Chapter Eleven•

1707 Words
Nakaramdam na ng pagkainip si Tiffa, kanina pa niya hinihintay ang pagdating ni Karen para makibalita tungkol sa inutos niya rito, ngunit lumipas na ang mahigit isang oras ay hindi pa ito nagpapakita sa kaniya kaya napagdesisyunan niyang hanapin na lamang ang kaniyang assistant. Ayaw nga sana niyang bumaba dahil natatakot siyang makita siya ng kaniyang ama. May nagawa siyang kasalanan, inaabangan na nga niyang ipatawag siya nito dahil alam niyang makakatikim na naman siya ng matinding sermon mula sa kaniyang ama. "Pssst!" tawag niya sa isa sa mga kasambahay nila na nakita niyang naglalakad sa pasilyo. Natigil ito sa paghakbang at nilingon siya, nang makita siya nito ay dali-dali itong lumakad papalapit sa kaniya. Sa tagal nang panahon na naninilbihan sa pamilya Valencia ang mga kasambahay nila ay ni isa sa mga ito ay walang kilala si Tiffa. Hindi niya alam ang pangalan ng mga ito at wala siyang interes na alamin. Kaya nga kung ano-ano na lang ang itinatawag niya sa kanila. "Bakit po, Ms. Tiffa?" tanong ng kasambahay. "Nakita mo ba si Karen?" balik tanong niya. Hirap siyang hanapin ang kaniyang alalay dahil maligalig ito, hindi mapakali sa isang tabi at kung saan-saan nagpupunta. "Kanina po nakita ko sa likod bahay, nakikipaghuntahan kay Ate Tess, pero kadadaan ko lang po ngayon doon wala na siya." Napabuntong hininga ng malalim si Tiffa. "Ganun ba? O sige na, umalis ka na, ipagpatuloy mo na ang trabaho mo. Huwag kayong tatamad-tamad. Baka puro tsismisan lang ang inaatupag ninyo, sayang lang ang pera na ipinansusweldo namin sa inyo," sermon niya rito. "Naku, Miss, hindi ko po gawaing makipag-tsismisan, nagtatrabaho po ako ng maayos," depensa ng kasambahay sa kaniyang sarili. "Huh! Sumasagot ka pa, umalis ka na nga sa harapan ko!" singhal niya rito. Kakamot-kamot ng ulo na umalis naman ang kaniyang kausap. Imbes na magpasalamat siya sa ginawa nitong pagsagot sa tanong niya ay nagawa pa niya itong sermunan. Ang nakikita lang kasi ni Tiffa ay ang mga maling gawa ng mga taong nasa paligid niya, samantalang ang mga mabubuting bagay na ginagawa o nagawa na ng mga ito ay hindi niya pinapansin. Hindi siya sanay na pumupuri at nag a-appreciate ng ibang tao, ang gusto niya ay lagi lang na siya ang purihin ng mga taong nakapaligid sa kaniya. Sa kaiikot niya sa loob ng bahay ay sa wakas nakita niya rin si Karen, nakatambay ito sa kusina at nakikipagkwentuhan sa mga kasambahay na naroon habang pumapapak ng ubas. Nagsipagpulasan ang mga kasambahay ng makita siyang parating at bukod tanging naiwan ang nagtatakang si Karen. "Hoy, ano'ng nangyayari? Saan kayo pupunta?" naguguluhang tanong ni Karen. Tumayo siya buhat sa pagkakaupo sa stool para sundan sana ang mga ito at makiusyoso ng pagpihit niya paharap ay biglang bumulaga sa kaniya ang pagmumukha ng kaniyang among si Tiffa. Mabilis siyang pumihit patalikod dito at humakbang para sana takasan ito kaya lang nahablot ni Tiffa ang buhok niya. "Saan ka pupunta?" may halong inis na tanong ni Tiffa, pinagod kasi siya nito sa kakahanap sa loob at labas ng kanilang bahay, sa kusina lang pala niya ito makikita. "Ah, sa banyo, Ms. Tiffa, bigla kasing humilab ang tiyan ko," pagsisinungaling ni Karen. "Sa banyo ba talaga o gusto mo lang akong takasan? Isa pa, wala namang banyo d'yan." "Huh! Wala ba, tinanggal na pala," kakamot-kamot ulong sabi nito na gusto lang makalusot. Sa