"Tol, ang ganda naman pala ng offer ni Mr. Valencia sa 'yo, bakit hindi mo pa tinanggap?" tanong ni Binggo kay Archer.
Nakatambay ang magkaibigan sa nakaparadang jeep sa gilid ng tindahan ni Aling Isaka, habang umiinom ng softdrinks.
Ikinuwento kasi ni Archer sa kaibigan ang naging pag uusap nila ni Mr. Valencia.
"Huh! Maisip ko pa lang na magta-trabaho ako sa babaeng iyon na kasing ingay ng machine gun ang bibig ay nawawalan na ako ng gana. Isa pa, hindi ko pa nga nababanggit ito kay Inay, hindi ko alam kung gugustuhin ba niya na umalis kami rito sa Santa Catalina at lumipat sa Maynila."
"Tsh! Kung kasing galing mo lang akong magmaneho ay ako na lang ang nagpresinta kay Mr. Valencia, grabe ang laki ng sweldo. Pagtitiyagaan ko na lang makisama sa tigreng babaeng iyon kaysa magutom ang pamilya ko."
Napangisi si Archer sa sinabi ni Binggo. "Talaga lang ha, sigurado ka bang kaya mong tiisin ang pag uugali ng babaeng 'yon?" nanghahamon na tanong niya.
Natahimik si Binggo. "Hindi ko rin sigurado," alanganing sagot nito at kakamot-kamot pa ng ulo kaya natawa na rin si Archer.
"Pero, aminin mo maganda ang babaeng 'yon. Magandang-maganda, kaya lang ang pangit ng ugali, sayang!" dagdag na sabi pa ni Binggo. Hindi naman umimik si Archer, hindi ito nag-react, parang wala itong narinig. i
Ipinagpatuloy lang niya ang pag inom ng softdrinks, nilagok ang laman hanggang sa kahuli-hulihang patak.
"Tapos na ako, hindi ka pa ba uuwi? Gabi na, baka hinahanap ka na ng nanay mo," aniya sa kaibigan.
"Oo, uuwi na rin ako, uubusin ko lang 'to. Subukan mo ring sabihin sa inay mo ang tungkol sa alok na trabaho sa 'yo ni Mr. Valencia, malay mo naman pumayag siya na sa Maynila na lang kayo manirahan," suhestiyon ni Binggo.
"Hindi ko pa alam," alanganing sabi ni Archer.
"Sabihin mo na, bukas na lang ang palugit na ibinigay sa 'yo ni Mr. Valencia, baka mamaya pagsisihan mong tinanggihan mo ang alok niya. Maganda na rin na ikunsulta mo sa inay mo para mas madali na sa'yo ang magdesisyon. Nakakapanghinayang din kasi."
Nakaalis na si Binggo ay nanatiling nakaupo pa rin sa loob ng jeep si Archer. Iniisip niya ang sinabi ng kaibigan. Ang totoo ay wala na sana siyang balak na banggitin pa ang bagay na iyon sa kaniyang ina, ngunit may punto naman si Binggo.
Malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya bago lumabas ng jeep. Isinoli muna niya ang bote ng softdrinks na pinag inuman nila sa tindahan ni Aling Isaka bago umuwi sa kanilang bahay na katapat lang ng tindahan nito. Nadatnan niya ang kaniyang ina na nagwawalis sa kanilang bakuran.
"Mano po, Inay." Lumapit siya sa kaniyang ina, kinuha ang kanang kamay nito at dinala sa kaniyang noo.
"Oh, anak, nakauwi ka na pala," sabi ni Aling Sonia, tinapik nito sa balikat ang kaniyang anak.
Kanina pa po ako dumating, tumambay lang muna kami ni Binggo d'yan sa tindahan ni Aling Isaka.
"Ganun ba? Kamusta naman ang lakad ninyo?"
"Wala po, Inay, hindi na pala doon nakatira si Mang Pablo, kinuha na raw po ng anak niya at nasa Maynila na siya ngayon," pagkukwento ni Archer.
"Hayaan mo na, anak. Matagal na rin naman ang utang na iyon ni Pablo sa tatay mo, mahihirapan na talaga tayong singilin."
"Kaya nga, Inay, nagbakasakali lang naman kami ni Binggo. Kung matagal na kasi nating nakita ang kasunduang sulat na iyon ni Itay at Mang Pablo 'di sana noon pa ay nasingil na natin siya," may himig panghihinayang na sabi ni Archer.
Kahapon lang ng maglinis ng bahay ang kaniyang ina ay may nakita itong nakaipit na papel sa altar ng tingnan nito ang papel at basahin ang nakasulat doon ay nalaman nilang ang kanilang ama pala ay may pinautang na sampung libong piso sa kasamahan nitong mekaniko sa talyer noon. Malaking halaga ang sampung libo para sa kanila at talaga namang nakakapanghinayang na hindi na nila nabawi. Pinaghirapan ng kanilang ama iyon, nakakalungkot lang din na hindi nagkusa si Mang Pablo na bayaran iyon. Porke't namatay na ang kanilang ama ay para bang sinabi nito na balewala na rin ang utang niya. Hindi man lang inisip na may pamilya pang iniwan si Mang Danilo.
"Kamusta naman ang trabaho mo, anak?" tanong ni Sonia. Inaya niya si Archer na maupo sa upuang yari sa kawayan. Marami-rami na rin ang tanim na halaman ni Sonia sa kanilang bakuran. Pagtatanim lang ang libangan niya at masaya siyang nakikitang malulusog ang kaniyang mga halaman. Namumunga na rin ang ilang mga gulay, may okra, talong, kamatis, amplaya, sitaw, upo at kalamansi. Madalas ay nakakalibre na sila sa gulay dahil sa mga pananim ni Aling Sonia.
"Ayos naman, Inay," sagot ni Archer.
Hindi naman kalakihan ang sweldo ni Archer sa pagtulong-tulong sa bigasan ni Mang Melchor, lumalaki lang ang ibinabayad sa kaniya kapag may biyahe sila sa Maynila at nag-aangkat ng bigas. Dalawang beses lang naman sa isang buwan iyon.
"Kaya pa naman ba, anak?"
"Oo, naman, Inay, kayang-kaya." Pilit na ngiti ang ibinigay ni Archer sa kaniyang ina. Ayaw niyang mag-isip pa ito.
Hindi niya rin natiis na hindi sabihin sa kaniyang ina ang alok na trabaho ni Mr. Valencia.
"Inay, papayag ka ba kung sa Maynila na tayo tumira?"
Nilingon siya ng kaniyang ina, nagtatanong ang mga tingin nito sa kaniya.
"Naisip ko lang kasi, baka sakaling magbago ang buhay natin kapag lumuwas tayo ng Maynila. Alam niyo kasi, inalok ako ng trabaho ng may ari ng sasakyan na nakabangga sa amin. Gusto niyang gawin akong driver/bodyguard ng anak niya. Malaki ang sweldo at sabi ay siya na ang bahala sa magiging tirahan natin doon."
"Ano ang sinagot mo, pumayag ka ba?" tanong ni Sonia.
"Wala pa po, Inay. Hindi pa po ako sumasagot. Hindi naman po ako basta makapagdedesiyon kailangang ipaalam ko rin sa inyo."
"Ayokong tumira sa Maynila, anak. Kahit mahirap ang buhay natin dito ay masaya naman. Mababait ang mga kapitbahay natin, maganda ang lugar at sariwa ang hangin. Paano ang pag-aaral ng mga kapatid mo? Baka mahirapan tayong humanap ng paaralan na mapapasukan nila. Hindi mo kakayanin kung sa private school mo sila pag-aaralin. Wala akong tutol kung gusto mo ang trabaho na 'yon. Ayos lang kung mag stay-in ka roon at umuwi na lang dito kahit dalawang beses sa isang buwan. Huwag mo nang isipin ang mga kapatid mo, ako na ang bahala sa kanila."
"Pero, Nay, ayokong mapalayo sa inyo. Paano ko kayo mababantayan? Ang kalusugan ninyo ang inaalala ko."
"Malakas pa naman ako anak. May mga pagkakataon lang na umaatake ang sakit ko, pero kung kumpleto naman ang mga gamot ko at nakakainom ako sa tamang oras ay maayos naman ang kalagayan ko. Mahirap ka ng makahanap ng magandang trabaho rito. Minsan lang ang ganiyang opurtunidad na lalapit sa iyo, samantalahin mo na anak, huwag mo ng palagpasin. Pagkakataon mo ng kumita ng malaki. Mag ipon ka ng pera at mag-aral ka ng kolehiyo sa Maynila, 'di ba pangarap mo 'yon? Kung mananatili ka rito at hindi makikipagsapalaran ay hindi magbabago ang takbo ng buhay mo. Maraming opurtunidad sa siyudad anak. Huwag mo na kaming isipin ng mga kapatid mo, magiging maayos kami."
Natahimik si Archer. Sa mga sinabi ng kaniyang ina ay napaisip siya. Wala na naman sa plano niya ang mag-aral, ang tanging gusto lang niya ay mabigyan ng maganda at komportableng buhay ang kaniyang pamilya. Kung may permanenteng trabaho siya ay hindi papalya sa pag inom ng gamot ang kaniyang ina. Magkakaroon na siya ng sapat na pera para mapatingnan ito sa espesyalista. Maibibigay na niya ang pangangailangan ng kaniyang mga kapatid sa eskwela at makakain na sila ng masasarap. Mapaparanas na rin niya sa mga ito na makakain ng masasarap na pagkain.
Sa ngayon ang kabutihan ng kaniyang pamilya ang mas priyoridad niya at hindi ang masamang ugali ng babaeng pagsisilbihan niya.
Bahala na. Siguro nga panahon na para subukan naman niyang makipagsapalaran sa ibang lugar. Wala namang mawawala kung susubukan niya, kung hindi naman niya kaya ay pwede naman siguro siyang umayaw.
Kailangan bukas ay matawagan na niya si Mr. Valencia at masabi na niya rito ang naging desisyon niya.
Hindi siya dalawin ng antok, bukod sa mainit na at malamok pa sa kaniyang kinahihigaan ay iniisip na niya ang mga maaaring manyari kung matuloy man siyang magtrabaho sa Maynila. Dahil maalinsangan ang panahon at kahit anong pilit niya ay hindi talaga siya makatulog, tumayo siya sa kinahihigaan at lumabas sa kanilang bahay para magpahangin.
Pasado alas dose na ng mga oras na iyon. Napakatahimik sa kanilang lugar, madilim ang paligid at wala kang maririnig na ingay bukod sa huni ng mga kuliglig at manaka-nakang tahol ng mga aso.
Parang naghahanap ng sigarilyo ang bibig niya, kaya lang ay pinigilan niya ang sarili. Ilang buwan na simula ng tumigil siya sa paninigarilyo, bukod sa hindi maganda sa kaniyang kalusugan ay ayaw niya rin na malanghap ng kaniyang mga kapatid ang usok na nagmumula sa ibinubuga niya. Sa matinding determinasyon na maalis niya ang ganuong bisyo ay pinagsikapan niya na huwag ng hanap-hanapin ang sigarilyo, kaya lang ngayon kapag may iniisip siya ay hindi niya maiwasan na maakit na naman. Ang sigarilyo kasi ang nagpapawala ng tensiyon niya.
"Tang ina, Archer! Huwag ka padadala sa tukso," bulong niya sa sarili.
Kahit gustuhin man niyang manigarilyo ay wala naman siyang mapagkukunan, sarado pa ang mga tindahan at matagal na siyang hindi nagtatabi ng ganuon sa kanilang bahay. Itinapon na niya ang mga natira niya noon.
Huminga siya ng malalalim at tumingala sa langit. Nakaramdam siya ng kapayapaan ng makita niya ang nagkikislapang mga butuin.
Dama niya ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa kaniyang balat. Kapag natuloy siya sa Maynila ay mami-miss niya ang buhay sa Santa Catalina. Narito lahat ng alaala ng kabataan niya.