Matapos ang ilang oras ng paghihintay, dumating na rin ang abogado ni Tiffa na agad sinalubong nila Archer at Binggo. Dito ay ikinuwento ng magka-ibigan ang detalye ng aksidenteng naganap na kinasasangkutan ni Tiffa.
"Attorney, it's not my fault, don't you ever dare to pay them. Ang too niyan ay sinaktan pa nga ako ng lalaking 'yan. Look at my arms, nagkaroon na ako ng pasa dahil sa higpit ng pagkakahawak niya sa akin. He intentionally do that. Kakasuhan ko siya ng physical injury," pagsusumbong ni Tiffa.
"Anong physical injury ang pinagsasabi mo d'yan? Hindi kita sinaktan, okay. Ikaw nga itong makulit at nagpipilit na tumakas. Pinipigilan lang kita na huwag umalis hangga't hindi pa natatapos ang kaso na ito."
"Attorney, ang hirap kausap ng babaeng 'yan kaya pwede ba tayo na lang ang mag-usap?" binalingan ni Archer ang abogado.
"No... Attorney, huwag kang makikipag-settle sa lalaking 'yan. Napakayabang niya, dapat siyang makulong," protesta ni Tiffa.
Nagpakawala ng malalim na buntong hininga ang abogado. Matagal nang naubos ang pasensiya niya kay Tiffa, hindi nagkukulang ang isang linggo na hindi siya nito pinapatawag. Napakarami nang kaso ni Tiffa na kaniya pang inaasikaso. Dapat sana'y sakop lang ng kaniyang trabaho ang Valencia Corporation, ngunit sa mga nakaraang buwan, tila't nagkasunod-sunod na ang mga kaso ni Tiffa na para bang wala na itong ginawang tama sa buhay niya. Kung hindi lamang mayaman si Tiffa at pumapayag naman ang lahat ng naagrabyado sa mga areglo ay matagal nang nakakulong ang huli.
"Ms. Tiffa, pwede bang doon ka na muna sa kotse. Hayaan mong ako na ang umayos nito," pakiusap ni Atty. Del Mundo sa dalaga.
Saglit na natigilan naman si Tiffa. Binigyan muna niya ng masama at naghahamon na tingin si Archer bago siya pamartsang sumakay sa sasakyan ng kanilang abogado.
Sinundan lang ito ng dismayadong tingin ni Archer.
"Attorney, pinaglihi ba sa sama ng loob ang babaeng 'yon? Bakit laging galit?" tanong ni Binggo.
"I'm so sorry about her behaviour, bata pa ganiyan na 'yan,"sabi ng abogado.
"Ah, spoiled brat pala," bulalas ni Binggo.
Hindi naman na sumagot pa si Atty. Del Mundo, napa- buntong hininga na lamang ito ng malalim dahil sa totoo lang ay hindi naman siya naii-stress sa trabaho niya sa kompanya ng mga Valencia. Ang nagbibigay talaga ng matinding problema sa kaniya ay si Tiffa.
Base sa nakita niyang itsura ng truck at sasakyang ginamit ni Tiffa ay malinaw talaga na ito ang may kasalanan sa nangyaring aksidente. Unang-una, nakatabi ang truck nila Archer malayo sa kalsada kung saan patungo sana si Tiffa. Sa kanang bahagi ng kalsada siya dapat naroroon kaya nakakapagtakang napunta siya sa kabilang bahagi at bumangga pa sa truck. Sa tingin ni Atty. Del Mundo ay masyado na namang mabilis ang pagpapatakbo nito at sa sobrang bilis ay nataranta na at hindi agad nakapagpreno. Baka may iniwasan itong ibang sasakyan kaya pinihit ang manibela at sa malas ay sa truck ng bigas ito bumangga.
"Alright, we'll resolve this matter. We'll arrange for the truck to be repaired and replace the rice that is no longer usable. The new rice will be sent to Santa Catalina, and we'll hire a truck to ensure proper delivery to your employer. I've already spoken to Mr. Valencia about this, and it's the plan we've agreed upon. One of you will go with the truck to confirm the precise delivery location for the rice, while another will remain here to oversee the vehicle's repairs."