inis ni Tiffa sa kaniyang alalay dahil alam naman niyang gumagawa lang ito ng paraan para makaiwas sa kaniya ay mariing hinila niya ang buhok nito na hawak-hawak niya. "Araay! Ms. Tiffa naman, masakit bitawan mo 'ko," reklamo ni Karen na napapangiwi pa. Hindi naman siya pinansin ni Tiffa, hindi nito ginawang bitawan ang buhok ng kaniyang alalay "Di ba may inutos ako sa'yo, bakit hindi ka na bumalik para mag-report sa akin? Ano na ang nangyari? Umalis na ba ang aroganteng lalaki na 'yon? Narinig mo ba ang pinag usapan nila ni Daddy?" sunod-sunod na tanong ni Tiffa. Umiling lang si Karen bilang tugon. Nakaramdam siya ng pagkadismaya. "Tsh! Wala kang narinig sa pinag usapan nila? Paanong wala kang narinig, bakit hindi mo ba sinunod ang utos ko sa 'yo?" iritadong tanong niya. "Sinunod naman Ms. Tiffa, kaya lang nakasarado ang pinto ng opisina ni Sir Robert, hindi ko maulinigan ang pinag uusapan nila," sagot ni Karen. Umikot ang mga mata niya dahil sa pagka-dismaya. "Ikaw talaga, Karen, kahit na kailan hindi ka maasahan. Dapat gumawa ka ng paraan, wala ka bang isip?" "Ano namang paraan ang gagawin ko Ms. Tiffa? Kailangan ba na gumawa ako ng malaking butas sa pinto para marinig ko ang pag uusap nila? Ah, siguro dapat kumatok ako para pagbuksan ako ni Sir Robert tapos makisali ako sa usapan nila. Tsh! Hindi pwede 'yon tiyak na magagalit si Sir Robert. Mas mabuti siguro kung winasak ko na lang sana ang pinto," napapaisip na sabi nito sabay hagod pa sa kaniyang baba. Kinutusan siya ni Tiffa dahil sa mga kalokohan na pinagsasabi niya. "Aguuuy! Ano ba 'yan Ms. Tiffa, ang aga-aga bugbog sarado na 'ko sa 'yo," pabalang na sabi ni Karen. "Hindi kasi nakakatuwa ang mga pinagsasabi mo, umayos ka nga! Ano, wala ka ba talagang nakuhang information tungkol sa pinag usapan nila?" "Wala nga. Sabi mo mukhang hindi mapagkakatiwalaan ang itsura ng lalaking 'yon. Napakagwapo nga at gentleman pa, iyon ba ang mukhang hindi mapagkakatiwalaan?" "Huh! Nakita mo siya?" "Oo, hinawakan pa nga niya ang kamay ko," kinikilig pa na sagot ni Karen. "Oh, nakita mo naman pala paanong hindi ka nakakuha ng balita tungkol sa pinag usapan nila?" "Ms. Tiffa, huwag ka na ngang makulit. Nakita ko siya nung palabas na siya ng opisina ni Sir Robert. At saka pwede ba bitawan mo na ang buhok, masakit na ang anit ko. Sige ka isusumbong kita sa daddy mo," may pananakot pang sabi ni Karen. "Tsk! Sumbungera! Ipagtimpla mo na lang ako ng kape, dalhin mo sa patio." Binitawan niya ang buhok nito kaya nakahinga naman ng maluwag si Karen, nawala na kasi ang sakit ng anit niya. Habang naglalakad si Tiffa patungo sa patio ay palaisipan pa rin sa kaniya kung ano ba talaga ang dahilan at kinausap ng kaniyang ama ang lalaking iyon? _ Nakauwi na ng Santa Catalina si Archer, matapos ang halos labing apat na oras na biyahe. Alas dose y medya na ng umaga ng dumating siya sa kanilang bahay, naabutan niyang tulog na ang kaniyang mga kapatid pati ang kaniyang ina. Bumaba siya at bumalik sa kanilang munting sala para magpahinga sa papag nilang upuan na nagsisilbi rin niyang higaan kapag gabi na. Sinubukan niyang matulog ngunit hindi siya dalawin ng antok. Iniisip niya ang alok na trabaho ni Mr. Valencia sa kaniya, madali naman sanang pag-isipan kung ibang trabaho ang ibibigay nito sa kaniya at hindi ang maging driver/bodyguard ni Tiffa. Malaking tulong sa kanila kung magkakaroon siya ng permanenteng