Hindi mapigilan ni Karla na kagat-kagatin ang mga kuko niya sa daliri dahil sa matinding tensiyon, hindi pa man ay kabado na siya. Kung bakit ba kasi hirap siyang makahanap ng driver/bodyguard para kay Tiffa. Halos isang linggo na rin ang nakalilipas simula ng mag-resign si Franco, at hanggang ngayon ay walang aplikante na inaaprubahan si Tiffa. Lahat nang nag-aapply ay hindi pumapasa sa kaniyang standard.
"Hoy, Karen! Bakit ba nakatunganga ka d'yan? Nasaan na ang mga damit ko?" iritadong tanong ni Tiffa, nakalabas na ito ng bahay at kasalukuyan silang nasa garahe.
"Naipasok ko na po sa loob ng sasakyan," alanganing sagot ni Karen.
"O, ano pa'ng hininhintay mo, pumasok ka na rin at aalis na tayo," utos sa kaniya ni Tiffa.
Lumakad na ito at tinungo ang kaniyang mamahaling sasakyan ngunit si Karen ay nananatiling nakapangko ang mga paa sa kaniyang kinatatayuan.
Sinimulan nang i-start ni Tiffa ang sasakyan ngunit natigilan siya ng mapansin na wala pa rin ang alalay sa kaniyang tabi.
Binuksan niya ang bintana ng kotse at sumilip sa labas.
"Karen! Ano pa'ng hinihintay mo d'yan, hindi ka ba sasama?" iritadong tanong niya.
"Ma-mauna ka na kaya, Ms. Tiffa, susunod na lang ako sa venue," halos nagkanda-utal nang sabi ni Karen.
Ang kunot na noo ni Tiffa ay lalo pa ngayong nangunot dahil sa sinabing iyon ng kaniyang alalay.
"Anong susunod? Bakit may iba ka pa bang gagawin? Wala naman akong inuutos sa'yo ah."
Hindi nakasagot si Karen, hindi niya masabi kay Tiffa ang dahilan kung bakit ayaw niyang sumabay sa kaniyang amo. Mas gugustuhin pa niyang mag-taxi at sumunod na lamang sa pupuntahan nito kahit sa sarili pa niyang bulsa mismo manggagaling ang pambayad sa pamasahe, huwag lang siyang sumabay kay Tiffa. Mahal niya ang buhay niya at may pamilya pa siya na umaasa sa kaniya.
Ilang araw na ba silang nakikipagpatintero kay kamatayan? Lagi na lang silang kamuntikang maaksidente sa daan dahil sa walang pag iingat na pagmamaneho ni Tiffa, dagdag pang napaka-mainitin ng ulo nito at laging nakakahanap ng kaaway sa daan. Takot na siya, baka kasi makatiyempo sila ng taong mainitin din ang ulo na kagaya niya at mas lalo pa silang mapahamak.
Sa pagkakataong iyon ay nakuha ni Tiffa ang gustong mangyari ni Karen. Naisip na niya ang sagot kung bakit ayaw nito na sumabay sa kaniya ngayon.
"Sumakay ka na dito bago pa kita sisantehin, Karen. Huwag mo akong iniinis. Kapag umandar na 'to ng hindi ka pa nakasakay maghanap ka na ng ibang trabaho dahil hindi na kita tatanggapin bilang alalay ko," pananakot ni Tiffa.
Naalarma si Karen, nagtatalo ang isip niya kung sasama ba kay Tiffa, hindi nga siya mawawalan ng trabaho ngunit ang isang paa naman niya ay nakabaon na sa hukay o huwag na lang siyang sumama at maghanap na lang ng ibang mapapasukan? Kapag pinili niya ang huli at least may pag-asa pa siyang mabuhay ng mahaba. Mahal niya ang trabaho niya pero mas mahal niya ang buhay niya.
"Sige, Ms. Tiffa, maghanap ka na lang ng bagong alalay," buo sa loob na sabi niya.
Umusok ang ilong ni Tiffa sa galit. Mukhang hindi niya nakuha si Karen sa pananakot niya, mas gusto pa nitong mawalan ng trabaho kesa ang sumama sa kaniya.
