakaramdam ito ng panghihina. Maisip pa lang niya na si Tiffa ang magda-drive ay nanginginig na ang mga tuhod niya sa sobrang takot. Kaskasero si Tiffa, mabilis at walang ingat kung magmaneho. Kapag sakay siya nito ay dinaig niya pa ang sumakay sa rides. Halos bumaliktad ang sikmura niya sa hilo. Hindi pa iyon ang problema niya, tuwing si Tiffa ang nagda-drive ay lagi silang naaaksidente. Kung marunong lang sana siyang magmaneho ay siya na lang ang magpe-presinta. Kaya lang, kahit pinag-aral na siya ni Don Mariano ng driving lesson ay hindi pa rin siya natuto. Sumuko na lang siya dahil hindi niya kaya, isa pa ay magugulatin siya baka kapag binusinahan lang sila ng truck sa likuran niya ay kung ano na ang magawa niya sa pagkataranta, baka mas lalo lang silang maaksidente.
Problema na naman niya ngayon ang paghahanap ng ipapalit kay Franco, hindi uubra na si Tiffa ang magmamaneho. Kung hindi sa presinto ay malamang sa ospital sila pupulutin kung sinuwerte pa sila ng lagay na 'yon, pero kung hindi naman ay malamang sa malamang sa morge na sila pi-pickupin ni Don Mariano.