Ito ang araw ng pag alis ni Archer patungong Maynila. Matapos niyang kausapin si Mr. Valencia kahapon sa telepono at ipaalam niya rito ang pagpayag niya sa alok nito na maging driver/bodyguard ng kaniyang anak ay sinabihan siya nitong lumuwas ng Maynila sa lalong madaling panahon. Bitbit ang hindi kalakihang bag ay lumabas ng bahay si Archer, kasama ang kaniyang ina at mga kapatid. Naghihintay sa kaniya si Binggo sa harap ng kanilang tarangkahan sakay ng motor na hiniram nito sa kaniyang pinsan. Ihahatid siya ng kaniyang kaibigan hanggang sa terminal ng bus na sakayan papuntang Maynila.
"Mag iingat ka anak, alagaan mo ang sarili mo," bilin ni Aling Sonia, kita ang lungkot sa mga mata nito. Masakit man sa kalooban niya na malayo sa kaniya ang anak ay iyon lang ang naiisip niyang paraan para kahit na papaano ay magbago ang takbo ng buhay nito.
"Opo, Inay," sagot ni Archer, yumakap siya sa kaniyang ina.
"Kuya, mami-miss ka namin, babalik ka agad ha," sabi ni EC Boy, kaya naman nabaling ang atensiyon niya rito. Kumalas siya sa pagkakayakap sa kaniyang ina at binalingan naman ngayon ang kaniyang mga kapatid.
Ginulo niya ang buhok ni EC Boy at nginitian niya ito. "Magpapakabait ka, huwag kang magpapasaway kay Inay at sa Ate Clarissa mo. Tutulungan mo sila sa mga gawaing bahay, pagbutihan mo ang pag-aaral mo. May regalo ka sa akin kapag nakita kong mataas ang mga grades mo ngayong first grading," aniya sa kapatid.
Tumango si EC Boy. "Opo, Kuya, gagalingan ko pang lalo sa eskwela. Magpapakabait po ako, Kuya, tutulong ako kina Ate at Inay," sagot ng nakababatang kapatid.
Muli siyang napangiti, tinapik niya sa balikat si EC Boy at pagkatapos ay nilingon si Clarissa na noon ay tahimik lang ngunit nangingilid naman ang luha sa mga mata. Halatang pinipigilan na huwag mapaiyak.
Marahan niyang ipinatong ang kamay sa ulo nito.
"Alagaan mo si Inay at ang kapatid mo, ikaw ang inaasahan ko, Clarissa," sabi niya rito.
Tumango naman ito. "Kahit hindi mo sabihin, Kuya, iyon naman talaga ang gagawin ko," sagot nito.
Huminga ng malalim si Archer. Mami-miss niya ng husto ang kaniyang mga kapatid. Si EC Boy at Clarissa lang ang tanging nagpapasaya sa kaniya.
"Aalis na si Kuya, yakapin niyo na siya," sabi ng kanilang ina.
Sinugod ng yakap nila EC Boy at Clarissa si Archer. Hinalikan niya ang ulo ng mga kapatid at mahigpit na niyakap. Ito ang unang pagkakataon na mawawalay siya ng matagal sa mga ito kaya mahirap para sa kaniya.
Matapos niyang yakapin ang mga kapatid ay nagmano siya sa kaniyang ina.
"Alagaan ninyo ang sarili ninyo, Inay. Magpalakas kayo. Pangako, hindi na kayo papalya sa pag-inom ng gamot. Kapag naka-ipon po ako ay ipapa-check up ko po kayo sa pinakamagaling na doktor sa Maynila."
"Naku, anak, huwag mo munang isipin ang mga bagay na 'yan. Ang mahalaga ay masigurado mo munang maayos ang magiging trabaho mo sa Maynila."
"Pagbubutihin ko po, Inay. Magsisipag ako ng husto para makaipon ng maraming pera. Padadalhan ko kayo, tuwing sahod. Hintayin niyo lang, Inay, makakaraos din tayo."
Namula ang mga mata ni Aling Sonia. Ang pinakamamahal niyang anak ay mapapalayo na sa kaniya.
"Umalis ka na, sige na, para makahabol ka pa sa biyahe ngayong umaga," pagtataboy niya sa anak.
Habang tumatagal kasi si Archer ay lalo lang nahihirapan si Sonia na tanggapin na aalis na ang kaniyang panganay. Sinisikap niyang kontrolin ang sarili na huwag pigilang umalis ang kaniyang anak dahil alam niyang isang sabi lang niya ay susundin siya nito. Para kay Archer at sa iba pa niyang mga anak ay magpapakatatag siya.
"Sige na, anak, lumarga ka na, kanina pa naghihintay si Binggo."
"Sige po, Inay, aalis na po ako. Clarissa... EC Boy, ang mga bilin ko sa inyo ha."
"Opo Kuya," sabay na tugon ng dalawa.
Tuluyan ng lumakad si Archer patungo sa nakaparadang motor kung saan naghihintay si Binggo. Inabutan siya nito ng helmet na agad din niyang isinuot. Sumampa siya sa motor at umangkas sa likod nito.
Kumaway pa muna siya sa kaniyang pamilya at pagkatapos ay pinaharurot na ni Binggo ang motor.
Trenta minutos ang ginugol niya sa biyahe bago makarating sa terminal ng bus. Bumili ng ticket si Archer. Ipinasok niya muna ang bag sa loob, Habang naghihintay pa na mapuno ng mga pasahero ang bus ay bumaba siya para kausapin si Binggo.
"Tol, si Inay at ang mga kapatid ko, silip-silipin mo ha," bilin niya sa kaibigan.
"Oo naman, hindi ko pababayaan ang pamilya mo. Ako na ang bahala sa kanila habang wala ka. Basta ha, kapag may bakante sa pinagtatrabahuhan mo ipasok mo ako ha, kahit taga dilig lang ng halaman. Alam mo namang hindi ako sanay na magkalayo tayo, mula pagkabata ay sanggang dikit na tayo."
"Sige, huwag kang mag-alala hahanapan kita ng trabaho sa Maynila, magkakasama pa rin tayo. Salamat tol at lagi kitang naasahan sa lahat ng bagay."
"Ano ka ba naman, sino pa ba ang magtutulungan kung hindi tayo lang din."
Nang magsalita na ang kondoktor na aalis na ang bus ay agad ng nagpaalam si Archer sa kaibigan at umakyat ng sasakyan.
Tinanaw niya mula sa bintana si Binggo, sumakay na ito sa motor, kinawayan niya ito at gumanti rin ito ng kaway sa kaniya. Sumenyas ito na aalis na at tumango naman siya.
Habang nasa biyahe ay hindi niya maiwasan ang makaramdam ng lungkot, hindi pa man ay nami-miss na niya ang kaniyang pamilya at ang Santa Catalina. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kaniya sa Maynila, ngunit hinanda na niya ang kaniyang sarili.
Tinipid niya ang dalang pera at pinagkasya na lamang ang isang order na kanin at kalahating ulam. Humingi na lang siya ng sabaw para makadagdag sa kaniyang kinain. Mahaba-haba pa ang kanilang lalakbayin bago makarating sa Maynila.
Dumating si Archer sa mansiyon ng mga Valencia, ala una ng madaling araw. Ibinilin na siya sa gwardiya ni Robert, kaya nga sabihin ng sabihin niya ang kaniyang pangalan ay agad siyang pinapasok at hinatid pa hanggang sa mismong bahay. Malayo sa gate ang mansiyon ng mga Valencia kaya sumakay pa sila ng motor para makarating ng mas mabilis.
Sa likod bahay ay may hilera ng mga pinto. Binuksan ng gwardiya ang isa sa pinakadulo.
"Mula ngayon, dito na ang tulugan mo, ito ang kwarto ng dating driver ni Ms.Tiffa. Sige magpahinga ka muna, mamayang alas otso ay gising na si Sir Robert at pwede mo na siyang makausap. Maiwan na kita, kailangan kong bumalik kaagad sa pwesto ko, walang nagbabantay sa gate," paalam ng gwardiya na nakilala niyang si Mang Oscar.
"Salamat po, Mang Oscar, sige po umalis na po kayo, ako na ang bahala sa sarili ko."
Tumango ito at tuluyan na siyang iniwan.
Inilibot ni Archer ang mga mata sa loob ng silid. Hindi iyon kalakihan, sapat lang para sa isang tao, ang kainaman ang papag na higaan ay may makapal na kutson. Maganda ang sapin may unan at kumot. May stand fan sa gilid, may maliit na lamesa at isang silya. May built in cabinet na ng buksan niya ay nakita niyang maraming damit ang pwedeng ilagay. Malinis ang silid, tiles ang sahig at maganda ang pagkakapintura ng sementadong dingding. May maliit na bintana na natatakpan ng asul na kurtina.
Nagustuhan niya ang kaniyang bagong tirahan. Ipinatong niya sa lamesa ang dalang bag, binuksan niya ang electricfan, nahiga at inilapat ang katawan sa malambot na kutson.
Napangiti siya, ngayon lang niya naranasan na makahiga sa malambot na higaan at malamig na silid. Ang sarap sa kaniyang pakiramdam na komportable na siyang nakakahiga ngayon, hindi mainit, walang lamok, may kisame at hindi butas ang bubong. Dala ng pagod sa napakahabang biyahe at sa komportableng pakiramdam ay agad siyang nakatulog.
Nakakasilaw na liwanag ang nagpagising kay Archer. Napabalikwas siya ng bangon ng maramdam ang masakit sa balat na sinag ng araw na nanggagaling sa bintana. Umaga na at hindi niya alam kung anong oras na. Napasarap ang kaniyang pagtulog. Naghanap siya ng damit na masusuot mula sa dala niyang bag. Kailangan muna niyang maligo bago harapin si Mr. Valencia. Lumabas siya sa kaniyang silid bitbit ang tuwalya para maghanap ng banyo na pwede niyang paliguan.
Agad naman niyang nakita iyon, katapat lang ito ng kaniyang silid. Tamang may shampoo, sabon at toothpaste na roon, hindi na siya mamomroblema dahil ang totoo ay nakalimutan niyang magdala, tanging tootbrush lang at tuwalya ang meron siya.
Napasarap ang ligo niya. Ito ang unang pagkakataon na naranasan niyang maligo ng hindi tinitipid ang tubig. Malakas ang tulo ng tubig sa gripo at isa pa ay mayroonf shower. Kung narito lang ang kaniyang mga kapatid ay tiyak matutuwa ang mga ito kapag nakita na may shower sa banyo.
Ngayon pa lang ay nakikita na niya ang malayong pagkakaiba ng buhay niya rito kaysa sa probinsiya. Matapos niyang maligo ay pinunasan niya ang basang katawan gamit ang tuwalya. Itinapi niya ito sa bewang at lumabas na ng banyo para bumalik sa kaniyang silid. Sinuot niya ang sa tingin niya ay presentableng damit na meron siya para naman hindi nakakahiya sa pagharap niya kay Mr. Valencia. Isang puting t-shirt at maong na kupas na binagayan niya ng rubber shoes na lumang-luma na at halos mapudpod na ang swelas sa tindi ng gamit. Ito lang ang bukod tanging sapatos na meron siya. Pinatuyo muna niya ang may kahabaan ng buhok at saka sinuklay ng pa-brush up. May maliit na salamin na nakadikit sa ding-ding malapait sa bintana kaya naman nakikita niya ang sarili mula roon. Maayos at malinis naman ang itsura niya kaya lumabas na siya para makipagkita kay Mr. Valencia. Huminga muna siya ng malalim bago naglakad at tinungo ang main entrance ng mansion.
Aaminin niyang may konting takot siyang nararamdaman. Bago sa kaniya ang lahat ng ito ngunit umaasa naman siyang madali rin siyang makaka-adopt sa buhay sa siyudad.