"Kamusta naman ang tulog mo, Archer?" tanong ni Mr. Valencia.
Pinuntahan ni Archer ang mayamang negosyante sa opisina nito para mag-report na sa trabaho.
"Ayos naman po, Sir. Napasarap nga po ang tulog ko, kaya medyo tinanghali ng gising," sagot niya.
Napangiti ang ginoo sa sinabi niyang iyon.
"Masaya ako na tinanggap mo ang alok ko na magtrabaho sa akin. Alam mo kasi matagal na akong naghahanap ng taong magbabantay at magmamaneho para sa anak ko. Hindi mo kasi naitatanong, simula ng mag-resign ang huling driver ni Tiffany, ay apat na beses na siyang naaksidente sa sasakyan. Pinangungunahan na kita, medyo mahirap pakisamahan ang anak kong 'yon. Lahat ng mga nagiging driver niya ay hindi tumatagal. Pero kung magtitiyaga ka lang ay dadagdagan ko pa ang sahod mo, basta makita kong ayos ang trabaho mo ay hindi ka mawawalan sa akin."
"Gagawin ko po ng maayos ang trabaho ko, Sir," tanging nasabi niya. Hindi niya sigurado kung kakayanin ba niyang pakisamahan ang kaniyang magiging amo, pero susubukan niya. Gagawin niya ang lahat para tumagal sa trabaho, alang-alang sa kaniyang pamilya na umaasa sa kaniya.
"Ang maipapayo ko lang sa 'yo ay habaan mo ang iyong pasensiya. I will give you permission to discipline my daughter, kung alam mong mali ang ginagawa niya ay kontrahin mo at huwag mong kunsintihin.
Tiffany is very stubborn, she gives me headache all the time. Hangga't kaya mo siyang kontrolin ay kontrolin mo, pero huwag mo lang ding kalilimutan na irespeto pa rin siya bilang amo mo. I want to entrust to you the welfare and safety of my daughter. Kaya ikaw ang napili ko dahil alam kong may kakayahan ka na gawin iyon. Umaasa ako sa 'yo, Archer," seryosong sabi ni Robert.
Hindi alam ni Archer kung paano tutugunin ang sinabing iyon ni Mr. Valencia, ngayon pa lang ay naiisip na niya kung gaano kahirap ang trabaho na susuungin niya. Maalala lang niya ang mukha ni Tiffa at ang bibig nito na walang tigil sa kadadakdak ay talaga namang naii-stress na siya.
"Makakaasa po kayo na gagawin ko ang ipinag uutos ninyo, Sir," tanging nasabi na lamang niya.
"Sige, ngayong nagkakaintindihan na tayo ay pwede ka ng magsimula sa trabaho mo. Pumunta ka muna sa kusina para mag-almusal, mamaya ay ipapakilala kita sa anak ko pati na sa mga magiging kasamahan mo dito sa bahay. Pag-akyat mo sa itaas magtanong ka na lang kung nasaan ang kusina."
"Maraming salamat po sa inyo, Sir."
Tumango lamang si Robert. Agad nang lumabas ng opisina si Archer. Pag akyat niya ay may mahabang pasilyo siyang tatahakin. Sa laki at lawak ng bahay ng mga Valencia ay kailangan nga niyang magtanong para lang malaman niya kung saan ang daan papuntang kusina. Nakaramdam na siya ng gutom, ang huling kain niya ay alas singko pa ng hapon, alas nuebe na ng umaga ngayon.
Habang naglalakad siya ay may nakasalubong siyang nakaunipormeng babae may bitbit itong laundry basket na may lamang mangilan-ngilan na damit. Ganito ang nakikita niya sa mga napapanood niyang pelikula. Ang nagtatrabaho sa bahay ng mayayaman bilang katulong ay mga naka uniporme ng pare-pareho.
"Ah-eh, Miss, sandali lang!" pigil niya sa babae. Hindi siya napansin nito kanina kaya naman nagulat ito at nanlaki ang mga mata ng makita siya.
"Huh! Si pogi nandito!" bulalas ni Duday ang labandera ng mga Valencia. Hindi na napigilan pa na kiligin nito ng mabungaran si Archer. Nakita na niya ang binata noon na kasama ni Atty. Del Mundo at sa unang kita pa lang niya kay Archer ay humanga na siya sa kagwapuhan nito. Hindi lang naman siya, ang totoo ay lahat ng kasama niyang babae na naninilbihan sa mansiyon ng mga Valencia ay talaga namang humanga ng husto sa magandang pangangatawan at gwapong mukha ni Archer.
