"Ano, payag ba kayo, Archer-Binggo?"
Nagkatinginan ang magkaibigan, nagtatanong ang kanilang mga mata. Kaharap nila ngayon si Mang Melchor, inaalok sila nito ng trabaho. Magiging driver si Archer at pahinante naman si Binggo ng kaniyang truck na bumibyahe patungong Maynila upang mag-aangkat ng kanilang mga panindang bigas.
Dahil walang inaatrasang trabaho ay pumayag agad si Archer sa alok na iyon ni Mang Melchor. Samantalang si Binggo naman ay nakasalalay lang kay Archer ang kaniyang desisyon, kung ano ang magiging sagot nito ay ganun na rin ang sa kaniya.
"Sige po, Mang Melchor, pumapayag kami ni Binggo," sagot ni Archer habang nakatingin sa kaibigan na noon ay tumango lang, tanda ng pagsang ayon.
Natuwa naman si Mang Melchor sa naging sagot na iyon ng dalawa.
Tama naman kasi at bakasyon na sa eskwela, hindi na gaanong aalalahanin ni Archer ang mga kapatid. Kahit ilang araw siyang wala ay kaya naman na ng mga ito na asikasuhin ang bahay.
"Mabuti naman at pumayag kayo, hirap akong maghanap ng mga mapagkakatiwalaang tao na mauutusan pumunta ng Maynila," sabi ni Mang Melchor.
"Eh, kailan po ba kami magsisimula?" tanong ni Binggo.
"Bukas na bukas din. May isandaang sakong bigas kayo na kailangang kunin sa supplier ko."
"Sige po, Mang Melchor, maaga pa lang nandito na kami," wika ni Archer.
Simula ng magbuhat sila ng mga sako ng bigas kay Mang Melchor ay pinayagan na sila nitong paminsan-minsan ay mag-side line sa kaniyang tindahan. Katu-katulong ang dalawa ni Karla, sila ang nagtatakal ng bigas kapag may bumibili. Bukod sa bigasan ay may grocery din sila Mang Melchor at tindahan ng mga karne ng baboy, baka at manok sa palengke. Mabait sa kanila ang mag ama kaya naman sinusuklian nila ng katapatan ang kabaitan ng mga ito.
Nang umuwi sila ay manok naman ang pinabaon sa kanila ni Karla, kaya tuwang-tuwa na naman si Archer, dahil makakapag ulam na naman ng masarap ang kaniyang ina at mga kapatid.
"Tol, halika... daan tayo kay Myrna," aya ni Binggo, kinalabit pa si Archer na noon ay namimili ng sayote at dahon ng sili para isahog sa manok na gagawin niyang tinola. Naisip niya kasing masarap humigop ng mainit na sabaw ngayon lalo pa at malamig ang panahon. Hindi naman maulan ngunit malamig at mahangin ang klima.
"Ha... ano naman ang gagawin natin doon?" tanong ni Archer, matapos bayaran sa tindera ang mga pinamili niya.
"Nakasalubong ko siya kanina. Ang sabi, dumaan daw tayo sa pwesto niya bago tayo umuwi."
"Bakit kaya tayo pinapupunta sa tindahan niya?" napapaisip na tanong ni Archer.
"Ewan ko, baka gusto ka lang makita. Alam mo naman na crush na crush ka no'n at hindi kumpleto ang araw niya kapag hindi ka nakikita," may himig panunudyo na sabi ni Binggo.
"Huh! Ikaw talaga puro ka kalokohan, halika na nga lang dumiretso na tayo ng uwi, huwag na tayong dumaan doon." Nauna nang lumakad si Archer at hinabol naman ito ni Binggo.
"Teka lang, tol, daanan na natin malapit na naman, eh. Ngingitian mo lang naman yung tao napakadamot mo naman. Konting ngiti mo lang dun ay masayang-masaya na 'yon. Ayaw mo ba nun nakakapagbigay kasiyahan ka sa mga babae. Naku! Kung ako lang ang may mukha at katawan na ganiyan, matagal na siguro akong mayaman."
"Tsh! Paano ka naman yayaman sa mukhang ito? Papatol ka sa mga babaeng may gusto sa'yo at hahayaan mong sila ang bumuhay sa'yo ganu'n ba?" nang uuyam na tanong niya.
"Hindi naman. Ang ibig kong sabihin kung ganiyan ako katangkad at ka-gwapong lalaki ay magmo-modelo ako o kaya mag-aartista."
"Ugh! Akala mo itsura lang ang basehan para maging artista, siyempre kailangan din na may talent."
"Bakit wala ka bang talent?"
"Wala," mabilis na sagot ni Archer.
"Weh... Anong wala, magaling ka ngang kumanta at mag-gitara."
"Ayoko ng mga ganyang klase ng trabaho, yung mga tipong nagpapa-cute at nagpapa-gwapo sa camera. Hindi ko gusto ang ganyan. Gusto ko yung trabaho talaga, yung nababatak ang mga buto ko."
"Tsk! Talagang gusto mo 'yung tagaktak ang pawis at pagod na pagod noh?"
Hindi naman umimik si Archer.
"Halika na, daanan na muna natin si Myrna, nakapangako na ako sa kaniya. Gugustuhin mo bang maging malungkot siya?" nangongonsensiya na sabi nito kaya wala nang nagawa pa si Archer kung hindi ang sumama na lamang dito.
"Archer, mabuti naman at pinasyalan mo ako rito," tuwang sabi ni Myrna, malayo pa lang ay natanaw na niya ang paparating na mag kaibigan kaya agad niyang sinalubong ang mga ito. Masayang-masaya siya na makita si Archer.
"Ah, oo, nabanggit kasi ni Binggo sa akin na gusto mo raw akong makita," alanganing sabi niya.
"Oo, binilin ko nga sa kaniya na padaanin ka rito. May ibibigay lang ako sa'yo, sandali at kukunin ko."Saglit na umalis ito sa kaniyang pwesto at may kinuha sa tabi ng kaha. Isang may kalakihang plastic bag iyon na may lamang isang piling na saging na lakatan, ubas, mansanas at orange.
"Iuwi mo na ito para may pasalubong ka sa nanay at mga kapatid mo," sabi ni Myrna.
Hindi makapaniwalang tumingin si Archer sa dalaga. "Naku! Hindi ko matatanggap 'yan, masyadong marami, baka malugi ka na niyan," mariing sabi ng binata na hindi man lang hinawakan ang binibigay nito.
"Kunin mo na, ano ka ba? Wala namang problema do'n, pasobra lang din naman 'yan ng supplier ko kaya ibinibigay ko na lang sa'yo. Makakabuti ang mga prutas na 'yan para sa nanay mo," pamimilit na sabi ni Myrna.
Kahit ayaw ay napilitan na lang si Archer na kunin ang binibigay nito. Ayaw rin naman niyang magtampo ito sa kaniya.
"Maraming salamat, Myrna, tiyak na matutuwa ang inay kapag nakita niya ito, paborito niya ang mga prutas," sabi niya.
Napangiti naman si Myrna, masaya siyang malaman na nagustuhan ni Archer ang mga prutas na bigay niya.
"Ahem... Myrna, baka naman pwede mo rin akong pabaunan, may nanay rin ako at mga kapatid," hirit ni Binggo.
Siniko ito ni Archer sa tagiliran.
"Aray!" daing ni Binggo habang hinihimas ang parte ng katawan niya na tinamaan ng siko ni Archer.
"Huwag ka ng humingi, hahatian na lang kita rito," pabulong na sabi ni Archer, ayaw niyang samantalahin ang kabutihan ni Myrna.
Hindi naman nakaligtas sa pandinig ni Myrna ang sinabi ni Archer. Hindi nito gusto na konti lang ang maiuwi ni Archer sa kaniyang pamilya, kaya naman buhat sa kaniyang mga paninda ay kumuha siya ng isang piling na saging at tagdalawang mansanas at orange, inilagay niya iyon sa plastic bag at inabot kay Binggo.
"Ito, para sa'yo, Binggo," nakangiting sabi ni Myrna. Mabilis pa sa alas kuwatro na kinuha iyon ni Binggo.
"Tenkyu beri mash!" tuwang-tuwang sabi ni Binggo.
Napabuntong hininga naman ng malalim si Archer. Gusto niyang kutusan ang kaibigan kaya lang ay nahiya naman siya kay Myrna na hindi inaalis ang malalagkit na tingin sa kaniya.
"Maraming salamat talaga, Myrna. Hayaan mo babawi kami ni Binggo sa'yo sa susunod," sabi niya sa dalaga.
"I-date mo lang ako ng isang beses, Archer, masaya na ako," seryosong sabi nito.
Napalunok ng sarili niyang laway si Archer. Hindi niya akalain na ganun ka-prangka magsalita si Myrna. May kapalit pala ang mga prutas ba bigay nito. Kung alam lang niya ay hindi na niya tinanggap, ang kaso ay nakahiyaan na niyang ibalik.
"Oo naman, ide-date ka ni Archer, 'di ba Archer?" sabat ni Binggo sa usapan.
Dahil ayaw ni Archer na sumagot ay ginawa na lamang niyang mapilitan ito, natakot siyang bawiin ni Myrna ang prutas na ibinigay nito sa kaniya o kaya ay baka pabayaran sa kaniya. Mabait lang kasi ito sa kaniya dahil kaharap nito si Archer, pero kapag wala si Archer ay siguradong sisinghalan siya nito at sisingilin.
"Ikaw talaga pahamak ka, dapat hindi ako nakinig sa'yo eh," inis na sabi ni Archer, habang naglalakad sila.
"Ano naman, isang date lang masyado ka namang madamot!"
Sinamaan niya ng tingin ang kaibigan.
"Oo, isang date nga lang iyon, per paano kung mag-expect pa ng iba si Myrna at isipin na may gusto ako sa kaniya?" asar na sabi ni Archer.
"Eh, di kung ayaw mo, ako na lang ang magpo-proxy, sabihin na lang natin na hindi maganda ang pakiramdam mo. Maganda naman si Myrna, sexy pa nga, nakita mo naman ang laki ng bumper."
Dahil sa inis ay nakutusan niya ang kaibigan. "Ikaw talaga kahit na kailan pahamak ka!"
"Tsh! Huwag mo na munang problemahin 'yon, next week pa naman 'yon."
"Ah, ewan ko sa'yo!" singhal niya rito. Nang may makita siyang jeep na parating ay agad niyang pinara at sumabit, mabilis naman na humabol si Binggo at sumabit din.
"Bukas ha, alas singko pa lang dapat nakabihis ka na, dadaanan kita, kukunin pa natin ang truck kila Mang Melchor," bilin ni Archer sa kaibigan bago sila maghiwalay.
"Oo, sige, hihintayin kita sa bahay," tugon naman nito.
Matapos ang ilan pang pag uusap ay naghiwalay na sila ng landas.
Tuwang-tuwa sina EC Boy at Clarissa nang makita ang mga uwing pagkain ng kanilang Kuya Archer. Nagpadingas na agad ng apoy si Clarissa para makapagsaing na ng kanin. Si Archer naman ay hinugasan na ang manok at si EC Boy ay binalatan na ang mga sayote. Nagtulong-tulong silang magkakapatid na magluto ng hapunan. Samantalang, si Aling Sonia naman ay tiniklop ang mga sinampay.
Matapos nilang maghapunan ay ipinaalam ni Arthur sa kaniyang ina ang bago nilang trabaho ni Binggo at ang pagluwas nila sa Maynila. Hindi man sang ayon si Aling Sonia ay pumayag na lamang sa desisyon ng anak. Hindi naman niya ito mapipigilan dahil sisige pa rin ito kahit hindi siya pumayag. Alam niyang basta mapagkakakitaan ay hindi palalampasin ng kaniyang anak, masyado itong masipag kaya minsan ay nag-aalala siya rito dahil hindi na nito iniisip ang sarili at laging sila na lang ang inaalala nito. Napakaswerte talaga niya sa mga anak, hindi man maginhawa ang buhay nila ay nagpapasalamat pa rin siya dahil biniyayaan siya ng Panginoon ng mga mabubuting anak.