"Ako na lang ang sasama sa truck na magde-deliver ng mga bigas sa Santa Catalina, tapos si Archer naman ang maiiwan dito para asikasuhin ang pagpapagawa ng sasakyan sa casa," suhestiyon ni Binggo.
Mabilis na nabaling ang atensiyon ni Archer sa kaibigan, sinamaan niya ito ng tingin. Hindi niya nagustuhan ang suhestiyon nito.
"Ano ba ang sinasabi mo d'yan? Ikaw ang maiwan dito at ako ang uuwi sa Santa Catalina," sabi ni Archer.
"Huh! Ikaw na rito, pahinante mo lang naman ako at saka kayo naman ang nag uusap ni Attorney. Hindi ka naman magtatagal dito, baka nga mamaya lang ayos na rin ang truck," pangungumbinsi ni Binggo.
"Tsh! Okay sige na, basta siguraduhin mo na tama ang bilang ng mga bigas na ilalagay sa truck. Bumalik kayo ulit sa rice mill para bumili ng kapalit ng mga natapong bigas," bilin niya sa kaibigan.
"Oo sige ako na ang bahala, huwag ka ng mag-alala, makakarating kay Mang Melchor ang mga bigas ng maayos. Siguraduhin mo rin na ipapagawa nila ang truck ha, kung hindi yari tayo kay Mang Melchor."
"Oo, sige na," tugon ni Archer.
Samantalang sa sasakyan ay hindi mapakali si Tiffa. Kanina pa niya hinahanap ang susi ng kotse ni Atty. Del Mundo ngunit hindi niya ito makita sa loob ng sasakyan nito. Balak niya sanang tumakas at gamitin ang sasakyan ng abogado. Gusto pa rin niyang pumunta kay Andrew, baka naghihintay pa rin sa kaniya sa coffee shop ang kaniyang nobyo. Kaya lang mukhang dala-dala ni Atty. Del Mundo ang susi. Habang nasa loob siya ng sasakyan nito ay panay ang tingin niya sa kalsada, nagbabakasakali siyang may dumaang taxi para agad niyang paparahin, kaya lang ay walang nagagawi ni isa. Kahit na pampasaherong sasakyan kagaya ng bus at jeep ay wala. Inis na humalukipkip na lamang siya at isinandal ang likod sa upuan.
Katulad ng napagkasunduan ay dumating na ang mga tow truck na tinawagan ni Atty. Del Mundo na magdadala ng mga nasirang sasakyan sa casa.
Ilang saglit pa ay sumunod na ring dumating ang nirentahang sasakyan na maghahatid naman ng mga bigas sa Santa Catalina.
Nagtulong-tulong ang driver at pahinante ng arkiladong truck kasama si Binggo na isalansan ang mga bigas. Samantalang si Archer ay sumama kay Atty. Del Mundo at sumakay sa sasakyan nito. Pupunta sila sa casa, para kausapin ang mekaniko na gagawa ng mga nasirang sasakyan.
"Huh! Bakit nandito ang lalaking 'yan?" inis na tanong ni Tiffa nang makita si Archer na sumakay sa kotse at umupo sa passenger seat katabi ni Atty. Del Mundo."
"Kailangan siyang sumama sa casa para malaman kung ano ang mga naging sira ng truck at mai-report niya agad sa amo niya. Isa pa gusto siyang makausap ng daddy mo kaya isasama rin natin siya pauwi sa mansiyon," paliwanag ng abogado.
""What? Why does he need to go to the house and talk to Daddy? I thought you already settled that?" yamot na sabi ni Tiffa, inis na inis siya kay Archer. Mayabang at arogante ang tingin niya sa lalaki.
"Everything can be resolved through a proper conversation, Ms. Tiffa. You can't rely on anger for everything, especially when you know within yourself that you're at fault. Your daddy requested for Archer to come to the mansion because he wanted to talk to him, I'm just following his orders," medyo napipikon na sabi ng abogado.
"Hmp! Ano na naman kaya ang pinaplano ni Daddy?"
"Archer pala ang pangalan ng mayabang na lalaking 'to, hindi bagay sa kaniya," bubulong-bulong na sabi ni Tiffa na siya lang ang nakakarinig."
"Are you saying something, Ms. Tiffa," tanong ng abogado, naririnig nito ang mahinang pagsasalita ni Tiffa mula sa likuran ngunit hindi naman niya maintindihan ang mga sinasabi nito. Para kasing bubuyog lang na napadaan sa tenga niya ang ginawang pagsasalita ng dalaga.
"Wala, Attorney! Wala akong sinasabi," pagsisinungaling ni Tiffa.
Tiningnan ni Archer mula sa dashboard mirror si Tiffa na nasa backseat. Nakita niya kung gaano katulis ang nguso ng dalaga. Panay ang salita nito na mag-isa at umiirap-irap pa ang mga mata. Natatawa na lamang na naiiling siya. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong klase ng babae. Aaminin niyang maganda si Tiffa. Iba ang itsura niya sa karaniwang babae sa kanilang probinsiya. Maputi ito at malasutla ang kutis. Malalaman mo naman talaga na anak mayaman ito sa itsura pa lang, kaya lang pagdating sa ugali ay parang hindi. Ang mga dalaga sa lugar nila ay mahinhin at pinong kumilos. Kapag nakikipag usap naman, lalo na sa mga lalaki ay medyo nahihiya pa. Malumanay sila kung magsalita, hindi katulad ng babaeng ito na akala mo dragon, na ano mang oras ay manununggab na lang at sasakmalin ka. Kung magsalita ay akala mo laging galit.
"Ano ang tinitingin-tingin mo d'yan?"
Napakislot si Archer nang biglang magsalita si Tiffa. Hindi niya namalayan na nakita pala siya nito sa salamin na nakatingin sa kaniya.
"Bakit masama bang tumingin? Tiningnan ka lang naman akala mo nabawasan ka na. Ginto ka ba? Kaya lang naman kita tinitingnan dahil para kang siraulo d'yan, nagsasalita kang mag-isa, wala ka namang kausap."
"Hoy, wala kang karapatan na pagsalitaan ako ng ganiyan. Hindi mo ba ako nakikilala?" matapang na tanong ni Tiffa.
Umiling si Archer. "Hindi, bakit sino ka ba?" parang balewala lang na tanong ni Archer.
"Ako si Tiffany Valencia ang nag-iisang anak ni Don Roberto Valencia at tagapagman ng Valencia Corporation."
"Ngayon? Ano naman sa akin kung ikaw si Tiffany Valencia na tagapagmana ng Valencia Corporatio?"
Napabuga ng hangin si Tiffa. "Did you see how rude and arrogant that man is, attorney? Kung tratuhin niya ako ay akala mo magka-level lang kami. Hindi niya ata alam kung ano ang pagkaka-iba ng langit at lupa," pagsusumbong ni Tiffa.
"Inaayon ko lang ang paraan ng pagsasalita ko depende sa taong kausap ko. Kung ano ang trato mo sa akin ay iyon din ang gagawin ko sa 'yo, naiintindihan mo? Matuto kang makipag usap ng maayos at kakausapin din kita ng maayos."
"Tsh! Ang mga kagaya mo ay hindi dapat kinakausap ng maayos at mahinahon. Ang taas ng tingin mo sa sarili mo."
"Tsk. Enough! Tama na nga ang pag-aaway ninyo, naririndi na ang tenga ko. Pwede ba manahimik na kayo!" inis na sabi ni Atty. Del Mundo, hindi siya makapag concentrate sa kaniyang pagmamaneho dahil sa pagbabangayan ng dalawa.
Tumahimik naman na si Archer bilang paggalang sa abogado. Si Tiffa naman ay masama ang loob. Ayaw niyang napagsasabihan ng ibang tao, lalo na ng mga katulad ni Atty. Del Mundo na tauhan lang naman at sinuswelduhan ng kaniyang ama. Kahit na mataas ang pinag-aralan nito ay mas mataas pa rin siya rito dahil mas mayaman siya. Iyon ang pananaw niya.