Nagdiwang ang puso ni Duday nang muling masilayan ang binata, hindi niya inaasahan na babalik pa ito sa mansiyon. Kumikinang ang mga mata nito sa galak habang walang kakurap-kurap na nakatitig kay Archer.
Napakamot naman ng ulo ang binata, hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kaniyang kaharap na tila ba nawawala sa kaniyang sarili.
"Ate, itatanong ko lang sana kung saan banda ang kusina rito?" alanganing sabi niya.
"Kusina ba kamo?" pag uulit nito sa sinabi niya ngunit hindi pa rin kumukurap ang mga mata at nananatiling nakapangko sa kaniya.
"Oo," maagap na sagot niya.
Nagulat siya ng biglang ngumiti ng pagkalaki-laki ang babaeng kaharap niya.
"Halika sasamahan kita sa kusina para hindi ka maligaw. Ako nga pala si Duday, ikaw ano ang pangalan mo?"
"Ha... Archer, ako si Archer," sagot niya.
"Archer. Wow ang gandang pangalan, bagay na bagay, Archer loves Duday. Di ba ang ganda?" tuwang sabi nito.
Alanganing napangiti ng pilit si Archer. Hinatak siya ni Duday kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang sumunod dito. Ilang liko pa bago sila nakarating sa kusina. Katulad ni Duday nang una siya nitong makita ay halos malaglag din ang panga ng mga tao na nadatnan nila sa kusina. Ang kusinerang si Munding, ang tagapagsilbi na si Salud at tagalinis na si Ugay ang naroon.
"Hi! Alam kong nagulat kayo, ako nga rin gulat na gulat. Bumalik si pogi... ay, Archer nga pala ang pangalan niya," masayang pagbabalita ni Duday sa kaniyang mga kasamahan.
"Magandang umaga po sa inyong lahat. Pinapunta ako ni Sir Robert dito, sabi niya kasi mag almusal muna ako bago magsimula sa trabaho."
"Ha, almusal!" natatarantang sabi ni Munding.
"Salud- Ugay, ipaghain ninyo si Archer," utos nito sa dalawang kasama.
"O-opo, Ate Munding," sagot ng mga ito na mabilis na nagsikilos.
"Gusto mo ba ng kape, Archer?" malambing na tanong ni Munding na nagpapa-cute pa.
"Ah, opo, kung pwede pong makahingi ng isang tasang kape," medyo nahihiya pang sabi niya, hindi kasi siya sanay na pinagsisilbihan ng ibang tao.
Makalipas lang ang ilang minuto ay may masarap ng pagkain na nakahain sa lamesa. Fried rice, tocino, hotdog, ham, bacon at isang tasa ng mainit at umuusok pa na kape.
Nakaramdam ng matinding gutom si Archer, first time niyang makakakain ng ganito kasarap na pagkain kaya naman gusto niyang lantakan lahat, kaya lang ay hindi siya kumportableng kumain dahil nakatanghod sa kaniya ang apat na babae.
"Ka-kain po tayo," alanganing alok niya sa mga ito.
"Sige kumain ka lang ng kumain, huwag mo kaming intindihin," sabi ni Duday na nakapangalumbaba pa sa harapan niya.
"Paano naman makakakain ng maayos ang tao kung lahat kayo halos gusto ng tunawin siya sa mga titig ninyong 'yan? Pwede ba, hayaan muna ninyo siyang kumain na mag isa."
Sabay-sabay na napalingon ang lahat sa nagsalita. Nang makita nila ang seryosong mukha ni Regina ay nagsipag tayuan ang lahat.
"Iwanan niyo muna siya," utos ni Regina sa kaniyang mga tauhan.
"O-opo, Ma'am!" tarantang sagot ng mga ito.
"Halika na dalii..." sabi Munding kinalabit isa-isa ang mga kasamahan at isinenyas na lumabas na sila sa kusina. Agad nagsipagpulasan ang apat.
Napatayo si Archer sa kaniyang kinauupuan.
Hindi niya kilala kung sino ang babaeng dumating ngunit sa tingin niya ay isa ito sa pamilya Valencia.
"Magandang umaga po, Ma'am!" bati niya sa ginang.
Nawala ang tensiyon na nararamdaman niya ng nginitian siya ng babae. Sa tingin niya ay nasa singkwenta na ang edad nito ngunit batang-bata pa ring tingnan, maputi ito, maganda ang kutis at may slim na pangangatawan.
"Pagpasensiyahan mo na ang mga angels ko. Ako nga pala si Regina ang asawa ni Robert. Sinabi niya sa akin na ikaw ang magiging driver/bodyguard ni Tiffa."
"Kinagagalak ko po kayong makilala, Ma'am Regina. Opo, ako nga po ang bagong driver ng anak ninyo," maagap na tugon niya.
Tumango si Regina. "Ganun ba, ang masasabi ko lang sa 'yo ay goodluck. Sana ay magtagal ka dahil kung hindi ay mahihirapan na naman kaming humanap ng ipapalit sa 'yo. Pagbutihan mo at maging mapagpasensiya ka. Kailangan sa trabaho mo ang mahabang-mahabang pasensiya," natatawang sabi ni Regina.
"Sige hindi na kita iistorbohin, kumain ka lang d'yan," sabi nito, kumuha muna ng bottled water sa ref at saka lumabas ng kusina.
Nakahinga naman ng maluwag si Archer, umupo siyang muli at hinarap ang pagkain. Ngayon ay makakakain na siya ng maayos dahil wala na ang makukulit na babae na nakatanghod sa kaniya.
Itinodo niya ang kain, sinabi naman sa kaniya ng mga babae kanina na para sa kaniya ang lahat ng pagkain na inihain ng mga ito kaya inubos niya. Sa kanilang bahay ay bawal magtira ng pagkain kahit butil pa ng kanin. Lahat mahalaga para sa kanila dahil pinagpaguran niya iyon sa pagtatrabaho kaya naman ang mga kapatid niya ay responsableng mga bata at hindi nagsasayang ng pagkain dahil alam nila kung gaano niya pinaghirapan ang perang kinikita niya na pambili ng pagkain nila.
Mapatapos niyang kumain ay niligpit niya ang kaniyang mga pinagkainan at dinala sa lababo para sana hugasan kaya lang bigla na lang nagsulputan ang mga babae kanina. Sa pagkakatanda niya ay apat lang ito, nagulat siya dahil naging anim na.
"Naku, Archer, huwag mo nang hugasan ang mga 'yan. Ipaubaya mo na 'yan kay Salud, dahil trabaho niya iyan. May kani-kaniya kaming toka ng trabaho rito sa bahay," sabi ni Munding, kinuha nito ang spongha kay Archer at inihagis kay Salud na nagulat dahil hindi nito inaasahan na gagawin iyon ni Munding, ngunit nasalo naman niya.
"Ah, ganun po ba, salamat," sabi niya.
"Teka lang, ano nga pala ang ginagawa mo rito, bakit ka bumalik?" interesadong tanong ni Duday.
Naghihintay sa sagot niya ang anim na babae, parang iisang taong nakatingin ang mga ito sa kaniya.
"Ah, kasi ako ang bagong driver ng anak ni Sir Robert," sagot ni Archer.
"Driver? Ibig sabihin ba dito ka na magtatrabaho?" namamangha na tanong ni Ugay.
Tumango si Archer bilang sagot. Sa pagtango niyang iyon ay nagtilian ang lahat dahil sa labis na tuwa. Halos mabingi si Archer sa lakas ng tili ng mga ito, parang nalaglag ang tutuli niya, kaya napadukot ang daliri niya sa kaniyang tenga.
"Narinig niyo girls, ha, makakasama na natin dito sa bahay si Archer at makikita na natin siya araw-araw. Naku! mukhang sisipagin na akong magtrabaho ngayon. Maglalaba na ako ng maaga para mas marami akong time na makita si Archer," sabi ni Duday.
"Naku, tigil-tigilan mo kami Duday. Mas inuuna mo pa ang panunuod ng drama kaysa paglalaba, huwag kang ano d'yan!" nakapamewang na sabi ni Pipay ang panglima sa anim na kasambahay na naroon.
"Tsk! Ngayong nandito na si Archer hindi na ako manunuod ng mga drama. Aanuhin ko pa 'yon kung kaharap ko na sa personal ang totoong leading man ko," maarteng sabi nito.
Nagtilian ang mga kababaihan at pinagtutulak si Duday palabas ng kusina. Natatawa na napapakamot na lamang ng ulo si Archer habang pinanunuod ang mga ito na nagkukulitan.
Sa paghaharutan ng mga ito ay tuluyan na silang nakalabas ng kusina kaya naman sinamantala ni Archer na takasan ang mga kababaihan na hindi pa man ay nahuhumaling na agad sa kaniyang hindi maitatagong kagwapuhan at kakisigan.