"Naku, Ms. Tiffa, saan ka ba nangggaling? Bakit ka tumakas? Totoo bang nabangga mo ang sasakyan ni Sir Robert?" sunod-sunod na tanong ni Karen, binalingan ito ng masamang tingin ni Tiffa.
"Pulis ka ba, ha? Bakit ang dami mong tanong?" inis na sabi niya.
Napakamot ng ulo si Karen at hindi nakaimik.
"Bantayan mo ang lalaking kasama ni Atty. Del Mundo. I-report mo sa akin kung ano ang napag-usapan nila ni daddy," utos niya sa kaniyang alalay. Ibinagsak niya ang katawan sa kama.
"Ha! Sinong lalaki?" takang tanong naman ni Karen, wala siyang ideya kung sino ang taong tinutukoy ni Tiffa. Hindi rin niya alam na dumating pala si Atty. Del Mundo.
"Basta, gawin mo ang inuutos ko sa'yo, bantayan mo ang lalaking 'yon. Diskumpiyado ako sa hilatsa ng mukha niya, mukhang hindi mapagkakatiwalaan. Bumaba ka na, baka makaalis na 'yon. Ano pa'ng hinihintay mo, dalian mo!"singhal nito kay Karen.
"O-oo, Ms. Tiffa!" tarantang sabi nito, nagmamadali nang lumabas ng silid at bumaba ng hagdan.
Si Archer ay kasalukyang nasa loob ng opisina ni Robert, hinatid lang ito ni Atty. Del Mundo, pagkatapos ay lumabas na rin ang abogado at dumiretso sa kusina para mag-kape. Sa sobrang aga ng pang-iistorbo sa kaniya ni Tiffa ay hindi na niya nagawang mag-almusal.
"Attorney!" tawag ni Karen sa abogado nakita niya itong naglalakad nang nasa hagdan na siya kaya naman nagmamadali siyang bumaba at humabol dito.
"Oh, Karen, bakit?" tanong ng abogado.
"May kasama ka raw na lalaki, sino 'yon?" agad na tanong ng dalaga.
Nangunot ang noo ng abogado. "Sino ang nagsabi sa 'yo, si Tiffa ba?" balik na tanong nito.
Tumango si Karen. "Opo, sabi niya bantayan ko raw yung lalaki dahil mukhang hindi mapagkakatiwalaan. Gusto niyang alamin ko kung ano ang napag usapan nila ni Sir Robert."
"Tsk! That girl." iiling-iling na sabi ni Atty. Del Mundo.
Si Karen naman ang nagunot ang noo ngayon. Naguguluhan siya sa inasal ng abogado na may pa-iling-iling pa.
"Bakit po?" curious na tanong niya
"The man Tiffa is referring to is the driver of the truck she bumped with. I don't know what Mr. Valencia wants in him. Wala akong ideya kung tungkol saan ang pag-uusapan nila. Inutusan lang niya ako na isama siya rito sa mansiyon."
Nabigla si Karen sa sinabi ng abogado, na-curious din siya kung ano nga ba ang kailangan ni Mr. Valencia sa driver na iyon? Marami ng nabanggang sasakyan si Tiffa at hinayaan lang naman ni Mr. Valencia na si Atty. Del Mundo ang umasikaso sa mga kaso ng kaniyang anak, ngunit kakaiba ngayon. Bakit kinausap nito ang lalaking iyon na napag-alaman niyang truck driver ng bigas?
"If you'll excuse me, hija, pupunta muna ako sa kusina para mag-almusal, nagugutom ako," paalam ni Atty. Del Mundo kay Karen.
"Ah, si-sige po, Attorney, kumain lang po kayo. Damihan niyo po ang kain, magpakabusog po kayo," ani naman ni Karen, alanganing nginitian siya ng abogado at pagkatapos ay ipinagpatuloy na ang naudlot na paglalakad patungong kusina.
Sinigurado muna ni Karen na wala na ang abogado, sinilip niya pa ito at mukhang nakapasok na nga sa kusina, kaya naman bumaba na siya sa ground floor para tunguhin ang opisina ni Mr. Valencia. Magbabakasakali lang siya na marinig ang pag uusap ng kaniyang among lalaki at ng truck driver na tinutukoy ni Tiffa.
Maingat niyang pinihit ang seradura ng pinto sa opisina ni Mr. Valencia ngunit naka-lock ito kaya naman naisipan na lamang niyang idikit ang tenga niya rito. May narinig siyang nag-uusap ngunit hindi niya masyadong maintindihan. Sa lawak ng opisina ni Mr. Valencia ay malabo ngang marinig niya ng maliwanag ang pag uusap ng mga tao sa loob mula sa labas.
"Ikaw talaga Ms. Tiffa, kung ano-ano ang inuutos mo sa akin. Ginawa mo pa talaga akong marites dito," bubulong-bulong na sabi ni Karen na halos asawahin na ang pinto sa tindi ng yakap.
"Ano pong kailangan ninyo sa akin, sir, bakit n'yo po ako pinapunta rito?" tanong ni Archer kay Mr. Valencia. Seryoso ang mukha ng ginoo na nakatingin lamang sa kaniya, wari bang sinusuri nito ang pagkatao niya sa mga tingin na iyon.
"Matagal ka na ba sa trabaho mo?" tanong ng mayamang negosyante kay Archer.
"Hindi pa po, mga isang buwan pa lang po," sagot niya.
Tumango-tango ang ginoo. "Gaano katagal ka nang nagda-drive?"
"Marunong na po akong mag-drive simula noong katorse anyos pa lang po ako. Mekaniko po kasi sa isang talyer sa lugar namin ang tatay ko. Kapag umuuwi ako galing eskwela ay dumideretso na ako sa talyer para samahan si itay at kapag wala namang pasok ay tumutulong ako sa kaniya. Sa tuwing may natatapos siyang gawin na sasakyan ako ang inuutusan niyang mag test-drive. Siya po ang nagturo sa akin na magmaneho. Kahit na anong klase ng sasakyan po ay kaya kong paandarin, kahit na ten wheeler truck pa po," pagkukuwento ni Archer.
"Hmm... Very good! That was amazing. Bata ka pa ay nakakatulong ka na sa mga magulang mo. Your parents is surely proud of you," humahangang sabi ni Mr. Valencia.
"Opo, proud na proud po sa akin ang nanay ko. Ang tatay ko naman po, kahit na nasa langit na siya, alam kong proud din siya sa akin," maagap na tugon naman ni Archer.
Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Robert, nagulat siya sa sinabi ng binatang kaharap niya.
"Oh, I'm so sorry to hear that your father is no longer in this world."
"Matagal na pong wala si itay, ako na po ang tumayong padre de familia sa amin. May sakit po kasi ang nanay ko at mga bata pa ang mga kapatid ko."
"Ganun ba? Mukhang bata ka pa, ilang taon ka na ba at ano nga pala ang pangalan mo?"
"Twenty one years old na po ako. Ako po si Archer Lorenzo."
Ngumiti ang negosyante. ""It was nice to meet you, Archer. My name is Robert... Robert Valencia. I am Tiffa's father. I'm sure you already know my daughter, considering what she has done to you and your truck. I'm the one apologizing for my daughter and the trouble she caused you. Alam kong malaking perwisyo ang ginawa niya sa 'yo," mapagkumbabang sabi ni Robert.
"Mabuti pa po kayo nanghihingi ng sorry sa akin kahit wala naman kayong ginawang masama, pero ang anak niyo po, siya na nga ang nakadisgrasya siya pa ang matapang at may ganang magalit," pagsusumbong ni Archer, nakalimutan na nga niya ang tungkol kay Tiffa. Kung hindi lang pinaalala ng kaniyang kausap ay hindi na niya ito maiisip dahil kumukulo lang ang dugo niya kapag naaalala niya ang malditang dalaga.
Bumuntong hininga ng malalim si Robert.
"I'm so sorry about my daughter. I am the one responsible for her and her actions. Kahit ako nahihirapan na kontrolin siya," problemadong sabi ni Robert.
"Ayos na po sa akin 'yon, sir. Hindi niyo naman po kami pinabayaan ng kaibigan kong si Binggo. Maiuuwi pa rin naman ang mga bigas ngayong araw, iyon nga lang po ang truck ay nasa casa pa. Mga dalawang araw pa raw po bago maayos."
Huminga ng malalim si Robert.
"Ang totoo niyan Archer, kaya kita pinapunta rito ay dahil gusto kitang alukin ng trabaho."
Nabigla si Archer sa sinabi ng negosyante.
"Ho! Pero, may trabaho na po ako," sabi niya.
"I know may trabaho ka na. Nagbabakasakali lang ako na baka gusto mong magtrabaho sa akin."
"A-ano po ba ang trabaho na iaalok ninyo sa akin?" alanganing tanong niya.
"Gusto kong magtrabaho ka sa akin bilang driver/bodyguard ng anak kong si Tiffa."
Nanlaki ang mga mata ni Archer sa pagkagulat, hindi niya mapaniwalaan na iyon ang sasabihin ng ginoo.