trabaho na may malaki pang sweldo. Sa kakaisip niya ay hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Kinaumagahan ay nagulat na lamang ang kapatid niyang si EC Boy nang makita siya sa sala, Kababangon lang niya at kasalukuyang nag-iinat ng katawan. Hindi kasi namalayan ng mga ito ang pagdating niya kanina. "Kuya!" tuwang sabi ni EC Boy at sinugod pa siya ng yakap. "Akala namin hindi ka pa uuwi, sabi kasi ni Kuya Binggo baka dalawang araw pa bago mayari ang truck," anito. "Pinauwi na ako, ihahatid na lang iyon dito kapag naayos na. Mabait naman ang may ari ng sasakyan na nakabangga sa amin kaya hindi na ako gaanong namroblema. Si Inay at Clarissa gising na ba?" "Tulog pa, Kuya." "Ganun ba. Halika samahan mo ako bumili tayo ng ma-aalmusal sa labas." "Sige, Kuya, teka lang maghihilamos lang ako." Nagmamadali na itong nagtungo sa kanilang batalan para maghugas ng mukha. Kinapa ni Archer ang kaniyang bulsa, sinigurado kung naroon pa ang pera na natira sa tatlong libong ibinigay sa kaniya ni Mr. Valencia. Aabutin pa ng mahigit isang libo iyon sa tantiya niya. Tinipid lang niya ang kaniyang pagkain para may matira pa siya na panggastos nila. Pumunta sila sa palengke ni EC Boy, bumili na rin sila ng pang-ulam hanggang gabi. Tuwang-tuwa ang kaniyang kapatid ng bilhan niya ito ng donut. Dalawa ang binili niya ang isa ay pasalubong nila kay Clarissa. May nagtitinda ng pancit, palabok at spaghetti sa palengke, bumili sila ng tig-iisang order para sa kanilang almusal. Habang naglalakad sila ay nakasalubong nila si Binggo. Nagulat pa ito ng makita si Archer, hindi kasi nito inaasahan na makakabalik agad ng Santa Catalina ang kaniyang kaibigan. "Oh tol, dumating ka na pala, kailan pa?" tanong ni Binggo. "Kaninang madaling araw pa," tugon niya. "Ano'ng balita sa truck natin?" "Ayon inumpisahan nang ayusin, ihahatid na lang daw dito kapag nagawa na. Kakausapin ko nga si Mang Melchor mamaya, babalik na lang ako sa palengke." "Oh, sige, kita na lang tayo mamaya sa may bigasan," sabi ni Binggo. "Sige, uuwi muna kami para makapag almusal na sila." Nag- fist bump muna ang magkaibigan bago tuluyang naghiwalay. Sumakay ng jeep ang magkapatid pauwi sa kanilang lugar. Tuwang-tuwa si Clarissa nang makita ang maraming plastic bag na dala ng kaniyang mga kapatid. "Wow, ang dami niyan Kuya, mukhang malaki ang kinita mo ngayong araw." "Hindi naman, sobra lang ito sa pamasahe ko. Nasaan na si Inay?" Nilinga niya ang mga mata sa paligid. "Naglakad-lakad lang Kuya, pabalik na rin 'yon." "Ah, ganun ba, sige ayusin mo na sa lamesa ang mga pagkain para pagdating ni Inay ay makapag-almusal na tayo. EC Boy tulungan mo ang ate mo." "Opo, Kuya," maagap na sagot naman ni EC Boy. Habang naghahain pa ang kaniyang mga kapatid ay nagtungo muna sa likod bahay si Archer para magsibak ng kahoy. Papasok pa siya sa trabaho sa bigasan ni Mang Melchor kaya kailangang may kahoy nang nakahanda para sa pagluluto ng kaniyang ina mamaya. Ang gusto niya ay obligado na ang lahat bago siya umalis ng sa ganun ay hindi na mahihirapan pa ang kaniyang ina. Ganuon kasipag at karesponsable si Archer, lagi niyang inuuna ang kapakanan ng kaniyang pamilya bago ang kaniyang sarili. Kahit pagod sa trabaho ay hindi niya tinatakasan ang kaniyang mga obligasyon. Pinasan na niya sa kaniyang balikat ang iniwang responsibilidad ng kaniyang ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD