Archer's POV
"Archer, ang nanay mo hinimatay!"
"Putang ina! Nasaan si Inay?" tanong ko kay Binggo.
Itinapon ko sa lapag ang nakasubong stick ng sigarilyo sa aking bibig at tinapakan ko ito ng suot kong tsinelas para mamatay ang sindi. Inihagis ko nang walang pag-iingat ang tako na nakaipit sa aking kilikili at saktong bumagsak ito sa billiard table, tinamaan ang mga nakaayos na bola na naroon at nagkani-kaniya ang mga ito ng gulong. May mga na-shoot sa butas at ang iba naman ay kumalat sa lamesa.
Ako na sana ang nakasalang para tumira at sigurado na ang panalo ko dahil pulpol naman ang kalaban ko na si Tiago, kaya lang ay hindi ko inaasahan ang masamang balitang iyon ni Binggo.
"Sa palengke, naroon ang nanay mo kasama sina Clarissa at EC Boy," sagot nito na nakasabay sa mabilis na paglalakad ko, lumabas kami ng bilyaran.
"Pambihira! Ano na naman ang ginagawa ng mga 'yon sa palengke?" inis na tanong ko sa sarili, napahilamos pa ako sa aking mukha dahil sa matinding pagkadismaya. May sakit sa puso si inay at bawal sa kaniya ang mapagod.
Mabibilis na hakbang ang ginawa ko para makarating agad sa palengke na hindi naman kalayuan sa bilyaran na pinagtatambayan ko.
Naabutan ko si inay na nakaupo sa isang plastik na silya at pinapaypayan ng iba pang mga tindera na naroon.
Agad akong lumapit at tiningnan ang kalagayan niya. May malay na ito ngunit nanghihina pa at maputla ang mga labi.
Matapos kong magpasalamat sa mga taong tumulong kay inay ay binalingan ko ang aking mga nakababatang kapatid.
"EC Boy, Clarissa, halika na kayo uuwi na tayo," aya ko sa mga ito. Umupo ako patalikod kay inay. Kinuha ko ang mga kamay niya at pinakapit sa aking mga balikat. Pinasan ko si inay palabas ng palengke, tama namang nakatawag na ng tricycle si Binggo kaya pinaupo ko si inay sa loob kasama ng mga kapatid ko at ako naman ay pumuwesto ng upo sa likuran ng driver.
"Salamat, pare!" tinapik ko sa balikat ang matalik kong kaibigan at kababatang si Binggo bago sinenyasan ang tricycle driver na paandarin na ang sasakyan nito.
"Sige, dadaan ako sa inyo mamaya!" habol na sigaw ni Binggo nang palayo na kami. Tinanguan ko lamang ito at ibinaling na ang tingin sa daan.
Makalipas ang ilang minuto ay nasa harapan na kami ng tarangkahang kahoy naming gate. Inabutan ko ng trenta pesos si manong at inalalayan kong makababa si inay kasunod ang aking mga kapatid. Hinatid ko si Inay sa aming mumunting silid at maingat kong inalalayan na makahiga sa papag.
"Magpahinga muna kayo, Inay, kami na ang bahala ni Clarissa sa pagluluto ng tanghalian natin," sabi ko.
"Pero, wala pa tayong bigas at ulam, anak. Kaya nga kami pumunta sa palengke para sana humiram kay Mareng Wilma nang pera pambili ng bigas at ulam, ang kaso ay wala pala siya roon at hindi nagtinda ngayong araw," problemadong wika ni inay.
"Nay naman! Hindi ba sinabi ko nang ako na ang bahalang dumiskarte ng pagkain natin?Huwag n'yo na isipin ang mga bagay na 'yon," may diin sa tono ng boses na sabi ko.
Matigas kasi ang ulo ni inay, sa kagustuhan niyang makatulong sa akin ay lalo lang nalalagay sa peligro ang kalusugan niya. Ayokong pinag-iisip pa siya ng problema kaya kinakaya ko ang lahat. Simula ng mamatay si Itay ay ako na ang tumayong padre de pamilya. Menor de edad pa ang mga kapatid ko at gusto ko ay pag-aaral lamang nila ang kanilang aatupagin. Maasahan naman sila sa gawaing bahay lalo na si Clarissa, sa edad na kinse anyos ay magaling na itong maglaba at magluto. Samantalang si EC Boy naman ay labing isang taong gulang pa lamang ngunit tumutulong na ito sa mga gawaing bahay at minsan ay nauutusan ng mga kapitbahay na magtapon ng basura kaya kahit papaano ay may kinikita, maari ng makabili ng isang kilong bigas.
"Nakakahiya na sa 'yo, anak. Simula ng mamatay ang itay ninyo inako mo na ang lahat ng responsibilidad sa amin. Pati ang pangarap mo na makapag-aral ng kolehiyo ay hindi mo na natupad."
Bumuntong hininga ako nang malalim.
"Nay, huwag mo ng isipin 'yon, makakapaghintay naman 'yon. Kahit matanda na ako pwede pa akong mag aral, ang importante ngayon ay kayo at ang mga kapatid ko. Ipinangako ko kay itay na hindi ko kayo pababayaan kaya gagawin ko ang lahat para maging komportable ang buhay ninyo. Ang dapat mo lang gawin para makatulong sa akin ay magpalakas ka. Kailangan ka namin, huwag mo kaming iiwan kagaya ng ginawa ni itay sa atin. Ikaw ang pinaghuhugutan ko ng lakas kaya patuloy akong lumalaban at hindi nawawalan ng pag asa sa buhay. Manalig lang tayo sa Panginoon, Nay. Kakayanin natin ang lahat basta sama-sama tayo." Pagpapalakas ng loob ko sa aking ina.
Nakita ko ang butil ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata. "Oh, iiyak ka na naman, 'di ba sabi ng doktor bawal sa iyo ang mapagod at malungkot?"
Tumango si Inay. "Pasensiya ka na, anak. Hayaan mo sisikapin kong magpalakas para sa inyo." Pinilit niyang pasiglahin ang tono ng kaniyang boses.
Nginitian ko si inay at umupo sa gilid ng papag, hinaplos ko ang buhok nito na naglalabasan na ang mga puti. Patunay na hindi na bata ang aking ina at marami na itong pinagdaanang pagsubok at problema, ang mga puting buhok na iyon ang basehan. "Matulog ka na muna, Nay, gigisingin ka na lang namin kapag kakain na," sabi ko rito. Ginagap ko ang kulubot nitong mga kamay.
"Salamat, anak. Napakaswerte ko talaga at naging anak kita."
"Huh! Talagang swerte kayo sa akin, dahil bukod sa mabait na ako ay saksakan pa ako ng gwapo!" biro ko, gusto ko lang naman na pagaanin ang pag uusap namin ni inay dahil masyado ng madrama, para na kaming nasa isang soap opera sa tv.
Napangiti si inay sa sinabi ko. "Naniniwala ako sa 'yo anak. Hindi naman talaga maipagkakaila na gwapo ka dahil sa akin ka nagmana at halos lahat ng mga kababaihan dito sa atin ay nag-aagawan sa atensiyon mo. Wala ka pa bang natitipuhan sa kanila?"
Napakunot ang noo ko sa tanong na iyon ni inay. "Wala pa po sa isip ko ang pakikipagrelasyon, hindi ako maggi-girlfriend hangga't hindi ko kayo naiaahon sa hirap ng mga kapatid ko," puno ng determinasyon na sagot ko.
"Kung may magugustuhan at iibigin kang babae ay sundin mo ang puso mo, anak. Huwag mo kaming isipin ng mga kapatid mo."
Nanulis ang nguso ko sa sinabing iyon ni Inay. "Walang ibang mahalaga sa akin kung hindi kayo lang. Huwag na nga po natin pag usapan ang tungkol sa bagay na 'yan dahil malayo pa 'yong mangyari. Kawawa lang ang babae sa akin, dahil kapag nag-date kami sa turo-turo o sa fishbolan ko lang siya kayang dalhin. Magpahinga na nga kayo, Nay. Titingnan ko muna sa ibaba sina EC Boy at Clarissa." Tumayo na ako at bumitaw sa pagkakahawak kay inay. Tumango naman ito sa akin at umayos na ng higa. Lumabas na ako ng silid at bumaba sa tatlong baitang na kawayang hagdan at saka tinungo ang kusina. Nadatnan ko si EC Boy na nagpapadingas ng apoy habang si Clarissa naman ay naghuhugas ng bigas sa kaldero.
"Oh, saan kayo nakakuha ng bigas na isasaing?" takang tanong ko sa mga ito.
Tumingala si EC Boy at gusto kong matawa sa itsura nitong puno ng uling ang tungkil ng ilong.
"Nang lumabas ako ay tinawag ako ni Aling Isaka, Kuya. Tinanong ako kung ano raw ang paborito mong pagkain. Sinabi ko lang na isang kilong bigas at dalawang latang sardinas lang ay masaya ka na kaya ito inabutan ako ng bigas at sardinas. Sabi pa niya ay huwag mo na raw alalahanin ang bayad, bigay na lang daw niya sa 'tin," pagbibida ni EC Boy.
"Ikaw talagang bata ka, kinasangkapan mo na naman ako. Bukod doon ano pa ang ibang sinabi mo kay Aling Isaka?" tanong ko. Sa mga ngiti at tinginan ng dalawa kong kapatid ay alam kong ibinenta na naman ako ng mga ito sa matandang dalaga sa tapat namin na may tindahan.
"Wala, Kuya!" sagot nito na kakamot-kamot ng ulo.
Lumabas na ako ng bahay at nagsibak ng kahoy na panggatong, dinamihan ko na para mamayang gabi. Matapos kong magsibak ng kahoy ay kinuha ko ang dalawang timba sa likod bahay, makiki-igib muna ako ng tubig sa poso ni Aling Buding.
Nakaramdam ako ng init kaya hinubad ko ang suot kong t-shirt at isinabit ito sa aking balikat. Nasipagtabihan ang mga kababaihan na nakapila sa poso ng ako ay dumating. Para silang nakakita ng kung ano at nagniningning ang mga mata, nakabukas pa ang bibig ng mga ito at halos mahulog ang mga panga.
"Sige na, Archer ikaw na ang mauna," ang sabi ni Ofelia, kalapit bahay rin namin at kaklase ko simula elementary hanggang high school. Nagpaubaya na ito na mauna ako sa pila. Sumang ayon naman ang lahat, halos puro kadalagahan ang mga nakapila sa poso ni Aling Buding.
"Ay, naku! Huwag na, nakakahiya naman sa inyo ang tagal niyong nakapila riyan tapos mauuna pa ako sa inyo," mariing tanggi ko. Hindi ko dapat abusuhin ang kahinaan ng mga babaeng ito na alam kong lahat ay lihim na may pagtingin sa akin. Mas minabuti kong ako na ang magbomba habang isinasahod nila ang kanilang mga balde. Sa ginawa kong iyon ay mas lalo pa silang humanga sa akin.
-
"Hindi lang guwapo si Archer, noh, gentleman pa. Kinikilig tuloy akong lalo sa kaniya at saka nakita mo ba ang katawan, bato-bato? Ang tigas siguro ng mga masel no'n at grabe ang abs, panalo. Yummy talaga! Parang ang sarap manirahan sa dibdib niya. Napakaswerte ng babaeng magugustuhan niya, sana ako na lang talaga."
"Heh! Tumigil ka Alma, sa akin na si Archer, siya ang itinadhana para sa akin kaya huwag ka ng umeksena sa amin."
"Aysus! Mga hibang kayo! Para sa kaalaman ninyong lahat, boyfriend ko na si Archer ayaw lang niyang ipagsabi kaya manahimik kayo d'yan dahil wala na kayong pag asa, taken na siya."
"Tsk! Ilang katol ba ang tinira mo, Dora? Ang lakas ng tama mo, eh. Paano ka magugustuhan ni Archer hanggang ngayon nga ay hindi ka pa tinutubuan ng ngipin?"
Namutawi ang malakas na halakhakan ng mga kababaihan na naroon.
Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang usapan sa umpukan ng mga kadalagahan sa parang. Hindi nila namalayan ang presensiya ko. Lumihis na lamang ako ng daan para hindi ako pagkaguluhan ng mga ito. Ayoko ng atensyon kaya lang hindi ko naman mapigilan ang kababaihan sa lugar namin na huwag akong gustuhin. Nakakapagod din pala ang maging gwapo.
-
Kinagabihan ay pumasyal sa bahay si Binggo, may dala itong mga prutas at sinigang na baboy na ulam.
"Oh, sa'n ka nakadiskarte ng mga ito?" tanong ko rito, inabot ko ang mga ibinigay nito at ipinasa naman kina EC Boy at Clarissa. Mainit-init pa ang ulam na nakalagay sa maliit na kaserola. Suwerte na para sa amin ang makahigop ng mainit na sabaw kaya naman nakaramdam akong bigla ng gutom.
"Nakita ako ni Myrna sa palengke kanina, ang sabi niya dalhin ko raw sa inyo ang mga prutas at ipakain mo raw kay Aling Sonia makakatulong daw ang mga iyon para lumakas ang nanay mo."
Si Myrna na tinutukoy ni Binggo ay ang kababata namin na may prutasan sa palengke. Isa rin ito sa mga babaeng nagkakagusto sa akin.
"Ang ulam naman ay ipinaluto ko kay Ate Selya. Isang kilong baboy ang binayad sa akin ni Mang Melchor kanina noong kinarga ko ang mga bigas nila sa truck. Dinagdagan ko na lang ng gulay para gawing sinigang," dagdag na sabi pa nito.
"Salamat ng marami, tol!" tinapik ko ito nang malakas sa balikat. Kahit kailan talaga ay maasahan ko ang kaibigan kong ito.
"Tsh! Huwag ka sa akin magpasalamat kung hindi diyan sa gwapo mong mukha, dahil magkaibigan tayo pati ako ay nadadamay na maabutan ng grasya ng mga tagahanga mo. Mas madaling dumiskarte ng pera at pagkain kapag binabanggit ko na sa kanila ang pangalan mo. Alam mo bang dinagdagan pa ng anak ni Mang Melchor ang baboy na ibinigay niya sa akin kaya naman nahatian pa kita ng ulam. Ang sabi ni Karla, ilakad ko lang daw siya sa 'yo at araw-araw akong may supply ng bigas at baboy," pagbibida nito.
"Huh! Ikaw talaga, eh ano'ng isinagot mo?" dismayadong tanong ko.
"Ang sabi ko, oo ilalakad ko siya sa 'yo, kung gusto pa nga niya ay itatakbo ko siya para mas mabilis," tugon nito kaya hindi ko napigilan na siya ay kutusan dahil sa kaniyang mga kalokohan.
Hinimas nito ang ulo na tinamaan ng kamay ko. "Ano, ligawan mo na kasi si Karla para hindi ka na mamomroblema sa pagkain, may gulayan sila, babuyan at bigasan, saan ka pa? Jackpot ka na do'n," pangungumbinsi nito sa akin.
"Sira ulo ka talaga! Hindi ko gawaing manamantala. Itigil mo na 'yan at hindi nakakatuwa. Malakas ako at kaya kong magtrabaho, hinding-hindi ako aasa sa iba, lalong-lalo na sa mga babae!" singhal ko rito.
"Ito naman, joke lang naman 'yon, alam ko namang wala ka pang planong magka-girlfriend," bawi nito sa kaniyang sinabi.
Huminahon naman ako.
"Bukas alas singko pa lang bumiyahe na tayo, daanan mo ako rito at sabay na tayong pumunta kay Mang Kadyo.
Napakamot ng ulo si Binggo. Nagtatakang tiningnan ko ito. "Bakit ka nagkakamot may kuto ka ba?" tanong ko.
"Huh! Ano ka ba, tol? Wala siyempre porke nangangati ang ulo may kuto agad hindi ba pwedeng nilamok lang?" patanong na tugon nito sa akin.
Hindi ko pinansin ang sinabi nito.
"Bakit ano ba'ng problema, ayaw mo bang mag back ride sa akin?"
"Hindi naman sa ganun, tol, ang kaso kasi sirain naman ang mga jeep ni Mang Kadyo, mamaya niyan imbes na kumita tayo ay magagastusan lang tayo sa pagpapagawa. Ilang beses na ba tayong nasiraan sa daan noong huling ginamit natin ang jeep niya?"
"Sayang din kasi mababa lang ang boundary. Pagtiyagaan na muna natin habang hindi pa tayo nakakahanap ng bagong trabaho, kailangan kong may kitain kahit pambili lang ng maintenance na gamot ni inay," sabi ko rito. Kahit naman ako ay gusto ko ng sukuan ang mga bulok na sasakyan ni Mang Kadyo kaya lang ay pinagtitiyagaan ko na dahil siya lang ang bukod tanging operator na mababa sumingil ng boundary. Dagdag kita rin iyon, nakakatulong din para sa mga bayarin sa bahay at gamot ni inay.
"Okay, sige pupuntahan kita bukas," napipilitang sagot nito.
Ilang minuto nang nakaalis si Binggo at magana kaming nagsalo-salo sa hapunan. Pinagpahinga ko na ang aking mga kapatid at ako na ang naglinis ng lamesa, nagligpit ng aming pinagkainan at naghugas ng mga pinggan. Kung makakahanap lang talaga ako ng matino at permanenteng trabaho ay hindi na kami mahihirapan, kaya lang ay high school lang ang natapos ko kaya kahit anong apply-an ko ay hindi ako matanggap-tanggap. Ang gusto nila ay nakatuntong ng kolehiyo ng kahit dalawang taon, kaya naman pagmamaneho ng jeep at pagkakargador lang sa palengke ang trabahong nakukuha ko.
Habang nakahiga sa yari sa kawayan naming sofa na aking nag sisilbi ring tulugan ay hindi ako dalawin ng antok. Bukod sa matigas na ang higaan ay marami pang lamok. Iisa lang ang aming electricfan at ipinaubaya ko na iyon kina inay sa kanilang silid. Gusto kong maging komportable sila sa pagtulog.
Bumangon ako at naghanap ng karton para gawing pamaypay. Sa dami ng lamok ay baka tangayin na ako ng mga ito palabas ng bahay o kaya paggising ko isa na akong malaking pantal.
Ilang minuto rin akong nagpaypay habang nakatitig sa aming butas-butas na kalawanging bubong, hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.