"Naku, sir, ayoko po. Pasensiya na po, iba na lang ang alukin ninyo ng ganiyang trabaho. Mahirap pong kasama ang anak ninyo, napakasungit po niya at laging galit. Isa pa po, hindi ako pwedeng mag-trabaho rito sa Maynila at iwan ko ang pamilya ko sa Santa Catalina. May sakit po ang nanay ko, kailangan pong lagi akong naka-monitor sa kaniya."
Napanbuntong hininga si Robert.
Kanina ng mag-send sa kaniya ng video si Atty. Del Mundo para ipakita sa kaniya kung gaano kalaki ang pinsala na nangyari sa sasakyan niya na itinakas ng anak, pati na rin sa truck na binangga nito ay nahagip ng camera si Archer at Tiffa na nagtatalo. Nakita niya ang binata na walang takot na hinaharap ang anak niya. Naisip niyang makakabuti siguro na ang katulad ni Archer ang magiging driver/bodyguard ni Tiffa. Iyong hindi nai-intimidate sa kaniya at hindi basta-basta susunod na lang sa utos ng anak niya. Alam niya kung gaano ka-demanding si Tiffa. Ang kailangan niya ngayon ay ang driver/bodyguard na kayang kontrolin ang kamalditahan ng kaniyang nag iisang anak.
"Suswelduhan kita ng doble pa sa kinikita mo sa pagda-drive ng truck. Ay hindi pala... gagawin ko nang triple. Tatlong beses na higit pang mataas sa sweldo mo ngayon. Kung iniisip mo naman ang pamilya mo. I will povide a house for you and your family para hindi ka na mapalayo sa kanila at makakauwi ka pa sa inyo after your duty."
Natigilan si Archer, nakakaingganyo ang alok na iyon ni Mr. Valencia. Maganda ang offer nito at pabor lahat sa kaniya kaya, lang kailangan pa niya itong ikunsulta muna sa kaniyang ina kung papayag ito na iwan ang kinalakihan nilang lugar. At ang pinakamalaking problema na humahadlang sa kaniya para pumayag ay si Tiffa mismo. Hindi niya kayang magtrabaho sa masungit na babae na 'yon.
"Sige, pag isipan mo muna, bibigyan kita ng dalawang araw para mag-isip. Kausapin mo muna ang nanay mo at ipaalam ang tungkol sa offer ko. Hindi ako maghahanap ng iba hangga't hindi ko naririnig ang sagot mo after two days. I'll give you my contact number, tawagan mo ako after two days. Pwede ka ng umuwi sa Santa Catalina ngayon, tungkol naman sa truck, ipapahatid ko na lang siya sa mga tauhan ko kapag naayos na kaya huwag mo ng problemahin. Here's my calling card, take this with you. Don't forget to call me."
Alumpihit na kinuha ni Archer ang inaabot na calling card ni Robert. Saglit niya itong tiningnan at binasa.
"Si-sige po, pag iisipan ko," aniya, kahit alam na naman niya sa sarili niya na hindi pa rin ang isasagot niya sa ginoo. Itinago niya ang tarheta sa bulsa ng kaniyang pantalon.
"Sige po aalis na ako, uuwi na po ako ng Santa Catalina. Kinagagalak ko po kayong makilala, sir," paalam niya sa ginoo pumihit na siya patalikod ng pigilan siya nito.
"Wait, Archer!" sabi ng ginoo kaya pumihit ulit siya paharap dito.
"Bakit po, sir?" tanong niya.
Binuksan ni Robert ang unang drawer sa office table niya. May kinuha itong mga perang papel mula roon at inabot kay Archer.
"Tanggapin mo 'to, pamasahe mo pauwi sa inyo."
"Naku, huwag na po, sir, may pera pa ako rito," tanggi ni Archer, ayaw niyang tanggapin ang pera na ibinibigay ng mayamang negosyante kahit ang totoo ay kailangan niya iyon dahil mukhang hindi na aabot ang dala niyang pera na pamasahe sa bus papuntang Santa Catalina. Kaya lang ay nahihiya siya at isa pa ayaw niyang magkaroon ng utang na loob kay Mr. Valencia at maging sanhi pa iyon para mapilitan siyang pumayag sa alok nito.
"Tanggapin mo na ito at huwag mong tanggihan, kabayaran iyan sa perwisyo na ginawa sa iyo ng anak ko. Kung iniisip mo na ang pera na ito ay may kinalaman sa inaalok kong trabaho sa 'yo ay huwag mong isipin iyon. Igagalang ko ang desisyon mo, kung hindi mo gustong magtrabaho para sa akin ay tatanggapin ko. Walang kinalaman ang pera na ito sa offer ko sa 'yo," paliwanag ni Robert.
Lumakad si Archer papalapit sa ginoo. Napilitan na siyang tanggapin ang ibinibigay nito dahil kung hindi niya tatanggapin ay mahihirapan pa siyang makahanap ng pera na ipandadagdag sa pamasahe niya sa bus pauwi sa kanilang lugar.
"Naku! Masyado naman pong marami ang pera na ito. Hindi ko po matatanggap ang lahat ng ito. Kukunin ko lang po yung sapat lang na pamasahe ko pauwi," sabi niya. Bumawas lang siya ng ilang piraso sa bungkos ng pera na sa tingin niya ay kakasya ng pamasahe at pangkain habang bumibyahe. Sa tantiya niya kasi ay aabot ng limampung libong piso ang perang ibinigay sa kaniya ni Mr. Valencia. Ipinatong niya na lamang sa lamesa ang sobra.
Nagunot ang noo ni Robert. Tatlong libong piso lang kasi ang kinuha ni Archer.
"Sigurado kang, kakaysa na 'yan?" anito.
"Opo, sir, maraming salamat po dito. Aalis na po ako, malayo-layo pa po ang lalakbayin ko."
"Okay, mag iingat ka. Hihintayin ko ang tawag mo," anang ginoo.
"Sige po, sir." Tuluyan ng tumalikod si Archer at tinungo ang pinto para buksan.
Nangunot ang noo ng binata ng maramdaman na para bang mabigat ang pinto at hindi basta-basta mabuksan, kaya naman bumuwelo pa siya at hinatak nang malakas ang pinto para bumukas.
"Ay, kabayo!" sigaw ni Karen na noon ay nakayakap sa pinto, hindi niya inaasahan na bubukas iyon. Nawalan siya ng balanse at halos sumusob na sa sahig.
"Karen, what are you doing there?" gulat na tanong ni Robert na nakita ang mga pangyayari.
"Ah-sir, wala po, napadaan lang ako," taranta at kakamot-kamot ang ulo na sabi ni Karen.
Inilahad ni Archer ang kaniyang kamay para tulungang makatayo ang assistant ni Tiffa. Napatingala naman ang dalaga at halos malaglag ang panga nito sa pagkagulat ng makita si Archer. Hindi niya akalain na napaka-gwapo naman pala ng truck driver na ito.
Dali-dali niyang inabot ang kamay niya rito, pagkakataon na niyang maranasan na mahawakan sa kamay ng isang gwapong lalaki. Ginandahan niya ang pagtayo habang nakakapit sa kamay ni Archer, nag beautiful eyes pa siya para mapansin nito ang maganda niyang mga mata.
Napamaang naman si Robert sa nakikitang kakaibang kinikilos na iyon ni Karen na akala mo naiihi dahil hindi mapakali.
"Hi! Ako nga pala si Karen, assistant ako ni Ms. Tiffa, ikaw ano ang pangalan mo?" kinikilig pang tanong nito.
"Archer... Ako si Archer," tugon ng binata.
"Ay ang ganda ng pangalan mo, Archer, parang pana. Asintado ka pala, napana mo kasi agad ang puso ko, Archer," sabi ni Karen.
Nagunot ang noo ni Archer. Hindi niya mawari ang mga pinagsasabi at ikinikilos ni Karen.
"Ahemm... Karen, pwede ba, bitiwan mo na si Archer at malayo pa ang pupuntahan niyan."
Namagitan na si Robert dahil nakita niya ang pagkailang sa mukha ni Archer.
"Ah- opo, Sir Robert! Sige Archer, umalis ka na, sana bumalik ka uli, ah. Hihintayin ko ang pagbabalik mo," maarteng sabi nito at pinakawalan na rin sa wakas ang kamay ni Archer.
Pilit na ngiti lang ang itinugon ni Archer sa dalaga.
Mas lalo atang nadagdagan ang rason niya para hindi pumayag sa trabaho na ini-offer sa kaniya ni Mr. Valencia. Kung magta-trabaho siya kay Tiffa ay malaki ang posibilidad na makakasama rin niya ang makulit na si Karen dahil alalay ito ni Tiffa.
Dali-dali na siyang lumabas para makalayo kay Karen. Hindi niya alam kung paano siya makakalabas sa malawak at malaking bahay na iyon kaya nagtanong-tanong na lang siya sa mga naka-unipormadong kasambahay na nakakasalubong niya.
Katulad ni Karen ay amaze na amaze rin ang mga kasambahay sa mansiyon sa itsura niya at para bang humahanga nang todo sa kagwapuhan niya. Napakamot na lamang siya sa ulo ng marinig niyang nagtitilian pa ang mga ito at ang iba ay nagtutulakan at para bang kilig na kilig.