Akmang tumalikod na si Karen, ngunit maagap na nakababa si Tiffa at hinabol ito, hinatak niya sa balikat ang kaniyang alalay at ginawang paharapin sa kaniya.
"Hindi ka na nakakatuwa, Karen. Sumakay ka na ngayon din," pamimilit niya rito.
"Ayoko na nga po, magre-resign na 'ko," sabi ni Karen na desidido na sa kaniyang desisyon. Nagtatakbo ito papasok sa loob ng bahay at hinabol naman ito ng galit na galit na si Tiffa.
"Karen, bwisit ka, halika rito! Kapag nahuli kita yari ka sa akin!" malakas na sigaw ni Tiffa, ang boses nito ay dumadagundong na sa loob ng bahay.
Nagtatakang nakatingin lang sa kanila ang mga kasambahay habang parang aso't-pusang naghahabulan ang dalawa.
Napakunot ang noo ni Regina nang makita ang ganuong eksena, kasalukuyang bumababa siya ng hagdan. Nagtataka nga siya kung ano ang ingay na kaniyang naririnig.
"What's happening here?" takang tanong niya, nagpalipat-lipat ang tingin niya kay Tiffa at Karen.
Umayos naman ng tayo si Tiffa at nag-chin up.
"Wala kang pakialam dito," pabalag na sagot ni Tiffa.
"Karen, hindi na ako natutuwa sa 'yo. Sumunod ka na sa akin bago pa ako magwala rito," nagtitimpi sa galit na sabi ni Tiffa nang ang alalay naman niya ang kaniyang balingan.
"Ma'am Regina, ayoko na talaga," sabi ni Karen na nakatingin kay Regina, ang mga mata nito ay nagsusumamo at humihiling na tulungan siya ng ginang.Halos araw-araw kasi siyang nagsusumbong dito tungkol sa mga nangyayari sa kanila ni Tiffa sa daan. Nagkaroon na talaga siya ng phobia.
"Pagbigyan mo na muna, Karen. Makakahanap din tayo ng bagong driver ni Tiffa, hayaan mo at kakausapin ko si Robert," ani Regina.
Kahit masama ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang stepdaughter ay hindi pa rin niya mapigilan na hindi mag alala rito, kung mawawala pa si Karen ay hindi na niya alam ang gagawin kay Tiffa. Mahirap kontrolin ang anak ng kaniyang asawa at bukod tanging si Karen lang ang nakakapagtiyaga rito. Mas panatag siya kapag si Karen ang kasama ni Tiffa dahil nababantayan nito ng husto at naalagaan ang kaniyang stepdaughter dahil bukod sa kaniyang ama ay si Karen lang ang napagkakatiwalaan ni Tiffa.
Dahil malaki ang respeto ni Karen kay Regina at ito ang nagpaaral sa kaniya hanggang kolehiyo ay hindi niya magawang tanggihan ang pakiusap nito kahit madalas ay gustong-gusto na niyang umalis sa mansiyon ng mga Valencia dahil na rin sa kamalditahan ng kaniyang amo na si Tiffa.
Lulugo-lugong lumakad siya at lumabas ng bahay para bumalik sa parking. Samantalang si Tiffa naman ay naiwan na nakatingin ng masama sa kaniyang stepmother. Hindi niya gusto ang ginawa nitong pakikialam sa kanila ni Karen.
"If you're thinking that I'll be happy and grateful to you because you convinced Karen not to leave, you're mistaken. You won't hear that from me. Can you please not meddle in my life and mind your own business?" mataray na sabi ni Tiffa sabay irap sa kaniyang ina-inahan.
Katulad ng laging ginagawa ni Regina ay pinigilan niya ang sarili na huwag mapikon sa maldita niyang stepdaughter. Labing limang taon na niyang tinitiis ang kamalditahan at kawalang respeto ni Tiffa sa kaniya. Konting-konti na lang at bibigay na ang haba ng pasensiya niya para rito.
Matapos siyang irapan nito ay tuluyan ng umalis ang dalaga at lumabas ng bahay.
"Salud, pwede bang ikuha mo ako ng orange juice?" utos niya sa isa sa mga kasambahay nila na nakasalubong niya.
"Opo, Ma'am," maagap na sagot naman nito.
"Pakidala na lang sa veranda."
"Sige po, Ma'am Regina, isusunod ko agad."
"Thank you," nakangiting sabi niya at lumabas na ng bahay para magtungo sa veranda, gusto niyang mag-relax, kapag naiisip niya si Tiffa ay sumasama ang pakiramdam niya.
Samantalang sa loob ng sasakyan ay dinobol check ni Karen ang pagkakasuot ng kaniyang seatbelt at kumapit siya ng mahigpit para handa siya sa kung ano man ang maaring mangyari. Ang pintig ng puso niya ay sobrang bilis, hindi na talaga niya maipaliwanag ang takot na nadarama, hindi pa man nangyayari ang kinakatakutan niya, ay iyon na ang ini-expect niyang mangyari. Hindi nga niya alam kung bakit napakatapang ni Tiffa at hindi man lamang ito kakikitaan ng takot.
Sinamaan siya ng tingin ni Tiffa. "Alam mo mukha kang tuko d'yan. Bakit ba gan'yan ang itsura mo? Akala mo naman ay may gagawin akong masama sa'yo. Pwede ba Karen, tumigil ka nga d'yan sa kartehan mo dahil hindi na ako natutuwa sa'yo. Pasalamat ka nagda-drive ako dahil kung hindi kanina pa kita kinutusan d'yan," banas na sabi ni Tiffa.
"Ms. Tiffa, pwede rin ba sa daan ka mag-focus at huwag sa akin. Sinisiguro ko lang na konti lang ang magiging damage ko kapag naaksidente tayo."
"Bakit sino ba ang nagsabi na maaaksidente tayo? Ikaw talaga masyado kang negative kung mag-isip."
"Ah, basta, kapag may nag-apply ulit na driver/bodyguard mo huwag mo nang i-reject, tanggapin mo na please, huwag ka nang choosy."
"Hmp! Depende pa rin. Ayoko sa mga tatanga-tanga at hindi marunong sumunod sa intsruction."
"Waaaaaaahhhhhh... Ms. Tiffaaaa!"
Habang nag uusap ang dalawa ay biglang huminto ang sasakyan sa harapan nila, sa bilis ng pagpapatakbo ni Tiffa ay hindi agad siya nakapagpreno kaya bumangga ang bumper nila sa likuran nito. Mabuti na lang at mahigpit ang kapit ni Karen kaya hindi siya nasaktan, medyo naalog lang ng konti ang utak niya sa lakas ng pagbangga nila.
"F*ck! Sino bang tanga ang nagmamaneho ng sasakyan na 'yan? Bakit bigla na lang humihinto?" galit na sabi ni Tiffa, nahampas pa niya ang manibela dahilan para tamaan ang busina at tumunog nang malakas iyon. Napakislot sa kaniyang kinauupuan si Karen dahil sa labis na gulat.
Bumaba na ang sakay ng SUV, malaking mama ito, ang dilim ng mukha at galit na galit ang itsura. Malakas na kinatok nito ang bintana ng kotse sa puwesto ni Tiffa. Nagulat si Tiffa dahil hindi naman niya napansin ang biglang pagsulpot ng lalaki ngunit hindi mo kakikitaan ng takot ang mukha niya. Akmang bubuksan nito ang pintuan ng sasakyan ng pigilan ni Karen ang kamay niya.
"Ms. Tiffa, parang awa mo na, huwag kang lalabas baka kung ano ang gawin sa'yo ng lalaking 'yan. Tatawagan ko ang daddy mo pati na si Atty. Del Mundo para siya na lang ang kumausap. Please lang huwag ka ng lumabas, mas lalo lang tayong mapapahamak," pakiusap ni Karen. Nanginginig pa ang mga kamay nito habang tarantang hinahanap ang kaniyang cellphone sa dala niyang bag.
"No, I'll handle this myself," balewalang sabi ni Tiffa, binuksan niya ang pinto at hindi na siya napigilan pa ni Karen.
"Look at what you have done to my car. Bakit binigyan ka ng lisensiya hindi ka naman marunong mag-drive?" galit na sabi ng lalaki kay Tiffa.
Hindi sanay si Tiffa na sinisigawan ng ibang tao kaya nagpanting agad ang tenga niya.
"Hah! Ako pa talaga ang sasabihan mo ng hindi marunong mag-drive. Kung hindi ka ba naman isa't-kalahating tanga, bakit bigla ka na lang humihinto sa gitna ng kalsada na alam mo namang may mga kasunod ka?" inis na sabi ni Tiffa.
"Ms. Tiffa, tumigil ka na please, papunta na si Atty. Del Mundo rito. Huminahon ka naman, ang daming taong nakatingin sa atin," pakiusap ni Karen, nasa likuran na siya ni Tiffa ngayon at panay ang kalabit niya sa dalaga. Ngunit pinapalis lang nito ang kamay niya.
"Paanong hindi ako titigil nag-stop na ang traffic light. Ang sabihin mo hindi ka tumitingin sa dinaraanan mo. Overspeeding ka pa, napakabilis mong mag-drive lumagpas na ang bilis ng takbo mo sa required speed sa highway, naiintindihan mo ba?" nakapamewang na sabi ng mama.
Saglit na natigilan si Tiffa ngunit hindi siya nagpahalata, kahit na alam niyang mali siya ay hindi siya marunong umamin sa pagkakamali. Taas noo pa rin siyang tumingin sa lalaki at lumaban ng titigan dito.
"Bayaran mo ang nasira mo sa sasakyan ko!" sabi nito na nagde-demand kay Tiffa.
Sa lahat ng ayaw ni Tiffa ay ang inuutusan siya kaya naman dumoble ang inis niya sa lalaki.
"At bakit ko babayaran 'yang sasakyan mo na gawa sa lata? Nakita mo ba ang sasakyan ko ha, mas mahal pa 'yan sa buhay mo. Kahit habang buhay kang magpaalipin sa akin hindi mo mababayaran ang pagpapa-repair niyan."
"Bakit ko naman ipapa-repair 'yang sasakyan mo, ikaw nga itong nambangga. Kahit ano pang ganda at mahal ng sasakyan kung hindi naman marunong mag-drive ang may-ari wala pa ring kwenta. Mag-aral ka muna ng driving lesson bago ka mag-drive sa highway!"
Panay ang bangayan ng dalawa, hindi talaga nagpapatalo si Tiffa at ayaw aregluhin ang nadisgrasya niya. Mabuti na lang at may dumating na pulis at namagitan sa kanila. Sa huli sa pinakamalapit na presinto sila nagpunta para magsampa ng kaso sa isa't-isa.
Kahit nasa presinto na ay hindi pa rin tumitigil si Tiffa, kung ano-ano ang mga pinagsasabi nito, pati mga pulis ay inaaway.
"Ms. Valencia, nakita naman sa cctv na ikaw ang may kasalanan bakit ayaw mo pang makipag-cooperate? Gusto mo pa talagang umabot pa ito sa korte at makulong ka, lahat na ng ebidensiya ay nagpapatunay na ikaw ang may kasalanan pero ikaw pa ang nagmamalaki," inis na sabi ng pulis, napakamot pa ito sa ulo.
Panay ang tawag ni Karen sa abogado ng mga Valencia, hindi siya mapakali. Kahit na nagtitimpi pa ang mga pulis sa katigasan ng ulo ng kaniyang amo, alam niyang kapag nakipag away pa ito at nagwala sa presinto ay siguradong poposasan na ito ng mga pulis at ikukulong. Siya naman ang malalagot kay Mr. Valencia, pagsasabihan na naman siya nito na hindi niya ginagawa ng maayos ang kaniyang trabaho.Kahit ano ang gawin niya kung ganito naman katigas ang ulo ni Tiffa at walang pinapakinggan ay wala siyang magagawa. Dinaig pa ni Tiffa ang mga tambay sa kanto sa pagiging basagulera. Hindi nga niya alam kung bakit ganito ang kaniyang amo, lumaki naman sa mayamang pamilya pero kung makaasta akala mo gangster na laging naghahamon ng away.