Chapter Eight•

2148 Words
Hindi pa kalayuan ang nabibyahe ng magkaibigan ay napagpasiyahan ni Archer na ihinto muna ang minamanehong truck para makakain sila ng maayos. Sa lilim ng puno ng mangga sa pinakagilid na bahagi ng kalsada doon napiling iparada ni Archer ang sasakyan dahil sa tingin niya ay mukhang safe naman na sila roon. Kinuha ni Binggo mula sa plastic bag ang pansit na naka-styro, inabot kay Archer ang isa at sa kaniya naman ang isa. Dumukot siya ng pandesal sa paperbag at dinalawang kagat lang iyon. Sa unang tikim pa lang ni Archer sa pansit ay nagustuhan na niya ito dahil malasa at hindi tinipid sa sahog. Naaalala tuloy niya noong buhay pa ang kaniyang ama at malakas pa ang kita nito sa talyer, madalas silang ipagluto ng kanilang ina ng pansit sa meryenda dahil paborito iyon ng kanilang ama. Magaling magluto ang kaniyang ina, asikasong-asikaso sila nito sa pagkain noong kalakasan pa nito at wala pang sakit. Lahat ng iluto ng kaniyang ina at ihain nito sa kanilang lamesa ay nagugustuhan ni Archer. "Tol, maganda rito sa Maynila, ano kaya kung makipagsapalaran tayo?" sabi ni Binggo. "Huh! Ano'ng ibig mong sabihin?" kunot noong tanong ni Archer. Nilingon siya ni Binggo at itinigil ang sana ay gagawing pagsubo ng pansit. "Ibig kong sabihin, kung mailap ang trabaho sa atin sa Santa Catalina, bakit hindi natin dito subukang maghanap ng trabaho? Sa dami ng mga establishment at mga kompanya rito baka may mapasukan tayo. Maganda kasi iyong may permanenteng trabaho hindi iyong araw-araw na lang tayong nag-iisip ng diskarte kung paano tayo magkaka-pera." Natawa si Archer sa sinabi ni Binggo. "Tsk! Sa atin nga hirap na tayong makahanap ng matinong trabaho dito pa kaya sa siyudad? Ang taas ng demand dito, kapag nag-apply ka ng trabaho kailangan may pinag aralan ka, may natapos ka. Kailangan din may backer ka para mabilis kang matanggap. Mahirap ang kompetisyon dito sa siyudad pagdating sa trabaho, marami nga graduate na ng college tambay pa rin," aniya sa kaibigan. "Weh! Paano mo naman nalaman ang mga iyan, eh hindi ka naman taga siyudad?" "Wala, naririnig ko lang sa mga taga lugar natin na sinubukan ang swerte nila sa Maynila. Hindi naman umabot ng buwan bumalik din sila." "Pero ikaw, tol, kung bibigyan ka ng pagkakataon na makapagtrabaho rito sa Maynila, gusto mo ba?" Umiling si Archer. "Ayoko," mabilis na tugon niya. "Ha! Bakit naman?" gulat na tanong ni Binggo. "Ayokong mapalayo kay Inay at sa mga kapatid ko. Gusto ko kasi lagi ko silang nakikita at nasisigurado ko na maayos sila. Lalo na si Inay, may sakit siya kaya kailangan namo-monitor ko palagi." "Oo naman, kahit naman ako gan'yan din ang iniisip ko, kaya lang kung may maganda namang opportunity rito, bakit hindi 'di ba? Mas mabibigyan mo ng magandang buhay si Aling Sonia at ang mga kapatid mo." "Ewan ko, Binggo, hindi ko iniisip ang bagay na 'yan, wala sa plano ko ang magtrabaho sa malayong lugar at mapalayo sa pamilya ko." Natahimik si Binggo, hindi na siya nakipag diskusyon pa kay Archer, dahil alam naman niya kung gaano kamahal ng kaibigan niya ang kaniyang pamilya. Nabubuhay si Archer para sa kaniyang ina at mga kapatid. Habang tahimik silang kumakain ay nagulat na lang sila ng may marinig na malakas na langit-ngit ng parang kumakaskas na gulong, maya-maya ay nayanig sila ng bigla na lang may malakas na pwersa ang tila ba bumangga sa likuran ng kanilang truck. Nabitawan ni Binggo ang hawak niyang pansit, tumapon iyon at nagkalat sa loob ng sasakyan dahil sa lakas ng impact ng pagsalpok ay muntik ng sumubsob ang mukha niya sa harapang bahagi ng sasakyan. Si Archer naman ay nabitawan din ang hawak na styro, mabilis siyang napakapit sa pintuan ng truck, ganu'n pa man ay nayanig pa rin ang katawan niya. "Huh! Ano 'yon?" gulat at naaalarmang tanong ni Binggo. "Hindi ko alam, may bumangga ata sa atin," sabi naman ni Archer. Sumilip sila sa likod ng truck at nataranta sila ng makita ang mga sako ng bigas na kanina lang ay maganda ang pagkakasalansan ngayon ay bigla na lang gumuho at tumapon sa lupa. "Huh! Ang mga bigas!" Dali-daling bumaba ang magkaibigan, halos lundagin na ni Archer ang pagbaba sa truck. Akala nila ay mahahabol pa nilang huwag tuluyang mahulog ang mga bigas kaya lang ay bumukas na rin ang dalawang gilid nito at tuluyan ng nagpadausdos ang mga sako at nagkani-kaniya ng bagsak. Napahilamos sa sarili niyang mukha si Archer dahil sa labis na pagkadismaya. Si Binggo naman ay napakamot na lamang sa kaniyang ulo. Wala na silang magawa para mapigilan pa iyon. Nangunot ang noo ni Archer nang mapabaling ang tingin niya sa sasakyan na bumangga sa kanilang truck. Nakita niya ang isang babae na sakay ng sasakyan na iyon na sa tingin niya ay siyang nagda-drive at nakabangga sa kanila. Dahan-dahan itong lumalabas ng sasakyan, sa mga kilos nito ay para bang may gustong takasan. Biglang nagdilim ang mukha niya. Mabibilis ang mga hakbang na tinungo niya ang babae na gusto silang takasan. Hindi niya pwedeng palagpasin ang malaking perwisyo na ginawa nito sa kanila. Bago pa ito tuluyang makatakas ay nahablot na niya ang kanang braso nito at pinigilan. Muntik nang mapalundag sa gulat si Tiffa, mabilis na pumihit ang kaniyang ulo patalikod para sinuhin ang pumipigil sa paglalakad niya. Nakita niya ang madilim na mukha ng isang matangkad na lalaki. May mga pansit pa na nakakapit sa suot nitong t-shirt at pantalon. Ang ilang hibla ng buhok nito ay may naligaw pang maliliit na hiwa ng carrots at repolyo. Gusto niya sanang matawa sa itsura nito kaya lang ng mapansin niya ang salubong nitong kilay at seryosong mukha ay bigla siyang nakaramdam ng takot. "Si-sino ka?" nauutal na tanong niya sa lalaki. "Teka nga, bitiwan mo ako, nasasaktan ako!" pasigaw na sabi ni Tiffa, pilit niyang pinapalis ang kamay ni Archer na mahigpit ang pagkakakapit sa kaniya. "At bakit naman kita pakakawalan? May balak ka pang takasan kami, matapos mo kaming banggain. Nakita mo ba ang ginawa mo sa mga bigas na karga namin? Nagkalat na lahat sa lupa, paano pa mapapakinabangan ang mga 'yan? Pati ang truck namin sinira mo, tapos gusto mo pa kaming takasan. Bayaran mo ang mga bigas at damage na ginawa mo sa truck namin." Nakaramdam ng inis si Tiffa, hindi niya gusto kung paano siya kausapin ng lalaking kaharap niya. "Bakit ko, babayaran ang mga 'yan? Aksidente ang nangyari, wala akong kasalanan, nakita mo nga ang laki rin ng naging damage ng sasakyan ko. Alam mo ba kung gaano kamahal 'yan?" "Wala akong pakialam kahit ginto pa 'yang sasakyan mo! Ikaw ang bumangga sa amin, ikaw ang may kasalanan. Nanahimik kami rito sa gilid. Paano mo nasabing hindi mo kasalanan kitang-kita naman ang ebidensiya. Wala na nga kami sa highway, binangga mo pa kami." "Ah, basta, hindi ko babayaran 'yan. Kayo ang dapat magbayad sa akin dahil sinira ng truck ninyo ang sasakyan ko!" pasinghal na sabi ni Tiffa. Huminga ng malalim si Archer. Pinigilan niyang huwag magalit sa babaeng kaharap kaya lang talagang iniinis siya nito at may gana pang magmatapang kahit napakalinaw naman ng ebidensiya na siya ang may kasalanan. "Tsk! Sayang, maganda pa naman sana kaso parang may sayad!" bulalas ni Binggo. Kanina pa niya pinanunuod ang pagtatalo ng dalawa at alam naman niya na wala talaga sa katwiran ang babae ngunit ipinipilit pa rin nito na wala siyang kasalanan at ginagawa pa nitong baliktarin ang mga pangyayari. Sino ba naman ang hindi mag-iisip ng hindi maganda sa babaeng ito na parang iba naman ang takbo ng utak "Ang mabuti pa pumunta tayo sa police station. Kung may reklamo ka sa amin ay doon tayo mag-usap para mapatunayan na rin kung sino talaga sa atin ang may kasalanan." "No. I won't do that let go off me! May pupu tahan pa ako at kailangan kong magmadali." "Ano? Mas mahalaga pa sa'yo ang lakad mo kaysa dito sasakyan mo na nasira na dahil sa kagagawan mo? At paano naman ang danyos na ginawa mo sa amin?" hindi makapaniwalang tanong ni Archer. Nasapo niya ang sariling noo dahil sa matinding pagkadismaya sa kaniyang kausap. "Look! I have no time for this. If you want a settlement I can't give you that. Over my dead body na bibigyan ko kayo kahit na piso! Kilala ko ang mga kagaya katulad ninyo, mga abusado kayo at hindi nakukuntento. Once na bigyan kayo ng pera ay maghahangad pa kayo ng mas malaki. Iba-black mail ninyo ako at magde-demand pa na bigyan ulit, hangga't may mahuhuthot ay hindi ako titigilan." Hindi na mapaniwalaan ni Archer ang lumalabas sa bibig ng kaniyang kaharap. Kung lalaki lang talaga ito ay kanina pa niya ito nasapak dahil sa kagaspangan ng ugali nito at sa mga masasamang salita na lumalabas sa bibig nito. "Alam mo, Miss, sumusobra ka na. Hindi mo kami kilala para pag-isipan kami ng ganiyan. Kung may karanasan kang ganiyan sa ibang tao ay huwag mong idamay lahat. Hindi porke't mayaman ka ay kayang-kaya mo na kaming maliitin at hahayaan ka na lang namin. May ginawa kang kasalanan kaya dapat kang magbayad." "Wala akong panahong makipag usap sa'yo, mister. May halagang bagay akong dapat na asikasuhin." Kailangang makaalis ni Tiffa. Magkikita sila ng boyfriend niya at kapag hindi siya dumating ng tama sa oras sa meeting place nila ay siguradong iiwan na siya ni Andrew. Isa pa, alam niyang mapapagalitan na naman siya ng kaniyang ama. Kapag nalaman nito ang ginawa niya sa sasakyan nito ay siguradong grounded na naman siya at baka mas malaking parusa pa ang ibigay nito sa kaniya. May isang tao siyang alam na aayos ng gusot niya, iyon ay walang iba kung hindi si Atty. Del Mundo, ang abogado ng kanilang pamilya.Kahit hirap makakilos dahil ayaw siyang pakawalan ni Archer ay sinikap pa rin niya na makuha sa kaniyang dalang bag ang tarheta ng kanilang abogado. "Oh, ayan, calling card ng attorney ko 'yan. Iyan ang kausapin ninyo at huwag ako. Kailangan ko ng umalis, tawagan niyo siya sa kaniya kayo makipag usap." Kinuha ni Archer ang inabot ni Tiffa at saglit na binasa. "Bitawan mo na ako, ano ba? Ibinigay ko na sa 'yo ang contact number ng abogado ko kaya pakawalan mo na ako, bahala na kayong mag-usap kailangan ko nang umalis," mataray na sabi ni Tiffa. Nagsalubong ang kilay ni Archer. "At paano naman ako makakasigurado na nagsasabi ka ng totoo? Paano kung niloloko mo lang kami? Hindi ka pwedeng umalis hangga't hindi naayos ang kasong ito, huwag mo kaming tatakasan," inis na sabi ng binata. Napabuga ng hangin si Tiffa. Hindi niya mapaniwalaan kung paano siya tratuhin ng lalaking ito, samantalang ginagalang siya ng marami. "Hoy, nasaksaktan na 'ko! Bitiwan mo na nga ang braso ko, baka mahawa pa ako ng galis mo, kadiri!" sabi ni Tiffa na tila ba diring-diri kay Archer. "Huh! Galis? Anong galis ang pinagsasabi mo d'yan? Wala akong galis, huwag ka ngang maarte d'yan. Akala mo naman gusto kitang hawakan. Hoy! Kahit anong puti at kinis pa ng kutis mo ay hindi ako humahanga. Mas humahanga ako sa mga taong simple lang hindi sa mga taong maganda nga pero pangit naman ang ugali." "Ah ganun! Sinabi mo bang pangit ang ugali ko?" "Oo, ang pangit ng ugali mo, hindi ka lang mapang-mata, mayabang ka pa!" "Hah!" Bumuga na naman ng hangin si Tiffa at inirapan si Archer. Hindi niya talaga lubos maisip na may lalaking malakas ang loob na kalabanin siya at pagsabihan ng kung ano-ano. "Humanda ka sa akin. Isusumbong kita sa Daddy ko, ipapakulong ka ng daddy ko. Napakabastos mo, wala kang modo! This is harrassment, I will file a case against you!" pananakot ni Tiffa. "Bahala ka! Magsampa ka ng kaso kung gusto mo. Wala akong ginagawa sa 'yo, ikaw itong hindi makausap ng maayos at kung ano-ano pa ang mga panlalait at pangma-maliit na pinagsasabi mo sa akin. At tungkol naman dito, hindi kita binibitawan dahil alam kong tatakasan mo lang kami," sagot ni Archer sa mga akusasyon ni Tiffa. Nang maalala niya ang hawak na tarheta ay binalingan niya ang kaniyang kaibigan. "Binggo, kunin mo 'tong calling card na 'to at tawagan mo ang numero na nakalagay d'yan, hanapin mo ang pangalan na nakasulat d'yan. Kung totoo ngang abogado 'yan papuntahin mo rito ngayon din." "Oo, sige, tol!" maagap na sagot ni Binggo. Kinuha nito ang inaabot ni Archer. "Hmp! Sabi ko naman sa'yo, abogado ko 'yan. Akala mo naman nagsisinungaling ako," paismid na sabi ni Tiffa. Hindi naman nagsalita si Archer sinamaan lang niya ng tingin ang dalaga. Samantalang si Binggo naman ay dali-daling kinuha sa truck ang cellphone na pahiram sa kanila ni Mang Melchor. Ito ang ginagamit nila kapag tinatawagan nila ito, kapag may tanong sila at kapag nagre-report sila rito sa nangyayari sa kanilang biyahe. Ginamit niya iyon na pantawag sa abogado na sinasabi ni Tiffa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD