Chapter Three•

2409 Words
Alas kuwatro pa lang ng umaga ay gising na si Archer, nagsibak na siya ng kahoy at nagluto ng almusal para makakain ang kaniyang mga kapatid bago pumasok sa eskwela. "Kuya, natastas ang palda ko," pagsusumbong ni Clarissa, bitbit ang kaniyang palda na may mahabang punit, sumabit iyon sa barb wire na bakod ng kapitbahay na kaniyang pinagsampayan, sa pagmamadali ay hinatak niya ito ng kunin kaya sumabit sa talim. Napakamot ng ulo si Archer. Dahil isang pares lang ang school uniform ng kaniyang mga kapatid ay wash and wear ang mga ito, pag uwi galing eskwela ay lalabhan na agad at isasampay. "Ikaw naman Clarissa, bakit ba hindi ka nag iingat?" dismayadong sabi ni Archer. "Sorry Kuya," paumanhin ni Clarissa. "O, sige ako na ang bahala rito, kumain na kayo ni EC Boy tapos maligo agad para hindi kayo ma-late, malayo-layo pa ang lalakarin ninyo," utos niya sa mga kapatid. "Opo, Kuya. Halika na EC Boy," hinatak ni Clarissa ang bunsong kapatid papuntang kusina, si Archer naman ay hinanap ang lata ng lumang ice cream na ginawa ng nanay niyang lalagyanan ng mga gamit sa pananahi. Nakita niya iyon na naka-display sa pinaka itaas na bahagi ng tokador kaya agad niyang inabot. Kumuha siya ng sinulid at karayom sa loob niyon, naupo siya sa paanan ng hagdan at sinimulan ng tahiin ang lumang-luma ng palda ng kapatid. Dalawang taon na kasing pinagtitiyagaang gamitin ni Clarissa iyon, maiksi na nga sa kaniya dahil tumangkad na siya. Naawa si Archer sa kaniyang mga kapatid, gustuhin man niyang ibili ang mga ito ng bagong uniporme kaya lang ay mas inuuna niya ang mga gamot ng kanilang ina. Naiintindihan naman iyon ng kaniyang mga kapatid at wala silang reklamo. Ganun pa man kahit hindi kumpleto at karamihan ay luma na ang mga gamit sa eskwela nila EC Boy at Clarissa ay hindi hadlang iyon para hindi sila mag-aral ng mabuti. Nangunguna sa kanilang klase ang magkapatid at proud na proud si Archer sa mga ito, worth it ang paggising niya ng maaga tuwing umaga para ipagluto ang mga ito ng pagkain at asikasuhin ang mga pangangailangan sa pagpasok. Dahil wala silang plantsa ay tinuwid na lamang ni Archer ang palda ni Clarissa gamit ang kaniyang palad, pinasadahan niya iyon ng hagod sa pag asang tutuwid iyon ngunit kumukulubot lang din kapag binitawan na niya. Ilang minuto ang lumipas humarap sa kaniya ang dalawa na nakabihis na. Nakalahad ang kamay ng dalawa para sa kanilang baon. Dumukot ng pera sa kaniyang bulsa si Archer, limang pirasong tag lilimang pisong coins lang ang laman ng kaniyang bulsa kaya pinaghati na lamang niya iyon sa dalawa. "Oh, trese sa'yo Clarissa at dose naman ang sa'yo EC Boy." Binigyan niya ang dalawa ng tag sampung piso at ang limang pisong natira ay inabot niya kay Clarissa. "Bigyan mo ng dos si EC Boy," bilin niya sa kaniyang kapatid. "Huwag na po Kuya, kay Ate na lang yung dos ko, may babayaran pa kasi silang project sa school," sabi ni EC Boy. Saglit na natigilan si Archer. "Ganun ba? Sige hayaan ninyo kapag nakadiskarte si kuya, dodoblehin ko ang baon ninyo bukas. Ipagdasal ninyong hindi masira ang jeep ni Mang Kadyo, para makadami ng biyahe ang kuya ninyo." "Opo, Kuya," mabilis na sagot ng dalawa. Nginitian niya ang mga kapatid, ginulo niya ang buhok ni EC Boy at tinapik naman sa balikat si Clarissa. Lumabas na ng bahay ang dalawa ngunit hindi pa nakakarating sa tarangkahang kahoy si EC Boy ay ngumanga na ang swelas ng kaliwang sapatos nito sa harapan. "Kuya, ang sapatos ko, paano na 'to?" problemadong tanong ni EC Boy. "Huh! Natanggal na ang dikit. Teka lang hintayin mo 'ko, may kukunin lang ako sa loob." Muling pumasok sa bahay si Archer, hinanap niya ang natirang packaging tape na ginamit niya noong nagkarga sila ni Binggo ng mga karton sa palengke. Nakita niya ito sa ilalim ng lababo, nagmamadali na siyang lumabas at tinungo ang kapatid. "Ito ang solusyon sa problema mo," tuwang sabi ni Archer, sabay pakita kay EC Boy ng hawak niya. "Ano 'yan, Kuya?" kunot noong tanong nito. "Packaging tape," sagot ni Archer. "Oo nga, pero ano'ng gagawin mo d'yan?" tanong na naman nito, habang si Clarissa ay nakamasid lang sa kanila. "Manood ka at matuto," may himig pagmamalaki na sabi ni Archer. Kinuha nito ang paa ni EC Boy na may sirang sapatos at pinaikutan iyon ng packaging tape. "O, kita mo, hihiwalay pa ba ang swelas niyan? Hindi na 'di ba?" sabi niya na masaya sa ginawa niya. "Oo nga, Kuya, hindi na siya natatanggal," sang ayon naman ni EC Boy habang pinapraktis na maglakad sa sapatos na akala mo ay yari sa tape dahil halos mapuno na ito niyon. "Dahan-dahanin mo lang para hindi bumigay, huwag kang masyadong malikot, okay?" "Okay, Kuya," sagot ng bata. "Sige, umalis na kayo baka ma-late pa kayo," pagtataboy niya sa mga ito. Hinatid niya ang mga kapatid hanggang sa labas ng kanilang tarangkahang kahoy. Habang tinatanaw niya papalayo ang mga ito ay hindi niya maiwasan ang makaramdam ng lungkot. Sa harap ng mga kapatid ay pinapakita niyang masaya siya at ayos lang ang lahat kahit hindi. Awang -awa siya sa mga ito, gusto niyang ibigay ang lahat ng mga pangangailangan ng mga ito ngunit kahit anong kayod at pagpupursige niya ay hindi niya magawang mai-angat ang kanilang kabuhayan. Nang tuluyan ng nawala sa paningin niya ang mga ito ay papasok na sana siya sa loob para silipin kung gising na ang kaniyang ina ngunit natigilan siya ng may tumawag sa kaniyang pangalan. "Archer!" Nilingon niya ang humahangos na si Binggo. "O, Binggo, bakit ang aga mo naman? Mag-aalmusal pa lang ako." aniya, papasada sila ng jeep ngayon. Mag-aalas sais palang ng umaga ng mga oras na iyon. "Hindi tayo papasada ngayon," sabi ni Binggo. "Ha! Bakit?" gulat na tanong ni Archer, iyon pa naman ang inaasahan niya ngayong araw na pagkakakitaan. "May raket tayo, mas malaki at sure ball ang kita," may pagmamalaking balita ni Binggo. "Huh! Anong trabaho ba? Naku, baka ilegal 'yan, pass ako d'yan," tanggi niya. "Ano ka ba naman, Archer, nagsisimula palang tayong magsalita at maglakad ay magkaibigan na tayo, kailan ba naman kita ipinahamak? Isa pa alam mo namang mabait akong tao, kagaya mo lumalaban din ako ng patas." "Ano ba kasing raket ang sinasabi mo? Sabihin mo na hindi 'yung pinag iisip mo pa ako," may halong pagkainip na sabi niya. "Kilala mo naman si Mang Melchor, 'yung tatay ni Karla, na may bigasan sa palengke 'di ba? Kagabi tinanong ako ni Karla kung may gagawin daw tayo, sabi ko wala naman. Ang sabi niya kung gusto raw natin ng sideline, magtrabaho raw tayo sa kanila bukas, maghahakot ng mga bigas at dadalhin sa tindahan nila. Umoo na 'ko dahil ito siguradong pera na, yung kay Mang Kadyo pipti-pipti pa, swerte na lang talaga kung hindi tumirik sa maghapon ang jeep ni Mang Kadyo." "Sige nga, subukan natin," sabi niya, gustong-gusto niyang kumita ng malaki para maisingit na rin niyang mabilhan kahit mumurahin lang na sapatos si EC Boy. Alam niyang tutuksuhin ang kapatid niya sa eskwelahan kapag nakitang sir-sira na ang sapatos nito at may tape pa. Kumain lang siya ng konti, nagligpit ng mga kalat at pagkatapos ay binilinan ang kaniyang ina na kumain na lang kapag nagugutom, may itinabi na siyang ulam para rito. Sumabit sila sa jeep para makalibre ng pamasahe patungong palengke. "Karla, nandito na kami ni Archer." Lumapit sila sa bigasan ni Mang Melchor na nasa loob mismo ng palengke. Tuwang-tuwa si Karla nang makita si Archer. Nagniningning ang mga mata nito sa labis na kagalakan. "Huh! Nariyan na pala kayo. Kamusta Archer?kiming bati nito sa binata, iniligay pa ang buhok sa gilid ng kaniyang tenga. "Ayos lang naman, Karla," sagot ni Archer. Maganda si Karla, makinis ang morenang kutis, straight ang makintab at itim na buhok, malaman ito ngunit may korte ang katawan. "Nandun si Itay sa parking, nakaparada doon ang truck namin, kanina pa siya naghihintay sa inyo. Hahakutin ninyo ang mga sako ng bigas doon papunta rito," sabi ni Karla. "Ah, ganun ba? Sige pupunta na kami para makapagsimula ng maghakot," sabi ni Binggo. "Okay, sige," sabi ni Karla na hindi inaalis ang tingin kay Archer. Si Archer naman, ay hindi ito pansin dahil abala ang mga mata sa pag-ikot sa loob ng palengke. "Tol, halika na!" Nagulat pa siya ng tapikin ni Binggo ng malakas sa balikat. "O-oo," nabibiglang sabi niya. Habang naglalakad sila papunta sa parkingan ng mga sasakyan ay binalingan siya ni Binggo. "Ikaw naman, bakit hindi mo pinapansin si Karla?" tanong nito sa binata. "Ha, pinansin ko naman, ah," maang na sabi ni Archer. "Pinansin! Dapat nagpa-cute ka man lang, alam mo naman na patay na patay sa'yo yung tao. Jackpot ka na kapag si Karla ang napangasawa mo, hindi mo na poproblemahin ang bigas, kahit mahiga ka pa at maligo sa bigas." Kinutusan niya si Binggo. "Ikaw talaga, porke't may gusto sa akin sasamantalahin ko na. Hindi ako ganu'n, uy! Ang gusto ko yung mapapangasawa ko ay yung mahal ko." "Hu... masyado ka naman, dapat maging praktikal ka. Aanuhin mo kung mahal mo, magugutom ka naman. Kay Karla siguro na ang pagkain ninyo araw-araw." "Ah, ewan ko sa'yo, halika na nga. Ayon 'yung truck nila, oh." Itinuro niya ang elf na puti na may nakatatak na pangalan ng tindahan nila Karla sa pinto ng truck. Naroon si Mang Melchor at ang driver ng truck. Nagmamadaling lumapit ang dalawa sa ama ni Karla. "Mag Melchor, nandito na po kami," sabi ni Binggo. "Mabuti naman, magsimula na tayo para matapos ng maaga, singkwentang sako ng bigas ang hahakutin ninyo. Kaming dalawa ni Ernie ang mag aabot sa inyo ng mga bigas, kayo naman ang magbubuhat hanggang sa tindahan." "Sige po," sabi ni Archer. Inumpisahan na nila ang paghahakot. Bawat sako ng bigas ay 25 kilos ang laman. Hindi naman kalayuan ang parking sa tindahan nila Karla pero hindi pa rin biro iyon, sa dami ng bigas na hahakutin nila ay pagod agad si Binggo. Nakasampu na si Archer ngunit parang wala pa rin sa kaniya. "Mag-meryenda muna kayo, maramirami pa ang hahakutin ninyo," sabi ni Karla. Malaking bote ng softdrinks ang inilagay nito sa harapan ng dalawang binata na sinamahan ng baso para mapaghatian nila. May isang balot ng tasty na pinalamanan nito ng peanut butter ang ka-partner ng softdrinks. Naparami ang kain ng dalawa, hindi lang dahil sa gutom, ngayon lang kasi nalamanan ang tiyan nila ng tinapay na peanut butter ang palaman, lalo na si Archer na bihira pa sa patak ng ulan makakain ng mga ganu'n. Madalas kanin at ulam lang ang kinakain niya. Hindi na sila nagmemeryenda para makatipid, pero sinisigurado niyang tatlong beses pa rin sila sa isang araw kumakain. Ilang oras din ang ginugol nila bago maubos ang laman ng truck. Nang matapos sila sa paghahakot ay noon lang naramdaman ni Archer ang pananakit ng kaniyang katawan. Masakit na masakit ang balikat at likod niya ngunit higit na masakit ang katawan ng patpatin na si Binggo. Sulit naman ang ibinayad sa kanila ni Mang Melchor, bukod sa pera ay pinauwian pa sila ng Karla ng tag-isang kilong baboy at tag-limang kilong bigas, kaya naman tuwang-tuwa si Archer, malilibre na ang bigas nila ng ilang araw. Bago umuwi ay naghanap muna si Archer ng sapatos para kay EC Boy. Agad naman siyang nakakita ng plastic na itim na sapatos, mura lang pero mukhang matibay at pwede kahit maulan, bumili rin siya ng pasalubong na pagkain sa mga kapatid, buy one take one na hamburger at banana que. Pagkatapos ay dumiretso sila sa drug store at bumili ng gamot ng kaniyang ina. Kahit pagod ay masayang-masaya na umuwi si Archer. Naghiwalay na sila sa kanto ni Binggo. "Kita tayo bukas," sabi ni Binggo bago umalis. "Oo sige, agahan natin," sagot naman ni Archer. Nang makita siya ng mga kapatid na pumasok sa loob ng bahay ay agad nagsipagtayuan ang mga ito at sinalubong siya. Kasalukuyan kasing nag-aaral ang kaniyang mga kapatid. "Wow, Kuya, ang dami ng dala mo!" manghang sabi ni Clarissa. "Nagdasal ba kayo, pinagdasal niyo ba si Kuya?" nakangiting tanong niya sa mga kapatid. "Opo, Kuya, sa school, habang nagkaklase kami naalala kita, nagdasal ako na sana kumita ka ng malaki ngayon at sana maisipan mo akong bilhan ng sapatos," sabi ni EC Boy. "Very good, nagkatotoo ang dasal mo, ito may bagong sapatos ka na." Inabot niya ang plastic bag kay EC Boy at tuwang-tuwa ang bata na sinipat ang laman niyon. "Nagustuhan mo ba?" "Opo, Kuya, mukhang matibay, siguradong hindi na hihiwalay ang swelas nito." "O sige, isukat mo na kung kasya, tinantiya ko lang 'yan," utos niya sa kapatid. Mabilis naman na isinukat iyon ni EC Boy. "Kasyang-kasya lang, Kuya," sabi nito. "Mabuti naman at nagkasiya hindi ko na kailangang ibalik." "Clarissa, tawagin mo na si Inay, magmeryenda na kayo, may hamburger at banana que akong dala. EC Boy bumili ka ng softdrinks kay Aling Isaka." Inabutan niya ng singkwenta pesos ang kapatid, mabilis pa sa ipo-ipo na kumilos ito. Excited ito dahil ngayon na lang ulit sila makakainom ng softdrinks. Iniwan niya sa lamesa ang meryenda at dinala naman sa kusina ang bigas at ulam. Alas kuwatro pa lang ng hapon, maya-maya na siya magluluto ng hapunan. Balak niyang i-adobo na lang ang lahat ng baboy para hindi agad mapapanis at pwede pa kinabukasan pang almusal. "Anak, kumain ka na rin," aya ng kaniyang ina. Nakababa na ito sa munti nilang sala at kasalo ng mga anak sa miryenda. Lumapit siya sa kaniyang ina at nagmano. "Sige po, kumain lang kayo ng kumain, busog pa ako, maraming pagkain doon kina Mang Melchor. Pupunta po muna ako sa likod, magsisibak ako ng kahoy na panggatong. "Baka pagod ka na anak, magpahinga ka na muna, ipaubaya mo na lang kay Clarissa at EC Boy ang pagsisibak." "Oo nga, Kuya, mamumulot na lang ako ng maliliit na kahoy sa bakanteng lote," sabi ni EC Boy. "Ako na, kumain lang kayo d'yan pagkatapos gawin niyo na ang mga assignment ninyo." Dumaan siya sa kusina para makapunta sa likod bahay. Umupo muna siya sa putol na puno at ginalaw-galaw ang balikat. Naisip niyang kapag nakaluwag-luwag sila ay bibili siya ng kusinilya para mas mabilis na ang pagluluto. Pagod man ay masaya siyang naibibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Nawawala ang pagod niya kapag nakikitang masaya ang mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD